Paakyat na sana sa bus si Marcus pero may biglang sumingit na babae sa kan’yang unahan. Mukhang nagmamadali ito at natataranta na tila ba hinahabol ito ni kamatayan. Napatingin naman siya sa paligid, wala naman siyang nakitang humahabol sa babae. Pero may nahagip siyang mga armadong lalaki na nagkalat sa lugar. Muli niyang ibinalik ang tingin sa babae na nasa unahan niya. Napailing na lang siya habang sinusundan ng tingin ang likod ng babae na doon tumungo sa pinakadulong bahagi ng bus, at doon ito naupo.
Siguro inakala ng babae na maiiwanan na ito ng bus kaya siguro ito nagmamadali kanina. Nang sipatin naman niya ang mga pasaherong naroon ay kaonti pa lang naman.
“Hindi man lang marunong mag-excuse.” bulong niya habang naghahanap ng mauupuan sa loob.
Kahapon ay may babae rin na bumangga sa kan'ya at hindi rin ito humingi ng paumanhin. Nainis na lang siya na sinundan iyon ng tingin. Ewan ba niya kung ano ang nangyari sa babaeng nakabangga niya kahapon, sa galaw kasi nito ay tila nakakita ito ng multo.
Iwinaksi na lang niya sa isipan ang insidenteng iyon.
Nasiraan siya ng kotse kanina habang binabagtas niya ang daan patungo sa Calapan. Hindi niya maintindihan kung papano iyon nangyari samantalang bago siya umalis ay sinigurado naman niyang maayos ang makina. Kaya naman laking gulat niya kanina nang magkaroon ng aberya.
Kaya napagpasyahan na lang niya na mag-bus pabalik ng Maynila. Iniwan na lang niya ang kotse sa isang talyer ng sasakyan, at ipapakuha na lang niya ito sa tauhan. Hindi na rin siya nag-abala pang magpasundo dahil okay na para sa kan'ya ang mag-bus total hindi naman siguro gano'n ka haba ang biyahe nila. At isa pa ay gusto niya rin maranasang mag-commute.
Calapan to Batangas port ang biyahe nila ngayon. Well, medyo matagal-tagal nga ang lalakbayin niya. Pero ayos lang iyon para sa kan'ya. Nagbulongan pa ang mga pasaherong naro’n nang dumaan siya sa gitna upang maghanap ng kan’yang mauupuan.
“Ang guwapo naman niya! Artista ba ‘yan?” bulong ng isang babae sa katabi nitong babae.
“Oo nga eh! Ang laki ng katawan niya, sarap magpayakap!” kinikilig rin na sagot ng katabi nito.
Umiling na lang si Marcus sa mga narinig. Nakahanap naman siya ng bakanteng upuan na nasa dulo kaya doon siya naupo. At dahil nga sa malaki siyang tao ay halos magsikip ang dalawang binti niya sa kinauupuan. Hindi rin niya iyon maunat ng mabuti.
”Shit.” bulong niya habang pilit inaayos ang pag-upo. Mukhang naninibago kasi siya pero hindi na siya aatras pa.
Si Marcus Rocco Velasquez ay isang mayamang negosyante. Thirty two at single. Malaki ang pangangatawan, matangkad na lalaki at guwapo. Nag-iisang anak at tanging tagapagmana ng lahat na pag-aari ng kan’yang yumaong mga magulang.
Ang mga negosyong pinamamahalaan niya ngayon ay Restaurants, Malls, Resorts at pati na rin ang International shipping line.
Madalas siyang abala sa mga trabaho kaya bihira siya kung umuwi sa kanilang mansyon. Ang pangalawang ina niya ang nag-aasikaso ng mga gagamitin niya sa tuwing sa opisina siya naglalagi. Pinagluluto rin siya nito at pinapadalhan ng pagkain, bagay na ipinagpapasalamat niya. Iba pa rin kasi talaga ang lutong bahay.
Napalingon pa siya sa unahan nang makita ang mga armadong lalaki na pumasok sa loob ng bus. Tila may hinahanap ang mga ito.
“Sino kaya ang hinahanap nila?” tanong ng isang babae sa kasama nito.
“Huwag kang chismosa d’yan. Tumahimik ka na lang.” pagsagot naman ng lalaki sa katabing babae. Nainis ang babae sa sinagot nito kaya malakas nitong binatukan ang lalaki.
Umiling-iling si Marcus saka ibinaling ang tingin sa kabilang upuan na nasa kanan niya.
Nangunot ang noo niya nang mamukhaan ang suot ng isang babae. Iyon ang babaeng bumangga sa kan'ya kanina.
“Bakit mukhang takot na takot siya?” bulong niya sa sarili habang pinagmamasdan ang babaeng nakayuko. Tinatakpan nito ng backpack ang mukha na tila ba ayaw nitong may makakilala rito.
“Mga kabataan nga ngayon.Tsk! Siguro pinagalitan 'to ng mga magulang kaya nag-alsa balutan.” mahinang wika niya sa isiping nilayasan ng dalagita ang mga magulang nito. Mukha kasi itong naglayas.
Napatingin pa sa harapan si Marcus nang bigla ay may nagsalita.
“May nakapansin ba sa inyo sa babaeng ito?” tanong ng isang lalaki habang may pinapakitang litrato sa mga pasahero.
Umiling ang ilan patunay na wala silang napansin. May ilan naman na sinisipat ang mukha ng nasa picture, at napailing rin nang hindi nila ito makilala.
Napasulyap siya sa babaeng nasa sa kanan niya nang maramdaman niyang hindi ito mapakali sa kinauupuan. Sa tingin niya ay ito ang hinahanap ng mga armadong iyon dahil bakas sa galaw ng babae na takot na takot ito at pilit na sinisiksik ang sarili sa isang sulok para hindi ito makita. Lalo pa ito hindi mapakali nang maramdaman siguro na papalapit na ang armadong lalaki sa kinaroonan nila. Napalingon pa si Marcus nang marinig ang boses ng isang lalaki. Ngayon niya lang napansin na nakatayo na pala ito sa may harapan niya.
“Ikaw boss, napansin mo ba itong magandang binibini?” tanong sa kan'ya ng lalaki habang pinapakita nito ang isang larawan ng babae.
Hindi nito napansin kaagad ang babaeng nasa kanan niya na tinatago ang mukha gamit ang backpack.
Tiningnan niya ng maigi ang mukha ng nasa larawan. Maganda ito at maamo ang mukha. At sa tantiya niya ay dalagita pa lang ito. Muling binalingan ni Marcus ang babaeng natatalikdan ngayon ng lalaking nasa harapan niya. Hindi niya maintindihan ang sarili dahil masama ang kutob niya.
At mali yata ang ginawa niya dahil sinundan din ng tingin ng lalaki kung saan siya bumaling. Agad niyang inayos ang upo at inaalis muna ang bara sa lalamunan bago sinagot ang lalaki na akma sanang titingnan ang babaeng nagsusumiksik pa lalo sa upuan.
“Doon ko nakita 'yan sa karenderya kanina, at mukhang nagmamadali nga, eh.” sabi niya sa lalaki na napatigil sa akma sana nitong gagawin.
Baka kasi anong gawin ng mga ito sa dalagita. At karmahin pa siya dahil wala siyang ginawa. Base kasi sa nakikita niya ay mukhang hindi basta-basta ang mga taong ito lalo na may mga b***l pa. At kahit hindi niya makita ng maigi ang mukha ng babaeng ito ay tukoy na niya na ito nga ang hinahanap ng mga armadong ito dahil na rin sa ikinikilos ng dalagita.
“Gano’n ba boss? Pero sino naman—”
“She’s my girlfriend and don’t you dare lay your f*****g hands on her kung ayaw mong maputulan ng mga kamay!” pigil niya sa akmang pagsipat ng lalaki sa dalagita.
Tinitigan siya ng mariin ng armadong lalaki. Siguro napansin nito na hindi siya basta-basta lang na tao, dahil na rin sa tindig niya at sa ma-awtoridad niyang tono. Pero inusisa pa rin siya nito.
“Kung girlfriend niyo siya boss, eh, bakit diyan ‘yan nakaupo? At bakit hindi sa tabi mo?” may halong pagdududa ang boses ng lalaki.
Doon ay napatahimik si Marcus. Ano ba ang isasagot niya? Kailangan niyang mag-isip dahil nakialam na siya. Nagulat pa siya sa kan’yang sarili dahil hindi niya inaasahan ang isasagot niya sa lalaki.
“She’s pregnant at nababaho-an siya sa’kin kaya diyan siya naupo. So okay na ba?” asik niya na pinasama pa ang mukha para epektibo ang kan’yang pag-acting.
Agad naman napatawa ang armadong lalaki sa sinabi niya.
“Naku, patay ka niyan boss! Buntis pala iyang girlfriend mo? Siguradong pinaglilihian ka niyan. Kaya ayaw ka maamoy at makatabi!” tatawa-tawang wika ng lalaki kay Marcus.
Mukhang napaniwala nga niya ang tukmol kaya napahinga siya ng malalim. Mahina rin siyang napatawa dahil sa kalokohan niya.
“Yeah, mukha nga, eh... Kaya siguro ayaw niya akong katabi...” pinalungkot pa niya lalo ang mukha.
Mukhang nakalimutan na nga ng tukmol ang pakay nito dahil nakipag-usap na lang ito na parang magka-barkada sila ni Marcus.
“Gan’yan talaga boss. Asawa ko nga dati gan’yan rin, eh! Binabato pa nga ako ng mga pinggan dahil ayaw niya makita ang guwapo kong mukha nyahaha!” dagdag pa nito na-ikinaubo naman ni Marcus. Tumango-tango na lang din siya bilang pagsang-ayon sa sinabi nito.
Nang maalala niya ang tungkol sa babaeng hinahanap nito ay pa-simple siyang nagtanong.
“Puwede ko bang malaman kung ano ang atraso ng babae na hinahanap niyo?” tanong niya sa lalaki.
Napakamot naman ito sa ulo at tila nag-iisip pa ng isasagot sa kan'ya.
“Naku, kuwan boss... Nagnakaw siya, boss. Tama, nagnakaw nga at medyo malaki ang ninakaw sa amo namin, eh.” sagot nito.
Tumango naman siya. Maya-maya pa ay tinawag na ito ng kasamahan nito. Pinagalitan pa ito dahil chismis daw ang inaatupag imbes na hanapin ang dapat na hanapin.
“Uh, nagnakaw pala.” bulong niya.
Pero hindi naman siya basta naniniwala sa sinabi ng lalaking iyon. At hindi niya ugali na maniwala kaagad sa mga naririnig o sabi-sabi lang. Maliban lang kung siya mismo ang nakahuli na nagnakaw ang isang tao. Sa panahon pa naman ngayon na maraming nagkalat na fake news.
Sinulyapan niya ulit ang babae sa kanan niya. Nakaayos na ito ng upo habang pasilip-silip pa sa mga kaganapan sa labas. Na-pirme lang ito nang mag-umpisang lumarga ang bus na sinasakyan nila.
Bumaling ito sa kaniya at gano'n na lang ang awang naramdaman niya nang makita ang malaking pasa nito sa mukha. Pati ang bibig nito ay may sugat rin.
Makikita sa itsura nito ang ka-inosentehan at mukhang hindi naman gagawa ng kalokohan ang babaeng ito.
Matangos ang ilong, mahahaba ang natural na pilikmata, may labing mapupula na animo'y naghahamon ng halikan dahil sa pagka-pout no’n. Mahaba ang bagsak at maitim nitong buhok, at makinis ang mga balat nito.
Nang ngumiti ito sa kaniya ay saglit napatigil ang kan’yang paghinga dahil sa mapuputi at pantay nitong mga ngipin.
What a beautiful smile! naisarili ni Marcus.
Hindi niya maiwasang humanga sa natural nitong kagandahan. Sa tantiya niya ay batang-bata pa nga ito. Napapaisip siya kung ano ba talaga ang atraso nito at bakit ito hinahabol ng mga taong iyon.
Muling bumalik ang tingin ni Marcus sa mga labi ng dalaga. Nangunot ang noo niya habang tinititigan ang labi nitong may sugat, na siyang ikinatigil naman ng babae sa pag-ngiti sa kan’ya. Napayuko pa ito na tila nahihiya.
"H-hindi po ako magnanakaw s-sir.” mahinang sabi ng dalaga. Napatigil si Marcus nang marinig ang boses ng dalaga. Parang narinig na kasi niya iyon pero hindi niya matandaan kung saan. Nagkibit-balikat na lamang siya.
“Huwag kang mag-alala dahil hindi naman ako naniniwala sa sinabi ng lalaki kanina.” pagsagot niya sa sinabi nito.
Muli itong ngumiti at nagsalita.
“Maraming salamat po sa pagligtas mo sa akin, sir. Hindi ko po ito makakalimutan.” magalang na wika nito na mukhang kinakabisado pa ang kan’yang mukha.
Tumango naman si Marcus sa dalaga bilang pagtugon sa sinabi nito. Hindi na rin niya alam kung ano pa ang sasabihin kaya pinili na lang niyang manahimik.
Hindi nagtagal ay nakatulog na ang dalaga habang nakaunan ito sa backpack nito. Pinasadahan niya pang muli ng tingin ang kabuuan ng dalaga. Tumigil ang mga mata niya sa mga labi nitong may sugat. At hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nakaramdam siya ng inis at parang gusto niya i-untog ang ulo ng taong gumawa nito sa dalaga.
Pinilig niya ang ulo upang maiwaksi iyon sa kan’yang isipan. Sinuot niya ang takip sa mga mata at kinuha ang neck pillow. Umayos siya ng upo, at hindi naglaom ay nakaidlip na rin siya.