“Batangas! Batangas!”
Na-alimpungatan pa si Christine nang marinig ang sigaw ng kunduktor. Agad siyang napasilip sa bintana ng bus upang tingnan kung nasaan na siya ngayon.
Madilim na sa labas at mga barko na dumadaong sa pampang ang nakikita niya. Sa tingin niya ay nasa Pier na sila sa mga sandaling ito.
“Papuntang Batanggas na ba ‘to?” bulong niya sa sarili.
Wala naman siyang alam sa mga lugar na dadaanan niya papuntang Maynila dahil ngayon lang naman siya bumiyaheng mag-isa.
Medyo kinakabahan nga siya, pero mas maigi na ito kaysa naman makuha siya ulit ng Matandang panot na iyon na malaki ang pagnanasa sa kan’yang katawan.
“Miss, baba ka na. Hanggang dito na lang ang biyahe namin. Kung sasakay ka ng barko na Batanggas port, halika ka ihahatid kita roon.” pahayag pa ng matandang konduktor.
Napatayo siya sa upuan at napatingin sa paligid, siya na lang pala ang pasaherong natira do’n.
“O-opo manong. Salamat po.” ani niya na nahihiya pa dahil sa isiping siya na lang pala ang naiwan na pasahero.
Kinuha niya ang backpack at naglakad upang tumungo sana pababa ng bus, pero bago siya tuluyang nakababa ay kinausap pa siya ng konduktor.
“Alam mo ba kung saan ka pupunta, Ineng? Baka maligaw ka niyan. Mukhang baguhan ka lang kasi sa biyahe,” anang matanda na mabait naman ang itsura at sa tono ng pananalita nito ay may pag-aalala ito.
Ngumiti siya sa matanda. Mukhang tatay lang kasi ito na nag-aalala sa kan’yang anak.
Hindi siya nakatiis kaya naman inamin niya rito ang totoo, na hindi talaga niya alam kung saan ang punta niya. Akala niya kasi noon kapag na pupunta ka ng Maynila ay isang sakay lang, na malapit lang. Pero napatunayan niya ngayon na hindi pala.
“Ah, eh, ang totoo po n’yan Manong. H-hindi ko po alam ang sasakyan ko papuntang M-maynila.” pag-amin niya.
Napakamot naman sa ulo ang matandang lalaki.
“Iyan na nga ba ang sinasabi ko. Bakit ka ba kasi naglayas? Sa panahon ngayon ay maraming mga manloloko ang sa paligid na nagkalat, at kung ma-tyempuhan ka ay kawawa ka,” sermon sa kan'ya ng matanda.
Napayuko na lang siya sa sinabi ng Matandang konduktor. May punto naman kasi ang sinabi nito. Pero iisipin pa ba niya iyon kung ang mahalaga lang sa kan’ya ngayon ay makatakas?
Sa probinsya nila ay marami ng krimen ang nagaganap paano pa kaya sa lugar na pupuntahan niya na madalas ibalita sa Tv? Pero wala siyang choice kundi ang makipagsapalaran, kailangan niyang mahanap ang ninang niya dahil iyon na lang ang puwede niyang takbuhan ngayon. At hindi na rin siya puwedeng umatras pa dahil kapag nahuli siya ng mga tauhan ni Panot at mai-balik siya doon sa mansion, tiyak na malala ang aabutin niya. Baka hindi na nga siya sisikatan ng araw!
“M-may ninang po ako sa Maynila, Manong. Pupunta po ako do’n para hanapin siya.” aniya na parang maiiyak na dahil sa isipin na kung paano hahanapin ang ninang niya pagdating niya do'n.
“Naku, Ineng. Ang laki ng Maynila at kapag hindi mo alam ang pasikot-sikot doon ay puwede kang maligaw. At kung mamalasin ka rin do’n baka maging palaboy-laboy ka na lang sa kalye.” Napailing pa ang konduktor sa sinabi nito. “Pero alam mo ba kung saang lugar sa Maynila nakatira ang ninang mo?" kapagkuwan ay tanong ng konduktor.
“May iniwan po siyang sulat sa’kin dati,” agad niyang kinuha sa bag ang wallet. Hinahanap niya roon ang maliit na papel at pinakita iyon sa konduktor.
Agad naman iyong binasa ng matanda.
“May cellphone din po akong di-keypad, tatawagan ko na lang ang numero ni Ninang pagkarating ko sa Maynila.” wika pa ni Christine.
Binalik ng matanda sa kan'ya ang papel kaya siniksik niya ulit iyon sa wallet niya para hindi ito mawala.
“Mabuti naman kung gano’n.” saad ng matanda.
Nang tuluyan siyang makababa ng bus ay napatingin siya sa buong paligid.
“Saan po pala ako sasakay ngayon?” tanong ni Christine sa matandang konduktor. Hindi kasi niya alam kung saan siya pupunta o aling barko ang sasakyan niya dahil hindi lang naman nag-iisa ang barko sa paligid niya. Marami.
“Nakita mo ba ang barko na iyan?” sabay turo ng konduktor sa isang Ferry.
“Doon ka sasakay ngayon, pupuntang Batanggas port iyan. Pagkababa mo ng Batanggas, sumakay ka ulit ng bus na papuntang Maynila. Tapos sabihin mo sa driver na ibaba ka sa Cubao. At kapag nasa Cubao kana, doon ka mag-abang ng sasakyan mo papunta sa address na nakalagay sa papel. Huwag mo rin kalimutang magtanong-tanong para hindi ka maligaw. Tandaan mo, delikado sa Maynila kaya huwag kang basta-basta maniniwala sa hindi mo kilala ha? Baka mapahamak ka, maganda ka pa namang bata.” mahabang paliwanag ng konduktor sa kan'ya. Mabuti na lang mabilis ang utak niya kaya nakabisado niya kaagad ang sinabi nito.
“Opo, maraming salamat po.” magalang na sagot niya sa matanda.
“Pero bago ka sumakay do’n ay kakain ka muna. Mukhang hindi ka pa kasi kumakain. Saka, bawal pa lang sumakay ang pasahero do’n na walang laman ang tiyan. Kaya sumama ka muna sa’kin.” natawa naman si Christine sa sinabi nito. Alam niyang binibiro lang siya ng konduktor. Pero dahil kanina pa nga siya nakakaramdam ng gutom ay sinang-ayonan na lang niya ang hiling nito.
“Sige po,” wika niya saka ito sinundan.
Sa isang simpleng kainan siya dinala ng konduktor. Simple ang lugar pero masasarap ang mga pagkaing inihahain doon kaya hindi maiwasang matakam ni Christine.
Nang bayaran na ng bill ay napanganga ang dalaga. Ang lakas ng loob niyang maki-kain samantalang wala naman pala siyang pambayad! Natataranta niyang sinipat ang laman ng pitaka, tatlong-daan lang ang pera niya do’n. Paano pala siya makakarating ngayon ng Maynila kung tatlong-daan lang ang kuwarta niya?
Hindi naman puwedeng langoy-in niya ang malawak na karagatan dahil tiyak na hindi pa siya nakakarating sa gitna, wala na ang kalahating katawan niya. Baka kainin pa siya ng mga pating!
Bahala na nga!
“Manong, heto po.” sabay abot niya ng pera sa konduktor. Wala siyang choice kundi ibigay iyong natitira niyang pera dahil kumain siya. Saka sa panahon ngayon ay wala ng libre.
Pero nagulat pa si Christine nang tanggihan ng matanda ang perang binibigay niya.
“Naku, hindi mo na kailangan mag-bayad, Ineng. Sagot ko na ito lahat—”
“Ay, hindi po, Manong. Magbabayad po ako ng kinain ko, nakakahiya naman po sa inyo kung kayo pa ang magbabayad no'n.” ani ng dalaga na pilit binibigay sa matanda ang pera pero ibinalik lang iyon ng matanda sa palad niya.
“Ako nang bahala, Ineng. Huwag ka ng makulit,"
Walang nagawa si Christine kundi ibalik ang pera niya sa loob ng pitaka.
“Pasensya na po kayo, Manong. At maraming salamat po.” nahihiyang turan niya.
Ngumiti naman ang matanda sa kan'ya.
“Naku, wala iyon. Halika na, ihahatid na kita sa pier.”
Samantalang parang ayaw naman tumayo ni Christine. Hindi dahil sa nabusog siya ng sobra kundi dahil sa isiping wala siyang pamasahe sa barko. Saan aabot ang tatlong-daan niya? Eh, pang cup noodles lang yata ang mabibili niya sa perang meron siya ngayon.
“Dios miho Marimar!” wala sa loob na sambit niya.
“Ineng, huwag ka nang mag-isip ng malalim d’yan, alam kong wala kang pera, pero huwag mo naman kausapin ang sarili mo, baka masiraan ka ng bait.” untag ng matanda sa dalaga.
Napakamot naman sa ulo si Christine. Mukhang magpapaiwan na lang siya sa barko ngayon dahil wala siyang pamasahe.
Napapitlag pa siya nang hawakan ng matanda ang kamay niya na tila may sinisiksik ito roon.
“Hala, ano ‘yan, Manong?” nataranta siyang binawi ang mga kamay nang makita niyang pera pala iyon. Bakit naman kasi siya bibigyan ng gano’n kalaking halaga ng konduktor?
“Pera ‘yan, Ineng, nakita mo naman 'diba? Para sayo talaga ’yan, bigay ng isang concern citizen kaya bawal tanggihan. Kaya tanggapin mo na para makasakay ka na ng barko dahil papaalis na ‘yon, baka maiwanan ka pa.” anang matanda na tinuro pa ang barko na malapit nang lumarga sa karagatan.
“Pero, Manong—”
“Sige na, tanggapin mo na. Basta mag-iingat ka sa Maynila. At tandaan mo ang mga binilin ko sayo,”
Napaluha naman si Christine sa mga sandaling iyon. Hindi niya lubos maisip na may mga tao pa pala na may mabubuting kalooban. Buong puso niyang tinanggap ang pera at agad niya iyong ipinasok sa loob ng bag.
“Maraming salamat po talaga—teka, ano po pala ang pangalan mo?”
“Ako si Nestor,” pakilala ng matandang konduktor.
“Ako naman po si Christine. Maraming salamat po ulit Mang Nestor, hindi ko po kayo makakalimutan.” taos pusong pasasalamat ni Christine sa matanda.
“Walang anuman, Ineng. Sige na, mag-iingat ka na lang ha.” anang matanda.
Tumango naman si Christine.
Pinangako niya sa kan’yang sarili na kapag dumating ang araw na uunlad ang buhay niya, ay hahanapin niya ang matanda at muling papasalamatan sa ginawa nitong kabutihan sa kan’ya.
Nang maka-akyat siya sa taas ng barko ay agad siyang naghanap ng mauupuan. At nang maka-upo siya ay agad siyang umusal ng panalangin.
At muli ay binalingan niya ang lugar kung saan siya lumaki.
Goodbye for now, Mindoro!
PAGDATING ni Marcus sa Batangas ay tinawagan niya ang isa sa mga tauhan niya upang sunduin na lang siya roon. Nangangalay na kasi ang mga binti niya sa mahabang biyahe. At habang hinihintay niya ang pagdating ng susundo sa kanya ay naghanap muna siya ng puwedeng pahinga-an.
Sa isang Hotel siya tumuloy. Pagkapasok pa lang niya sa silid ay agad niya hinubad ang lahat ng saplot dahil nangangati na ang kan’yang katawan at pakiramdam niya ay ang lagkit-lagkit na niya. Habang nasa ilalim siya ng tubig ay naalala niya ang babae sa bus. Tulog ang iyon nang umalis siya.
Sinubukan naman niya itong gisingin, pero hindi ito natinag.
Kaya bago siya bumaba ng sasakyan ay ibinilin niya ang babae sa konduktor na alam niyang mapagkakatiwalan.
“Manong, may naiwang pasahero sa taas, babae, tulog e. Baka puwedeng bantayan niyo muna siya hanggang sa magising siya?”
“Gano’n ba sir? Sige po, huwag po kayong mag-alala ako na po ang gigising sa kanya mamaya. Hindi pa naman kami lalarga.” sagot ng konduktor
“Salamat po, saka kung puwede ay usisain niyo siya kung saan ang punta niya, baka mapahamak e, mukhang naglayas kasi.”
Wow, Marcus! Kailan ka pa naging gan’yan? ipinilig ni Marcus ang ulo niya para maiwaksi ang katanongan na iyon sa isip niya.
“Sige, sir. No problem.”
Kumuha siya ng tig-iilang libo sa wallet at ibinigay iyon sa konduktor.
“Heto po, Manong,” sabay abot niya ng pera sa lalaki, “kayo na ang bahala sa kan’ya mamaya. Pakainin niyo siya mukhang wala pang kain e, saka bigyan niyo na rin ng cash, ang sobra sa inyo na po,”
“Naku Sir, mukhang nag-aalala talaga kayo sa kan’ya a. Kakilala mo ba siya sir?”
“No. Concern lang ako sa kan’ya, kawawa e.”
Concern your a*s, Marcus! singit na naman ng utak niya.
Tumango-tango naman ang konduktor sa sinabi niya. “Sige sir, ako na ang bahala sa kan’ya. Saka salamat po dito,” wika nito na ang tinutukoy ay ang perang binigay niya.
“Okay.” tipid na sagot niya.
Bago siya umalis sa lugar na iyon ay muli siyang bumalik sa loob ng bus upang tingnan ang babae. Napangiti pa siya nang marinig ang paghihilik nito. Pero nakaramdam rin siya ng panghihinayang dahil hindi na niya ito makakasabay sa biyahe.
Napabuntonghininga na lang siya bago nilisan ang lugar na iyon.
Napabalik sa kasalukuyan si Marcus nang marinig ang pagtunog ng kan’yang cellphone. Kasalukuyang nagbibihis na siya sa mga sandaling iyon. Nang makita kung sino ang caller niya ay agad niya iyon sinagot.
“Hello, Nay?”
“Marcus, anak, kumusta ka d’yan?” wika ng matanda sa kabilang linya.
“I’m okay po, nasa Hotel ako ngayon habang hinihintay ko ang pagdating nina Jack.” ang tinutukoy niya ay ang tauhan na susundo sa kan’ya ngayon gamit ang Chopper.
“Mabuti naman at naisipan mong magpasundo, Anak. Ikaw naman kasi e, may pa commute ka pang nalalaman e, puwede ka naman magpasundo na lang,” Natawa naman siya sa panenermon nito.
“Gusto ko lang subukang mag-bus ng matagal, Nay. Pero masakit pala sa binti, hindi ko na kayang magtagal,” napatawa pa siya sa huling sinabi. Totoo naman kasi ‘yon.
“Ang tigas kasi ng ulo mo e. O siya, ibababa ko na ‘to, mag-iingat ka d’yan.” wika ng matanda bago nito binaba ang tawag.
Nagngingiting ibinalik ni Marcus ang cellphone sa mesa. Kapagkuwan ay nahiga siya sa kama. Hindi naglaom ay mabilis siyang nakaidlip. Pero bago siya tuluyang lamunin ng dilim ay pumasok sa balintataw niya ang mukha ng babae sa bus.