Maingay, magulo at maraming tao. Iyan ang unang napansin ni Christine nang makarating siya sa lungsod ng Maynila.
Tumigil ang bus na siyang sinasakyan niya sa Cubao, at doon ay nakita niya kung gaano karami ang mga tao na nandoon habang pakalat-kalat sa paligid. Ang iba naman ay nag-aabang ng masasakyan sa kung saan man ang punta ng mga ito.
Sukbit ang dala-dala niyang backpack ay mabilis siyang bumaba ng bus. Ngunit sa bungad pa lang ng bus ay hinarang na siya ng isang lalaki.
“Miss, saan ang punta mo? Baka may mga dala ka pa, puwede kitang tulungan,” nakangiting wika ng lalaki sa kan'ya.
Kaya napangiti na rin siya, mababait naman pala ang mga tao sa Maynila kasi in-offer-an pa siya ng tulong kahit hindi naman siya nito kakilala.
Kaso wala naman siyang bitbit na bagahe, tanging backpack lang naman ang nadala niya, at hindi naman iyon kabigatan dahil ilang pirasong damit lang naman ang nasa loob no’n. Kaya magalang niyang tinanggihan ang alok na tulong ng lalaki.
“Salamat po manong, pero wala na po akong ibang bagahe,” pinakita niya ang backpack na dala sa lalaki. “Heto lang po ang bitbit ko.” ani niya na nakangiti.
“Gano’n ba, Miss?” nag-isip pa ang lalaki bago muling nagsalita, “pero puwede kitang ihatid kung saang sakayan ka pupunta, kung gusto mo lang naman.”
Napa-isip naman siya sa sinabi ng lalaki, mukhang wala naman sigurong masama kung tanggapin niya ang tulong nito. Saka mukhang mabuting tao naman ito. Naisip niya rin na hindi niya alam ang sakayan ng jeep na Pasig.
Sa dami ng mga tao sa paligid, at sa lapad ng lugar ay mukhang mahihilo siya kung saan niya hahanapin iyon.
Kaya naman nagtanong na siya kung saan ba siya dapat pupunta.
“Ah, alam niyo po ba kung saan ang sakayan ng jeep na Pasig? Hindi ko po kasi alam eh. Saka bagong salta lang po ako dito sa Maynila.” aniya sa lalaki na nakangiti.
Ngumiti rin naman ang manong. Tila natuwa sa kan'yang sinabi.
Natutuwa siguro na bagong salta lang siya?
“Sa Pasig pala ang punta mo? Naku, alam ko kung saan ‘yon! Halika sumama ka sa’kin, ihahatid kita kung saan ang sakayan.” excited na sabi ng lalaki.
Tumango naman si Christine, sa wakas ay hindi na siya mahihirapan na hanapin kung saan iyon. Kung sinusuwerte ka nga naman! Mabuti na lang may taong may magandang kalooban na nakahandang tumulong.
“Tara na, Miss?” aya ng lalaki kay Christine.
“Sige po, Manong!”
Nang magsimulang maglakad ang lalaki ay tahimik lamang siyang sumunod sa likuran nito.
Tuloy-tuloy lang ang naging lakad ng lalaki at paminsan-minsan ay pangiti-ngiti rin itong bumabaling sa kan'ya.
Medyo mahaba-haba na ang kanilang nilakbay nang mapansin niyang medyo lumalayo na sila sa karamihan.
Medyo nakaramdam rin siya ng kaba nang mapansing papasok sila sa isang eskinita. Nangunot ang noo niya kung bakit doon sila dumaan kaya tinanong niya ang lalaki na patuloy lang sa paglalakad.
“Manong, malayo pa ba ang sakayan ng jeep?” tanong niya. Hindi niya pinahalata ang kaba na nararamdaman.
Hindi naman siya sinagot ng lalaki. Wala itong imik habang patuloy lang sa paglalakad. Kaya tumigil siya dahil medyo hindi na maganda ang pakiramdan niya sa lalaki. Mukhang napansin naman nito na hindi na siya sumusunod sa likuran nito kaya humarap ito sa kan'ya.
“Wala pa rito ang sakayan, Miss. Doon pa 'yun sa pinakadulo.” sagot nito habang tinuturo ang pinakadulo ng eskinita. Wala naman siyang nakikita do’n kundi puro tambak ng basura.
Hindi na talaga maganda ang pakiramdam niya, duda na siya sa lalaking ito.
Nang hindi pa rin siya gumagalaw sa kinatatayuan ay muling nagsalita ang lalaki ngunit may halong inis na ang tono ng boses nito.
“Halika na, Miss. Ihahatid na kita, malapit na tayo,” nakangising saad nito sa kan’ya.
Kinilabutan naman si Christine sa biglang pag-iba ng aura ng lalaki. Kung kanina ay mabait pa ang tingin niya rito, ngayon ay hindi na. Mukhang nagkamali yata siya ng sinamahang tao. At noon niya lang napagtanto na hindi niya pa ito lubusang kilala. Kung ang tiyang tessa niya nga na mismong kadugo niya ay nagawan siya ng masama, ito pa kayang lalaki na hindi niya lubusang kilala at hindi kaanu-ano?
Dahil sa naisip ay nagsimulang manginig ang tuhod niya pero hindi niya iyon pinahalata.
“Ay, hindi na po pala ako pupuntang sakayan, Manong. Nakalimutan ko na may kasama pala ako na naiwan ko do—”
Hindi na niya natuloy pa ang sasabihin dahil marahas siyang binaklas ng lalaki sa braso. Nagulat siya at hindi niya iyon inasahan.
“Halika na sabi, eh!” gigil na sigaw ng lalaki habang pilit siyang hinihila. Namumula na rin ang ugat nito sa mga mata.
Sa sobrang gulat na naramdaman niya dahil sa ginawa nito ay malakas siyang napatili, kaya napatakip sa tenga ang lalaki.
“Mama!”
“Putangina ka! Itigil mo ‘yang bibig mo kung ayaw mo gilitin ko 'yang dila mo!” galit na singhal ng lalaki sa mukha niya. Nagsitalsikan pa yata ang mga laway nito sa pisngi niya.
Oh, Lord! Buhusan niyo na po ako ng ulan ‘wag lang paulanan ng laway! Ani niya sa isipan.
Nanlaki pa ang mga mata niya nang makita na may kinuhang kutsilyo ang lalaki sa loob ng jacket nito at agad iyong tinutok sa kan’ya. Pero dahil sa pagkataranta niya nang makita ang kutsilyong nakatuon sa leeg niya ay mabilis niyang inihampas ang hawak-hawak na bag sa mukha ng lalaki na hindi na inisip na maari siyang matuluyan at matarak ng kutsilyo sa leeg. At saka siya kumaripas ng takbo.
“Letse kang babae ka!” sigaw ng lalaki at mabilis siyang hinabol.
Pero mas mabilis siyang tumakbo, mas mabilis pa ‘ata ang takbo niya ngayon kumpara no’ng hinabol siya ng mga tauhan ng matandang panot na iyon.
Pero sa kasamaang palad ay nadapa siya nang biglang matanggal ang spike ng sapatos niyang suot. Luma na kasi iyon kaya hindi na siguro kinaya.
“Aray!” bulalas niya ng mangudngud ang mukha niya sa semento, at malakas ang naging impact niya roon.
“Huli ka! Akala mo ha, halika na kasi magandang binibini!” nakangising wika ng lalaki sabay hila sa kan’ya patayo.
“Bitawan mo ako, manong, dahil kung hindi titili ako ng malakas!” pagbabanta niya sa lalaki.
Napangiwi pa siya nang maramdaman ang paghapdi ng pisngi. Kinapa niya iyon at sa tingin niya ay nasugatan iyon.
“Subukan mo lang na tumili dahil kapag narindi ang tenga ko sayo ay tatarakan ko ng patalim 'yang lalamunan mo!” galit na
sabi ng lalaki sa kan’ya saka siya nito hinawakan ng madiin sa braso. Naramdaman pa niya ang paglibing ng mga kuko nito sa balat niya kaya napangiwi siya sa sakit.
Natakot rin siya sa sinabi nito. Paano na lang kasi kung totohanin nga ng lalaki ang pagbabanta nito sa kan’ya? Sayang naman ang boses niya, magaling pa naman siyang kumanta!
“Manong, ano ba ang kailangan mo sa’kin? Kung pera po ang kailangan mo ay meron ako. Basta hayaan niyo na lang po akong umalis!” wika niya na pilit pinapatapang ang anyo kahit sa kaloob-looban ay nanghihina na siya dahil sa takot na nararamdaman.
Marahas na hinawakan ng lalaki ang leeg niya at yumuko ito para magpantay ang mukha nila. Sa tingin niya ay hahalikan siya nito nang makita niyang bumaba ang tingin nito sa mga labi niya.
“Ikaw ang gusto ko, Miss! Kaya sumama kan—”
“Hoy, Edward! Ano na naman 'yan, ha? Bitawan mo nga iyang bata!” bigla ay sigaw ng ale na sumilip sa pinto ng sira-sira nitong bahay.
Napatigil sa akmang gagawin ang lalaki at mabilis na binitawan ang kamay niya kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na umatras ng konti sa lalaki. Para kung sakali man na may gawin ulit ito sa kan’ya ay makakatakbo siya kaagad.
“Wala ito, Edna. Ihahatid ko lang si Miss sa sakayan, hindi niya kasi alam kung saan iyon eh,” paliwanag ng lalaki na halata ang pagka-aligaga. Nag-iba ang tono ng pananalita nito. Akala mo hindi makabasag pinggan.
Magsasalita pa sana si Christine para sabihin sa babae na hindi iyon totoo, pero naunahan na siya ng ale. Lumabas ito sa pintoan ng bahay nito at nakapamewang na hinarap ang lalaki.
“Naku, Edward! Huwag mo akong maloko riyan! Alam ko 'yang modus mo baka tuktokan kita riyan! Anong sinasabi mong biyaheng Pasig, ha? Baka biyaheng impyerno ang pagdalhan mo d’yan sa bata!” singhal ng ale na ikinaatras ni Edward.
“Naku, hindi ‘yan totoo, Edna—”
“Sinungaling!” Hindi napigilan na sabat naman ni Christine. Magsisinungaling pa kasi ang loko!
“Oh, kita muna magdadahilan ka pa, eh! Hindi mo ako maloloko dahil huling-huli ka na sa akto!” galit na wika ng ale. May kinuha itong cellphone sa bulsa at may dinayal iyon. Sa tingin ni Christine ay pulis ang tatawagan ng ale.
“Hindi ka talaga nadadala huh!” ani pa ng ale habang nasa tenga nito ang cellphone.
Natakot ang lalaki kaya mabilis itong kumaripas ng takbo. Nabangga pa nito ang basurahan na nasa isang tabi kaya kasama nito iyong gumulong sa semento. Pero bumangon din ito kaagad at pa ika-ikang naglakad palayo sa lugar.
“Naku, ito talagang si Edward oh! Hoy bumalik ka rito hindi pa ako tapos sayo! Hindi ka na nadala huh! Kakalaya mo lang tapos mukhang gusto mo na namang bumalik sa munti! Heto't pagbibigyan kita!” malakas na sigaw ng ale sa papalayong si Edward.
Ngunit ang lalaki ay wala ng lingon-likod at tuluyan na ngang nakaalis.
Kapagkuwan ay si Christine naman ang binalingan ng ale.
“At ikaw naman, alam mong hindi mo kakilala pero sumama ka pa rin! Alam mo ba 'yang si Edward ay nakulong dahil maraming kaso ‘yan.” panenermon ng matanda sa kaniya.
Napayuko na lang si Christine. Tama nga naman ang ale. Bakit ba kasi siya nagtiwala kaagad? Sa ginawa niya ay muntikan na tuloy siyang mapahamak.
“S-salamat po, kung hindi dahil sa’yo ay baka saan na ako dinala ng lalaking iyon. Kasalanan ko dahil nagtiwala kaagad ako sa kan'ya,” wika niya. Hindi naman kasi niya aakalain na masamang tao pala ang pinagkatiwalaan niya. Well, lesson learned ika nga.
Pasalamat na lang talaga siya dahil hindi siya pinabayaan ng diyos.
“Walang anuman. Teka saan ba ang punta mo, ha? Mukhang bago ka dito sa Maynila ah,” pinasadahan nito ng tingin ang kabuuan niya.
“Sa sakayan po talaga ng Pasig ang punta ko, Manang.” kakamot-kamot sa ulo na sagot niya.
“Gano’n ba? Sige, sumama ka na lang sa’kin. Total papunta naman ako sa Ali mall ngayon kaya idadaan na lang kita roon.” Pagkasabi no’n ay iniwan siya nito. Pumasok ito sa loob ng bahay nito, at hindi nagtagal ay muli rin itong lumabas habang may bitbit na bayong. Sa tingin niya ay mamalengke ito.
“Tara na.” untag nito sa kan'ya.
Kaya sumama na rin siya, pero dumistansya na siya ng kaunti. Mahirap na baka maulit na naman ang nangyari kanina. Pero sa tingin niya ay hindi naman siguro dahil mabait naman ang ale. Kanina lang ay niligtas siya nito sa Edward de laway na iyon.
“Nakita mo ba 'yang mga jeep, Ineng? Isa d’yan ay may pangalan na Pasig, doon ka sumakay tapos sabihin mo na lang sa driver kung saan ka bababa,” Paliwanag ng ale habang tinuturo sa kan’ya ang paradahan na hindi kalayuan sa kinatatayuan niya ngayon.
Hindi nga niya namalayan na nandoon na pala siya dahil nawili siya sa kakatingala sa nagtataasang building.
“Maraming salamat po. Mauna na po ako sayo, at mag-ingat ka po, ah.” ani niya sa matanda. At akmang aalis na sana siya pero bigla siya nitong hinawakan sa braso.
“Siento-singkwenta lang, Ineng.” wika ng ale sabay lahad nito ng palad sa kan'ya.
Napaawang siya ng bibig at hindi malaman kung matatawa ba o ano.
Mukhang naisahan na naman ako!