Ilang segundong nagpalipat-lipat ang tingin ni Christine sa palad ng ale na nakalahad at sa mukha nito.
“B-bayad?” ani niya.
“Oo bayad!”
“Bakit po? Para saan po ang bayad?” nagtataka na tanong niya. Wala naman kasi siyang natatandaan na may utang siya rito.
Namewang pa ang ale at masama siyang tiningnan.
“Naku, Ineng, wala ng libre ngayon, kaya akin na ang bayad mo, dali na! Ang dami pang tinatanong!” anang matanda na kating-kati na makuha ang bayad niya.
Sa nakikitang reaksyon ng ale ay mabilis rin binuksan ni Christine ang bag at hinanap ang wallet. Nang makuha iyon ay agad niyang sinipat ang pera, puro lilibuhin iyon. Pero naalala niyang may tatlong-daan pa pala siyang siniksik sa bag kaya hinanap niya para iyon sana ang ibayad sa ale.
Pero mabilis na pinuslit ng ale ang isang libo, sa hawak niyang pera. Nagulat siya dahil sa ginawa nito. Pang i-snatch na iyon kung iisipin.
“Ito na lang nagmamadali kasi ako, ang bagal mo naman kasi,” mabilis nitong ibinulsa ang pera. “Saka marami ka namang pera kaya akin na 'to ha, Ineng?”
Magsasalita pa sana siya pero mabilis na itong umalis kaya naiwan siyang napanganga.
“Wow, magic!” hindi makapaniwalang bulong niya sa sarili habang sinusundan ng tingin ang ale na mabilis nang naglalakad.
Natatawa na lang siya habang naglalakad papunta sa paradahan ng jeep.
Ang buong akala niya ay naiiba ang matandang iyon, pero hindi pala. Hindi kasi talaga siya tinigilan hangga’t hindi siya magbibigay ng pera. Napailing na lang siya.
Sa panahon talaga ngayon ay wala ng libre, katulad na lang sa nangyari sa kan’ya. Hindi niya talaga inaasahang sisingilin siya ng ale dahil sa paghatid nito sa kan’ya sa sakayan.
“Sakay na kayo! Tatlo na lang lalarga na tayo!” napabilis pa ang hakbang niya nang marinig ang sinabi ng isang konduktor.
“Ako po manong! Sasakay po ako!”
Agad siyang pumasok sa loob ng jeep. At hindi nagtagal ay umandar na rin iyon. Habang nagmumuni-muni siya ay hindi niya maiwasang isipin kung paano na lang pala kung hindi na namamasukan ang ninang niya sa dati nitong amo? Ilang taon na ang nakaraan no’ng huli itong bumisita sa bayan nila, at simula no’n ay wala na siyang balita rito. Paano kung may sarili na itong pamilya ngayon?
Saan niya pala hahanapin ang ninang niya kung nagkataon?
Hindi niya maiwasang panghinaan ng loob dahil hindi na niya alam kung saan pa siya pupunta kung hindi niya mahanap ang ninang niya.
Pinahid niya ang luhang dumaloy sa pisngi saka ibinaling ang tingin sa labas ng bintana. Iba-ibang scenario ang nakikita niya sa daan. May mga batang tumatakbo na hinahabol ang jeep upang sumabit, may mga nanglilimos sa kalye, at may mga nagtutulak ng kariton.
Ganito rin ba ang mangyayari sa’kin kapag wala na akong mapuntahan dito sa Maynila? Tanong niya sa kan’yang isipan.
Muling dumaloy ang luha niya sa pisngi. Ngayon niya lang naisip ang lahat ng iyon. Noong gabing tumakas siya ay wala siyang ibang iniisip kundi ang makaalis lang sa lugar nila dahil sa takot sa matandang iyon. Hindi niya iniisip ang magiging kapalaran niya dito sa Maynila kung walang Ninang Olive siyang madadatnan. Ngayon, kagat niya ang pang-ibabang labi dahil ngayon niya lang naramdaman ang takot. Takot siya sa maaaring mangyari sa kan'ya sa lugar na ito.
Kung mayroon man siyang kinakapitan ngayon, iyon ay ang pinaniniwalaan niyang salita. Ang hindi siya pababayaan ng Diyos.
Samantalang nasira pa ang pagmo-moment niya nang umalingaw-ngaw ang maingay na tugtugin sa loob ng jeep.
“Ano ba ‘yan! Parang wala ng bukas kung magpatugtog ah!” reklamo niya sa isang tabi.
Paano kaya naririnig ng driver ang pagpara ng pasahero nito kung ganito kalakas ito magpatugtog?
Maingay na nga ang mga pasahero, mas maingay pa ang tugtugin. Masakit sa tenga at nakakarindi.
Napabuntonghininga na lang siya sa naisip.
Habang patingin-tingin siya sa mga kasamahan niyang pasahero ay nakita niyang may hinilang tali ang isang lalaki, kasunod no’n ay ang pag-alingaw-ngaw ng malakas na ungol at siyang pagtigil naman ng jeep sa isang tabi.
“So, gano’n ang tunog kapag pumara ako? Ang laswa naman!” nakangiwing bulong niya.
Nang muling may pumara ay napasubsob siya sa katabi dahil hindi siya nakakapit sa hawakan.
“Pasensya na po,” hinging paumanhin niya sa katabing lalaki.
“Okay lang, Miss beautiful!” nakangising turan ng katabi niya.
Hindi niya nagustuhan ang paraan ng pagtitig nito kaya umurong siya ng upo palayo.
Napansin din niyang pinagtitinginan siya ng kaharap na pasahero.
“Ang dungis naman niyan. Sayang magandang babae pa naman.” narinig niyang bulong ng bakla sa katabi nitong babae.
“Mukhang probinsyana siya.” ani naman ng katabi nito.
Napahawak siya sa mukha sa isiping may dumi ba iyon. Kaya naman gamit ang panyo sa bulsa ay pinunasan naman niya ang mukha. Ngayon ay hindi lang ang bakla at babae ang nakatingin sa kan'ya kundi pati na rin ang ibang pasahero na naroon. Nagbulongan pa ang mga ito.
Subalit nang mapagtanto niya kung bakit siya pinagtitinginan ng mga tao ay napayuko siya dahil sa hiya. Ngayon niya lang naalala na wala palang spike ang sapatos niya, at nakalusot na ang mga daliri niya sa paa.
Kung nagsasalita lang ang mga daliri niya malamang kanina pa iyon nag-hello sa kan'ya.
Naawa siya sa sarili dahil mukha siyang pariwarang babae sa itsura niya ngayon.
Ibinaling na lang niya ulit sa labas ng bintana ang paningin at hindi na pinansin ang mapanghusgang tingin ng mga tao.
Nahihilo na siya sa ingay ng tugtugin, mabuti sana kung malamyos na musika iyon, pero hindi. Sa sobrang lakas pa no'n ay tila tumatalsik na ang eardrums niya.
“Kendi, tubig, kayo d’yan!” singit ng isang lalaking kaka-akyat lang nang tumigil ang jeep.
Dahil nauuhaw na rin siya ay bumili na siya ng tubig.
“Isang tubig po, saka ang sukli po ay kendi na lang.” ani niya sa lalaki.
“Heto miss,”
“Salamat po!”
Hindi na niya pinansin ang lalaki na pakamot-kamot sa ulo nito habang ang mga mata ay sa sapatos niya. Baka ang akala nito ay loka-loka siya.
Tumingin na lang siya ulit sa labas ng bintana, at doon ay naagaw ng pansin niya ang isang kulay pulang kotse.
“Wow! Ang ganda naman niyan! Siguro mahal ‘yan.” wika niya habang binabalatan ang hawak na kendi.
Nasa kabilang lane ang kotseng pulang iyon. Nakatapat lang din ito sa sinasakyan niya ngayon, pero pa-ibang direksyon ang punta nito. Kumbaga, kung ang jeep na sinasakyan niya ay papunta pa lang, itong kotse naman ay pabalik na.
“Ang ganda talaga!” namamanghang wika niya. Umayos lang siya ng upo ng magsimulang umandar ang jeep.
Kasalukuyang nagmamaneho si Marcus nang tumunog ang cellphone niya. Papunta siya sa Company niya ngayon dahil may agarang meeting siya na dapat i-attend. Wala siyang panahon na magpahinga, kahit na bugbog pa ang katawan niya sa mahabang biyahe. Kaya lang siya umuwi sa mansion para kumuha ng ilang gamit dahil sa opisina siya naglalagi.
“Hello?”
“Boss, nandito na po silang lahat. Ikaw na lang ang hinihintay. Pakibilisan mo daw,” wika ng sekretarya niyang si Trixie.
Napabuntonghininga naman siya sa sinabi nito.
Masyado kasing traffic kaya mabagal ang pag-usad ng mga sasakyan.
“Tell them to wait for me. Masyado pa kasing traffic sa daan. At kung nagmamadali sila, pakisabi
na sila na lang ang mag-meeting d’yan!” inis na wika niya sa kausap.
“Ang aga mo namang high blood, Boss. Kalmahan mo lang, sige ka, maaga kang tatanda niyan,” pang-aasar pa ng kausap niya.
“Wala akong panahon makipagbiruan, Trix. Alam mo naman ang ayaw ko sa lahat, ay ang minamanduhan ako.” seryusong wika niya.
Pero imbes na sumeryuso din ang kausap niya ay tinawanan lang siya nito.
“Sige na nga, Boss. Take your time, baka d’yan mo pa ma-meet sa kalsada ang babaeng magpapainit sa malamig mong gabi!” Binuntutan pa nito iyon ng isang malakas na tawa.
Sa inis ni Marcus ay pinatayan niya ito ng tawag.
“Kung kausapin ako ay parang hindi niya ako boss!” maktol niya.
Kungsabagay ano pa ba ang aasahan niya sa kaibigan s***h sekretarya niya? Napailing na lang siya.
Napatingin siya sa bintana ng may kumatok doon. Isang matanda na nanghihingi ng barya ang naroon. Agad naman siyang kumuha ng barya, binuksan niya ang bintana at binigay sa matanda ang baryang hawak niya.
“Maraming salamat anak!” natutuwang wika ng matanda. May mga sinasabi pa ito sa kan'ya bago ito umalis pero hindi niya iyon madinig ng maigi dahil sa lakas ng tugtog ng isang jeep sa kabilang side niya.
“Parang wala ng bukas,” bulong niya.
Isa pa 'to sa ayaw niya, ang maingay. Lalo na kung ganito ka lakas ang tugtog.
Mabilis kasing marindi ang tenga niya.
Samantalang ibababa na sana niya ang side window nang may nilipad na balat ng kendi at kumapit ito doon. Sumabit ito kaya agad niyang kinuha.
Kasunod no’n ay naagaw ng pansin niya ang babaeng nakadungaw ang ulo sa bintana ng jeep. Ang mga tingin nito ay nasa likuran ng kotse niya.
Nangunot ang noo niya nang mapansin na parang pamilyar sa kan'ya ang babaeng iyon. Naka-side view ito kaya hindi niya masyadong makita ang kabuuan ng mukha nito pero pamilyar sa kan'ya ang babae. Sigurado siya doon.
Gusto pa sana niyang pagmasdan ang mukha nito pero nagulantang siya nang marinig ang pag-ugong ng mga sasakyan na nakasunod sa likuran niya.
“f**k!”
No’n niya lang napansin na kanina pa pala naka-go signal kaya binuhay niya ang makina at nagmaneho paalis sa lugar na ‘yon.
Pagdating sa Velasquez Corp. ay agad siyang sinalubong ng bati ng mga empleyado. Lahat ay nagbigay galang sa kan'ya at wala siyang ginawa kundi ang tumango sa mga ito bilang pagsagot.
“Good morning, Boss! Coffee?” salubong kaagad sa kan'ya ni Trexie.
“Morning. Yeah, make it black.” sagot niya na ikinatango nito kaagad.
“Black is coming!” wika ng sekretarya niya at tinungo ang kitchen.
Naupo muna siya sa swivel chair para ayusin ang mga papeles na dadalhin sa conference room. Hindi nagtagal ay dinala na rin at pinatong ni Trexie ang kape niya sa ibabaw ng mesa.
“Thanks.” aniya.
“You're welcome, Boss!”
Inubos niya muna ang kape bago siya tumungo sa conference room. Wala siyang pakialam kung uminit na ang puwitan ng mga tao roon sa kahihintay sa kan'ya. Siya ang Boss, kaya maghintay ang mga ito sa kan'ya. At kung hindi makahintay ang mga ito ay libre namang umalis. He don't give a f**k!