KABANATA 8

1901 Words
“Ale, isang mineral water nga po!” saad ni Christine sa isang tindera. Nang ibigay ng ale ang tubig ay agad niya itong binayaran. Uhaw na nilagok niya ang tubig sa bote matapos iyon mabuksan. Kanina pa kasi siya lakad nang lakad pero hindi niya pa rin mahanap ang dapat puntahan. Tama naman ang lugar na pinagbabaan niya dahil iyon ang nakalagay sa papel. Ang problema niya ngayon ay hindi niya alam kung saan ba siya dapat dadaan. Sa laki ba naman ng lugar at sa dami rin ng mga tao sa paligid ay nalilito na siya. Nakaramdam na rin ng paghilo si Christine dahil sa sobrang init. Natatakot naman siyang magtanong-tanong baka kasi lokohin na naman siya. Baka imbes na ituturo siya sa tamang daan e, sa ibang daan pa siya mapunta. Tirik na tirik ang araw pero hindi niya iyon ininda. Bitbit ang bote ng tubig ay muli niyang nilisan ang maliit na karenderya. May nakita siyang paradahan ng mga traysikel sa dulo, tiningnan niya ang nakasulat sa papel, “May madadaanan kang paradahan ng Traysikel. Diretso ka lang.” pagbasa niya sa nakasulat sa papel. “Ito na kaya ‘yon?” tanong niya sa kan’yang sarili. Napakamot pa siya sa ulo. Maraming mga traysikel siyang nakasalubong sa daan, ang ilan ay tinatanong siya kung saan daw ba ang punta niya, pero hindi siya sumasagot at diretso lang ang naging paglakad. Pinagtitinginan pa siya ng ibang traysikel driver, ang ilan ay napailing-iling pa habang nakatingin sa kan'ya. “Anong problema ng mga ‘to sa’kin? Tsk!” parang wala sa sariling bulong niya. Iiling-iling siya habang nagpatuloy sa paglalakad. “Ang gandang bata pero mukhang nasiraan na ‘ata ng bait. Tingnan mo sapatos niyang suot, labas na ang mga daliri niya sa paa.” narinig niyang sabi ng isang driver sa katabi nitong lalaki. Pero hindi na lang niya iyon pinansin. Bahala na kung iisipin ng mga tao na nasisiraan na siya ng bait. Pero mukhang masisiraan na talaga siya kapag hindi pa niya nahanap ang ninang niya! Hanggang sa may dumaang kotse sa tabi niya. Saglit iyong tumigil, bumukas ang side window no’n at may inaabot ang kung sino man na nasa loob- sa isang traysikel driver na pinag-chismisan siya kanina. “Toni, ikaw na ang bahala maghati-hati sa mga katoda mo ha,” narinig niyang sabi ng isang boses babae. Humakbang siya palapit sa waiting area para sana magpahinga muna, pero napatigil siya sa paghakbang nang marinig muli ang tinig na nagmumula sa side window ng sasakyan na nasa tapat lang niya. “Sige na, Toni. Mauuna na ako.” anang boses na pamilyar na pamilyar sa pandinig niya. Kaya naman bumilis ang hakbang niya upang silipin ang nagsasalita na ‘yon para makumpirma sana kung tama ba ang hinala niya. “Maraming salamat, Olive, myloves! Pakisabi na rin kay Boss ha!” malakas ang boses na wika ng traysikel driver. Olive? Ninang ko? Iyon kaagad ang pumasok sa isipan niya nang sambitin ng driver ang pangalan na ‘yon. Nang makalapit siya sa kotse ay sakto namang nagsara ang side window no’n, pero bago iyon tuluyang magsara ay nakita pa niya ang mukha ng taong dahilan kung bakit siya nasa Maynila ngayon. “Ninang!” usal niya habang kinakatok ang side window. Pero mukhang hindi yata siya nito napapansin mula sa loob dahil may kausap na ito sa cellphone. “Ninang Olive!” nilakasan pa niya ang boses pero mas malakas ang ugong ng sasakyan na ‘yon. At napatuod na lang siya sa kinatatayuan nang unti-unti iyon lumalayo sa mga paningin niya. Agad namalisbis ang mga luha niya sa pisngi habang nakatanaw na lang sa kotseng iyon. Nanghihinang napaupo si Christine sa Waiting area na tinatambayan ng mga pasahero para pumila na makasakay sa traysikel. Hindi niya alam kung ilang minuto o oras na ba siyang nakaupo roon, basta nararamdaman na lang niya na umiinit na ang puwetan niya kakaupo. Tulala siyang nakatingin sa daan, hindi niya pansin ang mga driver at pasahero na kanina pa siya tinitingnan. Lahat ng mga sasakyan na dumaraan sa kalsadang iyon ay binabantayan niya, sa kaisipang baka dumaan ulit doon ang kotseng sinakyan ng ninang niya. Pero matagal na siyang nakatunganga pero wala pa rin. Napapitlag pa siya nang maramdamang may tumabing tao sa kan’ya. Nang tingnan niya kung sino iyon ay namukhaan niya. Ito ‘yong lalaking tinawag na ‘Toni’ ng ninang niya. Naisip niya kaagad na baka may alam ito kung saan nakatira ang ninang niya. “Kuya, kilala mo po si Olive diba? Iyong babae po kanina sa kotse, ‘yong may binigay po sa’yo,” sunod-sunod na tanong niya sa lalaki. “Kaano-ano ka ni Olive, Ineng?” seryusong tanong ng Driver. Hindi siya kaagad nakasagot. Inaral niya muna ang mukha ng lalaki kung mapagkakatiwalan ba ito o hindi. At mukhang mapagkakatiwalaan naman niya ito. “Huwag kang mag-alala, mabuting tao ako, at kilala ko si Olive. Kaibigan ko siya.” anang lalaki na ngayon ay nakangiti na sa kan'ya. Nabuhayan naman siya ng loob kaya kaagad siya nagsalita. “Ninang ko po siya, Manong. At kung alam mo po kung saan siya nakatira ngayon, ituro mo po sa’kin,” ani niya. Hindi na niya napigilan ang sarili dahil napahagulhol na lang siya ng iyak dahil sa samu’t saring emosyon na nararamdaman niya ngayon. Magkahalong pagod, gutom at antok ang nararamdaman niya. Ang lalaki na lang na ‘to ang pag asa niya upang matunton ang bahay ng ninang niya. “Paano ko masisiguro na kakilala ka nga ni Olive?” napakamot pa sa ulo ang lalaki, “Sa panahon kasi ngayon ay maraming nambubudol ang nagkalat, malay ko kung isa ka do’n.” saad ng lalaki. “Naku manong, hindi ako mambubudol a! Sa itsura kong ito?” ani naman niya habang tinuturo ang sarili. Pero nang maalala niya ang ayos niya ngayon ay napangiwi siya. “Hindi po ako loka-loka, Manong,” “Wala naman akong sinabi e.” natatawang wika ng lalaki, “Sige nga, bigyan mo ako ng isang bagay na mapapaniwalaan ko na kakilala ka nga ng Olive ko.” suhestyun pa nito. Sa sinabing iyon ng lalaki ay mabilis niyang binuksan ang bag at hinanap ang nag-iisang litrato na meron sila ng ninang niya. Kuha iyon noong dise-sais anyos siya. “Ayan po ang litrato namin ng ninang Olive ko, Birthday ko po nang kunin iyan,” wika niya sabay pakita sa lalaki ng litrato. Tinitigan naman ng lalaki ang litrato na pinakita niya. Kumunot ang noo nito habang pinaglipat-lipat ang tingin sa kanya at sa litratong hawak niya “Teka, bakit sa picture ang ganda mo, Ineng?” natatawang sabi ng lalaki. Nahimigan niya ang pang-aasar sa tono ng boses nito kaya napaismid siya. Kahit papano naman ay gumaan ang pakiramdam niya ngayon dahil nagkaroon na siya ng pag-asa. “Naku manong ha, maganda kaya ako sa personal kumpara d’yan sa picture!” ani niya habang nanunulis ang nguso. “Haha! Sige na nga, bahala ka.” tumayo na ito kaya napatayo rin siya, “Halika na, ihahatid na kita kay Olive. Naniniwala na ako na ninang mo siya,” nakangiting sabi nito na ikinasaya naman ng kalooban niya. At dahil do’n ay napapalakpak siya habang may patalon-talon pa na tila batang binigyan ng ice cream. Napalingon naman ang mga taong nasa paligid, nagtatanong ang mga matang nakatitig sa kan'ya. Tumigil lang siya sa ginagawa nang sitain siya ni Toni. “Ineng, ‘wag ka ngang gan'yan, napagkakamalan kang may sayad e.” ani ni Toni na tila ito ang nahihiya para sa kan'ya. “Nasobrahan lang po ako sa tuwa, Manong Toni, Wag niyo na lang po pansinin ang mapanghusgang tingin ng mga taong iyan,” sinadya pa niyang lakasan ang pagkasabi no’n para marinig ng mga marites na nasa paligid niya. “Kungsabagay may tama ka sa utak, joke lang!” tatawa-tawang sabi ni Toni. “Mang Toni ha, judgemental ka rin,” nakangusong sabi niya. “Oy, hindi a.” pagtatanggol ni Toni sa sarili, “Sakay ka na dahil medyo malayo-layo pa ang biyahe natin.” untag pa nito sa kan'ya. “Salamat, Mang Toni!” pumasok siya sa loob ng traysikel at naupo. Hindi nagtagal ay mabilis na iyon pinasibad ni Toni. Muntik pa siyang mapasubsob dahil sa bilis ng takbo nito na tila nagkikipag-habulan kay kamatayan. Pumasok ang motor na sinasakyan ni Christine sa isang Bachelor’s village. Sa itsura pa lang ng lugar ay masasabi ni Christine na puro mayayaman lamang ang nakatira roon. “Nandito na tayo!” wika ni Toni matapos patayin ang makina ng traysikel. Nasa harapan sila ngayon ng isang malaking Mansion. Samantalang hindi naman maalis-alis sa mukha ni Christine ang pagkamangha sa ganda ng Mansion na nasa harapan niya. Maganda na sa labas, paano pa kaya pag sa loob? Nakakita naman siya ng malalaking bahay sa probinsya nila, kasama na ang malaking Mansion ni Panot, pero hindi iyon kasing ganda ng Mansion na nasa harapan niya ngayon. “Dito po nakatira si Ninang Olive?” wala sa loob na tanong niya kay Toni. “Oo, Ineng—teka ano nga pa lang pangalan mo?” napakamot pa sa ulo si Toni. “Christine po!” mabilis niyang tugon sa lalaki. “Ah, kagandang pangalan pala kasing ganda mo, Ineng.” banat pa ni Toni na ikinatawa naman niya. “Pero Mang Toni, maraming salamat talaga sa lahat-lahat ha, kahit tinawag mo akong may sayad kanina, hinatid mo pa rin ako dito.” ani niya. Napakamot naman si Toni sa batok nito sa kan’yang sinabi. “Narinig mo pala ‘yon?” nahihiyang turan nito sa kanya. “Opo, pero wala na ‘yon.” natatawang sabi niya. Inilibot niya ang tingin sa buong paligid. Manghang-mangha talaga siya sa ganda ng mga mansion na naroon. “Sandali lang, Christine a. Kakausapin ko lang si Roger, hintayin mo’ko rito.” wika ni Toni bago siya nito iwan. Nakita niyang kinausap nito ang isang security guard. Sumulyap pa ang binatang sekyu sa kanya at ngumiti ito. Infairness, ang guwapo ng sekyu! Napansin niyang may tinawagan pa ang sekyu sa cellphone, habang nakatitig sa kan'ya. Tila nakaramdam naman siya ng pagka-ilang sa sekyu kaya tumalikod na lang siya at inilibot ang tingin sa paligid. Pero muli siyang napalingon nang marinig ang isang boses ng babae. “Christine?!” narinig niyang bulalas ng isang pamilyar na boses. At doon ay nakita niya ang Ninang Olive niya na nakatayo hindi kalayuan sa kan'ya. Pinasadahan pa nito nang tingin ang kabuuan niya na tila kinikilala siya nito ng maigi. Hindi naman siya makapagsalita, mas naunang naglaglagan ang kan’yang mga luha sa pisngi. “Ikaw ba ‘yan, Christine?” ulit na tanong ni Olive sa dalagang kaharap. Napansin niya ang ayos nito, ang sapatos nitong gutay-gutay na, may pasa pa sa mukha na animo’y inambagan sa kanto ang dalaga. Napatakip sa bibig si Olive nang mapagtanto niya na ang inaanak nga niya ang nasa harapan niya ngayon. ”Diyos ko, Christine, ikaw nga!” naluluhang sabi ni Olive. “N-ninang!” patakbong tinungo ni Christine ang matanda at nang makalapit siya ay mahigpit niya itong niyakap. “Ninang!” humagulhol siya sa dibdib ni Olive. “Christine, Anak!” mahigpit naman siyang niyakap pabalik ni Olive. Nagpapasalamat siya sa panginoon dahil nahanap din niya sa wakas ang Ninang Olive niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD