Ako si Nene. Nag-iisang anak na babae nina Rogelio at Delilah. Pito kami lahat na magkakapatid at ako ang unica hija.
Sa ibang ama, kapag nag-iisa lang ang kanilang anak na babae ay minamahal nila ito ng sobra o higit pa kasi nga nag-iisang babae lang, pero ako? Kahit na kailan ay hindi ko naramdaman na minahal ako ng aking ama.
Gayunpaman ay hindi ko na iyon naisip pa noon dahil sa musmos palang ako. Namulat sa mundong mapanghusga, mapanakit, at higit sa lahat namulat ako na ang kinagisnan ay ang mapanakit na ama.
Si Tatay Rogelio ay mabait na tao, kapag hindi ito nakainom ng alak. Ngunit kapag siya'y nalasing, daig pa nito ang sinapian ng sampung demonyo. Walang kinikilala si Itay kapag nasa katawan niya ang ispiritu ng alak. Kung ano ang mahahawakan niya ay siyang ipapalo niya sayo kapag dine-demonyo siya.
Lumaki ako na nakita ko kung paano saktan ni Tatay ang nanay ko. Narinig ko rin kung paano niya ito murahin. May tadyak, may suntok at nagawa pa nitong i-untog ang nanay ko.
"Mga demonyo kayo! Buwesit! Walang kuwenta!" pagmumura ni Tatay. Galit siya dahil wala siyang nadatnan na ulam.
Wala naman talaga kaming ulam nang araw na iyon. Asin lang at mantika ang ulam namin. Galit na galit siya at pinagbabalibag niya ang kaldero. Tumilapon ang kanin na dapat ay makakain pa namin kinabukasan.
"Palibhasa hindi ikaw ang naghahanap-buhay kaya gano'n na lang kadali sayo na itapon ang pagkain na iyan! Wala ka nang ginawa kundi ang maglasing at uuwi ka lang kung hindi mo na kaya! Tapos ganiyan pa ang gagawin mo? Itatapon mo ang kanin na pinaghirapan kong bilhin?! Halos magsugat-sugat na ang mga palad ko sa kakalabada upang may maipakain sa pitong anak natin tapos ikaw, itatapon mo lang?!" Narinig kong sigaw ni Nanay kay Tatay. Sa tingin ko ay pinulot na naman ni Nanay ang kanin sa lupa at binalik sa kaldero. Iyon kasi ang madalas nitong gawin sa tuwing itatapon iyon ni Tatay.
Dalawang palapag ang aming bahay. Gawa lamang iyon sa kawayan. Nasa taas kaming magkakapatid habang sila ay nasa baba at nag-aaway. Halos araw-araw ay ganito na lang ang nangyayari. Hindi sila napapagod sa pakikibangayan at sumbatan. Ang mga kapitbahay namin ay nagagalit na dahil maingay kami palagi.
"Aray!" Narinig kong sigaw ni Nanay. Napakislot kami ng tatlo ko pang kapatid. May kung anong bagay na bumagsak sa sahig, at nabasag. May mga narinig pa akong malalakas na tunog sa baba. Mukhang alam ko na ang nangyayari. Sinasaktan na naman ni Tatay si Nanay.
"Buwesit ka na babae ka! Papatayin kita!"
"Tama na, Rogelio!" Pagmamakaawa ni Inay.
Mula sa taas ay dinig na dinig ko ang mga hiyaw ni Nanay. Naaawa ako para sa kaniya. Gusto ko siyang tulungan, pero papano? Bata lang ako at wala akong lakas para iligtas siya sa mga kamay ni Tatay kaya pinagkasya ko na lang ang sarili sa isang sulok. Yakap ko ang mga tuhod at walang tigil sa pag-iyak.
Wala akong mahingan ng tulong. Wala ang mga kuya ko. Bihira silang magtagal sa bahay namin dahil sa mga barkada nila sila nakikituloy dahil iniiwasan nila si Tatay. Kaya ang naiiwan lang palagi sa bahay ay ang kuya kong si Karding at ang dalawa naming bunsong kapatid na sina Tori at Rany.
Napakislot pa ako nang marinig ko ang paglagitnit ng kawayan na sahig. Bumukas ang pintoan ng kuwarto namin at pumasok roon si Nanay na halos hindi na makilala ang mukha. Puro black eye ito at putok pa ang nguso niya.
"Hindi ka pa natutulog, Nene? Tulog na!" wika niya sa akin. Nahiga si Nanay sa tabi namin na magkakapatid at napahawak ito sa pumutok na nguso niya.
"Ikaw, kapag nag-asawa ka balang araw piliiin mo ang lalaking hindi kagaya ng tatay mo na demonyo! Tandaan mo iyan, Nene! Baka kagatin mo ang siko mo." umiiyak na sabi niya sa akin.
Wala akong nagawa kundi ang tumango na lang. Nahiga na rin ako katabi ng mga kapatid ko. Sa sahig na kawayan kami nakahiga at nilagyan lang iyon ng banig. Habang ang dingding naman na nakapalibot sa amin ay plywood pero halos butas-butas na iyon lahat dahil kapag lasing si Tatay ay tinataga niya iyon. Minsan pati haligi ng bahay namin ay tinataga niya rin.
Naramdaman kong humihikbi si Nanay, habang si Tatay ay pakanta-kanta sa baba. Doon kasi ito natutulog sa katre nito sa baba. Hindi ito tumatabi sa amin o kay Nanay.
Kinabukasan ay nagising ako nang tapikin ako sa braso. Pagmulat ko ng mga mata ay si Nanay ang nabunggaran ko.
Itim ang kabilang mata nito at maga ang nguso.
"Bangon na at tuturuan kitang mag-saing." Bumangon naman ako at sumunod kay Nanay.
Walong taon lang ako, at hindi pa ako marunong mag-saing.
Kinuha ni Nanay ang kaldero na kasing itim ng uling ang puwetan. Kahoy kasi ang gamit namin sa pagluluto kaya naman grabe sa itim ang puwetan ng mga kaldero namin. Basag pa ang takip nito dahil sa gawa ni Tatay.
"Lagyan mo ng isang salmon ng bigas, Ne." utos ni Nanay. Sinunod ko naman ang sinabi niya. Nilagyan ko iyon ng bigas na inaantok pa rin.
"Lagyan mo ng tubig at hugasan ng maigi ang bigas. Bilisan mo dahil maglalabada pa ako para may pang bili ulit ng bigas natin mamaya. Alam mo naman na wala akong aasahan sa tatay mo." saad ni Nanay.
Hinugasan ko ang bigas at tinuruan ako ni Nanay kung gaano ka rami ang tubig na ilalagay ko. Pagkatapos ay isinalang ko ito sa apoy.
"Kailangan mong matuto, Nene. Walang ibang babae dito sa bahay kundi tayong dalawa lang. Habang naglalabada ako, ikaw naman ang maglaba ng damit ng mga kuya at kapatid mo. Ayusin mo ang paglalaba. Ayokong makita na marumi ang paglaba mo." bilin ni Nanay sa akin.
"Pero, 'nay hindi po ako marunong." rason ko.
Binalingan ako ni Nanay at penamewangan. Maingay talaga ang bunganga ni Nanay. Malakas kung magsalita.
"Wala kang hindi matutunan kung hindi mo gugustuhin, Nene. Ako, bata pa lang nagbanat na ako ng buto, kaya dapat ikaw gano'n rin. Hindi sa lahat ng oras ay nasa tabi niyo ako. Kaya matuto ka." wika ni Nanay.
Hindi na ako nagsalita pero nakasimangot ako. Umalis na si Nanay. Maglalabada pa ito sa isang mayaman dito sa baranggay namin.
Binantayan ko ang sinaing ko. Nang sa tingin ko ay naluto na ito ay saka ako nagligpit ng bahay.
Wala si Tatay kaya malaya kaming magkakapatid nakakagalaw. Kapag narito kasi siya ay pakiramdam namin ay bantay sarado ang galaw namin. Hindi kami malaya kapag narito siya. Malamang nasa palengke naman siya ngayon at nag-iinom kasama ang mga barkada niya.
Nag-walis ako ng paligid namin habang ang kuya kong si Karding ay pumunta sa ilog. Baka naghanap siya ng panggatong. Matanda sa akin ng dalawang taon si Kuya Karding. Ang dalawa ko namang bunso na kapatid na sina Tory at Rany ay naglalaro.
Pagkatapos kong maglinis ng bahay ay kinuha ko ang ibang labahin para labhan. Nakasimangot ako habang ginagawa iyon. Kapag kasi hindi ko iyon ginawa ay mapapagalitan ako ni Nanay. Masakit pa naman ang kurot niya.
Habang naglalaba ako ay hindi ko maiwasang pahirin ang pawis ko sa noo. Naisip ko na ganito pala kahirap maglaba. Masakit sa kamay at sa likod.
Naisip ko si Nanay. Maghapon siyang naglalabada. Gabi na siya madalas nakakauwi. Minsan nakikita kong binababad niya sa maaligamgam na tubig ang mga palad niya. At habang ginagawa niya iyon ay napapangiwi siya.
Hindi kaya dahil iyon sa paglalabada niya? Napabuntonghininga ako.
Sa paglaki ko, ayokong magaya kay Nanay na paglalabada ang hanap-buhay. Mag-aaral ako ng maigi nang sa gano'n ay makuha ako ng maayos na trabaho.
Aalisin ko siya sa pagiging labandera niya. Papatayuan ko siya ng magandang bahay hindi katulad ng bahay namin na isang tadyak lang ay matutumba na. Malinis nga lang ang bahay namin kahit na butas-butas ito. Malinis kasi talaga si Nanay pagdating sa bahay namin. Kailangan sa pag-uwi nito ay walang nakakalat o nakatambak na hugasin, dahil tiyak na lilipad ang pinggan sa ulo mo kapag naabutan niyang gano'n.
Si Nanay lang din ang nagpapaaral sa aming magkakapatid. Grade three ako at si Kuya Karding ay grade four. Pero dahil sabado ngayon ay wala kaming pasok. Ang mga kuya ko naman ay nag-aaral rin pero minsan lang sila dito sa bahay. Minsan sa tiyahin namin sila nakatira kaya bihira namin silang makasama dito sa bahay.
Pinagpatuloy ko ang paglalaba kahit na hindi ako sigurado kung malinis na ba ito bago ko binanlawan.
Sinampay ko ito sa aming sampayan. At pagkatapos ay pinakain ko ang dalawa kong kapatid. At katulad ng dati, asin pa rin ang ulam namin.
Masarap naman iyon lalo na kapag mainit ang kanin. Maya-maya pa ay dumating rin si Kuya Karding kaya pinagsaluhan namin ang kanin na kaonti. Tama lang para malaman ang kumukulo naming sikmura.