Nene 2: Ang niyogan malapit sa ilog

1647 Words
MATAPOS ang paglilinis ng munti naming bahay at paglalaba'y nagkaayaan kaming magkakapatid na maligo sa ilog. Alas nuebe iyon ng umaga at tiyak na kasing lamig ng yelo ang tubig sa ilog namin at kasing green ito ng tubig sa swimming pool, at may lalim na isang layon ng kawayan. "Ne, ang bagal mo maglakad. Bilisan mo naman!" ani Kuya Karding. Nakasakay sa balikat nito ang bunso naming kapatid na si Rany at hawak naman nito ang kamay ni Tori. Binabagtas namin ang daan papuntang ilog na hindi naman kalayuan sa bahay namin. Sumimangot ako kay Kuya at inikotan ko ito ng mga mata ko. "Maglakad ka lang, Kuya. Huwag mo nang bantayan ang kilos ko!" masungit kong sabi sa kanya. Si Kuya Karding ay ipinanganak yatang makulit at mahilig mang-asar. Ewan ko rin kung saan siya pinaglihi ni Nanay dahil likas siyang palangiti at mapagbiro, kahit na pinapagalitan siya'y ngumingiti pa rin. At ang isang ugali niya na hindi ko talaga gusto ay iyong masyadong mapang-asar, kaya para kaming aso't pusa at palaging nagbabangayan. Katulad ngayon, nagsisimula na naman siyang asarin ako. "Patani, patani, patani!" natatawa niyang asar sa'kin na umabot pa yata sa tenga niya ang ngiti. Patani ang tawag niya sa'kin dahil sa palayaw kong nene. Ewan ko rin kung bakit itinulad niya ako sa gulay na patani. At ako naman itong pikon, mabilis uminit ang ulo at kaagad nagagalit. "Arroz Caldo! Arroz Caldo!" ganting asar ko naman sa kanya na ang ibig sabihin ay pagkaing lugaw. Ngunit hindi tinablan si Kuya Karding at tumawa lamang ito. Muli niya akong inasar, hanggang sa hindi ako nakatiis dahil pikon na pikon na ako, hinabol ko siya. At naghabulan kami hanggang sa makarating kami sa ilog. Ang ilog ang siyang nagbibigay saya sa'ming apat na magkakapatid. Doon kami naliligo araw-araw kaya mukha kaming negra/n***o dahil kahit mainit na ang sikat ng araw ay nagbibilad pa rin kami sa ilog. Malinis ang ilog, malamig ang tubig at malalim. Marami ang naliligo rito lalo na kung summer. Huwag ka lang maligo kapag may kalabaw na nakatambay sa tubig dahil tiyak na kadiri iyon. Delikado rin ang ilog na ito na kung tawagin sa'min ay Suage river lalo na kapag tag-ulan dahil bumabaha rito. Tumataas ang tubig at kahit malayo ang iilang kabahayaan sa ilog ay kayang-kaya itong abutin ng tubig. Ilang bagyo at baha na rin ang dumaan sa'min pero nanatili kaming nakatira dito kahit na malapit kami sa ilog dahil doon na kami ipinanganak at lumaki. "Ang lamig ng tubig!" nanginginig ang bibig na sabi ko habang inilulusong ang katawan sa tubig. Kaming apat palang ang naroon dahil wala pang bumaba para maligo, pero maya't maya lang ay tiyak na mapupuno na naman ng tao itong swimming pool namin na may maraming isda na lumalangoy sa ilalim. Ang ilog ay may isang depensa na para sa baha, ginawa itong proyekto para kapag bumaha ay may sasangga raw sa tubig at hindi umakyat sa ilang kabahayan. Ang depensang ito ay gawa sa matibay na semento at nakalibing ang ilang party nito sa ilog, habang puwede ka namang maupo sa ibabaw nito at manood ng mga taong naliligo sa baba. Mataas ito at pa-slide ang paligid pababa sa tubig. Kung nakaupo ka sa tuktok ng depensa ay makikita mo mula sa taas—kapag tumingin ka sa berdeng tubig ang maraming isda na nagkukumpulan sa ilalim. Sumisid ako sa ilalim ng tubig. Lumangoy hanggang sa pinakamalalim. Nanatili ako roon ng ilang segundo, hanggang sa tila maubusan ako ng oxygen ay muli akong pumaitaas. "Ne, kuha tayo ng niyog doon kay Padoy," wika ni Kuya Karding sa'kin. Ang tinutukoy niya ay ang may ari ng kagubatan at niyogan na binabalak niyang puntahan namin. "Sige!" ani ko naman. Bitbit ang dalawa naming kapatid ay tumungo kami sa kagubatan na malapit lang naman sa ilog. Sa ibabaw rin kami ng depensa dumaan dahil konektado ito sa niyogan. Alam naming bawal ang pumasok doon, maliban sa mapapagalitan kami ng may-ari ay marami din aso na nakaabang sa kung sino man ang papasok sa niyogan. Pero matigas ang mga ulo namin ni Kuya Karding at sanay na kaming makipaghabulan sa mga aso. Para kaming mga secret agent na ingat na ingat sa aming mga galaw habang pilit naming pinapasok ang nakasarado't nakataling gate na gawa sa kawayan ng niyogan. Nang tuluyan kaming nakapasok sa loob ay maingat ang bawat paggalaw namin at panay ang pabaling-baling sa paligid dahil baka bigla na lang kaming sugurin ng mga kalaban. Si Kuya Karding na parang sira ay umaktong isang secret agent, na naman. Kumuha ito ng sanga ng kahot at ginawa itong b***l kunwari, at may pagulong-gulong pa itong nalalaman sa damuhan habang ako at ang dalawa kong mga kapatid ay natatawa naman. Nagkani-kaniya kaming kuha ng sanga ng kahoy at inihanda ito sa susugod na kalaban. "Tori, Rany, dito lang kayo maghintay sa'min ni Nene, ha. Upo lang kayo diyan at kami lang ang pupunta roon. Kapag nakarinig kayo ng tahol, alam niyo na ang gagawin, ha," pagkausap ni Kuya Karding sa dalawa naming kapatid. "Opo, Kuya!" sagot nilang dalawa. Pinapasok ni Kuya ang dalawa naming kapatid sa malalaking ugat ng puno. Doon namin sila iniwan bago kami lumusob sa mapanganib na niyogan. Nang makakita kami ng mga niyog ay kaagad naming kinuha ang mga iyon. Bawat isa sa'min ni Kuya Karding ay may kani-kaniyang bitbit. Iiwan namin ito sa malapit na malaking puno na pinag-iwanan namin sa dalawa naming kapatid at babalik na naman kami sa niyogan para manguha pa. Hanggang sa makakita ako ng malaking niyog, pero malapit ito sa xyclone wire na pader na nakaharang sa malaking bahay at may maraming aso na nagbabantay. "Ne, naku alam ko ang iniisip mo kaya huwag mo nang ituloy. Tara na, tama na 'to," wika ni Kuya Karding. Tumango ako. Tumalikod na rin siya't naglakad pabalik sa mga kapatid namin. Pero ako? Hindi ako sumunod sa likuran ni Kuya. Sa halip, sumugod ako palapit sa mga kalaban para kuhanin ang niyog. Ingat na ingat ako sa bawat galaw na nililikha ko palapit sa kinaroroonan niyog. Iniingatan kong hindi makaapak ng sanga ng kahoy at makalikha ng ingay. Nang tuluyan akong makalapit sa i***********l na teknik, ay kaagad kong dinampot ang niyog na nakangiti, subalit kasabay niyon ay narinig ko ang pag-angil ng aso sabay tahol nito sa'kin. "Patay kang nene ka!" sambit ko sabay bilis dampot sa niyog, niyakap ito at mabilis na kumaripas ng takbo dahil ang mga kalaban ay sunod-sunod na lumusot sa cyclone wire at kasalukuyang hinahabol ako. Nang makita ako ni Kuya Karding na hindi magkandarapa sa pagtakbo ay mukhang alam na niya ang nangyayari. Kaagad niyang sinensyasan at inutusan ang mga nakakabata naming kapatid. "Hala, takbo!" sigaw ni Kuya Karding. Gayon din ang taranta ng mga kapatid namin at halos magkandarapa kami sa pagtakbo dahil hindi biro ang mga asong humahabol sa'min. Ako na yakap-yakap ang niyog at tila hinahabol ni Kamatayan ay nakipagkarerahan sa mga aso na kamuntikan pang maabot ng pangil ang puwetan ko. "Kuya, bilisan mo! Andyan na ang mga kalaban!" sigaw ko. Mahigit sampung aso ang humahabol sa'ming magkakapatid kaya todo kami sa pagtakbo ng mabilis. Nang malapit na kami sa pampang ng ilog ay sabay-sabay kaming sumigaw. "Talon!" Sabay kaming apat tumalon sa ilog habang bitbit pa rin ang mga niyog na nakuha namin. Habang ang mga aso nama'y tumatahol pa rin pero hindi magawang gawin ang ginawa naming teknik na magkakapatid. Tatawa-tawa kaming umahon sa tubig at naupo sa buhangin habang sumasakit ang tiyan sa kakatawa na nakatingin sa mga asong tumatahol pa rin habang nakatingin sa'min. Nang magsawa ang mga ito'y nagkani-kaniyang balik din sa kanilang mga lungga. "Muntik na tayo roon, ah," sambit ko na tumatawa pa rin. "Kung hindi ka ba naman kasi sira bakit lumapit ka pa talaga sa cyclone wire na 'yon, eh, alam mo namang doon ang lungga ng mga kalaban natin?" saad naman ni Kuya habang binabalatan ang niyog gamit ang isang bato na pinupukpok sa bunot nito para lumambot. Nagkibit-balikat naman ako. "Eh, sa gusto ko, eh," rason ko na ikinailing na lang ni Kuya. Katulad niya'y kumuha rin ako ng bato at ipinukpok ito sa bunot ng niyog hanggang sa lumambot ito. Wala kaming itak kaya ang gagamitin namin ay aming mga ngipin sa pagtanggal ng bunot sa bao ng niyog. Kakagatin namin ang bunot at hihilain gamit ang mga ngipin at lakas ng paa namin na siyang magsisilbing pipigil sa niyog. Para kaming patay gutom sa ginagawa namin pero doon kami masaya. Habang naliligo kami ng ilog ay ngumunguya rin kami ng niyog. Isang klase ng prutas o gulay na pinanggagata ng ilan, pero nagsisilbing laman ng sikmura naming magkakapatid. Isang memorya sa alaala na kung iisipin ay nakakalungkot at nakakaawa, pero masaya lalo na't magkasama kaming apat na magkakapatid. Ang araw na iyon ay hindi kailanman malilimutan dahil sinundo kami ng lasing naming ama na siyang lider ng mga kalaban. Siya'y may dalang pamalong sanga ng bayabas. Galit na galit niya kaming tinatawag at pinapauwi. Bitbit ang kaba at takot ay kaagad kaming sumunod, at malayo palang kami sa kanya ay inihanda na namin ang aming mga sarili sa parusang matatanggap. "Mga bwesit kayong mga bata kayo!" singhal sa'min ni Tatay. At nang makalapit kami sa kanya'y malakas niya kaming pinalo ni Kuya Karding ng sanga ng bayabas. "Aray, 'Tay, huwag po!" hiyaw ko nang tumama sa balat ko ang sanga ng bayabas. Subalit hindi nakinig si Tatay. Muli niya pa kaming pinalo ni Kuya, habang ang dalawa naming kapatid ay hindi niya pinalo ngunit umiiyak ang mga ito at tumatakbo pauwi. "Uwi!" galit niyang singhal sa'min at muli pa kaming pinalo ng salitan ni Kuya Karding. Patakbo kaming umuwi sa bahay habang napapakamot sa bawat parte ng katawan namin na matatamaan ng pamalo niya habang hilam ng luha ang aming mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD