Isang umagang kay tahimik. Ang bait ni Tatay. Tahimik siya at inaasikaso naman kami sa pamamagitan ng paghahanap ng mauulamin at pagluluto ng gulay, pagsisibak ng kahoy at pagsasaing. Si Tatay Roger tila isang santo kapag hindi lasing. Daig pa niya ang isang babaeng mahinhin. Pero kapag kargado ng paborito niyang inumin ang katawan, tila nagiging isa siyang demonyo na walang sinasanto.
"Ne, Kardo, matulog kayo mamaya ha. Huwag kayong pupunta sa ilog!" ang mahigpit na bilin sa'min ni Tatay bago siya umalis. Malamang pupunta siya sa tindahan, doon sa mga barkada niya at tiyak uuwi siyang lasing na naman mamaya.
Tango lang ang isinagot namin sa kaniya sa pakiramdam na takot kaming magbitaw ng salita. Hindi naglaon, umalis na nga si Tatay at naiwan na naman kaming apat sa bahay. Madalas kaming maiwan nina kuya Kards, Tori at Rany dahil ang mga kuya namin ay nakikipagbarkada at kadalasa'y sa barkada na rin sila natutulog. Hindi ko pa noon maintindihan kung bakit, ang tanging alam ko lang ay umiiwas sila kay Tatay, at kung bakit umiiwas ay siguro dahil ayaw nilang sermonan sila at pagsabihan ng kung ano-anong salita, o di kaya'y… mabugbog.
Nang wala na si Tatay ay naglaro kaming magkakapatid at hindi sinunod ang utos niyang matulog kami. Pero habang naglalaro kami sa labas ng bahay ay panay rin ang silip namin sa daan dahil baka bigla nalang dumating si Tatay. Pero kinahapunan lang, hindi ito dumating. Siguro nawili na ito sa kakainom ng alak bagay na ikinasaya namin dahil pakiramdam naming magkakapatid ay hindi kami preso.
Sumapit ang gabi, wala pa si Nanay dahil doon ito natulog sa pinagtatrabahuhan nito at sa susunod pang araw uuwi. Naghapunan kaming magkakapatid at ang ulam namin ay mantika na may asin at toyo na hinalo sa kanin. Hindi pa man kami tapos kumain ay narinig na namin ang boses ni Tatay na kumakanta.
"Gulong ng palad… gulong ng palad."
Nagkatinginan kaming magkakapatid sabay binilisan ang pagsubo ng kanin sa isiping manganganib na naman kami ngayong gabi sapagkat lasing si Tatay!
Halos mabulunan kami na inubos ang kanin at kaagad uminom ng tubig. Sa mga sandaling iyon ay kailangan naming makatakas sa bahay habang hindi pa ito nakakapasok sa loob.
"Ne, mauna na kayong dumaan sa bakod bilis!" ang utos ni Kuya Karding sa'kin.
Dali-dali ko namang hinila sina Tori at Rany paakyat sa taas ng bahay. Ang bahay namin ay gawa sa hardiflex na dingding, kawayan ang sahig at kawayan na dingding sa babang bahagi ng bahay. Kapag lumabas kami sa pinto ng bahay ay makakasalubong namin si Tatay sa daan, kaya ang ideya namin ay iyong sahig namin sa taas na gawa sa kawayan ay tinatanggalan namin ng pako at doon kami dumadaan palabas ng bahay na pagapang sa lupa. At kapag nakalabas na kami ay dumadaan na naman kami sa bakod ng isang babuyan sa tabi namin, at doon kami nagtatago sa tangkal ng baboy.
"Gulong ng palad… gulong ng—Kardo! Nene! Mga demonyo kayo! Mga putangina kayo!"
Kasing bilis nang pagpatak ng orasan ang pagbabago ni Tatay. Kakanta lang siya, tapos bigla nalang kaming tatawagin at mumurahin.
Sa pagkakataong iyon ay nagtatago na kami sa lungga ng mga baboy na medyo malapit sa bahay namin, at pinapakinggan ang mga pinagsasabi ni Tatay habang puno kami ng kaba sa dibdib.
"Putanginang bahay 'to! Wala bang tao rito?! Nene, Kardo, nasaan ba kayo mga putangina kayo!"
Napaiyak ako, maging ang dalawa kong kapatid na bunso. Habang si Kuya ay tahimik lang at pinapagalitan ako.
"Tumahimik ka nga, Ne. Mamaya marinig tayo e!"
Maya-maya pa'y nakadinig kami ng isang bagay na parang hinagis. Nagkalansing ang mga kalderong may laman pang kanin, lumipad ang pinggan, saka pinag-iitak niya ang bawat parti ng bahay na makita niya.
"Papatayin ko kayong mga demonyo kayo! Nasaan ba kayo ha?!" Lagitnit ng pinto ang narinig namin. Umakyat si Tatay sa taas ng bahay at hinahanap niya kami. Nang hindi niya kami makita ay pinagtataga niya ang pinto.
"Mga walang kuwenta! Mga binuyog (demonyo)!"
Bumaba na naman siya at pagkatapos ay lumabas ng bahay at hinanap kami. Binalot kami ng matinding kaba nang dumaan siya sa labas ng bakod ng babuyan kung saan pa kami banda nagtatago, dala ang itak niya. Napagtanto rin namin na papasok siya sa babuyan para hanapin kami!
Tumunog ang padlock sa pintoan ng babuyan tanda na binubuksan ito ni Tatay.
Grabe na ang kaba ko. Mukhang hahanapin niya kami sa lungga kung saan kami madalas magtago!
"Ne, tara na! Palapit na si Tatay kailangan nating umikot!"
Putangina.
Papunta na nga si Tatay kung saan kami banda nagtatago, kaya mabilis kaming umalis doon at pagapang na dumaan sa gilid ng pader ng babuyan para lumipat na naman sa kabilang bahagi. Para kaming nakikipaglaro ng tagu-taguan kay Tatay!
"Putangina! Kapag nakita ko kayo pagtatagain ko mga bungo niyo!" angil ni Tatay na halata sa boses ang kalasingan at galit.
Habang papunta siya sa dinadaanan namin ay paabante naman kami nang paabante. Nabawasan lang ang kaba namin nang lumabas na ng babuyan si Tatay at bumalik na sa bahay.
"Kung minsan ang takbo ng buhay mo. Pagdurusa nito'y walang hanggan. Huwag kang maninimdim ang buhay ay… gulong ng palad… gulong ng—Nene, Kardo!"
Tahimik lang kaming pinapakinggan si Tatay na paulit-ulit lang ang ginagawa. Kakanta, tapos magsasalita mag-isa o di kaya'y bigla nalang magmumura.
Maya-maya pa'y may narinig na naman kaming bagay na hinagis. Nang sumilip kami sa pader ay nakita naming umaapoy na ang kusina dahil sa gaserang tinapon ni Tatay na tumama sa sakong ginupit at ginawang pantabon sa xyclone wire na naging silbing bakod na rin ng aming kusina. Magkadikit kasi ang kusina namin at bakod ng babuyan na gawa sa xyclone wire, kaya iyon na rin ang naging silbing bakod ng kusina namin.
"Ne, tulungan mo akong patayin ang apoy!" mariing utso sa'kin ni Kuya Karding na natatarantang naghanap ng tubig.
Agad ko ngang tinulungan si Kuya na patayin ang apoy na lumiliyab gamit ang tubig na nandoon mismo sa babuyan. Nang mapatay ang apoy ay nagtago kaming muli. Malamang hindi napansin ni Tatay ang pagpatay namin sa apoy dahil abala ito sa pagkanta.
Sumandal kami ni Kuya sa pader ng tangkal ng baboy. Ang dalawa naming kapatid ay nakahiga sa lapag habang nakaunan ang ulo sa hita namin ni Kuya Karding. Nanatili kaming naghintay doon sa pinagtataguang kulungan ng baboy, kasama ang mga biik at mabahong tae ng baboy. Hinihintay ang pagtigil ng kanta, mura at pagtataga. Hinihintay na makatulog si Tatay para kami'y makauwi na rin at makapagpahinga. Nakikipaglabanan sa mga kalabang lamok na pilit sinisipsip ang aming dugo, nakikipagtitigan sa liwanag na nagmumula sa buwan at nagsisilbing ilaw sa buong paligid.
Muling nanumbalik ang tahimik sa buong paligid. Wala nang kumakanta, wala nang nagmumura, at wala nang nagtataga. Hudyat na para kami'y bumalik sa bahay.
"Ne, gisingin mo si Tori uuwi na tayo. Bubuhatin ko naman si Rany," utos ni Kuya na nagpawala sa inaantok kong diwa.
"Sige, Kuya."
Ginising ko ang aking kapatid. Pagkatapos ay dahan-dahan kami sa bawat galaw namin na bumalik sa bahay. Mula sa ilalim ng bahay (dalom-balay) ay gumapang kami, iniusog ng dahan-dahan ang sahig-kawayan at pinaunang pinaakyat sa taas ang dalawa naming kapatid, sumunod rin kami pagkatapos nilang makaakyat.
Maririnig na ang malalakas na hilik ni Tatay tanda na malalim na ang pagtulog nito. Nahiga na rin kami ni Kuya Karding at hindi nagtagal ay nakatulog na siya at naiwan akong gising.
Tahimik na ang paligid. Wala nang ingay pero bakit hindi ako makatulog? Bakit dilat pa ang aking mga mata samantalang malalim na ang gabi. Bakit ayaw umimpit ng luha ko at kaba sa aking dibdib? Tapos na, tulog na ang lasing kong ama, wala ng mura, wala ng taga, pero bakit kinakabahan pa rin ako? Bakit panay ang bantay ko sa pintuan at iniisip ko na baka bigla na lang siyang umakyat na may dalang itak at pagtatagain kaming magkakapatid?
Taimtim akong nagdasal sa paborito kong kaibigan.
"Papa Jesus, bantayan mo po kami. Ang mga kapatid ko po. Baka pagtagain kami ni Tatay habang natutulog kami."
Ang dasal ko na palagi kong sinasabi sa kaniya sa bawat gabing dumadaan.