Nene 4: Ang nanay kong labandera

1362 Words
Si Nanay Dalia ay isang masipag na ina, subalit maingay ang kaniyang bunganga lalo na kapag makalat ang aming bahay. Si Nanay ay nakatira noon sa isang bukid, pero dahil malupit ang kaniyang mga magulang ay naisipan niyang tumakas at magbanat ng buto sa murang edad para buhayin ang sarili. Iba't ibang tao ang pinasukan niya't pinagtrabahuhan bilang kasambahay at labandera, iba't ibang lugar na rin ang napuntahan niya dahil sa trabahong pinasok niya. Noong makilala niya si Tatay, hindi naman daw ito lasenggo at mabait na mahilig kumanta. Pero noong nagsama na sila, ay doon nagbago ang ugali ni Tatay. Madalas makatikim ng pambubugbog si Nanay kay Tatay. Emosyonal, physical at verbal a***e. Lahat yata natikman na ni Nanay kay Tatay at kaming magkakapatid ang witness sa bawat pasang natamo niya mula sa aming ama. Isang araw umuwing lasing ang aming ama. Hinanap nito si Nanay at pilit na hinihingan ng pambili ng alak. "Uuwi ka dito na lasing tapos hihingi kapa ng pambili ng alak?! Nasaan ba ang kinita mo sa pamamasada ha?! Pinambili mo lang ng alak samantalang magkandakuba at magkandasugat-sugat ang palad ko sa kakakuskos ng labada para may ipakain diyan sa pito mong anak!" malakas ang boses na talak ni Nanay kay Tatay. Kaming magkakapatid ay tila tutang nakaupo sa isang tabi, kumakain ng kanin na ulam ay sardinas habang panay ang paglikot ng mga mata at binabantayan silang dalawa. "Putangina mong gaga ka! Ang ingay ng bunganga mo! Humihingi lang ako ng pambili ng alak madami ka nang sinasabi!" ganting sabi ni Tatay na galit na rin. Lasing na lasing ito at hindi na nga maayos ang sarili. Pinatulan naman ni Nanay at tumalak na naman ito. "Mabuti ka pa humihingi lang ng alak samantalang mga anak mo hindi mo ma obliga—aaahhh!" Napasinghap kaming magkakapatid at napatalon sa kinauupuan nang tumabingi ang mukha ni Nanay nang malakas itong suntukin ni Tatay. "Binuyog ka! Wala kang kuwentang babae!" sigaw ni Tatay saka malakas pang sinuntok muli si Nanay dahilan upang mapahiyaw si Nanay. Sa takot namin ay wala kaming nagawa kundi ang manginig at umiyak. Wala kaming nagawa para tulungan si Nanay dahil baka maging kami ay balingan ni Tatay at saktan din. "H-heto na–" Biglang dinampot ni Tatay ang isang daan na iniabot ni Nanay saka walang paalam na tumalikod. "Bibigay ka rin pala marami ka pang satsat!" angil nito sabay lumabas ng bahay. Naiwan kami na napatulalang napatitig kay Nanay na pumutok ang labi at dumudugo, may black eye rin ito. "Walang kuwentang asawa! Demonyo! Ang sarap patayin!" Iyan ang mga katagang paulit-ulit na sinasabi ni Nanay nang wala na si Tatay. Binalingan niya kami at pinagalitan dahil hindi namin inubos ang pagkain namin. "Ano pang tinutunganga niyo, ha?! Ubusin niyo na mga pagkain niyo!" Nagsigalaw naman kami at kaagad sinunod ang utos niya dahil baka balingan na naman niya kami ng galit niya kay Tatay. "Ikaw Nene, kapag nag-asawa ka huwag kang mag-aasawa ng gaya sa tatay mong demonyo! Piliin mo ang lalaking hindi ka sasaktan!" umiiyak na wika ni Nanay sa'kin. Tahimik akong nakinig, umiiyak na tumutulo pa ang sipon. ISANG araw bago pumasok si Nanay sa trabaho niya ay maaga pa lang ginising na niya ako para maglinis ng bahay. Inaantok-antok pa ang diwa ko nang bumangon at sinunod ang utos niya. Mayroon pang kinukurot niya ako sa hita dahil hindi ko kaagad nasusunod ang utos niya. Dahil nga mahahaba ang kuko niya ay nag-iiwan ito ng marka at pasa sa balat ko. Minsan din ay pinapalo niya ako gamit ang isang baston at nakakapilay nga ang sakit niyon. "Heto mga labahan, Nene. Lalabhan mo iyan. Kuskusin mo ng ganito. Hindi ka aalis diyan kapag hindi iyan lumilinis, ha? Kapag nakita kong madumi pa iyan ay ipapaulit ko sayo at wala akong pakialam kong dumugo iyang kamay mo kakakuskos!" Ang mahigpit na bilin ni Nanay sa'kin bago siya umalis. Dahil nga mag-isa lang akong babae ay ako ang gagawa ng paglalabada. Marami rin iyon dahil damit naming lahat iyon. Pagkatapos ko ngang mag-almusal ay sinimulan ko nang labhan ang mga labahin. Kuskos dito, kuskos doon. Pinagpapawisan na ang mapayat kong braso at katawan. Pitong taon lang ako pero pakiramdam ko'y bente na dahil sa obligasyong nakatuka sa'kin. "Ne, laro tayo chinese garter!" tawag sa'kin ng kaibigan kong si Marie. Malungkot ko siyang tiningnan. Gustong-gusto kong maglaro pero hindi puwede hangga't hindi natatapos ang mga labahan ko. "Kayo na muna, Marie. Madami pa akong labahin e." Patuloy akong naglaba habang nakikinig sa mga hiyaw at tawa ng mga kalaro ko sa labas ng aming bahay na naglalaro ng chinese garter. Sa murang edad ay madali akong mahumaling sa laro at mauto, kaya nang ayain akong muli ng mga kalaro ko na sumali ay iniwan ko ang aking labahin at nakipaglaro. Hindi ko pinansin ang tawag sa'kin ni Kuya Karding. Hindi ko iniisip ang mangyayari kapag umuwi si Nanay at maabutan akong hindi pa natatapos ang gawain. Sobrang saya ko. Ang galing ko pang mag-chinese garter. Nagagawa ko pang tumambling. Pero ang saya na naramdaman ko kanina lang ay napalitan ng takot nang umuwi si Nanay at ang labahin ko ay nanatiling nasa batya. "Nene!" Boses palang ni Nanay ay kinakabahan na ako. Hindi ko alam na maaga siyang uuwi ngayon. Dali-dali kong kinuha ang tsinelas ko at mabilis na umuwi sa bahay. Lalo akong kinabahan nang makitang hawak ni Nanay ang baston at galit siyang nakatingin sa'kin. "Halika rito, Ne. Lumapit ka sa'kin." Aniya na pinapaypay ako para lumapit sa kaniya. Alam ko na iyon. Na kapag lumapit ako ay mapapalo ako kaya binagalan ko ang paghakbang bakas ang takot sa galaw at mukha ko. "Bilisan mo, Ne!" mariing tawag ni Nanay sa'kin na nangangalansing na ang mga ngipin sa galit. "N-Nay, h-huwag po, 'n-nay—aray ko nay!" Napaupo ako sa lupa nang malakas niya akong paluin ng baston sa puwetan. Isang palo pa at tinamaan ako sa likod ng tuhod. "Aray, 'nay! Tama na po, 'nay! Masakit po 'nay!" umiiyak kong pakiusap sa kaniya pero hindi siya nakinig. "Pagod na ako galing sa trabaho tapos pag-uwi ko ganito pa madadatnan kong gaga ka!" Isa pang palo ang binigay niya sa'kin. At mukhang nanggigil si Nanay sa'kin dala na rin siguro ng pagod niya sa trabaho ay hinila niya ang buhok ko, hinila ako at nilublob ang mukha ko sa labahan kong hindi pa tapos labhan. "Ito ang bagay sayong bata ka ang tigas ng ulo mo!" "Ugmm-mrrr-aah!" Hinihingal akong napahawak sa dibdib ko na napaupo sa lupa na umiiyak nang sa wakas bitawan niya ako. Sa tindi ng paninikip ng dibdib ko ay hindi ko na alam kong paano huminga ng tama. Hindi pa nga ako nakakaahon sa paglunod niya sa'kin ay kinurot na naman niya ako ng buong lakas na halos magpahiwalay sa kaluluwa ko sa sobrang sakit at hapdi. Aniko'y binabalatan niya ako ng buhay. Nang tingnan ko ang magkabila kong hita ay kulay violet na ang marka ng kurot. "Huhuhuhuhu!" nanginginig kong niyakap ang sarili at patuloy na umiiyak. Para akong basang sisiw matapos hawakan at pagmalupitan ni Nanay. Siguro pagod na pagod siya sa trabaho. Alam ko naman iyon e. Alam kong naglalabada siya para may ipakain lang sa'min dahil wala naman siyang aasahan kay Tatay kasi ang kinikita nito ay pinapambili lang ng alak. Naiintindihan ko si Nanay kong nasasaktan niya ako, kasi may kasalanan ako… Hindi rin ako puwedeng gumanti o lumaban dahil mahal ko siya. Nanay ko siya at ang hirap na dinadanas ko ngayon ay wala sa hirap na dinanas niya para lang buhayin kaming pitong magkakapatid. Nagdudugo at nagsusugat ang mga palad niya kakalaba ng labahan ng mga tao para lang may iuwing bigas at sardinas. Iniinda niya ang hapdi at halos hindi niya mabasa ng tubig ang kamay dahil sa hapdi pero tinitiis niya. Iyon na ang namulatan ng mga mata ko simula nang magkaisip ako. Lahat nama'y nakikita ko—naming magkakapatid. Kaya okay lang kahit saktan ako ni Nanay. Okay lang kahit masakit at mahapdi. Okay lang kahit magkulay violet ang balat ko, basta huwag lang magkulay itim ang paligid ng mga mata ni Nanay.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD