"Guzman, bakit ka duguan?" nag-aalalang tanong ni Adeline sa akin nang dumating ako sa aming bahay.
Umupo ako sa sofa at kaagad kong inalis ang suot kong puting long sleeves at inalis iyon para maginhawaan ang aking pakiramdam.
"Ano bang nangyayari sa iyo? Hindi ko na naiintindihan ang mga pinaggagagawa mo. Hindi ka naman basagulero noong pinakasalan kita at---" Nasapo nito ang bibig nang may maalala tungkol sa akin. "Hindi nga kaya? Guzman, bumalik ka na ba sa Triad?"
Ang Triad na kinabibilangan ng kaniyang pamilya noon, Calibuso, Cortesi at Guerer. Ngunit nagbago ang takbo ng negosyo, nang mamatay ang aking tumayong ama ay ipinasa nito ang mga ari-arian sa tunay nitong anak na si Caliver. Kaya naman nawalan ako ng mga karapatan dahil hindi ako binahagian ng mga ari-arian. Pumayag ako sa inalok ni Don na kung sasama akong muli sa mga operasyon ay ibabalik nito sa akin ang dapat na para sa akin.
Nagtiwala ako kay Guerer ngunit nabibigo ako.
"Tumahimik ka, Adeline! Hindi mo na kailangan pang alamin ang tungkol sa mga ginagawa ko."
Umupo sa aking tabi ang aking asawa. Umiiyak ito na hinawakan ang aking pisngi.
"Guzman, isipin mo naman kami ng anak mo. Nangako ka na sa akin na titigilan mo na ang Triad at nagbagong buhay na tayo. Sabihin mo sa akin, mali ba ako ng hinala? Hindi ba ako tama?"
Inalis ko ang kamay ni Adeline sa aking pisngi. Paano ko sasabihin na wala na akong takas? Nanganganib ang kompanya namin dahil sa babala ni Guerer at kung aalis ako sa Triad mas lalo lang akong malulugmok at hindi ko na mababawi pa ang aking karapatan sa loob ng Triad.
"Ayokong marinig ang mga kadramahan mo, Adeline. Pagod ako! Naiintindihan mo ba ako? Pagod na pagod ako! Sa ibang araw mo na lang akong kausapin tungkol sa mga ipinangako ko sa iyo," marahas akong tumayo at iniwan ang aking asawa na umiiyak.
Bumuga ako nang malalim. Nakasalubong ko ang mga katulong at nagulat ang mga ito sa aking itsura.
May pasa ang kanan kong pisngi at may daplis na tama ng baril ang aking kaliwang balikat.
Sanay na noon ang aming mga kasambahay kaya iniyuyuko nila ang mga ulo kapag nakikita nila ako.
"Manang, dalhan mo ako ng first aid kit sa kuwarto."
"Opo, sir." Nagmadali si Manang Pilar na para bang natatakot sa akin.
Pumasok ako sa kuwarto at dumiretso ako sa banyo para maligo. Nasa isip ko pa rin si Caliver, ang gagong iyon! Wala na itong magandang ginawa para sa akin. Palagi na lamang akong pinapakialaman ng hayop na iyon.
Nalaman ko na malapit na itong ikasal kay Fiona, pag-iisipan kong mabuti kung ano ang regalong ibibigay ko sa kaniya.
Nang lumabas ako ng banyo ay nakita ko si Adeline na hinihintay ako. Nakaupo ito sa kama at hawak ang first aid kit na ipinapakuha ko kay Manang Pilar.
"Magdra-drama ka na naman ba, Adeline? Masanay ka na palagi mo akong makikita na ganito ngayon lalo na sa mga susunod pang mga araw."
"Guzman, natatakot ako. Paano kung sa ginagawa mo mapahamak kami ni Lunnox? Ayokong pati anak natin madamay."
"Adeline, huwag ka ngang mag-isip ng kung ano-ano. Hindi kayo madadamay ni Lunnox dahil hindi ako tanga!" naiinis na sabi ko sa aking asawa.
"Guzman, kahit na mga matatalino ay naiisahan ng kalaban. Nakikiusap ako na tumigil ka na sa---"
Niyakap ko na lamang ang aking asawa at hinagkan ito sa noo. "Okay sige... tumahan ka lang."
"Patawarin mo ako Adeline pero isinanla ko na ang kaluluwa ko sa demonyo," piping usal ko habang yakap-yakap ito.
"Salamat, Guzman. Mahal na mahal kita at ayokong mapahamak ka. Gagamutin ko ang mga sugat mo baka dumating si Lunnox at makita ka niya na ganiyan. Tiyak ako na mag-aalala sa iyo ang anak mo."
Si Lunnox, ang aking nag-iisang anak. Maganda ito katulad ng aking asawa, maamo ang mukha at napaka-sweet na anak.
"Adeline, hindi ako makakauwi rito sa bahay sa susunod na mga araw para asikasuhin ang ating negosyo. Nasabihan ko na si Lunnox na i-handle muna ang company habang wala ako."
"Gusto mo bang sumama na lang ako? Secretary mo naman ako dati kaya p'wede akong makatulong sa iyo."
"Huwag na, Adeline. Kailangan ko ito na mag-isa para makalimutan ko ang Triad. Asikasuhin mo na lamang ang ating anak at ang mga iba pa nating mga pinagkakakitaan."
Napapayag ko si Adeline sa aking pakiusap. Hindi ang aking kompanya ang aasikasuhin ko kun'di ang isang alas na magpapanalo sa akin.
DUMATING ang araw na pinakahihintay ko. Ang araw bago ang kasal ni Caliver kay Fiona. Inutusan ako ni Guerer na sunduin si Fiona sa mansion para maging driver ng anak nito sa araw na iyon.
"Fiona, ang ganda mo ngayon. Tiyak ako na mabibighani na naman sa iyo si Caliver," nakangiting aniya sa dalagang anak ni Guerer.
"Mister Guzman, magiging Kuya Guzman ko na kayo kapag ikinasal kami ni Caliver."
"Kuya?" Tumawa ako sa sinabi nito. "Hindi ko kapatid si Caliver kaya hindi mo ako p'wedeng tawagin na kuya. Tito, Guzman, iyon marahil ang dapat dahil kumpadre ko na ang Tatay mo."
Nagiging mas malapit kami ni Guerer dahil nauunawaan niya ako sa aking mga pagkakamali. Hindi katulad ni Caliver na basta na lamang akong pinapakialaman.
"Halika na, Fiona. Mas mabuting maaga kitang dalhin kay Selena," tukoy ko sa wedding gown designer nito.
Magugulat na lamang si Caliver kapag nalaman nito na ako na ang bagong kanang kamay ni Guerer.
Nang maihatid ko si Fiona sa botique ay nanatili ako sa labas kasama ng dalawang itim na van na kasunod namin ni Fiona. Ang mga alalay ni Don.
Habang hinihintay si Fiona ay nag-ring ang aking cellphone. Si Lunnox, tumatawag ang aking anak.
Sinagot ko iyon at sandaling lumayo sa kotse.
"Daddy, where are you?" masiglang tanong ni Lunnox.
"Nasa... nasa Cebu pa ako anak. Kumusta ka na, ang negosyo?"
"Daddy, okay na okay ang business natin. Nakapag-close ako ng dalawang deal sa TV advertisement ng ating products at ako pa ang model," masayang balita nito sa akin.
"Good job anak. Pagdating ko sa bahay magkakaroon tayo ng celebration."
"Daddy, isang buwan na kayo riyan sa Cebu."
"Lunnox, uuwi rin ako pagkatapos ng mga inaasikaso ko. Sige na, may meeting pa ako."
"I love you, Daddy and I miss you."
Huminga ako nang malalim. "Love you too, sweetie." Ibinaba ko na ang phone ko at inilagay iyon sa aking bulsa.
Paglingon ko sa kotse ay nakatayo roon si Gustavo. Nakangiti pa siya sa akin habang lumalapit ako sa kaniya.
"Ano naman ang ginagawa mo rito?" nakangising tanong ko sa bestfriend ni Caliver.
"Wala naman, gusto ko lang masigurado na nandito pa rin si Fiona at hindi siya mapapahamak."
"Ano bang problema mo sa akin, ha?"
"Nalaman ko na ikaw ang papalit sa puwesto ni Caliver pagkatapos nilang ikasal ni Fiona. Kaya mo naman kaya?" pangmamaliit sa akin ni Gustavo.
"Bakit hindi mo na lang ako panoorin, Gustavo. Naiinggit ka ba dahil hindi ikaw ang pinili ni Guerer?"
Tumawa nang malakas si Gustavo at saka umiling. Tinapik nito ang aking balikat at saka ako tinalikuran.
Sandali itong tumigil sa paglalakad.
"Guzman, huwag kang magpapakampante. Hindi mo kilala ang mga pader na binabangga mo," anito bago muling tumawa nang malakas.
Hindi ko siya pinansin dahil may tiwala ako kay Guerer. May isa siyang salita at paninindigan.