Kinabukasan, maaga pa lang ay dinala ni Nobu ang aklat sa likod ng bahay para sunugin. Wala na siyang pakialam kung magalit sa kanya ang kaibigang si Ambrocio. Ang totoo ay naiinis din siya dito dahil idinamay pa siya sa kung anumang kamalasan ang dala ng libro.
Sinigurado ni Nobu na malakas ang apoy para masunog agad ang libro. Niligay niya ito sa gitna at dito ay nagsimulang masunog ang mga tali at telang nakabalot dito. Kitang kita ng kanyang dalawang mata kung paano matupok ang aklat ngunit maya maya ay namatay ang apoy nito.
Nagtaka si Nobu, inialis niya ang aklat at muling sinindihan ang mga kahoy, binuhusan pa niya ito ng gaas. Ngunit noong ilagay niya ang libro ay nawala na naman ang apoy nito. Nakaramdam siya ng pagkainis kaya naman inilubog niya sa gaas ang libro at doon na ito sinunog. Nagliyab ito ngunit kataka takang hindi ito nasusunog! Noong alisin niya ang aklat ay parang walang nangyari dito, ni isang sunog o sira ay wala.
Labis na napatunayan ni Nobu na ang libro ay literal na mahiwaga, literal na may sumpang taglay. Gayon pa man ay hindi siya sumuko at mas tumaas pa ang pagnanasa siyang wasakin ang libro.
Sinubukan niyang punitin at gupitin ang bawat pahina nito pero kahit anong hila at kahit gaano kalakas ang gamitin niyang pwersa ay balewala lamang din. Hindi natitinag ang pahina nito.
Noong araw ring iyon ay umakyat si Nobu sa kabundukan upang doon ibaon ang aklat. Humukay siya ng malalim at dito inilagay niya ang aklat na nakabalot ng tela at mayroong tali sa paligid. Matagumpay niyang naibaon ang aklat sa hukay at noong matapos ito ay agad siyang umuwi para makasama ang kanyang pamilya sa hapunan. Halos naubos ang buong maghapon niya sa pagsira at pag-alis ng aklat sa kanilang buhay.
"Saan ka ba galing Nobu? Pumasok ka na nga dito dahil kakain na tayo," ang bungad ni Mirna na kanyang asawa.
"Doon sa bundok, nanguha lang ako ng mga tuyong kahoy na pang gatong," ang sagot niya sabay dulog sa harap ng kainan.
"Itay, bakit di mo sa akin sinabi na doon ka pupunta? Sana ay natulungan kita manguha ng kahoy doon," ang wika ni Sora habang nakangiti.
"Naku, huwag na hijo, unahin mo muna ang mga takdang aralin mo bago mo ako tulungan sa gawaing bahay mas mahalagang makapasa ka sa mga asignatura mo," ang sagot ng kanyang ama.
Ngumiti si Sora habang punong puno ng pagkain ang bibig, "kanina inaasar na naman ako ng mga kaklase ko. Pero hindi ko naman sila panansin."
"Mabuti naman kung ganoon, iwasan mo ang makipag away dahil kapag sinimulan mong pumatol sa kanila lagi ka nilang aasarin at hindi ka titigilan," ang sagot ni Nobu sa anak.
Tuloy ang pagkain at pagkukwentuhan ng pamilya, noong mga sandaling iyon ay nakahinga na ng maluwag si Nobu. Sa lalim ng pinagbaonan niya sa aklat ay tiyak na doon na ito maililibing at malilimot. Umaasa siya na matatahimik na ang lahat gayon rin ang kanyang sarili.
"Nobu, ayos ka lang ba?" tanong ng kanyang asawa.
Bumalik sa normal ang ulirat niya, "Ah e, ayos lang ako. Ano na nga ba ang pinag uusapan natin?"
"Sabi ko malapit na ang tag ulan, may mga parte ng bubong natin ang tumutulo, siguro ay mamili tayo ng materyales sa bayan para magawa at matapalan ang mga yerong sira, lalo't malamig pa naman dito kapag tag-ulan," ang wika ni Mirna.
"Sige ba, ibebenta ko bukas ang mga ani upang makabili tayo ng bagong mga yero. Tatawag na rin ako ng gagawa upang maging mas matibay ito," nakangiting sagot naman ni Nobu.
"At ikaw naman Sora, bibilhan kita ng kapote para kapag tag-ulan at uuwi ka galing sa paaralan ay hindi ka mababasa," ang nakangiting wika ng kanyang ina.
Alas 8 ng gabi, pagkatapos mag aral ay isinilid ni Sora ang mga gamit sa kanyang bag ay nagulat at dito ay nagulat siya noong makita niya ang lumang aklat na nasa loob nito. Agad niya itong kinuha at nagtatakbo sa kanyang ama. "Itay, bakit sinauli mo sa bag ko ang aklat? Diba kinuha mo na ito kagabi?" tanong nito dahilan para magulat si Nobu.
"Anong aklat?" ang tanong nito.
"Eto po," ang wika ni Sora sabay pakita sa aklat ng Langit at Lupa. Gulat na gulat si Nobu, tila nagulantang ang kanyang tahimik na diwa. Kanina ay ibinaon niya ito sa lupa, pero bakit nandito pa rin?!
Dahil sa gulat ay agad hinablot ni Nobu ang libro sa anak, "akin na nga iyan! Sa uli uli ay huwag mo na itong hihipuin ha! Dahil delikado!" ang singhal nito sa anak.
Nagulat si Sora sa reaksyon ng ama, "Eh itay hindi ko naman pinapakialaman ang aklat na iyan. Bigla ko na lang itong nakita doon sa loob ng bag ko. Bakit delikado? Ano ba ang mayroon diyan?" pagtataka nito.
"Dahil ang aklat na ito ay.. arghh! WALA! Hayaan mo na lamang!" ang sagot ni Nobu, hindi na niya itinuloy ang pagsasalita dahil ayaw niyang magulo ang isipan ng anak.
"Nobu, huwag mo ngang sigawan yung anak mo dahil sa isang lumang libro. Bakit ba kasi kakalat kalat iyan? Kung importante sa iyo iyan ay itago mong mabuti," ang suway ni Mirna, samantalang si Sora ay natahimik lang at lumayo sa ama.
Sa kabilang banda ay natahimik din si Nobu, pumasok na lamang ito sa silid at ibinalik sa kahon ang aklat. Nagdesisyon siya na bukas ay aaralin niya ito at pipiliting alamin kung paano masisira ang naturang isinumpang bagay. Halos lahat ay sinubukan na niya ngunit bale wala pa rin. Sinunog niya ito, ginupit at ilang beses na pinunit pero heto't buo pa rin. Sinubukan na rin niyang ibaon ito kabundukan pero bumalik pa rin ito na parang walang nangyari.
"Tsk! Gago ka talaga Ambrocio! Idinamay mo pa ako sa kagaguhan mo!" ang sigaw ni Nobu sa kanyang sarili habang nakatanaw sa aklat.
Muli niyang binasa ang isinalin niyang salita mula dito. "Ang pinupuntirya nito ay ang kabataang lalaki upang dalhin sa kwento," ang bulong niya.
"Teka, paano dadalhin sa kwento? Hindi ko maunawaan," ang sigaw pa niya sa kanyang isipan habang patuloy na kinakausap ang kanyang sarili.
Noong mga panahon na iyon ay nagsimula na ang pag-aaral ni Nobu tungkol sa libro ng langit at lupa. Dito ay nagtungo siya sa iba't ibang mga silid aklatan upang magsaliksik at alamin kung mayroong nakatalang impormasyon tungkol dito, o kahit kaparehong literatura ay ayos na basta't magkaroon lang siya ng hint o clue kung ano ang kapangyarihan nito. Hindi niya namamalayan na nagiging isa na itong makapit na sumpa.
Lumipas ang mga panahon patuloy pa rin si Nobu sa pag aaral hanggang sa nagmukha na siyang sira ulo dahil masyado na siyang nahumaling at na obsessed dito. Hindi napapansin ni Nobu na palayo na siya ng palayo hanggang sa tuluyan na siyang maadik dito.
Saliksik dito, saliksik doon..
Paglalakbay dito, paglalakbay doon. Wala siyang pakialam kahit tawirin niya ang karagatan kapalit ng kaunting impormasyon.
Lumayo siya ng lumayo..
Hanggang sa umalis si Nobu, nagtungo sa iba't ibang lugar para humanap ng kasagutan dala ang aklat. Iniwan niya ang kanyang pamilya sa paanan ng bundok hanggang ang nagtaguyod na lamang kay Sora ay ang kanyang ina.
Basta ang alam lamang ni Sora ay umalis ang kanyang ama at hindi na ito na bumalik pa. Inabanduna sila at pinabayaan.
At magbuhat noong araw na iyon ay nagtanim na siya ng galit dito dala na niya ito hanggang sa siya ay nagbinata.
15 anyos si Sora noong magkasakit ang kanyang ina at pumanaw ito. Naiwan siya na mag isa sa buhay at dito ay natuto siyang itaguyod ang kanyang sarili. Noong mamaalam ang kanyang ina ay mas lalo pa siyang nagalit at binalot ng matinding pagkasuklam sa ama at ipinangako sa kanyang sarili na darating din ang araw na makakaganti siya sa ginawang pang iiwan sa kanila sa ere.