Part 3

2681 Words
Baka Sakali AiTenshi   Part 3   Araw ng Biyernes, maaga akong pumasok sa campus dahil mayroong meeting ang aming department. Hindi ko naman talaga ugaling pumasok ng alas 7 ng umaga, ayoko lang mapag-initan ng aking mga kagrupo dahil dito sa kursong Education ay competetive ang lahat, patay kung patay basta makakuha lang ng mataas na scores lalo ngayon ay tumataas ang kompetisyon sa aming department.   Habang naglalakad ako sa hallway ay nakita ko itong si Stephen na naglalakad rin patungo sa akin. Nakangiti ito at kumaway pa habang parang slow motion na humahakbang patungo sa aking kinalalagyan. Hindi ko alam kung bakit niya ako pinapansin noong mga sandaling iyon, pero sa tingin ko ay hindi na mahalaga ito, basta ang alam ko ay ibayong saya ang lumukob sa aking pagkatao noong mga sandaling iyon. Tumitibok ng malakas ang aking puso na para bang lalabas ito sa matinding tuwa.   Tumingin ako sa kanya at kumawa rin, saka ngumiti, "kumusta?" ang bati ko sa kanya.   Nakangiti pa rin siyang lumakad patungo sa aking harapan, "kumusta? Kanina ka pa ba?" tanong niya.   "Hindi, kadarating ko lang din," ang sagot ko at noong malapit na siya sa akin ay bigla siyang tumakbo at nilagpasan ako. "Akala ko di ka papasok Mariz, kanina ka pa ba?" ang muli niyang tanong at noong humarap ako sa aking likuran ay nakita ko si Mariz na dating Miss Christmas na nakangiti. Agad siyang nilapitan ni Stephen saka sabay silang umakyat patungo sa 2nd floor.   Ako naman ay natawa sa aking sarili, napahiya at napakamot ng ulo. Anong bagay ba kasi ang nag-udyok sa akin para isipin na ako yung nakikita niya? Bakit ba kasi nag-expect ako nangangarap nanaman ng gising sa mga bagay na imposimbleng mangyari. Nakalimutan ko na si Lino ay isang imbisibol at isang bato lamang na hindi nakikita kahit magpakalat kalat sa daan. Halo halong emosyon ang naramdaman ko noong mga oras na iyon, napako lamang tuloy ako sa aking kinatatayuan habang binabalot ng matinding pagkahiya.   Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan sabay harap ulit sa aking lalakaran pero laking gulat ko noong bumulaga si Perla sa aking harapan. Napasigaw ako at literal na natakot. "Ahhhhhh!!"   "Ang OA mo ha, hindi ka pwede sa horror movie dahil ang pangit mong sumigaw. Kanina ka pa ba dito? Saka bakit parang disappointed ka? Siguro ay kinawayan mo si Stephen pero hindi ikaw yung kinawayan niya at ibang tao," nang hirit niya sa akin.   Para akong hinataw ng matigas na bagay sa aking ulo. Totoo naman talaga ang pangyayaring iyon pero itinanggi ko pa rin ito at hindi nagpahalata sa na ganoon nga nangyari sa akin. "Bakit ba ganyan ang itusara mo Perla? Treat or trick na ba? August palang diba?" pagtataka ko dahil sobrang putla ng itsura niya at nakasuot pa ng bestidang puti na may burdang bulaklak na asul.   "Ano ka ba Lino, iyan ang patunay na iyang fashion taste mo ay masyado ng pinaglipasan ng panahon. Hindi ito putla okay, ang tawag dito ay no make up, -make up effects. Isa itong natural brand ng make up cream at natural blush on na bigay ng tita ko from Korea. At alam mo ito yung gamit ng mga sikat na korean popstar. Sila Momoland, 2NE1, tingnan mo yung mga face nila, napaka-natural kahit no make up effects pero sobrang gaganda nila at dahil iyon sa magic natural cream and blush on na ito made from natural organic plants from Busan, Korea," ang pagmamalaki ni Perla.   "Mga koreana sila, kahit hindi sila gumamit ng mga kolorete sa mukha ay talagang mamaganda sila. Kapag gamit nila ang cream na iyan o kung ano mang magic foundation na iyan ay mukha pa ring buhay na buhay yung skin nila. Pero kapag ikaw na ang gumamit ay nagmukha kang bangkay. Para kang may sakit na cancer at mamatay kana bukas sa sobrang pulta mo. Para kang cast ng Train to Busan," ang sagot ko naman.   "I understand kung bakit ka nagsasabi ng ganyan, kasi super bitter mo. Sobrang naaasar ka sa akin ngayon araw dahil natalbugan kita this time! Aminin mo nalang na mas gumanda ako at napag-iwanan kita noong lumabas ang natural beauty ko," ang hirit nito.   Patuloy kami sa paglalakad.   "Wala akong aaminin dahil para kang anemic sa itsura mo. Putlang putla pati yung labi mo ay kulay puti na nga ay may c***k pa! Huwag ngingiti dahil sa sobrang pagkadry niyan ay baka biglang magbitak at magkasugat," ang wika ko sabay upo sa aking silya.   "Napapansin ko nitong mga nakakaraang araw, kahit two weeks na ang nakalipas magbuhat noong yurakan at alipustahin ni HotGuy iyang pagkatao mo ay hindi ka pa rin nakakarecover sa matinding pagkabitter kaya pati tuloy ako ay nadadamay! Huwag kang mag-alala dahil isasama kita mamaya sa date ko at ipapakita ko sa iyo ang tamang pakikipag-eyeball para sa susunod ay hindi kana umiiyak gabi gabi katulad ng sinasabi sa akin ni tita Pat."   "Sinabi sa iyo ni tita Pat iyon? Teka, may kadate ka? At sino naman?" tanong ko naman.   "Actually hindi naman eyeball yun kasi nagkita na kami kahapon. Siya si Jaymar yung kasamahan ni Stephen sa basketball, yung matangkad, maputi parang chinese ang itsura," ang wika nito na parang kilig na kilig.   "Anu namang gayuma ang ginamit mo?" pang-uusisa ko naman.   "Wala, ganda lang talaga. Ikaw lang naman kasi ang walang bilib sa akin. Ang akala mo ay pareho tayong malas eh ikaw lang naman iyon. Huwag mo nga akong idrag sa mga bad fengshui mo Lino. Basta mamaya ay sumama ka at manood kung paano ako mang-akit ng lalaki. At kung sakaling makita mong naghahalikan kaming dalawa ay huwag na huwag kang eepal at maiinggit okay? Hayaan mo lang kami sa moment namin hanggang sa bumula ang bibig mo mamatay ka sa inggit. Basta maging masaya ka nalang sa akin, hindi naman porket magkakaroon na ako ng boyfriend ay hindi nakita pwede samahan diba?"   "Wala naman akong iniisip na ganyan. Kapag nagkaroon ka ng boyfriend ay ako yung unang magiging masaya dahil tama yung hula ni Aling Bebang doon sa palengke na may ma-oonse kang lalaki," ang sagot ko naman sa kanya.   "Alam mo Lino, malapit na kitang iblock sa f*******:," ang tugon ni Perla sabay balik sa kanyang silya dahil bigla dumating ang aming professor.   Pagpasok palang niya sa pintuan ay napatingin na ito kay Perla, "Miss Perla Pilapil, are you alright? May sakit ka ba? Bakit pumasok ka pa? Sige na excuse ka na ngayong araw," ang wika nito.   Napatingin ako kay Perla at tumawa ng impit.   "Wala po akong sakit sir, natural beauty lang ito," ang sagot ni Perla.   "Kaya pala kamukha mo si Kayako," ang nakangiting sagot ng aming prof.   "Si Kayako po yung Japanese sexy singer, yung kumunta na ichiban daijina monoga?" tanong nito.   "Hindi, si Kayako yung multo doon sa Japanese horror na The Grudge," ang sagot ng aming guro.   Napanguso si Perla.   Tawanan naman ang buong klase.   Bandang hapon, alas 6 ng gabi noong mag-apply si Perla ng pink na lipstick sa kanyang labi para magkakulay siya ng kaunti sa kanilang first date ni Jaymar. As usual ay nauna kami sa kainan dahil sobrang excited na si Perla sa kanilang special moment. Samantalang ako naman ay naupo nalang sa isang sulok palapit sa kanilang table. Umorder ako ng halo halo at pasta mayroon naman akong kainin.   Makalipas ang 30 minutes ay dumating naman si Jaymar nakasuot ng tshirt pero naka basketball short pa na parang hindi pinaghandaan ang date nila. Kaibahan naman dito sa kaibigan kong si Perla na parang aattend ng graduation day at mag-aanak sa kumpil pagkatapos dahil halos nakagown na ito.   "Sorry late ako, galing pa kasi ako sa practice namin sa basketball. Hmmm, kanina ka pa ba? Ang ganda mo ngayon, para kang babae sa balete drive," ang bungad ni Jaymar habang naka ngiti. "Salamat, actually hindi nga ako masyadong nakapaghanda. Hindi ba yung babae sa balete drive ay si Zsa zsa Padilla? Thank you sa compliment sobrang flattered ako. Saka kadarating ko lang halos nauna lang ako sa iyo ng 2 minutes," ang maarteng boses ni Perla na hindi naman natural, parang nagpapa-cute, nagdedeliryo at nalilibugan. Plus, nagsinungaling pa ito sa katotohanang 38 minutes na kaming naghihintay.   "Teka okay ka lang ba? Bakit ganyan ang boses mo? Saka sabi sa akin ng prof mo sa english ay mayroon ka daw sakit. Hay, sobrang nagworry ako sa iyo," ang wika ni Jaymar na may matinding pag-aalala sa kanyang mata.   Kotang kota naman si Perla sa pagkakilig, pasimple pa itong lumingon sa akin at saka dumila sabay bukas ng bibig at sinabing "putang ina, ang ganda ko!", Ewan basta ganyan ang pagkakaunawa ko sa sinabi niya.   "Nga pala Perla, salamat sa pag-invite sa akin sa dinner," ang wika ni Jaymar dahilan para mapangiwi si Perla at mapalingon sa akin pero binawi niya agad ito, "Ano ka ba, ikaw yung invite sa akin diba? Pala biro ka talaga Jaymar," ang wika nito na parang biglang pinagpawisan.   "Ako ba iyon? Parang ikaw yata e, pero anyway gusto ko na rin itake ang opportunity na ito para magpasalamat dahil binigyan mo ako ng pagkakataong makausap ka ng sarilinan. Sobrang busy mo naman kasi sa school kaya wala akong lakas ng loob na lapitan ka magsalita. Salamat talaga at nakasama kita ngayong gabi, gusto gusto kitang makausap," ang wika ng lalaki.   "Oh my God! Nililigawan mo ba ako? Gusto mo ba akong maging girlfriend? Bakit napakatorpe mo? Bakit hindi ka lumapit sa akin kaagad," ang maarteng sagot ni Perla.   "Huh? Wag ka na man mabigla. Ang totoo gusto talaga kita kausapin pero nahihiya ako," ang wika ng binata.   "Bakit ka naman mahihiya? Ano ba kasi iyon Jaymar?"   Bumuwelo ang lalaki, huminga ito ng malalim at uminom ng tubig, "Mayroon kaming ibinebentang sabon at whitening cream ng girl friend ko. Alam mo sobrang nahihiya kasi akong alukin ka sa campus, alam mo na dahil baka kantiyawan ako ng mga barkada ko kaya gusto ko talagang kausapin ka dahil tiyak na bagay sa iyo itong product namin. Bale buy one take one ito tapos may free na ring gluta capsule for one week. At sana pumayag kang maging reseller namin, sobrang husay mo kasi sa sales talk, please," ang wika ni Jaymar na may halong pagkahiya.   Natahimik si Perla, ewan ngunit nalungkot ako noong marinig ko ang sinabing iyon ng kanyang kadate.   Maya maya ay natawa ng malakas si Perla, "sure naman, magkano ba iyan? Bibilin ko na nga para may benta naman kayo ng gf mo, para pwede na kayo mag motel," ang hirit nito. "Wow, thank you. 780 pesos lahat iyan. Tapos kapag nagreseller ka ay kikita ka rin ng medyo malaki," ang wika ni Jaymar.   Nawalan ng kibo si Perla, kumuha ito ng pera sa kanyang bag at iniabot sa lalaki, "sige na alis kana, may benta kana. Naka kota kana ngayong gabi."   "Teka, hindi na tayo kakain?" tanong ng lalaki sa kanya.   "Naku e diet pala ako, naalala ko lang. Doon ka nalang sa inyo kumain, kukunin ko na itong tinda mong whitening soap na parang Kojic lang naman na ibinalot sa magandang lalagyan, at itong gluta capsule mo ay parang candy na Haw-haw lang. At itong whitening cream niyo ay ponds lang na iniba ang kulay," ang wika nito sabay kuha sa kanyang binili at lumabas sa kainan.   Wala naman akong nagawa kundi ang sundan siya sa labas pero agad akong pinigil ni Jaymar. "Ikaw pala iyan Lino, bili kana rin ng sabon. Bumili na si Perla," ang hirit nito dahilan para mapangiwi ako.   "Ah e, wala akong pera," sagot ko.   "Pwede naman utang, bayaran mo next week."   "Wala akong pera saka okay na sa akin yung safeguard," pag-aapura ko sabay habol kay Perla sa labas.   Ito yung literal na pagbasak ng metro ng kaligayahan. At ito rin yung nakakatakot sa pagiging masaya, na baka bigla itong huminto at luha naman ang sumunod na dadaloy sa iyong mata. Nalulungkot ako para kay Perla pero mayroon akong aral na natutunan mula sa kanya. Sadyang may mga bagay na kahit anong pagnanais natin ay hindi basta basta ibibigay lalo't hindi pa ito ang tamang oras para makamtan ito.   Patuloy akong naglakad sa labas ng kainan at dito ay nakita ko si Perla na nakaupo sa isang batuhan paharap sa magandang tanawin, bagamat malalim na bangin ito. Mahangin dito, lalong maginaw.   Tahimik ang paligid bagamat maraming ilaw at maraming naglalakad na magkakasintahan. Parang ang lahat ay punong puno ng pagmamahal kaibahan sa amin na kalungkutan at pagkabig ang pinagdadaanan.   Umupo ako sa tabi niya at napabuntong hininga, humarap siya sa akin pero agad rin niya itong binawi. Muli siyang humarap sa kalayuan at panandaliang nawalan ng kibo.   "Bakit hindi ko agad nalaman na si Romeo ay hindi handang mamatay para sa akin. Na yung Prince Charming ko ay hindi interesadong malaman kung kanino yung kalahati ng sapatos na naiwan sa hagdan ng palasyo niya. Na si Jack ay iiwan lang ako at hahayaang mamatay habang lumulubog yung Titanic. Na si Peterpan ay hindi mananatili sa akin habang buhay dahil lilipad siya kasama ni Wendy at sasakay sa hangin. Masyado akong naging tanga at umasa na isa araw ay matatagpuan ko ang kaligayahan o kaya ay matatagpuan ako nito. Siguro ay nakatadhana ako para maging malungkot, para mabulag sa pag-ibig at umasang maging masaya, umasa na maabot ko ang bituin pero sa huli walang magic na makapagbibigay sa akin noon. Dahil kadalasan ang magic ay isang isang ilusyon. Walang fairy tale, walang happy ending," ang wika ni Perla sabay bitiw ng malalim na buntong hininga.   "Hindi ko alam kung bakit lahat kayo ay nangangarap ng happy ending. Bakit magiging happy eh ending na iyon? May masaya bang nagtapos na? Ayokong basagin yung trip mo ngayon dahil ramdam ko rin yung sakit. Siguro ay hindi palang naisusulat yung pinakamagandang love story para sa ating dalawa. At wala tayong magagawa kundi maghintay at patuloy na hanapin ito," ang sagot ko sabay tapik sa kanyang balikat.   "Kaya nga, ang kailangan lang nating gawin ay ma-immune. Kapag lagi tayong nasasaktan at nagbibigo ay baka sakaling maging manhid yung katawan natin at kahit papaano ay makalimutan natin kung bakit tayo umiiyak at nalulungkot ngayon," ang wika niya sabay iyak.   "At balang araw ay marerealize mo rin na hindi ka dapat nagsusuot ng puting bestida sa date dahil mukha kang multo dito sa gilid ng bangin. Kung wala ako dito ay baka katakutan ka ng mga taong nagdadate dito at isipin nila na si Angelica ka sa pelikulang white lady. Yung sunog na version niya," ang sagot ko naman.   Tumingin siya akin at nagpahid ng luha, "kaya ikaw Lino huwag kang aasa, kasi the more you asa the more you nga-nga."   "At iyan yung lesson na dapat matutunan, desperada ka rin e. Pwedeng magpahinga muna tayo? Masyado tayong nagmamadali na maging masaya. Pwede naman tayong maging masayang dalawa diba?" tanong ko sa kanya habang nakagiti.   "Gaga hindi tayo talo," ang hirit nito.   "Sira, hindi iyon ang ibig kong sabihin. Ang gustong isiksik dyan sa boobs mong walang laman ay mag li-lo ka muna sa paglalandi dahil ang kaligayahan ay hindi naman puro paghahanap lang ng kadate at lalaki matatagpuan. Masaya naman tayong dalawa kahit wala sila diba?"   "Pero mas masaya kung may lalaki diba?" tanong niya ulit.   "Ewan ko sa iyo," sagot ko naman.   Noong gabing iyon ay pareho kaming nakatingin sa kalayuan, pinagmamasdan namin ang mga bituin sa kalangitan at kasabay nito ang mga kahilingan na sana ay dumating ang tunay na kaligayahan sa aming dalawa o kung hindi naman ay maging masaya nalang kami ng mag isa.   Itutuloy.                            
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD