Part 1
Baka Sakali
AiTenshi
Madalas kong natatagpuan ang aking sarili na nakatayo sa itaas ng isang matarik na bangin. Nag-iisip ng walang direksyon at malayo ang tanaw. Yung tipong nakadilat ka lang pero wala ka naman talagang tinititigan. Ang takbo ng utak mo ay paliko-liko na parang isang zigzag road na paakyat dito sa aming lugar.
Hindi ko maunawaan sa aking sarili kung bakit ang liwanag ng pag-asa ay biglang nawala sa aking dibdib kaya't nilulukuban ako ng ibayong pagkatuliro. Ang sabi nila ay huminga ka lang ng malalim at mawawala ito, pero bakit ganoon? Halos langhapin ko na ang lahat ng hangin sa paligid ay mas lalo pang kumakabog ang aking dibdib?
Malamig ang hangin dito, may kasama itong patak ng ulan..
Ni hindi ako nakakaramdaman ng saya o kahit na anong positibong bagay sa aking dibdib. Walang kahit ano, maliban sa kirot, sakit at kabiguang dulot ng paglalaro sa akin ng tadhana. Parang isang patintero kung saan kinakailangan ko pang dumaan sa balakid bago ako maging masaya. Pero sa huli, ay wala pa rin.
Isang hakbang ang aking ginawa at naramdaman ko ang aking mga paa na nakatayo sa pinakadulong batuhan.
Tahimik.
Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan sabay pikit sa aking mga mata.
Dito ay bumalik sa aking ala-ala ang lahat.
Part 1
"Nanaginip ng gising, nakatulala sa hangin! Tapos ay may tulo laway ka pa, hoy gising!" ang wika ni tita Pat na siyang nagpabalik sa aking ulirat.
"Naku mare, ewan ko ba naman diyan kay Lino, tanghaling tapat ay nakatulala na kulang nalang ay pasukin ng langaw ang bibig. Kung nagkataong doon iyan nakapwesto sa mga isdaan malamang ay may bangaw na iyan sa dila. Ang dami daming bumibili naisipan pang managinip ng nakadilat," ang pang-gagatong naman ng kaibigan niya.
"Lino, dapat ay alerto ka. Baka manakawan tayo ng paninda katulad doon sa nangyari sa tindahan nila Aling Tasing, yung dalagang bantay niya ay text ng text kaya ayun nilooban sila. Doon ka muna sa kabila at buhatin mo yung mga bagong deliver na gulay doon sa labas," utos nito sabay tapik sa aking balikat.
"Pasensya na po tita, napuyat kasi ako kagabi," ang tugon ko naman.
"Napuyat sa pag-aaral o sa pagbabasa ng kung anu ano sa internet?" ang tanong niya habang nag-aayos ng paninda.
"Pareho po," sagot ko naman dahilan para matawa ito. "Naku ikaw talagang bata ka, iwas iwasan mo ang pagbabasa ng mga love story dahil baka maaga kang mag asawa niyan. O ang sama ay baka hindi kana mag-asawa dahil tataas ang expectations mo pagdating sa pagmamahal."
"Libangan lang naman po tita, saka pampalipas oras na rin kapag naboboring ako doon sa kwarto," nakangiti kong tugon habang abala sa pagbubuhat ng mga bagong dating na gulay.
Ang totoo noon ay mahilig talaga akong magbasa ng mga kwento sa online, malawak ang aking imahinasyon pagdating sa ganitong mga bagay. Sa pagbabasa ay nakakarating ka sa iba’t ibang lugar, nadadala ka sa mga emosyong nakapaloob dito at may pagkakataon pa na talagang ma-iinlove ka sa characters. Yung tipong ayaw mo pang tapusin dahil napamahal ka sa mga ito.
Hindi kasi ako mahilig makisalamuha sa mga tao dahil nabibilang ako sa mga taong mababa ang self confidence o kompiyansa sa sarili. Kaya paminsan minsan ang aking mundo ay nasa loob lamang ng kwento. Madalas ay sinusubukan kong ipakat ang aking sarili sa mga karakter doon hanggang sa muling umukit ang ngiti sa aking labi dahil sa kakaibang kaligayahang dulot nito sa aking isipan.
Tawagin niyo na lamang ako sa pangalang Lino, 19 na taong gulang. 5'7 ang taas at kasalukuyang nag-aaral sa isang pampublikong paaralan sa kursong Education. Hindi ako gwapo, hindi ako hunk, isang ordinaryong tao lamang ako na walang masyadong maipagmamalaki kundi ang aking mabuting kalooban na ang ibig sabihin ay hanggang "loob" lang talaga ako. Kung lalakad ako kasabay ng maraming tao ay tiyak na hindi ako mapapansin. Parang isang bato na dadaanan lang at hindi pag-aaksayahan ng segundo para titigan.
Lumaki ako ng walang nakagisnang magulang o kapatid. Pinalaki lamang ako ng aking tiyahin at ngayon ay katulong niya ako sa isang pwesto sa palangke. Mabait si Tita Patricia o Pat kung siya ay tawagin ng mga kaibigan, halos siya na ang tumayong magulang ko, palibhasa ay matandang dalaga ito dahil siya ay isang lesbian kaya't sa akin na lamang niya binuhos ang kanyang panahon at oras. Itinuring niya akong parang isang tunay na anak at pinag-aral hanggang sa ako ay magbinata.
Kapag umuuwi ako sa hapon galing sa paaralan ay tumutulong ako sa aming pwesto, madalas rin akong nakabantay rito kapag sabado at linggo dahil tuwing weekend namimili ang aming mga suki.
"Naku Pat, asa ka pang magkaka-love life iyang si Lino. Hindi naman lumalabas iyan sa bahay, wala ring kaibigan at napakamahiyain kasi! Pinaglihi yata iyan sa pagong na laging nakatago ang ulo sa kanyang sariling bahay," ang wika ng kapitbahay.
"Ewan ko ba naman diyan kay Lino, kung anong ikinakapal ng aking mukha ay iyon naman ang ikinanipis ng kanya. Naalala ko nga noong ilaban namin iyan sa singing contest diyan sa sitio, hinimatay ang hinayupak doon sa entablado. Ayon, ang ending TALO! Nagsayang lang kami ng pamasahe, pero may boses naman talaga si Lino, sadyang noong nagsabog ng kakapalan ng mukha ang Panginoon ay tulog siya o kaya nagbabasa ng stories sa online apps," hirit ng aking tiyahin.
"Hindi lang talaga ako mahilig sa mga exposure na iyan. Mag- aaral nalang ako ng mabuti para maging isang ganap na guro. At kapag nakatapos na ako sa pag-aaral ay hahanap ako ng stable na job para hindi kana magpagod kakasigaw dito sa palengke," ang nakangiti kong tugon sabay baba sa mga gulay na aking pasan.
"Tama iyan Lino, mas mahalaga ang pag-aaral. Alam mo may itsura ka naman ng kaunti kung mag aayos ka lang. Kaso ang problema ay hindi ka marunong pumorma, tingnan mo yung mga kabataang lalaking kasing edad mo, ang aangas, ang yayabang kumilos at manamit. Pero ikaw? Para kang may sakit na tipus kung magdamit at lagi kapang nakasilip doon sa bintana ng kwarto mo sa itaas ng bahay natin kaya napapagkamalan kang aswang na takot sa mga tao. Tingnan mo iyan, sweater talaga? Kainitan ha?!" ang pang aasar ng aking Tiyahin
"Tita, malamig pa naman dito sa Baguio, saka eto naman talaga ang akmang damit sa klima natin."
"Akma, kung bagay sa iyo. Kaso ay para kang may sakit dyan sa itsura mo, ke payat mo pa. Sinong babae ang mag kakagusto sa iyo? Hindi porket akma ang isang bagay ay gagawin mo na ito, minsan ay tingnan mo rin kung nababagay ito sa iyo, siyempre ay doon ka lalagay sa alam mong magiging maayos ka at hindi dahil sa akma lamang.”
"Wala pa sa isip ko ang love life, okay na ako sa ganitong buhay na gigising sa umaga at magkakaliskis ng isda mula alas 8 hanggang alas 6 ng hapon,” ang tugon ko naman.
"Wala talaga? Wala kang crush? Sa paaralan ninyo wala ka bang natitipuhan? Wala kang hinahangaan? Yung taong kapag nginitian ka ay mapapangiti ka rin pabalik sa kanya at kasabay noon ang pagtibok ng mabilis ng puso mong 100% virgin," ang pang uusisa niya.
Natahimik ako..
Crush? Meron nga ba ako noon? Basta ang alam ko lang ay nahihilig akong magbasa ng mga kwentong may temang bxb sa mga online site, minsan sa f*******:, sa google o sa mga pino-post lang ng mga kaibigan ko. Hindi naman lingid sa aking kaalaman na iba ako, ang ibig kong sabihin ay hindi ako normal na lalaking nagkakagusto sa isang babae. Hindi rin ako mahilig sa love story ng isang babae at isang lalaki na nagdadramahan at naglalandian sa loob ng kwento tapos ay may darating na isa pang babae at pag-aawayan nila yung lalaking bida. Sa mga ordinaryong mambabasa ay may dalawang uri lang naman ng love story, ang una ay tungkol sa lalaking nawalan ng babaeng pinakamamahal at ang ikalawa ay tungkol sa babaeng nawalan ng lalaking nagugustuhan, umiikot lang sa ganoon ang tema kadalasan.
Ewan, ngunit natagpuan ko ang aking kaligayahan sa ibang mukha ng buhay pag-ibig at iyon nga ay sa mga kwentong lalaki at lalaki na nag-iibigan at nagmamahalang ng tagos sa puso. Pakiwari ko ay nagiging masaya na rin ako kapag nagkakataluyan sila at kapag hindi naman ay umiiyak ako na parang namatayan at nag luluksa ng buong tangis. May pagkakataon pa na hindi ako nakakatulog kakahintay sa update ng mga paborito kong manunulat.
Unang beses akong nagkaroon ng crush. Iyon ang pinakamasarap na pakiramdam sa lahat. Yung tipong hindi kompleto ang araw mo kapag hindi mo siya nakikita sa hallway, o sa ground o kaya ay sa gymnasium ng paaralan. Basta hindi ako uuwi hangga't hindi ako nakakakota ng silay. Kontento na ako sa ganoon, sapat na upang sabihing masaya ako. Basta alam ko sa aking sarili kung ano ako at hindi ko naman talaga ito itinatanggi. Dahil kung minsan ang pinakamahirap na parte ng buhay ay yung hindi mo makilala ang iyong saril at hindi mo maunawaan kung ano ka ba talaga.
Kung ang tanong ni tita Pat ay kung may hinahangaan ako? Siguro ay mayroon nga pero hanggang tingin lang naman ako at masaya na ako doon.
Si Stephen, matangkad, gwapo. Heartthrob ang dating dahil sikat siya dito sa campus. Basketball player, champion sa lawn tennis, champion sa chess. Mister Campus at isang modelo. Halos lahat ng mga babae at binabae ay humahanga sa kanya. Kapag siya ay lumalakad siya sa hallway ay hindi maaaring hindi ka malilingon sa kanya, stunner at head turner iyan ang karisma niya. Parang siya yung mga leading man na nababasa ko sa mga online story o sa mga BL movie ng ibang bansa lalo na yung mga nasa Thailand at Korea. Bukod pa roon ay plus points na rin yung pagiging matino niyang mag-aaral na walang bisyo maliban sa pagbasa ng labi niya gamit ang kanyang dila. Isang perfect na leading man, iyon ang paglalarawan ko sa kanya.
"At siya rin yung leading man na tiyak hindi para sa iyo. Ang tanging magagawa mo lang ay titigan siya habang nakatago ka sa madilim na parte ng campus natin na para kang isang masamang entity doon sa pelikulang Insidous," ang wika ng aking kaibigang si Perla noong tumabi ito sa akin sa gym.
Natingin ako sa kanya at natawa. "Ginawa mo naman akong pang horror, teka paano mo nalaman na nandito ako?" tanong ko naman habang nakatingin sa mga naglalaro ng basketball sa court.
"Ang totoo noon ay panonoorin ko rin kasi si Stephen na maglaro bukod sa pag iimagine ko sa kanya na nakahubad buong magdamag. Nakita kita rito so pinuntahan kita saka para punasan na rin yung laway mo kapag tumutulo ito habang nanonood tayo," nakangiti niya sagot sabay abot ng kendi sa akin. “Lollipop iyan pineapple flavor, iyan nalang muna yung pagpratisan mo,” ang hirit pa niya.
Si Perla ay ang bestfriend ko dito sa campus. Siya lang ang bukod tanging nakakakilala sa aking pagkatao, kung anong hilig ko, kung anong mga sikreto ko ay sinasabi ko sa kanya ng walang pag-aalilangan. Kumbaga siya ang aking diary, kaya lang kung minsan ay nag-aalangan na rin akong magsabi sa kanya dahil binabasag niya ang lahat ng pangarap ko at mas gusto niyang nag-ssuffer ako sa matinding pagkainis.
Hindi naman kagandahan itong si Perla, common lang rin ang kanyang mukha katulad ko. Kami yung tipong hindi napapansin kapag naglalakad sa hallway. Nakikita lamang kami kapag sinasabing kamukha niya si Aruray at ako naman ay kamukha ni Palito. Ganyan naman talaga ka hard ang mga tao sa mundo.
“Excuse me, yung description mo ay mali, ikaw lang yung common ang face no, idadamay mo pa ako sa pagiging swanget mo,” ang pagbasag nanaman niya.
"Oi mga trolls, iabot nyo naman yung bola!" ang wika ni Stephen noon tumalbog ito sa aming kinalalagyan. Nakangiti ito, nakakasilaw ang ganda ng kanyang ngipin at yung labi niyang sobrang pula na parang ngumuya ng lips na candy.
"Oh trolls daw, ikaw na tumayo." ang bulong ko sa kanya habang nakangiti.
"Mas mukha kang trolls sa akin hano, saka ang sabi niya “trolls” with letter S iyon kaya included ka Lino. Ikaw na nga. Nagpapa-cute ako dito eh," ang sagot ni Perla habang nakangiti rin dahilan para mapangiwi si Stephen.
“Okay lang ba kayong dalawa? Bakit lagi kayong nakangiti?” ang tanong nito.
“Wala lang, gusto lang naming ngumiti para maging positive ang outlook namin sa buhay,” ang sagot ni Perla.
Wala naman akong nagawa kundi ang tumayo at pulutin ang bola. Agad ko itong ipinasa kay Stephen. "Salamat pareng palito!" ang wika nito habang nakangiti.
Tawanan sa court..
"Namintas pa," ang bulong ko sa aking sarili.
"Hayaan mo na, malay mo naman diyan na magsimula iyan. Diba nga sa bxb stories sa mga online sites kapag pinansin na ang leading man yung bidang ay magsisimula na ang love story. Malay mo diyan na nga iyan magsimula," ang naka ngising wika ni Perla na may halong suporta pero maya maya lang naman ay tiyak nababasagin niya yung sinabi niya.
Napatingin ako sa kinalalagyan ni Stephen na noon ay abala sa pag takbo at maya maya lumingon ako kay Perla. "Mabilis siyang tumakbo.. Sa sobrang bilis ay dinaanan lang niya ako. Ang ibig sabihin ay hindi ako kapansin pansin at bato lamang ako sa kanya."
"Aba’t humugot pa ito, filipino Major ka nga. Pero anyway dapat tanggapin natin na may mga bagay sa mundo na hindi talaga inilaan para sa atin. Nakita mo ba yung magagandang babaeng iyon?" ang tanong niya.
"Alin yung mga taga Tourism Department?" ang tanong ko naman sa kanya na may halong pagtataka.
"Yeah, yang mga sexy, blonde hair na parang mga koreana, maputi, makinis na parang pinaliguan ng agua oxinada at ikinulong sa basement sa 10 taon," ang dagdag pa ni Perla.
“O, anong mayroon sa mga babae ng tourism department?” tanong ko.
"Ang tawag sa kanila ay mga tala. Star ng campus, star ng pasko, istariray ng taon, diyosa para sa mga lalaki at sa mga tomboy doon sa kabilang building. Sila ang nababagay kay Stephen at sa mga gwapong ka teammates niya. At tayo naman ay taga likes ng mga status nila sa f*******:, twitter at i********:, naunawaan mo ba iyon?" paliwanag ni Perla.
"Hindi naman ako babae kaya hindi ako kasali doon. Ikaw lang iyon," pang aasar ko naman sabay labas sa gym.
"Kasali ka nga kasi! Huwag ka ngang maging manhid. Ka-join ka sa prosisyon ng mga talunang estudyante na nangangarap magkaroon ng jowang celebrity dito sa campus!" ang wika nito habang hinahabol ako.
"Ayoko nang makinig sa mga sinasabi mo. Ayokong mahawa ng pagiging nega sayo. Trolls!!" ang pang aasar ko sabay takbo pabalik sa aming classroom.
Iyan ang parati namin eksena sa campus, sisilay sa aming hinahangaan at pagkatapos ay mag babasagan ng trip. Sa lahat ng kasi ng tao sa mundo ay kay Perla lamang ako komportable kaya't hindi ako nahihiya sa kanya na ipakita ang tunay na ako. Ang ibig kong sabihin ay ang tinatawag na "other side" ko na hindi alam ng ibang tao sa aking paligid. Kahit minsan pumasok sa isip ko na itulak nalang siya sa kanal dahil siya na ang pinaka-mean na nilalang na nakilala ko.
Ngunit gayon pa man ay masasabi kong kontento na rin ako sa buhay na mayroon ako. Tahimik, walang problema at simple lamang. Pero pakiwari ko ba ay may kulang. At hindi ko alam kung ano ba iyon.
At dahil nga kulang ako sa self confidence ay nakaugalian ko nang mabuhay sa loob ng social media, f*******:, twitter at kung ano ano pa. Kabilang na rito ang LiveChat kung saan nag kakaroon ako ng maraming kaibigan. Dito kasi ay sense of humor lang ang pinapairal para makatagpo ng kaibigan. Kaibihan sa personal na ilan sa mga tao ay talagang namimili ng batay sa anyo ng kanyang makakasama. Aminin natin iyon, sadyang nature nalang ng mga tao ang gawing batayan ang pisikal na anyo, kapag gwapo o maganda ka ay pipilahan ka at papa-upuin sa punong bus. Pero kapag naman panget ka ay ikaw pa yung patatayuan nila or else mapapagkamalan ka nilang kunduktor.
Isang gabi habang abala ako sa pakikipa-chat ay mayroon akong isang private message na natanggap mula sa isang lalaki na ang codename o username ay "HotGuy".
"Same location pala tayo. Bakit wala kang picture?" ang tanong nito sa akin na may halong smiley.
Hindi naman talaga ako naglalagay ng photo dahil wala akong lakas ng loob ibandera ang itsura ko sa buong livechat. Kahit sa aking f*******: account ay ilan lamang ang aking larawan, blurd pa at ang iba ay silhouette photography lamang. Kaibahan kay HotGuy na maraming larawan, 150 ang kanyang public pictures at ang lahat ay nakahubad dahil maganda ang kanyang katawan at ang pisikal na anyo. Makinis at laging may naka-upload na masasarap na pagkain sa kanyang account. Minsan tuloy naisip ko na baka nagpapa-pogi yung mga ganitong uri ng pagkain hindi lamang ako aware.
Pinindot ko ang reply button at sumagot gamit ang aking codename na "BlackPearl" hango ito sa barko ng Pirates of the Caribbean. Paborito ko kasi ang movie na iyon at ilang beses ko na ring inulit-ulit.
"Mahiyain kasi ako," ang sagot ko
"Ayos lang, pwede naman tayong maging friends. Hindi naman ako namimili ng kaibigan, simple lang ring akong tao at mukha lang suplado pero super friendly ako, believe me," ang sagot niya at sinundan pa ito ng emoticon na happy at may heart pa.
Napangiti ako at nakaramdam ng kakaibang tuwa. Noong mga oras na iyon ay nagkwentuhan pa kami tungkol sa mga bagay bagay sa "kanyang" buhay, puro siya kasi ang topic namin, ang tungkol sa pag momodelo niya, pag aaudition sa mga talent search, tungkol sa pictures niya, sa mga naging jowa niya at kung saan saan pa.
Siyempre hindi pa rin nawala ang pagiging bolero ko at pagpapatawa upang hindi boring ang aming usapan. Bentang benta naman sa kanya ang aking mga hirit at talagang napapatawa siya rito.
"Bakit hindi tayo mag-meet?" tanong niya
"Hindi ko kasi gawain ang makipag-meet, saka nakakahiya ang gwapo mo eh. Magmumukha lang akong alalay o kaya PA mo," ang sagot ko naman na may halong kaba.
"Tol ano ka ba? Hindi naman ako ganoon, hindi ako namimili ng kaibigan kaya't kahit sino o ano ka pa ay tanggap kita. Basta tanggap mo rin ako," ang sagot niya sabay send ang smiley.
"Ang bait mo naman pala. Hindi ka lang gwapo, gwapo rin ang heart mo," tugon ko sabay send ng heart icon.
"Hindi talaga, basta meet tayo ha. Kahit sandali lang naman. Gusto ko lang makita ang taong nagpatawa ng husto sa akin ngayong gabi," reply niya
Natawa rin ako "Syempre ay gusto rin kita makita. Kaso ay mahiyain talaga ako at walang kompiyansa sa mga ganyang bagay."
"Huwag ka mag-alala, mabuti akong kaibigan. Wala naman sa akin ang physical looks. Meet tayo ha," ang sagot niya na may halong pamimilit.
At dahil nga makulit ang mokong ay napapayag rin niya akong makipag-meet. Ngunit iyon ang magaganap pa sa susunod na linggo. Kaya naman habang hindi pa sumasapit ang araw na iyon ay gabi gabi kaming nagcha-chat at nagku-kumustahan.
Sa mga nag daang araw na kausap ko siya ay para bang hinahanap hanap ko na ito. Gabi ay halos napupuyat ako sa paghihintay sa kanyang mensahe kaya't ibayong tuwa ang nararamdaman ko kapag nakikita ko siya sa aking inbox. Minsan ay sweet siya, at minsan lagi niya ibinabahagi ang buhay niya sa akin, kahit na paulit ulit ito at para na kaming sirang plaka ay okay lang sa akin.
Dalawang araw bago ang aming eyeball ay binasag ko naman ang aking alkansya. Nais ko kasi maging presintable sa kanyang harapan kaya't bumili ako ng bagong tshirt, nagpagupit ako ng buhok at bumili ng pabango upang mas maging kaaya-aya. Binihan ko rin siya ng mga towel na may ibat ibang kulay upang may nagagamit siya sa pag ggym.
Mabilis lumipas ang sandali, dumating na nga ang araw ng eyeball namin ni HotGuy. Nagpasya kaming magtungo sa isang kainan malapit sa Burnham Park dahil mas presko doon at tahimik.
Ito ang unang beses na makikipagkita ako isang kaibigang nakilala ko sa online chat kaya't excited ako bagamat hindi talaga maalis ang kaba sa aking dibdib dahil hindi ako komportable sa aking anyo.
Nauna akong dumating sa venue, dito ay naupo ako sa isang lamesa kung saan kami magkikita.
Tahimik akong nag-abang..
Hanggang sa maya maya ay dumating na nga ito suot ang body fit na pantalon, at sandong pakat na pakat sa kanyang katawan na parang isang modelo at kulang nalang ipagkalandakan sa buong daigdig na siya ang pinaka-sexy at machong lalaki sa lahat, madalas din niya itinataas ang kanyang braso para lumabas ang makapal na buhok niya sa kili-kili.
Habang naglalakad ay inalis niya ang kanyang salamin sa mata na animo isang modelo. Makinis at maputi, napakagwapo niya sa ganoong postura.
"Hi," ang bati niya sabay upo sa aking harapan.
"Hi, k-kumusta?" ang naautal kong sagot sabay abot sa kanya ng aking munting regalo.
Kinuha niya ito at ngumiti "thanks," sagot niya
Masaya ako noong mga oras na iyon, ngunit ang nakapag tataka ay kung bakit tila nakakaramdaman ako ng kakaibang pakiramdam habang pinagmamasdan siya na abala sa pag pindot ng kanyang cellphone.
Itutuloy..