“KUMUSTA naman ang first tutor job mo?” tanong ng bestfriend niya.
Nagkibit balikat lang si Krisha. “Ayos lang,” kaswal niyang sagot.
Bigla itong sumimangot saka nalaglag ang balikat. “Iyon lang? Ang boring ng sagot mo,” sabi pa nito.
Natawa siya. “Eh ano bang gusto mong sabihin ko?” tanong pa niya.
“Hindi man lang ba siya nagparamdam sa’yo?
Mabilis na nag-flash back sa kanya ang nangyari sa jeep ng biglang pumreno iyon. Hanggang ngayon ay naaalala pa rin niya kung paano nito hinarang ang braso nito para protektahan siya. Isang bagay na nagustuhan niya dito.
“Wala, ano ka ba? Wala kami sa ganon relasyon para mag-expect ka ng paramdam na sinasabi mo. Saka magkaibigan lang kami ni Jaden. Imposibleng magustuhan ako no’n. Tingnan mo nga naging girlfriend n’ya si Alice. Mayaman, sosyal, maganda—” paglilinaw niya.
“At masama ang ugali! Hindi sila bagay dahil maraming nagsasabi na mabait daw si Jaden,” dugtong nito sabay ismid. “But in fairness, that’s something new! Ikaw? May kaibigan ng lalaki? Baka mamaya kalimutan mo ako,” sabi pa nito.
“Sira, siyempre hindi!” natatawang sagot niya.
“Pero naku girl, payo lang. Ingat ka dahil kapag nalaman ng Daddy mo na ‘yan siguradong papagalitan ka no’n,” sabi pa nito.
Napabuntong-hininga siya. “Alam ko. Pero huwag kang mag-aalala, wala naman akong ginagawa na ikakagalit nila. Saka nagpaalam ako tungkol sa pagtu-tutor ko at alam nilang lalaki ang tinuturuan ko,” paglilinaw niya.
Papunta na sila sa canteen ng mula sa likod niya ay biglang sumulpot ang tumatakbong si Jaden. Ngunit huminto ito sa pagtakbo saka lumingon sa kanya.
“Hi Krisha!” masiglang bati nito sa kanya.
Napalingon siya sa paligid. Inaasahan niya kasi na pagdating doon sa school ay hindi siya papansinin nito.
“Ako ba?” tanong pa niya sabay tingin kay Becca.
“Malamang friend, ikaw lang naman ang may pangalan na Krisha dito di ba?” bulong pa sa kanya ng kaibigan saka marahan siyang siniko nito.
“Oo, ikaw nga! Busy ka ba?” sagot ni Jaden.
“Ah, hi-hindi na-man. Pupunta kami ng canteen para kumain,” kandautal niyang sagot din.
“Talaga? Okay lang ba na sumabay ako? Wala kasi akong kasabay na kumain eh,” nakangiting tanong ni Jaden.
“Ha? Sasabay kang kumain? Sa akin? Sigurado ka?” gulat na tanong din niya.
“Oo naman, bakit? Ayaw mo?” ganting tanong din nito.
Paglingon niya kay Becca ay nagpapalipat lipat ang tingin nito sa kanila ni Jaden. Mayamaya ay tumikhim ito ng malakas sabay lingon sa kaklase nilang dumaan.
“Hoy sandali! Pasabay naman kumain!” habol nito saka walang sabi na iniwan silang dalawa ni Jaden.
“Becca, saan ka pupunta? Sandali lang!” habol din niya dito. Susundan sana niya ang kaibigan ng pigilan siya ni Jaden at hawakan siya nito sa kamay. Natigilan siya saka napalingon dito. Parang may sumipa ng malakas sa dibdib niya ng makitang nakangiti ito sa kanya.
“Ano? Halika na! Nagugutom na ako!” yaya nito sa kanya. Hindi na siya nakatanggi pa ng hilahin siya nito patungo ng canteen.
GUSTONG LUMUBOG ni Krisha mula sa kinauupuan niya ng mga sandaling iyon. Ang lakas ng kaba niya at mas gusto niyang magtago sa ilalim ng silyang inuupuan. Kanina pa lang papunta sa canteen hanggang sa makapasok sila sa loob ay pinagtitinginan na silang dalawa ni Jaden. Alam niyang nagtataka ang mga ito kung bakit sila magkasama.
“J-Jaden, lalabas na lang ako,” hindi na nakatiis na sabi ni Krisha.
Napahinto ito sa pagkain saka tumingin sa kanya. “Bakit? Hindi mo ba gusto ang binili ko sa’yo?” nagtatakang tanong ni Jaden.
Umiling siya. “Hindi iyon. Kaya lang kasi…”
Hindi niya naituloy ang sasabihin ng tumingin sa paligid si Jaden at nakitang nakatingin ang halos lahat ng estudyanteng naroon.
“Lalabas ka dahil lang pinagtitinginan nila tayo? Bakit? May ginawa ka bang masama sa kanila?” baling ni Jaden sa kanya.
Marahan siyang umiling.
“Iyon naman pala eh. Bakit kailangan mong umiwas?”
“Hindi lang ako sanay ng ganito. Siguradong nagtataka sila bakit kasama mo ako,” katwiran ni Krisha.
Bumuntong hininga ito saka hinawakan siya sa baba at inangat ang ulo niya. “Look at me,” seryosong wika ni Jaden.
Sinalubong ni Krisha ang magandang mga mata nito.
“Hindi habang panahon ay puwede kang magtago sa mga tao. Kapag natapos tayo ng pag-aaral mas malaking mundo ang haharapin natin. Kung ngayon pa lang ay wala ka ng ginawa kung hindi ang umiwas at magtago. Kahit gaano ka pa katalino, wala kang mararating,” payo ni Jaden.
Huminga siya ng malalim saka tumango. “Okay. Tatandaan ko ‘yang sinabi mo,” sagot niya.
Ngumiti ang binata sa kanya. “Good. Saka wala kang ginagawang masama sa kanila para mahiya ka,” dagdag pa nito.
“Sikat ka dito sa campus. Ayoko lang na may mag-kuwestiyon sa’yo kung bakit kasama mo ako,” paliwanag ni Krisha.
Napailing si Jaden. “Nonsense. Sasama ako sa kahit kanino ko gusto. Wala silang pakialam sa buhay ko. Ikaw ang gusto kong kasama at magkaibigan tayo. Kaya huwag mo na silang intindihin at kumain ka na.”
Nakaramdam ng saya si Krisha matapos marinig ang sinabi ni Jaden. Ngumiti siya dito saka tumango. “Okay,” aniya saka sinimulan ang pagkain.
“Pagkatapos nito di ba Math subject na natin? Sabay na tayong pumasok ha?” pag-iiba nito sa usapan.
“Sige,” pagpayag niya. “Teka, nagawa mo na ba ‘yong Assignment natin doon?” tanong niya.
“Oo naman,” may pagmamalaki pa nitong sagot.
“Wow, talaga? Patingin nga,” sabi pa niya.
Kinuha nito ang notebook nito sa loob ng bag nito saka inabot sa kanya. Napangiti siya habang binabasa ang mga sagot nito. May mga tama kasi pero may konting mali.
“O bakit ka nakangiti? Tama ba lahat?” tanong pa nito.
Natawa na siya ng tuluyan saka niya tinuro dito ang ibang maling sagot nito. Gusto niyang kurutin ang pisngi nito ng parang bata itong lumabi sa kanya. “Mali na nga tinatawanan pa ako,” kunwa’y nagtatampo na sabi nito.
“Sige na ayusin mo na ‘yan, malay mo mapuri ka pa ni Sir mamaya,” natatawa pa rin na wika niya.
Napahinto sila sa pag-uusap ni Jaden ng biglang lumapit sa kanila si Alice kasama ang mga kaibigan nito. Gustong manliit ni Krisha ng tingnan siya nito na nakataas ang isang kilay simula ulo hanggang paa, pagkatapos ay saka bumaling kay Jaden.
“Hi Jaden,” nakangiting bati ni Alice. Sinulyapan lang ito ni Jaden.
“Bakit?” walang kangiti-ngiting tanong nito.
“Looks like you have a new friend here,” sabi pa nito sabay tingin sa kanya.
“What do you want?” sa halip ay tanong ni Jaden.
“I just want to invite you. It’s my Mom’s birthday tomorrow and she’s having a party,” sagot ni Alice.
“Pasensiya na pero hindi ako puwede bukas,” pormal na sagot ni Jaden. Bahagya pa siyang napapitlag ng biglang tumingin ito sa kanya. “Krisha, are you finished?” tanong nito.
“Ha? Ah, oo!” sagot niya.
“Halika na! Baka mahuli pa tayo sa klase,” yaya ni Jaden.
“Okay,” pagpayag niya. Napatingin siya kay Jaden ng kunin nito ang libro niyang dala kanina pagkatapos ay hinawakan siya sa kamay at hinila palabas ng canteen.
Bago makalabas ng canteen ay lumingon pa siya kay Alice. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang matalim na tingin nito sa kanya. Nang mga sandaling iyon ay nakaramdam siya ng kaba kaya agad siyang bumawi ng tingin.
“GOOD JOB, Mister Palmero!” puri ng professor nila kay Jaden. Nasagot kasi nito ng tama ang math problem na Assignment nila. Kinabahan pa ito nang tawagin ito pero sa kabila niyon ay nakasagot ito ng maayos.
Nang umupo ito sa tabi niya ay agad silang nagkatinginan saka pasimpleng nag-high five. Nakita niya sa mga mata nito ang saya ng purihin ito ng Professor nila, malayo sa madalas na eksena na pinapagalitan ito. Pagkatapos ng klase ay inayos ni Krisha ang gamit niya saka lumabas ng classroom. Napalingon siya ng sabayan siya sa paglalakad ni Jaden.
“Ang galing mo kanina ha?” puri niya dito.
Kunwa’y nagkibit-balikat ito. “Wala eh ganon talaga,” pabirong pagmamayabang nito.
Napailing siya. “Grabe, napuri ka lang ng isang beses ang yabang na,” pabirong sabi niya dito.
“Ang galing ng tutor ko eh,” anito.
Natawa siya. “Ano ka ba? Hindi iyon dahil sa akin, focus ka kasi sa ginagawa mo kaya madali kang natuto,” paliwanag niya.
“Magaling ka din kasing magturo. Pero alam mo ba talaga ang dahilan kung bakit hirap na hirap ako sa subject na ‘yan?”
Umiling siya bilang sagot.
“Bukod sa hindi ko talaga kasundo ang numbers. Nakakaantok magturo si Sir, hindi ko talaga maintindihan. Kaya madalas nag-skip ako kapag siya na ang magtuturo,” pabulong na sagot nito.
Sunod-sunod siyang napailing. “Kaya pala madalas kang absent dati! Kung hindi ka pa sinabihan na ibabagsak ka hindi ka papasok!” pagkastigo niya dito.
Napapikit ito saka hinamas ang tenga nito. “Para ka naman si Ate eh,” reklamo nito.
“Hay naku Junior, kaya ayusin mo na para hindi tayo mahirapan dalawa. Ayokong masayang ang binabayad ng Ate mo sa akin bilang tutor mo!” walang prenong sabi niya.
Nahigit niya ang hininga ng bigla nitong takpan ang bibig sabay lapit ng mukha nito sa kanya. “Ano ka ba? Sabi ko sa’yo na secret lang ‘yon eh,” bulong ulit nito. Muli ay biglang lumakas ang kabog ng dibdib niya, kung may salitang mas higit pa sa salitang “kaba” ay iyon ang nararamdaman niya. Bukod doon ay parang unti-unting bumibilis ang pintig ng puso niya. Tumango siya dito saka nag-peace sign, nang lumayo ito ay biglang bumalik sa normal ang nararamdaman niya at tila nakahinga siya ng maluwag.
“Sorry,” aniya.
Nabaling ang atensiyon nilang dalawa nang mula sa di kalayuan ay may tumawag dito. “Jaden, halika na!” yaya ng isa sa mga kaibigan nito na nakasuot ng cap na pabaliktad.
“Sige, nandiyan na,” sagot ni Jaden dito.
“Bye Krisha, see you!” nakangiting paalam nito.
Gumanti siya ng ngiti dito pagkatapos ay tinanaw niya ito ng tingin. Nang mawala na ito sa paningin niya ay pinagpatuloy niya ang paglalakad papunta sa opisina ng Student Council. Ilang sandali pa may may bumangga sa kanya mula sa likod kaya nabitiwan niya lahat ng hawak niyang libro.
“Ay ano ba?! Bakit ba paborito ako banggain ng mga tao dito?” reklamo niya.
“I’m sorry Miss,” anang isang baritonong tinig.
Napalingon siya ng marinig niyang nagsalita ang lalaking bumangga sa kanya. Guwapo ito at medyo singkit din ang mga mata nito. Kilala niya ito, si Mark ang isa sa mga kaibigan ni Jaden. Gaya ng kaibigan, isa rin si Mark sa campus heartthrobs doon sa University nila. Marami din nagkakagusto dito, bukod sa guwapo ito ay magaling din itong kumanta, mag-rap at tumugtog ng iba’t ibang musical instruments. Bukod doon ay active din ito sa sports doon sa school. Ayon sa mga naririnig niya ay laking America daw ito. Naging kaklase din niya ito sa isang minor subject noong first year sila. Pero gaya ni Jaden, kahit kakilala niya ito ay hindi naman sila nag-uusap nito.
“Let me help you,” sabi ni Mark pagkatapos ay pinulot nito ang mga libro niyang nalaglag saka inalalayan siya nitong tumayo. Nang iabot nito sa kanya iyon, napansin niyang napatitig ito sa kanya.
“You’re Krisha,” sabi pa nito.
Napamulagat siya. Hindi niya akalain na matatandaan pa siya nito. “Kilala mo ako?” nagtataka pang tanong niya. Napakunot-noo lang siya ng ngumiti ito habang hindi nakatitig sa kanya, lalo siyang nagtaka ng marahan itong tumawa imbes na sagutin ang tanong niya.
“I have to go. By the way, nakita mo ba si Jaden?” sa halip ay tanong din nito.
“Ha? Ah, oo! Pumunta yata sila sa basketball court,” sagot niya.
Bahagya pa siyang napaatras ng tila haplusin nito ang buhok niya. “Thanks. I’ll see you around,” anito saka agad na umalis.
Naiwan siyang tulala at puno ng pagtataka. Paano niya ako nakilala? Nagtataka pa rin na tanong niya. Naputol lang ang pag-iisip niya ng dumating si Becca kaya sabay na silang pumunta sa Student Council’s office.
PINASA NI Jaden ang bola sa isa sa mga kasama niyang maglaro ng basketball, pagkatapos ay naupo siya sandali sa bench sa gilid at saka nagpahinga. Napalingon siya ng dumating ang isa sa mga kaibigan niya, si Mark.
“Oh dude, bakit ngayon ka lang? Matatapos na kaming maglaro,” sabi niya.
“May pinuntahan kasi ko,” sagot ni Mark. “By the way, hinihintay ka nga pala
namin kagabi ah? Akala ko pupunta ka sa tambayan.”
Napailing siya. “Na-hostage ako ni Ate eh,” sagot niya.
“Ano naman ang pinagawa sa’yo?” natatawang tanong ng kaibigan niya.
Sa tuwing may lakad sila ng barkada nila at hindi siya nakarating. Alam na nga mga kaibigan niya ang dalawang posibleng rason kung bakit hindi siya nakarating. Una, hindi siya pinayagan lumabas o may pinagawa sa kanya ang kapatid kaya hindi siya maaaring umalis.
Napatingin si Jaden sa kaibigan niya. Natutukso siyang sabihin dito ang pagkuha ng tutor ng Ate niya sa kanya, pero kapag sinabi niya iyon dito, siguradong pagtatawanan siya nito.
“Hoy, ano? Di ka na sumagot?” untag ni Mark sa kanya.
Bumuntong-hininga siya pagkatapos ay tumingin siya dito. “May sasabihin ako sa’yo, pero pangako mo sa akin na hindi ka mag-iingay,” sabi pa niya.
Kumunot ang noo nito. “Sure, what is it?”
Muli siyang bumuntong hininga saka bahagyang lumapit dito. “May appointment kasi ako sa tutor ko kagabi,” bulong niya dito.
Bigla siyang napaatras ng tumawa ito ng malakas. Napapikit siya saka napailing. Ito na nga ba ang sinasabi niya, kapag medyo sinuwerte pa siya, malamang ay idaldal pa nito sa iba pa nilang kaibigan ang sinabi niya.
“What? Tutor? Ikaw?” hindi makapaniwalang tanong nito habang walang patid pa rin ang pagtawa.
Bigla niyang tinakpan ang bibig nito. “Shh! Huwag ka sabing maingay eh,” saway ni Jaden kay Mark. Pinalis nito ang kamay nito saka sunod-sunod na umiling.
“I can’t believe what I heard from you. Bakit ka kinuha ng tutor ni Ate Jan?” natatawa pa rin na tanong ni Mark.
“Ayaw nga magpaawat ni Ate eh, noong sinabi niya sa akin ‘yon may nakuha na siya,” sagot niya.
“Anong subject?” tanong nito.
“Math,” sagot niya. “Pakiusap Pare, huwag na huwag mong sasabihin sa iba ‘to!”
Tinaas pa nito ang isang kamay. “Promise,” sagot nito. “Pero Pare, Math lang!” natatawang sabi pa nito.
“Eh marami na akong absent eh! Tapos puro bagsak pa ‘yong mga nakaraan exams at quizzes ko. Bukod doon, nahuli na ako sa mga lessons namin. Sabi nga ni Ate dapat daw bagsak na talaga ko. Nakiusap lang siya kay Sir, kaya dapat makapasa ko ngayon Finals,” paliwanag niya.
“Ikaw rin kasi eh, hindi ka pumapasok,” paninisi pa nito habang patuloy ito sa pagtawa. Bestfriend na niya si Mark simula bata pa lang sila, magkapitbahay sila nito. Simula ng magkakilala silang dalawa ay hindi na sila halos maghiwalay pa. Daig pa nila ang magkapatid ang turingan. Walang kahit isang detalye sa buhay niya ang hindi nito alam. Minsan nga, iniisip ni Jaden. Mas kilala pa siya nito kumpara sa mga magulang niya. Hindi na rin niya matandaan kung kailan sila nagkaroon ng matinding away. Simula ng magbinata silang dalawa ay nagkaroon na sila ng pangako sa isa’t isa na hindi sila mag-aaway pagdating sa babae. Kung dumating ang araw na magkaroon sila ng interes sa isang babae, kailangan magparaya ng isa.
“Oo na nga, kasalanan ko na. Mabuti na lang hindi boring ‘yong tutor na kinuha ni Ate,” sabi pa niya.
“Talaga? Saan ka naman niya kinuha ng Tutor?”
Umiling siya. “Classmate ko, si Krisha,” sagot ni Jaden.
Napansin niya na natigilan si Mark ng banggitin niya ang pangalan ng dalaga.
“Talaga? Siya ang tutor mo?” tanong pa nito.
“Oo, siya.”
Hinintay niyang mag-komento ito pero nanatili lang itong tahimik na tila may iniisip. Mayamaya ay kinalabit na niya ito. “Hey, are you okay? Bakit bigla kang natahimik?” nagtatakang tanong niya.
Tumingin ito sa kanya saka umiling. “Ha? Ah, yeah. I’m okay, may bigla lang akong naalala,” sagot ni Mark.
“Tara na, baka hinahanap nila tayo,” yaya niya dito.
Habang naglalakad sila palabas ng basketball court ay natanaw ni Jaden si Krisha na lumabas mula sa opisina ng student’s council habang kausap nito si Becca. Nang bigla itong lumingon sa gawi nila ay ngumiti ito. Parang tumalon ang puso niya ng gumuhit ang magandang ngiti nito sa labi. Hanggang sa tila nag-slow motion ang paligid ng biglang humangin at tangayin ng hangin ang mahabang buhok nito. Lalong napako ang tingin niya dito ng hawiin ni Krisha ang buhok nitong tumabing sa mukha at ipitin iyon sa likod ng tenga, biglang naramdaman ni Jaden ang mabilis na pagpintig ng puso niya.
She’s beautiful, wika niya sa kanyang isip.
“Isn’t she beautiful?” biglang sabi ni Mark.
Nawala ang atensiyon niya kay Krisha saka napalingon sa kaibigan. Pagtingin niya ay mataman din itong nakatitig sa dalaga.
“Do you like her?” tanong pa niya.
Ngumiti si Mark sa kanya saka marahan tumango. “Wala naman dahilan para hindi ko siya magustuhan di ba? Maganda siya, bukod doon ay matalino pa,” sagot nito.
Marahan siyang natawa. “Since when?” tanong ulit niya.
Ngumiti lang ito saka siya tinapik sa braso. “Basta, saka ko na sasabihin sa’yo,” sagot nito.
“Wow! Kaya pala hindi ka interesado kahit isa sa mga babaeng nagkakagusto sa’yo,” sabi pa ni Jaden. Nang mawala na ito sa paningin nila ay nagpatuloy sila sa paglalakad ngunit si Krisha pa rin ang kailangan pinag-uusapan.
“Pare, nakasama mo na siya. Huwag mong sabihin na hindi mo napapansin na maganda siya?” tanong pa ni Mark sa kanya.
Hindi agad siya nakasagot. Sa totoo lang, napansin na niya iyon noong gabing hinatid niya ito sa kanila pagkatapos ng lesson nila. Nang gabing iyon sa jeep, una niyang nakita ng malapitan si Krisha. Doon lang niya napansin ang pares ng kulay tsokolateng mga mata nito. Those beautiful eyes were like reaching through the windows of his soul. Hindi ganoon katangos ang ilong nito ngunit bumagay iyon sa mukha nito. And everytime those pink lips smiles at him, he can’t deny that it makes his heart flutter. Krisha glows everytime she smiles. Bukod sa magandang pisikal na katangian nito, napansin din niya ang kasimplehan nito. Walang masyadong arte sa katawan maging sa pananamit, hindi gaya ng ibang mga babae. Krisha is a smart and strong, pure and innocent, something that makes her stands out.