“MOMMY, magpa-part time job po ako,” paalam ni Krisha sa Mommy niya habang kumakain sila ng umagahan.
Napatingin ito sa kanya. “Anong trabaho naman ‘yan?” tanong pa nito sa kanya.
“Tutor po.”
“Bakit? Kulang ba ang allowance na binibigay namin sa’yo?” tanong naman ng Daddy niya.
Marahan siyang umiling. “Hindi po. Gusto ko lang makatulong talaga. Kinausap po kasi ako ng isang English Professor namin. Kaklase ko kasi ang kapatid niya, eh, nahihirapan sa Math subject namin. Kaya nakiusap na kung puwedeng turuan ko ang kapatid niya,” paliwanag niya.
Nagkatinginan ang mga magulang niya. “Gaano naman katagal ang pagtu-tutor mo na ‘yan?” pormal na tanong ulit ng Daddy niya.
“Hanggang bago mag-final exam lang po,” magalang niyang sagot.
“Baka mamaya pag-aaral mo naman ang mapabayaan mo?” salubong ng kilay na tanong ng Daddy niya.
Napangiti siya sa sinagot ng Ama. “Hindi naman po, Dad. Twice a week lang naman po iyon. Two hours per session,” paliwanag niya.
“Ano ba ‘yang tuturuan mo? Lalaki o babae?” sabad ng kaisa-isang kapatid niyang lalaki na si Kris.
Napatingin siya dito. “Lalaki,” sagot niya.
“Baka mamaya ligawan ka niyan ah,” anito saka naupo sa bakanteng silya sa tabi niya.
Kunot-noo siyang napailing. “Kuya talaga, nerd at loner ang tingin sa akin sa school. Sa tingin mo papatol sa isang tulad ko ‘yon?” sagot niya.
“Mabuti na ‘yong nagkakaintindihan tayo,” sabi naman nito.
“Alam mo na ang mangyayari kapag nabalitaan kong nakipagligawan ka. Iuuwi kita sa Iloilo. Ang pag-aaral mo ang atupagin mo! Huwag kang gumaya sa ibang kabataan riyan,” mahigpit na bilin ng Daddy niya.
“Yes Dad,” nakatungong sagot niya.
Pagkatapos ubusin ang laman ng baso niya ay agad siyang tumayo at humalik sa pisngi ng mga magulang. “Papasok na po ako,” paalam niya.
“O, mag-iingat ka ha?” bilin pa ng Mommy niya.
“Opo,” sagot niya.
“Teka, anong oras ka naman makakauwi dito sa bahay?” pahabol na tanong ng Daddy niya.
“Mga alas-nuwebe po,” sagot niya.
“Sige, uwi ka agad,” anito.
“Opo!” sagot niya saka agad na umalis.
“IKAW?! As in ikaw ang magtu-tutor sa akin?” hindi makapaniwalang tanong ni Jaden sa kanya.
“Oo. Bakit? May problema ba?” pormal ang mukha na tanong din ni Krisha dito.
Hindi ito sumagot bagkus ay binalingan nito ang kapatid. “Ate! Bakit naman siya pa?!” protesta nito.
“Bakit naman hindi? Eh siya ang pinakamagaling sa klase n’yo, di ba?” anang Ate nito.
“Eh!” maktol pa nito.
“Mukhang ayaw naman po niya sa akin eh. Uwi na lang po ako, Miss Palmero,” baling niya sa kapatid nito sabay talikod.
“Ay sandali lang!” pigil sa kanya ni Miss Palmero sabay hawak sa braso niya. Binalingan nito ang kapatid, bahagya pa siyang nagulat ng paluin nito sa braso ng malakas si Jaden.
“Pasalamat ka nga at siya ang kinuha ko! Sino ang gusto mo? ‘Yung nakakaantok magturo?” angil nito sa kapatid.
Napangiti siya ng makita niyang nagmaktol itong parang bata. “Huwag kang mag-alala. Hindi ko idadaldal sa buong campus na nagpapa-tutor ka. Saka dalawang oras lang naman ang lesson natin kaya konting tiis. Ikaw rin naman ang makikinabang dito, ikaw at ang grades mo,” natatawang sabad niya.
Sandali itong nanahimik at tila nag-isip, pagkatapos ay tumingin ito sa kanya.
“Basta secret lang natin ‘to ha?”
Tumango siya saka tinaas ang kanan kamay bilang tanda na nangangako siyang isi-sikreto ang pagtu-tutor niya dito.
Pagpasok niya sa loob ay agad na dumiretso sa kusina ang Ate nito. “Hoy Junior! Huwag kang pasaway ha? Magluluto lang ako. Krisha, dito ka na kumain ng gabihan,” sabi nito sa kanilang dalawa.
“Sige po,” sagot niya.
Nakita niyang napapailing si Jaden, saka lumingon sa kanya.
Nilabas niya ang libro nila at mga nakaraan lessons nila. Hanggang sa napansin niya na imbes na sa kanya ang atensiyon nito ay abala ito sa kakapindot sa cellphone nito.
“Ako nga prangkahin mo ako. Ayaw mo bang ako ang maging Tutor mo o sadyang ayaw mong magpa-tutor?” deretsong tanong niya dito sabay pangalumbaba. Sadya pa niyang nilapit ang mukha niya dito saka tiningnan ito ng deretso sa mga mata.
Bahagya itong napaatras habang nakatitig sa kanya. Hindi agad ito nakasagot at nanatiling nakapako ang tingin sa kanya.
“Hindi naman, kaya lang kasi hindi ako komportable dito sa pagtu-tutor na ‘to eh. Saka isa pa baka ipagsabi mo sa school,” paliwanag nito.
Napangiti siya saka umiling pagkatapos ay dumiretso siya ng upo. “Alam ko naman na hindi tayo masyadong close, pero siguro naman nakikita mo ako kahit paano. At malamang alam mo rin na hindi ako tsismosang tao. Huwag kang mag-alala hindi masisira ang image mo. Kung hindi ka talaga komportable, eh uuwi na lang ako. Magpapaalam na ako sa Ate mo,” aniya sabay tayo.
Napatingin siya sa kamay niya ng bigla nitong hawakan iyon. May kung anong tumalon sa puso niya nang dumikit ang balat nito sa kanya.
“Sandali lang! Ikaw naman masyado kang sensitive eh! Hayaan mo masasanay din ako. Sorry na,” sabi nito.
Napabuntong-hininga siya saka pasimpleng binawi ang kamay niya mula dito. “Wala ‘yon. Naiintindihan ko naman. Ewan ko ba kung bakit masyadong mahalaga sa inyo ang image n’yo,” sagot niya.
Hindi ito sumagot, bagkus ay napangiti lang ito saka napakamot sa batok nito.
“So paano? Start na tayo?” tanong niya.
“Okay,” pagpayag nito. Nang gumuhit ang magandang ngiti sa mukha ni Jaden at sumingkit ang mga mata nito ay may kung anong lumukso muli sa puso niya. Natagpuan na lang niya ang sarili na nginitian din ito. Noon ay parang napakahirap abutin ng isang Jaden Palmero, pero ngayon nakaharap niya ito ay tila wala itong yabang sa katawan gaya ng una niyang pagkakakilala dito. Sadya lang talagang makulit ito.
“THANK YOU po sa dinner, Miss Palmero,” nakangiting wika ni Krisha sa kapatid ni Jaden.
“Ate Jan na lang ang itawag mo sa akin kapag wala tayo sa school,” pagtatama nito.
Napangiti siya saka nahihiyang tumango. “Sige po,” pagpayag niya.
Binalingan nito ang kapatid. “Oy Junior, umuwi ka agad paghatid mo sa kanya ha?” bilin pa nito.
“Ate naman eh! Junior na naman eh,” sa halip ay protesta nito.
“Sige na, ihatid mo na si Krisha!” balewalang sagot ng Ate nito.
“Sige po, uwi na ako. Goodnight po,” paalam niya.
Habang naglalakad sila ay napapailing pa rin si Jaden, nang hindi makatiis ay nagtanong na siya dito. “Bakit ayaw mong tinatawag kang Junior ng Ate mo?” tanong niya dito sabay sulyap.
Napangiti ito saka muling napailing. “Wala lang. Eh hindi naman talaga ako Junior, pauso lang ng Ate ko ‘yon. Siya kasi ang halos nagpalaki sa akin, tapos magkamukha pa kami. Halos siya na ang tumayong magulang ko, kaya minsan, habang nag-aasaran kami tinawag niya akong Junior. Simula noon, iyon na ang tawag niya sa akin,” paliwanag nito.
“Ah okay, bakit ayaw mo? Cute naman ah,” sabi pa niya.
“Ha? Anong cute doon? Hindi kaya! Ang ganda ng pangalan ko eh, pauso lang talaga ‘yang si Ate!” tanggi nito.
Pagdating nila sa sakayan ay binalingan niya ito. “Sige na, dito mo na lang ako ihatid. Okay na ako dito,” sabi niya dito.
Napatingin ito sa kanya. “Ha? Hindi puwede! Kailangan ihatid kita sa inyo! Una, baka mabugbog ako ng Ate ko kapag pinabayaan kita. Pangalawa, babae ka at mag-aalas nuwebe na ng gabi. Ayoko naman hayaan kang umuwi ng mag-isa,” sabi pa nito.
“Wow, gentleman,” sa halip ay tukso niya dito saka siya tumawa.
Bahagya siyang nagulat ng bigla nitong kinurot ang makabilang pisngi niya. “Ang cute mo pala kapag tumatawa ka!” pang-aasar nito sa kanya. Pinalis niya ang kamay nito saka napahawak sa magkabilang pisngi niya.
“Masakit ‘yon ah,” pagsusungit niya dito.
Tila hindi ito naapektuhan, sa halip ay tumawa lang ito. “You know what? You should smile often, it suits you perfectly. You’re beautiful,” sabi pa nito.
Pagkasabi niyon sa kanya ay tila may kung anong tumalon sa puso niya. Kasunod niyon ay nag-init ang magkabilang pisngi niya.
“Naku tigilan mo nga ako, ako naman ang nakita mong asarin ngayon,” sagot niya.
“Hindi ako nang-aasar, totoo ‘yon. Maganda ka kapag ngumingiti! Ikaw lang eh, palagi kang seryoso o kaya nakasimangot ka. Aminin mo nga sa akin, takot ka ba sa tao?”
“Hindi naman,” mabilis na sagot niya.
“Eh bakit parang wala kang kaibigan? Si Becca lang ang nakikita kong kasama mo madalas,” pang-uusisa pa nito.
“Bawal kasi akong makipag-kaibigan eh. Baka kasi mawala daw ako sa focus sa pag-aaral. Mataas ang expectation sa akin ng Parents ko,” pag-amin niya.
Napapalatak ito. “Ang higpit naman ng Parents mo. Eh paano kapag may gustong makipag-kaibigan sa’yo? Saka nasa tao na ‘yon kung gusto mong magpa-impluwensiya,” sabi pa nito.
“Wala, iiwasan ko. Ayokong mapagalitan,” aniya.
“Ngayon naiintindihan ko na kung bakit palagi kang nag-iisa. Akala ko talaga noon loner ka gaya ng bansag sa’yo sa school,” sabi pa nito.
Malungkot siyang ngumiti dito. “Kapag bumaba ang grades ko at nakakuha ako ng one point seventy five. Pagagalitan ako sa bahay, kaya bawal talaga sa akin ang distraction. Kaya kahit gusto kong makipagkaibigan ay umiiwas ako,” paliwanag niya.
Hindi ito agad nakakibo. Napalingon na lang siya ng marinig niya itong bumuntong-hininga saka umiling. Natawa siya sa reaksiyon nito.
“Ang hirap naman no’n,” sabi pa nito. “Eh boyfriend bawal din? Siguro man-hater ka din kaya masungit ka. May bad experience ka sa first love mo, kaya ganyan ka.”
“Kaibigan nga bawal eh, boyfriend pa kaya. Hindi pa ako nagkaka-boyfriend kaya wala akong alam sa first love na ‘yan. Kapag nalaman ng Daddy ko na nakikipag-ligawan ako tiyak na iuuwi ako no’n sa probinsiya,” sagot niya.
“Wow! Nakakatakot naman ang Daddy mo! Paano kapag may nagkagusto sa’yo at nagkataon na nagustuhan ka mo rin siya?”
Nagkibit-balikat siya. “Malabo ‘yang sinasabi mo. Sino naman sa tingin mo ang magkakagusto sa isang tulad ko? Loner and Nerd. Ni hindi nga ako napapansin sa school maliban na lang kung ako ang unang kumausap sa kanila,” sagot niya.
Hindi agad ito nakasagot. Napalingon siya ng mapansin niyang nakatitig ito sa kanya. “’Yan ang kulang sa’yo, self-confidence,” sabi pa ni Jaden.
Umiwas siya ng tingin dahil alam niya sa sarili na iyon ang kulang sa kanya.
“Maganda ka, Krisha. Believe me,” wika nito.
Bumilis ang pintig ng puso niya matapos marinig ang papuri nito. Bukod sa Parents niya at kay Becca, bihira niyang marinig ang mga katagang iyon galing sa ibang tao. Of all people, it’s Jaden Palmero who said she’s beautiful. Hindi kayang ikaila ni Krisha ang naramdaman saya.
“Salamat,” mahina ang boses na sagot niya saka matipid na ngumiti dito.
Mayamaya ay dumating na ang jeep kaya agad silang sumakay doon. Habang nasa byahe ay pareho silang tahimik. Mahigit tatlumpung minute ang biyahe pauwi sa bahay nila mula sa bahay ni Jaden. Kalalagpas lang nila sa isang stoplight ng biglang malakas na pumreno ang jeepney driver, dahil iilan lang silang sakay ng jeep kaya sumama ang katawan nila ng pumreno ito.
Napatingin si Krisha kay Jaden na nakaupo sa tabi niya dahil hinarang nito ang isang braso nito sa katawan niya habang ang isang kamay nito ay nakakapit sa estribo ng jeep. Siya naman ay wala sa loob na napakapit ng mahigpit sa braso nito. Biglang kumabog ng malakas ang dibdib niya nang lumingon ito sa kanya, noon lang niya nalaman na kaylapit ng mukha nila sa isa’t isa. Iyon din ang unang pagkakataon na nakita niya ito ng malapitan. Hindi niya alam kung gaano sila katagal nakatingin sa isa’t isa.
“Okay ka lang?” tanong pa nito na puno ng pag-aalala.
“H-ha? Ah, oo, okay lang ako,” kandabulol na sagot niya. Nabaling ang atensiyon niya sa driver ng bigla itong nagsalita at nagalit sa isang motor na biglang sumulpot dahilan para bigla itong pumreno.
“Ang mga batang ‘to talaga oh! Grabe kung makapag-motor parang sa kanila ang kalsada, kapag naaksidente naman kasalanan pa namin madalas,” himutok ng driver.
“Naku, ang mga pinamili ko,” anang isang may edad na babae na kapwa nila pasahero. Pagtingin niya ay gumulong ang mga prutas nito sa loob ng jeep kaya
tinulungan nilang dalawa ni Jaden na damputin ang mga iyon.
“Maraming Salamat sa inyong dalawa,” sabi pa nito.
“Walang anuman po,’ nakangiting sagot niya.
“Ale, okay lang po ba kayo?” tanong pa ni Jaden dito.
“Ay oo hijo, okay lang ako,” sagot pa nito. “Naku hija, kasuwerte mo dito sa boyfriend mo. Mukhang mabait at maaalalahanin,” baling sa kanya nito.
Napamulagat siya sa sinabi nito saka bigla silang nagkatinginan ni Jaden. Ramdam niya ang biglang pag-iinit ng mukha niya dahil sa sinabi ng ale. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya ng magtama ang mga mata nila kaya agad silang umiwas ng tingin sa isa’t isa.
“Naku, hindi ko po siya boyfriend. Kaklase ko lang po siya,” pagtatama niya dito.
“Ah ganon ba? Naku eh, sayang naman bagay pa naman kayo,” komento pa nito.
Wala kahit isa man sa kanilang dalawa ang sumagot. Sa halip ay tumikhim lang ng malakas si Jaden para mabawasan ang biglang pagkailang nilang dalawa. Nang makababa na sila ng jeep ay tahimik pa rin silang dalawa.
“Saan dito ang bahay n’yo?” tanong pa nito.
“Doon sa kulay blue na gate ang bahay namin,” sagot niya. “Sige na, okay na ako dito. Safe naman dito sa amin eh.”
“O sige, see you tomorrow sa school,” sabi naman nito.
“Okay, salamat sa paghatid,” aniya.
Tatawid na lang siya nang bigla siyang pigilan ni Jaden.
“Krisha.”
Muli siyang lumingon kay Jaden. “Bakit?”
Ngumiti ang binata. “Hindi lahat ng lalaki ay mapagsamantala gaya ng sinabi mo. And I want to prove it to you. Puwede ba kitang maging kaibigan?” tanong pa nito.
“Pero baka…”
“Okay lang sa akin ang secret friends,” nakangiting sabi nito.
Kinapa ni Krisha ang damdamin. Palagay at panatag ang kanyang kalooban, hindi naman siguro masama kung susubukan niyang makipagkaibigan sa binata.
Ngumiti siya dito. “Sige,” pagpayag niya.
Parang nagliwanag ang paligid ng gumuhit ang magandang ngiti sa labi ni Jaden. Hindi maintindihan ni Krisha kung bakit gumaan ang loob niya, nabura ng sandaling pagsasama nila ang una niyang impresiyon dito na easy go lucky ito at tila walang pakialam sa mundo. Kanina habang tinuturuan niya ito ay nakikinig itong mabuti sa kanya. Kapag nalilito ito o may hindi ito alam ay nagtatanong ito sa kanya. Masaya siya na madali itong matuto. Malayo sa inaasahan niyang mahirap turuan at pasaway.
“Sige, mauna na ako. Baka pagalitan na ako sa bahay,” paalam niya dito.
“Sige, uwi na rin ako,” anito.
Hindi maipaliwanag ni Krisha ang sayang naramdaman niya ng mga sandaling iyon. Hindi rin niya akalain na magkakasundo sila nito, kumpara noong nakaraan linggo kung saan una silang nag-usap makaraan ng ilang taon niyang pagkakakilala dito. Napatunayan niyang mabait si Jaden Palmero, isa dahilan marahil kung bakit marami ang humahanga dito.