Chapter 8

1381 Words
"INIISIP mo ba si Sir Storm?" untag sa kaniya ni Seyla na bagong ligo at nakatapis lamang ng puting tuwalya. Naabutan siya nitong nakahiga sa rattan chair at nakapamaluktot doon habang nakatingin sa kisame. "Bakit ko naman siya iisipin kung hindi ko alam na iniisip niya ako?" pamimilosopo niya rito. "Ay, sira! Alam mo mukhang gusto ka niya. Hindi naman nag-e-effort ang lalaki sa isang babae kung hindi niya ito gusto. Tignan mo naman dumayo pa ng Dagupan para ilibre tayong dalawa." "Ako lang dapat iyon kaso kasama kita kaya nalibre ka." Nagtungo si Seyla sa kuwarto nila para magbihis. "Pasalamat ka at kaibigan mo ako no. Ay teka, Jeni. Dapat magpakipot ka sa lalaking iyon, hindi naman porket guwapo siya e mabilis kang bumigay sa kaniya. Alalahanin mo na hindi lang sa guwapo nabubuhay ang tao." "Nasa kaniya ang lahat, Seyla. Mayaman siya tapos guwapo pa pero hindi ako nangangarap dahil ayokong masaktan. Ayokong paasahin ang sarili ko sa bagay na hindi naman mangyayari. Iyong kaninang umaga panaginip lang iyon, at iyong kanina bangungot." Lumabas si Seyla sa kuwarto nila na nakasuot na ng pantulog. "Hay naku!" Bumangon siya at sumimangot. "Gusto kong mangarap pero malabo. Kaya habang maaga magigising ako sa panaginip ko." "Bahala ka... wala namang masama kung sumugal ka minsan pagdating sa pag-ibig. Hindi naman nakakatakot ang pagmamahal kung totoo." "Tigilan mo nga ako Seyla, magpainit ka na lang ng tubig at magkape na lang tayo. Nasa bag ko pa iyong shawarma hindi ko nakain dahil sa daming customers kanina. Initin na lang natin, p'wede pa naman iyon." "Ay oo, pati iyong fried nasa lunch bag ko pa." Mabilis na inasikaso nito ang pagkain nila. "Iniisip ko iyong trabaho natin sa Toe Shoes, matatapos na ang contract ko sa kanila. Six months lang naman kasi ang ibinigay nila sa atin kahit na mga dedicated workers tayo. Iisipin ko na naman kung saan tayo susunod na mag-apply." "Ano kaya kung pumasok tayo sa company ni Sir Storm. Ano sa tingin mo?" Inilagay ni Seyla ang mga shawarma sa pan para painitin lamang sandali. "Ano! Highschool graduate lang naman ako, Seyla. Hindi naman p'wede iyong tinapos kong anim na buwan sa Tesda bilang caregiver para sa trabaho sa opisina." "Loka-loka, hindi naman tayo mag-o-opisina kun'di mag-apply sa mababang posisyon katulad ng janitress." "Kunsabagay." Tumango-tango si Jeni sa sinabi ng kaibigan niya. Sa panahon ngayon wala nang arte-arte basta marangal ang trabaho. "Alam mo ang gusto kong gawin Seyla magtrabaho sa ibang bansa, malaki kasi roon ang sahod kaya nga kumuha ako ng caregiver sa Tesda dahil iyon ang balak kong gawin. Matagal ko na ngang plinaplano kaso hindi pa ako nakakaipon ng pera para mag-apply ng trabaho." Kinuha niya ang plato at inilagay doon ang mga nainit na pagkain nila. Nagtimpla naman si Seyla ng kape. "Saang bansa naman?" "Sa Taiwan," aniyang namimilog ang mga mata. "Matagal ko na talagang gustong magpunta sa Taiwan kaso hindi pa nangyayari." "Asus, mahal ang placement fee. Kunsabagay kung uutang ka kay Sir Storm tapos ang problema mo." "Hindi ko uutangan ang magiging asawa ko," mataray na aniya sa kaibigan. "Ayon! Kasasabi mo lang kanina na magigising ka sa panaginip mo pero ngayon mukhang nanaginip ka na naman. Kumain na nga lang tayo." Habang nakasubo siya ng shawarma ay may malakas na tunog ang narinig nila mula sa kabilang kuwarto. "Nag-aaway na naman ba iyong mag-asawa sa kabila?" inosenteng tanong niya sa kaibigan. "Paano mag-aaway e nakita kong kausap ni Aling Leticia kahapon. Mukhang umalis na nga sila e, ang alam ko available ang kuwarto sa tabi natin." Dalawang palapag ang apartment na tinutuluyan nila. Sa unang palapag sila kung saan pangdalawahang tao lang ang p'wedeng tumira. Mukhang bahay ang apartment na ang stlye ay panahon pa ng mga kastila. "Baka bagong tenant," aniya pagkatapos sumubo ng fries. Ilang sandali pa ay nakarinig na sila ng malakas na sigaw. Boses ng isang lalaki na parang may kaaway. "Siguro mas mabuting tawagan na natin si Aling Leticia, ayoko nang makialam pa sa mga away dahil noong nakaraang buwan ikinapahamak natin iyan," sabi ni Seyla na inilabas ang cellphone. Umawat lamang naman sila ng away pero sila ang napasama kaya hindi na sila nakikialam pa kapag may mga naririnig sila sa kalapit nilang kuwarto. Tumayo si Jeni para magtungo ng banyo pagkatapos niyang kumain. May sari-sarili naman silang comfort room kahit na maliit lang ang space nila. Iyon naman ang kagandahan sa kanilang tinutuluyan. *** "GO AWAY!" sigaw ni Storm sa ipis na nakapatong sa lamesa. Sa lahat ng insekto sa mundo ipis ang kinakatakutan niya. Noong bata pa kasi siya na-stock siya sa kanilang bodega na maraming ipis at hindi siya nakatulog ng ilang araw dahil sa takot niya. Binato niya ang ipis ng toilet paper at lumipad naman ang ipis patungong bintana. May butas doon at lumabas ang ipis na kinakatakutan niya. Unang beses siya titira sa isang boarding house na may kalumaan. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya pahihirapan ang kaniyang sarili sa plano niyang ito. Ngunit ito lang ang alam niyang paraan para mapalapit kay Jeni. Kaunti lang ang dala niyang mga gamit, good for two days. Nag-leave siya sa trabaho niya sa opisina para lamang sa kalokohan niyang ito. Pinagpag ni Storm ang kutson na hihigaan niya. Hindi naman siguro siya tatagal ng ilang araw. Hindi siya papahirapan ni Jeni. Mayamaya mas lalong dumami ang mga ipis na nakikita niya na naging dahilan para lumabas siya ng apartment niya at makasalubong si Aling Leticia. "Sir Storm, may problema ka ba? May nagrereklamo kasi sa katabi mong kuwarto na maingay ka raw at parang may kaaway. Alas onse na ng gabi sir at natutulog na ang karamihan sa mga tenants. Kung may kaaway ka sir ipagpabukas mo na lang." "Wa-Wala naman akong kaaway manang." Paano ba niya sasabihin ang mga ipis na kinakatakutan niya. Sinilip ng matanda ang kuwarto niya at naguguluhang tumingin sa kaniya. Magulo kasi ang loob niyon, nagkalat ang mga toilet paper at ang mga upuan natumba dahil sa pagkakataranta niya. "Ayusin mo na lang ang mga kinalat mo sir. Good night," anang matanda na umalis din matapos siyang kausapin. Nagbuga siya nang malalim at wala siyang nagawa kun'di isara ang apartment niya at magtungo sa parking lot para doon na muna magpalipas ng gabi sa kaniyang kotse. Bukas na lang siguro siya bibili ng insect repellent dahil sarado na ang mga convinience store na malapit. Titiisin niya ang lahat makuha lang ang nais niya. KINABUKASAN alas tres pa lamang ng madaling araw ay gising na si Storm. Bumili siya ng tinapay sa nakabukas na bakery para ibigay kay Jeni. Sa pag-i-effort niyang ito siguro naman mabilis niyang makapagpapalagayan ng loob ang dalaga. Alas kuwatro ng umaga nagbukas ang pinto ng apartment nila Jeni. Nakita niya ang dalaga na nag-uunat ng kamay at nakatingala sa kalangitan. Ngayon lamang niya napansin na maganda ito kapag walang kolorete sa mukha. Napailing siya sa kaniyang nakikita. Ngunit imbes na lumapit siya sa dalaga ay hindi niya ginawa. Naisip niya na baka pagdudahan na siya nito kapag nagpakita siya ng ganito kaaga. Imbes na iabot ang tinapay sa dalaga ay iniabot na lamang niya iyon kay Aling Leticia na nakasalubong niyang palakad-lakad. "Good morning, Sir Storm. Maaga yata kayo ngayon ah." "Magandang umaga rin ho. Heto po ang timapay for breakfast. Maaga rin po kasi ang trabaho ko sa pinapasukan kong off--- I mean pabrika. Huwag na ho ninyo akong tawaging sir dahil hindi naman ho ako mayaman." "Pero may kotse ka at---" "Sa boss ko po iyan ipinahiram lang sa akin." Nagawa ni Hatt ang bagay na ito noon kay Juvy kaya bakit hindi niya magagawa. Tumira din naman siya sa apartment na kasama si Cold noong college students pa lamang sila. "Ganoon ba... salamat sa tinapay Storm," nakangiting sabi sa kaniya ng matanda. Pumasok siya muli sa apartment niya kahit na kinakabahan siya. Hindi kasi siya sigurado kung marami siyang makikitang ipis. Marahan siyang pumasok at tumingin sa kaniyang paligid. Wala ang mga ipis, mukhang sa gabi lang nagpapakita ang mga iyon. Isinara niya ang pinto at nahiga sa kutson. Wala siyang matinong tulog kaya naisip niyang umidlip na lamang muna at iisipin ang mga bagay na p'wede niyang idahilan kapag nagkita sila ni Jeni sa lugar na ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD