Chapter 3

1078 Words
INIHATID ni Jeni ng tingin ang papalayong kotse ni Storm. Hindi niya mapigil ang saya na kaniyang nararamdaman. Grabe! Pakiramdam ni Jeni ay nanalo siya ng lotto dahil pinansin siya ng isa sa pinakaguwapong businessman. Isa ito sa mga kaibigan ni Cold Santillan, pero mas maangas tignan si Storm marahil dahil long hair ito ay matipuno ang pangangatawan. Palagi niyang nakikita si Storm sa hacienda tuwing weekends o kaya kapag dinadalaw nito ang hacienda nito na katabi lamang ng kanilang maliit na lupang sakahan. "Jeni!" tawag sa kaniya ng kaniyang Tatay habang palapit ito sa kaniyang kinatatayuan. Nakalimutan ni Jeni na kaya siya nandito ay para ihatid ang baon ng kaniyang ama. Hay dahil kay Storm bigla siyang nawala sa katinuan. Nilingon niya ang kaniyang Tatay na ginawang pamaypay ang sumbrero na suot kanina. "Kanina pa kita tinitignan anak akala ko kung napano ka na. Okay ka lang ba para ka kasing nakakita ng anghel." Itinabi niya ang bisekleta at inilagay ang stand nito. Kinuha ni Jeni ang basket na may lamang pananghalian ng kaniyang ama. "Heto po, sinigang na tilapia ang ulam. Ako po ang nagluto niyan," nakangiting ani Jeni sa kaniyang ama. "Masaya ngayon ang panganay ko, a. Dahil ba iyan sa masarap na ulam o dahil kay Sir Storm Dela Vega?" nakangiting biro ng kaniyang ama. "Tatay naman! Para mo na ring sinabi sa akin na gusto ko ng ginto." Inirapan ni Jeni ang kaniyang ama. Nagtungo sila sa silong ng mangga at doon ay sinamahan ni Jeni ang kaniyang ama na kumain. Kinuha na rin niya mula sa kaniyang bike ang inumin nitong tubig na nakalagay sa pinaglagayan ng coke. "Wala namang masama kung magkagusto ka kay Sir Storm. Ang pag-ibig wala naman iyang pinipilit na estado sa buhay, ke mahirap man o mayaman kung tumibok ang puso. Mabait si Sir Cold kaya sa tingin ko mabait din si Sir Storm, anak." Nagsimula na itong kumain habang nakaupo siya sa harapan nito. "Tatay talaga. Iba ngayon ang panahon, nakadepende rin sa estado ng buhay ang pag-ibig. Kapag mayaman sa mayaman lang at kapag mahirap sa mahirap iyan pero pagdating sa itsura..." Inilagay ni Jeni ang palad sa kaniyang mukha. "May laban!" Tinapunan siya ng tingin ng kaniyang ama na hindi mapigil ang pagngiti. "Matanda ka na, Jeni. Hindi kita pipigilan kung gusto mong mag-asawa. Sayang ang ganda mo anak kung iyan makakatagpo ng guwapong binata. Dapat ay iyong mabait at mapagmahal na katulad mo para naman ka lugi." Nanlaki ang kaniyang mga mata. "Tay, hindi ko pa nga natutupad ang mga pangarap ko e. Hindi ko pa kayo nabibigyan ng magandang buhay. 'Tsaka na ako mag-asawa kapag mayaman na tayo at masarap na palagi ang ulam natin araw-araw." Hindi umimik ang kaniyang ama. Alam niya na malungkot pa rin ito sa pag-aasawa ng kaniyang kapatid na si Gina. Sa kabila ng hirap ng kanilang buhay ay nagawa pa rin ni Gina na mag-asawa nang maaga. "Pasensiya ka na, anak. Kung maganda lang sana ang ani natin ng palay." "Tay, ano kaya kung ibenta na lang natin ang lupa. Marami na tayong utang sa pagsasaka e. Naisip ko iyong sinabi noon ni Tita Leticia na negosyo na p'wede tayong kumita. Tignan ninyo si Tita Leticia, maganda na ang buhay nila sa Manila mula noong umalis sila rito." "Pero lupa pa ito ng ninuno ng tatay ko, anak. Ito na lamang ang lupa na natitira mula sa mga lupang naipamana sa amin ng aming ama bago siya mamatay. Kung ibebenta ko ang lupa, mababayaran natin ang mga utang natin pero wala naman na tayong saaakahin." Bumuga nang malalim si Jeni. Masiyadong sentimental talaga ang kaniyang ama. "Pero kung gusto ninyong ibenta itay. Gustong bilhin ni Sir Storm ang lupa natin sa mas mataas na presyo." "Nasabi na rin niya sa akin ang tungkol sa bagay na iyan, anak. Nakausap na ako ni Sir Storm at inaalok ako ng malaking halaga kung papayag ako na gusto niyang ibenta ang lupa." "Papayag ho ba kayo?" mabilis na tanong ni Jeni. "Pag-uusapan pa namin ng Nanay mo ang tungkol diyan, anak." Natapos itong kumain at umiinom na ng tubig nang tumunog naman ang cellphone niya na nasa kaniyang bulsa. Sandali niyang sinagot ang tawag ng kaniyang kaibigan na si Juvy. Mamayang gabi ang luwas nilang dalawa patungo sa Dagupan. "Fren, hindi ka makakabalik?" nag-aalalang tanong ni Jeni sa kaniyang kaibigan. "Fren, kailangan kong bantayan si Lola Conching. Naospital na naman siya kailangan kong alagaan ang lola ko." Nahimigan ni Jeni ang malungkot na tinig ng kaniyang kaibigan. "Okay sige. Kung may kailangan ka, tawagan mo na lang ako, okay?" "Salamat, fren," ani Juvy sa kabilang linya bago naputol ang tawag. "May problema na naman ang kaibigan mo?" nag-aalalang tanong ng kaniyang itay nang lingunin siya nito. Malapit si Juvy sa pamilya nila dahil katulad lamang niya ito na nahihirapan sa buhay at napakaraming problema. Hindi na niya alam kung paano ba niya ito matutulungan gayong marami rin siyang mga problema na iniisip. "Kilala naman ho ninyo si Juvy, 'tay. Kaya niya ang lahat ng mga problema." Kinuha niya ang mga pinagkainan ng kaniyang ama at ibinalik iyon sa basket. "Kunsabagay, matapang ang batang iyon. Magpapatubig pa ako ng palay natin. Ingat ka sa biyahe mamayang gabi anak. Maglalamay ako rito sa bukid dahil malapit na tayong mag-ani." "Sana nga po ay marami tayong maani. Ikakasal na si Gina at sa susunod manganganak na. At baka makaaabayan pa siya ni Nanay na manganak. Dapat sana ay graduation niya at pagkokolehiyo ang iniisip natin pero ganoon talaga ang buhay. Kailangan na lamang nating tanggapin ang kapalaran ni Gina." "Hindi ko nadisiplina nang mabuti ang kapatid mo kaya ganoon. Pasensiya na anak kung nagkulang kami ng Nanay mo sa pagpapalaki sa inyong magkakapatid." Sinisisi ng kaniyang itay ang sarili nito dahil sa nangyari kay Gina. "Wala naman ho kayong kasalanan, 'tay. Pinili ni Gina ang desisyon na iyon sa buhay niya kaya kailangan niya iyong panindigan. Hayaan na lang natin si Gina kaysa tuluyan siyang lumayo sa atin at hindi na magpakita. Sa ngayon ang kailangan ni Gina, 'tay. Pag-unawa natin at pagmamahal... naligaw lamang ng landas ang isa ninyong anak 'tay." Hinawakan ng kaniyang ama ang kaniyang baba at pinisil iyon. "Mabuti na lamang ay mauunawain ang panganay kong anak." "Saan pa ba ako magmamana?" Niyakap ni Jeni ang kaniyang ama bago siya tuluyang nagpaalam dito. Aayusin pa niya ang kaniyang mga gamit para bumalik ng Dagupan dahil sa kaniyang trabaho.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD