Madaling araw ay inihahanda na ni Jeni ang kaniyang mga gamit pabalik ng Dagupan. Hindi niya inayos ang mga iyon pagdating nila ng kaniyang tatay sa bahay nila dahil naroon ang pamilya ni Randy, sa edad na dise sais ay namanhikan si Randy sa kanila upang patunayan ang pagmamahal nito sa kaniyang kapatid.
Tutol siya sa kagustuhan ng mga ito na magsama, ngunit nagdesisyon na ang kaniyang mga magulang kaysa naman mabaliw ang kapatid niya dahil sa pag-ibig. Mahirap lamang sila hindi katulad ng pamilya ni Randy na may kapatid sa abroad at may negosyo ang mga magulang. Nangako naman ang mga itong aalagaan ang kaniyang kapatid at pagkatapos manganak ay susuportahan sa pag-aaral. Nangako rin ang mga ito na kapag sumapit na sa tamang edad si Gina ay magpapakasal na ito kay Randy.
Wala siyang nagawa sa naging usapan ng mga magulang niya at magulang ni Randy. Iniisip niya na ang mga pangakong iyon ay maaring mapako dahil menor de edad pa ang dalawa. Isa pa, nangangamba si Jeni na baka pagsisihan sa huli ng kaniyang kapatid ang naging desisyon nito sa buhay.
Habang inaayos niya ang kaniyang mga gamit ay pumapatak ang luha sa kaniyang mga mata. Pakiramdam niya nagkulang siya sa mga paalala para sa kaniyang kapatid.
"Ngayon ka na ba luluwas?" tanong sa kaniya ng kaniyang Ina na hindi niya napansin na nakatayo sa labas ng kaniyang silid.
Pinahid niya ang luha sa kaniyang mga mata at lumingon dito.
"Opo inay, kailangan ko kasing maagang makaluwas para makapasok din ako mamayang umaga." Ibinalik ni Jeni ang tingin sa kaniyang gamit.
Nilapitan siya ng kaniyang Ina at hinawakan nito ang kaniyang balikat. Niyakap siya nito patalikod at nararamdaman niya ang luhang pumapatak sa balikat niya.
"Alam kong masama ang loob mo sa kapatid mo, anak. Pasensiya na kung nagkasabay-sabay ang mga problema natin. Hindi ko maayos na nagabayan si Gina kaya siya naligaw ng landas. Patawarin mo ako anak."
Bumuhos na rin ang kaniyang luha sa mga mata. Tahimik lamang siyang umiyak, ilang segundo na walang salitang lumabas sa kaniyang bibig.
"Alam kong masama ang loob mo dahil pumayag kami sa gusto ni Gina. Iniisip namin na baka mas lalo siyang magrebelde kapag hindi namin sinunod ng Tatay mo ang desisyon nila ni Randy. Mukha namang mabuting tao ang mga magulang ni Randy, hindi naman siguro mapapahamak ang kapatid mo."
"Ang bata pa ho ni Gina para maranasan ang hirap ng buhay na dinaranas natin ngayon. Hindi pa alam ni Gina kung paano magkaroon ng anak. Ano ang alam ng kapatid kong iyon, 'nay? Ni magluto ng kanin, maghugas ng pinggan at maglaba ay hindi niya magawa. Mahihirapan siya sa buhay na pinili niya, 'nay. Hindi niya inisip na ginagawa ko ang lahat para lamang maging maganda ang kinabukasan niya, kung sana nakinig siya sa akin, kung sana..." Kinagat ni Jeni ang kaniyang ibabang labi. Kinokontrol niya ang galit niya, ang mga masasamang salita na lalabas sa kaniyang bibig. Hinarap niya ang kaniyang ina. "Matagal ho akong makakabalik, buwan-buwan po akong magpadala ng pera inay para sa gastusin ninyo rito sa bahay habang naghihintay ng ani."
"Jeni..."
Isinukbit niya ang kaniyang bag sa balikat niya ngunit pinigil siya ng kaniyang ina.
"Huwag mong sisihin ang sarili mo, anak. Kasalanan ko," humihikbing sabi nito. "Hindi ko naturuan ang kapatid mo, hindi ko siya lubos na nadisiplina katulad nang ginawa ko sa iyo noon. Huwag mong sisihin ang sarili mo anak sa mundong tinahak ng kapatid mo. Hindi ka nagkulang, labis-labis akong nagpapasalamat sa kabutihan mo bilang ate sa iyong nakababatang kapatid. Huwag mo na kaming isipin ng tatay mo, anak. Mag-ipon ka para sa iyong sarili, nakakatulong naman sa amin si Juswa. Ang importante ay makapag-ipon ka para sa..." Tumingin ito sa kaniyang mga mata. "Nasabi sa akin ng Tita Leticia mo ang balak mong pagtratrabaho sa Maynila."
Bumuga nang malalim si Jeni, hindi siya sa Maynila magtratrabaho kung sakali kun'di sa Taiwan. Iyon ang matagal na niyang pangarap dahil marami siyang nababalitaan na naging maganda ang buhay dahil sa pagiging domestic helper sa ibang bansa.
"Huwag ho muna ninyong isipin iyon, 'nay. Ang importante po maging maayos na muna ang kalagayan ninyo at nang makapag-pacheck up na po kayo. Sana naman ho, last na po iyan, 'nay. Sobrang sweet kasi ninyo ni Tatay kaya nabuo si bunso." Marahang hinaplos ni Jeni ang tiyan ng kaniyang ina. Mabigat pa rin ang loob niya ngunit hindi siya dapat na magpatalo sa lungkot na kaniyang nararamdaman.
Kailangan niyang maging malakas para patuloy na lumaban sa hamon ng buhay.
"Sige na ho, aalis na po ako," ani Jeni at hinagkan ang kaniyang Ina sa pisngi bago umalis.
Tinahak ni Jeni ang daan palabas sa kanilang munting bahay. Nakasara ang kurtina sa kuwarto ni Gina, hindi pa siya handang makipagkasundo sa kaniyang kapatid. Gusto niyang maramdaman nito na tutol siya sa desisyong ginawa nito.
Ngunit ano pa nga ba ang gagawin niya?
Bumuga siya nang malalim bago sumakay sa tricycle na nakaabang sa labas ng kanilang bahay. Wala ang kaniyang ama dahil nagtungo ito sa bukid para tignan ang pinapatubigang palayan.
Alam niyang mabigat ang loob ng kaniyang ama sa naging desisyon nito para kay Gina. Umaasa na lamang si Jeni na mapapanindigan ng kaniyang kapatid ang buhay na pinili nito.
Sa terminal siya ng jeep nagpahatid sa tricycle. At hindi inaasahan ni Jeni na makikita niya sa terminal ang lalaking matagal nang gumugulo sa kaniyang isipan.
"Jeni!" Bumaba ito sa kotseng sinasakyan. Pinagtitinginan siya ng mga tao sa kaniyang paligid, alam niyang siya ang pinakasikat na babae ngayon sa terminal.
"S-Sir Storm," nauutal na sabi niya mula sa pagkabigla.
"Kanina ko pa sinusundan iyong tricycle na sinasakyan mo, makailang beses na rin akong bumusina pero hindi niya ako pinapansin. Kaya naisip ko na mauna na lang dito sa terminal ng bus dahil alam kong dito ka papunta."
Namula ang kaniyang magkabilang pisngi sa sinabi nito. Nag-abala pa itong hintayin siya. Naks naman.
"Jeni?"
Napalunok siya nang ilapit nito ang mukha sa kaniyang mukha.
Ano bang nararamdaman niya ngayon at parang tumatalon ang puso niya sa saya.