Hindi makapaniwala si Jeni na inihatid siya ni Storm sa tinutuluyan niyang boarding house. Hindi talaga niya inaakala na mapapansin siya ng isang Storm Dela Vega, ang pinakaguwapong lalaki sa paningin niya.
Umalis din ito pagkahatid sa kaniyang tinutuluyan hindi tuloy niya mapigilan na amuyin ang kaniyang kamay na hinawakan nito kanina. Gusto tuloy niyang itago ang kaniyang kamay para hindi mawala ang amoy ng binata.
"Hindi ka pa ba papasok?" tanong sa kaniya ni Seyla, kaibigan niya bukod pa kay Juvy.
"Heto na nga at papasok na," nakangiting aniya sa kaibigan at kasama niya sa boarding house. Hindi na rin kasi niya alam kung saang lupalop naroon si Juvy, ang tanging alam niya ay may ginagawa itong plano ma makakabuti para sa lahat.
"Sino iyong lalaking de kotse na nanghatid sa iyo rito?" usisa ni Seyla na nakapameywang sa kaniyang harapan.
"Ay siya ang prince charming ko, Seyla. Hindi na siya pumapansin sa ibang babae kaya huwag mo nang tatangkain," aniya bago pumasok sa loob ng kanilang boarding house.
Umikot ang mga mata nito at hindi makapaniwala sa kaniyang sinabi. Sinundan pa siya nito sa loob at umupo ito sa rattan chair 'tsaka siya nginusuhan.
"Ilusyunada! Hindi naman pumapatol ang ganoong kaguwapong tao at mayaman sa mga tulad natin na pinagkaitan ng kagandahan."
Sinulyapan niya ang kaibigan na hindi pa rin matanggap ang sinabi niya. Kahit na paano ay nalilibang siya kay Seyla. Nakakalimutan niya ang kaniyang problema dahil sa kaibigan.
"Hay naku, kung hindi ka naniniwala wala naman akong magagawa." Sa harapan ng kaibigan ay hinubad niya ang suot na t-shirt at isinuot ang uniform nila sa mall.
"Naku, nakita ko na naman ang makulimlim na kalangitan," pang-aasar nito sa kaniyang kilikili.
Hanggang mukha lang yata ang iniinom niyang pampaganda at pampaputi.
"Asus, parang hindi naman makulimlim iyong sa iyo ah. Halika na nga at baka mahuli pa tayo, nagtitipid pa man din ako kaya magdyi-jeep na lang tayong dalawa."
"Ako nga rin gipit ngayon e. Nagpadala ako sa mga magulang ko sa Pampanga." Tulad niya ay breadwinner din si Seyla.
"Kaya halika na at magtrabaho na tayo," ani Jeni sa kaibigan na problemado katulad niya.
"Kapag naging asawa mo iyong guwapong lalaki kanina baka naman makuha mo akong maging katulong mo," pagbibiro pa nito.
"Hindi ka magiging katulong ko Seyla dahil kaibigan kita. Alam mo gagawin kitang tagapamahala ng hacienda namin ni Storm pagkatapos magiging donya ka rin katulad ko," nangangarap na aniya sa kaibigan.
"Ay gusto ko iyan, naku baka makapangasawa rin ako ng haciendero," natatawang pagpatol naman nito sa sinabi niyang biro.
Tinawanan na lamang niya muli ang kaibigan na katulad niyang nangangarap lamang. Mukhang malabo naman kasing mangyari ang panaginip niya ngayong araw.
Ang isang katulad ni Storm Dela Vega ay napakahirap abutin. Baka nakapila pa siya sa mga babaeng nagkakagusto rito.
"Kumusta naman ang pamilya mo sa Victoria? Naayos mo ba iyong emergency mo?" usisa sa kaniya nito na naging dahilan ng pagkawala ng ngiti sa kaniyang mga labi.
"Hay naku," bumuga siya nang malalim bago magsalita. Umupo rin siya sa rattan chair at saka hinawakan ang bag pack niya. "Matigas ang ulo ng kapatid ko Seyla, hindi na siya nakikinig sa akin at sa mga magulang namin kaya ayon, sinunod na lang namin ang kagustuhan niya kaysa naman mas lalong maging rebelde. Buntis pa naman si Nanay at ayokong maging dahilan pa iyon para makunan sila pareho kung sakaling ipipilit ko ang gusto ko. Hindi naman magiging dahilan iyon para pabayaan ko si Gina kahit matigas pa ang ulo niya. Ako pa rin ang ate niya kaya kahit na masama ang loob ko sa kapatid ko hindi ko naman siya matitiis."
Tinabihan siya nito sa inuupuan niya. "Kunsabagay tama ka naman diyan Jeni. O, siya tama na ang drama. Basta nandito lang ako para payuhan ka dahil iyon lang ang kaya kong gawin ngayon dahil pareho tayong naghihirap," nakangiting anito bago maunang tumayo.
"Ikaw talaga." Pinahid niya ang butil na luha sa kaniyang mga mata at muling inayos ang sarili.
Sa katulad nilang mahirap hindi sila p'wedeng mapagod. Kailangan nilang kumayod para sa kanilang pamilya na umaasa sa kanila.
PAGDATING nila ni Seyla sa Mall ay alas nuebe medya pa lamang. Iyon ang oras na dapat nakapag-time in na sila dahil mananagot sila sa branch manager nila kapag nagkataon.
Maraming mga tao ngayon sa mall dahil maraming mga bata ang balita niya ay may film viewing ngayong araw. Inaasahan ni Jeni na marami silang maibenta para tumaas ang sales nila at madagdagan din ang kanilang sasahurin.
Inilabas niya ang mga displays at dinagdagan ng mga pambatang sandals ang mga nakasabit sa shoe racks.
Pagkatapos niyon ay pumuwesto na siya sa harap ng display cabinet. Hawak niya ang mga flyers sa mga discounted nilang items.
"Good morning ma'am, welcome to Toe Shoes. Ano ang gusto ninyong designs ma'am, marami po kami," nakangiting aniya na binitawan ang flyer na hawak.
May inasikaso ring costumer si Seyla sa kabilang side niya.
"Hindi para sa akin miss, para sa anak ko sana... ahm size 34 kasi ang paa niya," anang Ginang na pinaupo ang anak sa fitting area nila.
"Heto po maganda iyong glossy na sandals, mukha naman pong kikay ang anak ninyo at napaka-cute pa. Okay po iyong kulay na peach o kaya itong cream po." Kinuha niya ang isang color black at iniabot dito.
"Sige itong cream na lang na may mga glitters." Isinulat ng bata ang sandals na may one inch na heels. Square heels iyon at tiyak niya hindi ito matatapilok kahit na tumakbo.
"Eight years old pa lang niya pero mahaba na ang paa," dagdag pa ng Ginang na kinuha ang credit card.
"Hmm..." chubby kasi ang bata kaya siguro ganoon. "Napakaganda po ng mukha ng anak ninyo, ma'am."
"Salamat," anito sa kaniya. Nagtungo siya sa kanilang counter at ibinigay na sa cashier nila ang credit card nito.
Nang ibalik ni Jeni ang credit card sa Ginang ay nakita niya si Storm na nasa loob ng kanilang boutique. Nataranta ang kaniyang puso. Ano naman kaya ang ginagawa ng binatang ito sa shop nila.
"Salamat po, ma'am," magiliw niyang sabi sa Ginang at inihatid ang mga ito sa bukana ng kanilang shop.
Nilapitan niya si Storm para asikasuhin.
"Good morning, sir. Welcome to Toe Shoes."
Tumingin ang binata sa kaniya. Grabee... ngiti pa lamang ay nai-inlove na siya.
"Good morning too, Jeni. By the way napadaan lang ako dahil galing din ako sa shoe wear boutique ng kaibigan ko."
Tinutukoy marahil nito ang Victory, iyon kasi ang alam niyang shoe wear shop ni Dark.
Sa sobrang pagkagustp niya kay Storm inalam lahat niya ang mga trabaho ng mga kaibigan nito.
"Bakit ka naparito sir?"
"Gusto ko lang na i-treat ka ng lunch." Tumingin ito kay Seyla at kumaway. Gumanti naman ng kaway ang kaniyang kaibigan.
"Sir, kasi..."
"Kung hindi naman p'wede okay lang."
"Mamaya pang twelve ang lunch time namin sir kaya p'wede kami ni Jeni... basta ba willing to wait ka sir." Siniko siya ni Seyla na tapos na pala sa inaasikaso nitong customer.
Naku naman.
"Okay, sa labas lang muna ako at maghihintay. See you later, Jeni," nakangiting anito bago umalis.
Nang makalayo si Storm ay sinabunutan siya nang marahan ni Seyla sa laylayan ng kaniyang buhok.
"Aray naman," kinikilig niyang reklamo.
"Ang haba ng hair mo ang sarap mong kalbuhin. Kapag ganoon na inaaya ka pumayag ka na kaagad."
"Grabe ka naman!"
"Sign na ito na gusto ka niya kaya huwag kang magpatumpik-tumpik pa!" sabi pa nito sabay palo sa pwetan niya.
Totoo ba talaga? Hay, kung panaginip lang ito sana hindi na siya magising.