"Ikaw ba ang nagluto nitong breakfast?" tanong ni Storm kay Jeni na kanina pa umiiwas sa kaniya.
Tumango ito ngunit hindi siya nito sinulyapan man lang. Napangiti si Storm dahil sa inaasta ni Jeni.
"Masarap," pabulong na aniya sa dalaga. "Anyway, salamat dahil nandito ka sa unit ko. Pasensiya ka na kung kailangan ko ng tulong at inistorbo ko pa ang lakad ninyo ng boyfriend mo."
"Hi-Hindi ko naman boyfriend si Leo, kaibigan ko siyang matalik at pinsan siya ni Seyla." Depensa ng dalaga na napatingin sa kaniya. "Ba-Bakit mo naisipan na tumira sa lumang apartment na ito? Mayaman ka naman, sir. Hindi mo pagtitiisan na---"
"Hindi ko ba p'wedeng maranasan ang simpleng buhay na kasama ka. I mean--- ang buhay na hindi marangya?"
"Storm..." Nagulat ito sa matamis niyang mga salita. Umeepekto na yata ang kaniyang karisma sa dalaga.
"Gusto ko lang na lumayo sa buhay na mayroon ako ngayon para makapag-isa at makapag-isip. Masiyado akong stress at maraming problema." Sa puntong ito ay totoo ang sinasabi niya kay Jeni.
"May problema ka ba sir?"
"Ngayon mo lang ba itatanong iyan sa katulad ko?" Napangiti siya sa sinabi ni Jeni.
"Marami akong problema. Alam mo bang ginagawa ko ang lahat para higitan ang sarili kong ama. Gusto kong patunayan na tumatayo ako ngayon sa sarili kong mga paa na wala ang tulong niya." Sumandal siya sa pader at bumuga nang malalim.
"Hindi mo dapat hinihigatan ang sarili mong magulang, sir. Alam mo bang hindi tayo buhay dito sa mundo kung wala sila?"
"Utang na loob natin ang buhay natin sa mga magulang natin. That's right. At karapatan din natin na piliin ang landas na gusto natin, Jeni. Bata pa lamang ako mga patakaran na ni Daddy ang sinusunod ko. Hindi ako p'wedeng sumuway sa mga gusto niya para sa akin. Nabuhay ako na malayo sa gusto ko, hindi ko talaga gustong mag-aral ng Business Administration pero pinilit ako ni Daddy. Pinahawak niya sa akin ang Dela Vega Clothing at nang magkamali ako sa pagpapatakbo..." Bumuga siya nang malalim at lumakad palayo kay Jeni. "Ipinamukha niya lahat ng mga pagkakamali ko bilang anak niya. Kaya sinabi ko sa sarili ko na gagawin ko ang lahat para mapatunayan ko sa sarili kong ama na kaya ko."
"Sir, sa nakikita ko naman... successful ka na. Marami kang negosyong hinahawakan, nasa iyo ang lahat kaya bakit mo pa nanaisin na higitan ang sarili mong ama. Pasensiya ka na sir pero masamang magkaroon tayo ng hinanakit sa ating mga magulang."
Masama niyang tinignan si Jeni. Wala itong alam sa hirap na pinagdaanan niya kaya nito nagagawang sabihin iyon.
"Aayusin ko lang ang gas stove ko. Salamat sa breakfast, p'wede mo na akong iwan dito."
Imbes na umalis ito ay kinuha nito ang walis tambo at dust pan. "Pasensiya ka na sir kung nagmamarunong ako."
"It's okay."
Iniba ni Jeni ang kanilang usapan. At habang kasama niya ang dalaga ay napapalagay ang loob niya rito, parang masarap itong maging kaibigan.
Tsk. At paano ang plano niya?
"Sir."
Tumingin siya kay Jeni at napansin niya ang mukha nitong may dumi sa kanang pisngi. Nilapitan niya ito at pinahid ang dumi sa pisngi nito.
Namula ang dalaga sa kaniyang ginawa. "Huwag mo na akong tatawaging, sir. Sinabi ko naman sa iyo na Storm na lang ang itawag mo sa akin." Nagawi ang kaniyang mga mata sa mapupula nitong mga labi. "Ayokong maging formal ka sa akin." Idinistansiya niya ang sarili sa dalaga.
"Storm..."
Ginulo niya ang buhok nito. "May gusto ka bang itanong? Itatanong mo ba sa akin kung single pa ba ako o taken na?"
"Gusto ko lang sanang malaman kung bakit sobrang bait mo sa akin. I mean--- sa amin ni Seyla. Naisip ko na hindi naman ako mabuting tao para makatagpo ng isang mabuting katulad mo."
Tumawa siya nang mahina sa sinabi nitong iyon. Kung alam lamang nito na hindi siya mabuti na ang tanging gusto niya ay makuha ang lupa nila.
"Dahil mabuti kang tao, Jeni. Mabuti ang puso mo sa ibang tao at sa pamilya mo. Nandito ka ngayon at tinutulungan mo ako. At gusto kong makilala ang isang katulad mo."
Ipinagpatuloy niya ang pagliligpit ng mga gamit. Iniba ni Jeni ng posisyon ang mga gamit sa loob ng kaniyang unit. Pinalitan din nito ng mga kurtina at bedsheet ng kama. Mula sa mga binili niya sa mall kahapon.
Nagpameywang ito at ngumiti sa kaniya habang nakatuntong sa upuan. "Maayos at malinis na ang unit mo Storm. Kung may problema ka tawa---"
Hindi nito naituloy ang sasabihin nito sa kaniya nang bigla itong mawalan ng balanse sa pagbaba. Mabilis niyang nasalo ang dalaga ngunit nawalan din siya ng balanse kaya naman bumagsak silang pareho sa sahig.
Itinukod niya ang isang kamay sa sahig at tumingin sa dalagang nadaganan niya. Hindi niya alam kung bakit natukso siyang ilapit ang mukha sa mukha nito. Ngunit hindi niya naituloy ang halik na dapat niyang gawin nang itulak siya nito.
"S-Storm," anitong nahihirapan.
Tumayo siya at inalalayan ito sa pagtayo. "Sorry." Nagkamot siya ng ulo. "Salamat sa pagpapaganda ng unit ko kahit na paano naging maayos at maaliwalas sa mga mata ang lumang apartment na ito."
"Aalis na ako, Storm. Kailangan ko pa kasing tawagan sila Nanay," mabilis itong kumilos para makalabas ng unit niya.
Hinabol na lamang niya ng tingin ang papalayong dalaga. Sinundan niya ito sa paglabas ng kuwarto.
"Salamat ulit Jeni. Kung wala kang gagawin mamaya, baka may time ka. Aayain sana kitang kumain sa labas," walang paligoy-ligoy na aniya.
"Si-Sige..." Mabilis nitong binuksan ang pinto ng unit nila ni Seyla.
Bumalik siya sa unit niya na malapad ang ngiti sa kaniyang mga labi. "Kaunti na lang bibigay ka na sa akin Jeni," pabulong na aniya habang isinasara ang pinto ng unit niya.
***
PAGPASOK ni Jeni sa loob ng unit nila ni Seyla ay nagulat pa siya nang biglang sumigaw si Seyla na lumabas mula sa kusina.
"Grabe inabot ka ng tanghali na kasama si Sir Storm, sabihin mo nga sa akin Jeni. May nangyari ba?" kinikilig nitong tanong.
"Ikaw talaga!" Kinurot niya ito sa tagiliran. "Ang sama mo! Iniwan mo ako roon na mag-isa kahit na wala kang linakad. Alam ko na naman na dito ka lang sa unit natin ng ilang oras e."
"Jeni, binigyan kita ng pagkakataon para lumandi. At sa tingin ko naka-score ka," humahagikhik pang sabi nito.
"Ikaw, napakamalisyosa mo! Syempre walang score o nangyari na naganap. Hindi ako kaladkaring babae na basta na lamang bumibigay kaagad no. At kahit na crush na crush ko siya hindi ako mahinang nilalang." Sinimangutan niya ang kaibigan.
"Alam mo, hindi na ito kapalaran Jeni. Sinasadya na ito ng tadhana para magkatagpo at magkasama kayo ni Sir Storm. Dapat kang magpasalamat at manalagin araw-araw." Kinindatan pa siya nito at lalong inasar.
Umupo siya sa upuan at ngumiti nang malapad. Pakiramdam niya nasa balat pa rin niya ang mainit na katawan ni Storm at ang mabango nitong amoy. Hay... hahalikan ba siya nito kung hindi niya ito naitulak kanina.
"Hmm..." Umupo sa kaniyang harapan si Seyla na nakahalukipkip.
"Lubayan mo nga ako, Seyla. Napagod ako kaya magpapahinga na muna ako."
"Okay sinabi mo e." Iniwan siya nito na pangiti-ngiti at pasipol-sipol pa.
Napangiti din si Jeni habang iniisip kung saan siya dadalhin ni Storm mamayang gabi. Tinapik niya ang kaniyang pisngi.
Hindi ka marupok Jeni.
Hindi nga ba?