"MA'AM, Mrs. Buena Cruz is here."
Nawala ang atensiyon ko sa harapan ng aking laptop nang marinig ang sinabi ng empleyado. Marahan akong tumango sa kanya dahilan para magpaalam na siya.
Sumandal ako sa kinauupuan at bumuntong hininga. Saglit pa akong pumikit na tila kinokondisyon ang sarili bago isinara ang laptop at lumabas na ng opisina.
Nang makarating sa lounge area ay sumalubong sa akin ang isa sa VIP customer ng jewelry shop ko. She's been our customer for years.
Agad kong nilagyan ng ngiti ang labi nang magkatagpo ang mga mata namin. Naglakad na ako palapit sa kanya.
"Good morning, Mrs. Buena Cruz. It's nice to see you here again."
She smiled back at me. "Do you have anything special for me?"
"Of course, we do. Let's go and see it?"
Marahan siyang tumango sa sinabi ko bago tumayo mula sa kinauupuan. Ako naman ay pasimpleng sumenyas sa mga empleyado ko para maihanda na nila ang alahas na ipapakita kay Mrs. Buena Cruz.
Dinala ko siya sa VIP room na para talaga sa mga kagaya niyang customer. Dito nagaganap ang transaction sa pagitan ng mga VIP costumers.
We sat on the sofa. And while waiting, we talked a bit. Naputol lang ang pagkukuwentuhan namin ni Mrs. Buena Cruz nang dumating na ang alahas na pinapakuha ko.
Sa babasagin at mababang lamesa sa harapan namin ay roon inilapag ang isang jewelry box. Kahit nakasara pa ito ay kita na ang kwintas na nasa loob nito dahil yari sa salamin ang takip nito.
"This is our new product, Mrs. Buena Cruz. This necklace is called 'The Eleganté'. It is made of white gold. And as you can see, the pendant is a diamond, and there are also stones."
Tumuon ang tingin ng matanda sa alahas na nasa harapan niya, tila pinag-aaralan ang bawat detalye nito. Kalaunan ay may ngiti ang sumilay sa labi niya at bumaling na sa akin.
"You never disappoint me, Ms. Vizartes."
"We, The Eleganté, always want the best for our customers."
Naging matamis ang ngiti niya sa labi. "I will buy this. Expect a call from my secretary later."
"Okay, I will. Thank you, Mrs. Buena Cruz."
"Thanks to you, too."
Nang malinaw na ang lahat sa pagitan namin ay umalis na rin ang matandang customer. Agad kong ibinilin sa mga empleyado ko ang aabangan nilang tawag bago bumalik na sa opisina ko.
Tila pagod na pagod kong inupo ang sarili sa swivel chair ko. Nakaupo lang naman ako at nakikipag-usap kanina ngunit tila naubos na nito ang lahat ng lakas ko sa katawan. Wala akong nagawa kundi ang mapabuntong hininga na lang.
Nang sumapit ang tanghali ay umalis ako sa shop para magtungo sa isang restaurant. Ngayong araw ay napagplanuhan kong makipagkita sa mga kaibigan ko.
"How are you, Kirsten?" may halong pag-aalalang tanong ni Heather ngayong magkakaharap na kami sa isang pabilog na lamesa.
"Malamang hindi pa rin 'yan okay," singit naman ni Natalia dahilan para simangutan siya ni Heather. Bahagya akong natawa dahil sa dalawang kaibigan.
"Don't worry about me, girls. I'm trying to be okay."
Bumalik na ang atensiyon nilang dalawa sa akin at napaseryoso. Malalim na bumuntong hininga si Heather.
"We felt guilty at what happened to you and Tyler."
Hindi agad ako nakaimik sa narinig.
My friends know what happened between me and Tyler. They also know the reason behind it. I didn't try to hide my mistake from them.
"Kung hindi lang tayo lasing noong gabing 'yon ay baka nabantayan natin si Kirsten at napigilan sa katangahan niya," sambit naman ni Natalia.
Mabilis kong iniling ang ulo. "Huwag nyong sisihin ang mga sarili nyo. It's not your fault. Ako ang may kasalanan ng lahat."
"But we can't help it. Nandoon naman kami pero wala kaming nagawa."
Napabuntong hininga ako.
"By the way, where's Eyah?" tanong ko nang maalala pa ang isang kaibigan namin. Tatlo lang kami ngayon.
Nagkibit-balikat si Natalia. "Hindi raw siya makakapunta ngayon. She's probably busy."
Napatango na lang ako sa narinig.
"Kumusta na kayo ng parents mo? Nagkaayos na ba kayo?" Muling nabalik sa mga kaibigan ko ang atensiyon ko nang marinig 'yon.
Ilang segundo rin akong natahimik bago marahas na nagbuga ng hininga. Bumagsak ang balikat ko at umiling bilang tugon sa tanong nila.
"I think they are still mad at me. Kapag nasa bahay ako ay hindi nila ako kinakausap. Malamig din ang pakikitungo nila sa akin. Halos isang linggo na rin kaming ganito."
Simula nang mangyari ang kaguluhan na 'yon ay naging gano'n ang sitwasyon namin ng mga magulang ko sa bahay. Mukhang nadismaya ko talaga sila dahil sa nangyari.
Hindi sila nagkulang ng paalala sa akin. Pinagkatiwalaan din nila ako. Pero sa huli, lahat ng mga pangaral nila sa akin ay hindi ko nasunod.
"Mas okay nang ganyan kayo ng mga magulang mo, kaysa naman kulitin ka na naman nila tungkol sa gusto nilang mangyari," komento ni Heather.
Marahan akong tumango bilang pagsang-ayon, pero namomoblema pa rin ako. Hindi ako sanay na ganito kami ng mga magulang ko. Naninikip ang dibdib ko sa tuwing binabalewala nila ako. Tanging si Mama lang ang pumapansin sa akin ngunit kahit sa kanya ay bakas ang pagiging dismayado sa nagawa ko.
"Matanong ko lang, Kirsten. Nagkita o nagkausap na ba kayo ulit ng lalaking 'yon?"
Nabato ako sa kinauupuan bago dahan-dahan na umiling.
"I will never wish to see him again," may diin kong sabi.
Natahimik ang mga kaibigan ko. Sa huli ay iniba na ni Heather ang usapan namin, sinusubukang pagaanin ang tensiyon sa pagitan naming tatlo. Mukhang nahalata nila ang pamomoblema ko.
AFTER having a meal with my friends, I went back to the shop. Muli kong ikinulong ang sarili sa loob ng opisina ko at pilit na inabala ang sarili.
Abala ako sa pagtitipa sa laptop nang mapansin ang singsing na nasa daliri ko. Natigilan ako. At sa isang iglap, ang lahat ng atensiyon ko sa trabaho ay biglang naglaho.
Mariin kong kinagat ang pang-ibabang labi at hinimas ang singsing na nasa daliri ko. Kahit alam ko sa sariling hindi na matutuloy ang kasal namin ni Tyler ay hindi ko pa rin mahubad-hubad ang engagement ring naming dalawa.
Hindi ko pa rin matanggap ang nangyari sa relasyon namin. Sa isang iglap, gumuho ang lahat. At ang pinakamasaklap na bagay ay dahil 'yon sa akin. Ako ang rason ng lahat ng 'to. Dahil sa pagkakamali ko ay humantong ang lahat sa ganitong sitwasyon.
It would never happen if I didn't sleep with another man. It would never happen if I didn't cheat on him. But it's too late now.
"I'm sorry, Babe," mahina kong sabi na animo'y kaharap lang ang lalaking mahal ko. Ramdam ko naman ang unti-unting pagkadurog ng puso. Para bang pinipiga ito ng kung sino.
Kinuha ko ang phone ko na nakalapag lang sa ibabaw ng lamesa ko. Nagtungo ako sa contacts at hinanap ang pangalan ni Tyler. I tried to call him again, but I couldn't contact him.
Apat na araw na rin simula nang hindi ko na matawagan ang numero ni Tyler. Sa hula ko ay pinatay niya ang phone niya o kaya'y i-bin-lock ang numero ko sa kanya para hindi na matanggap ang mga tawag ko.
Kahit na subukan kong puntahan siya sa kanila ay hindi ko siya makita. Ang sabi sa akin ng mga kasambahay nila ay umalis siya. Nang tanungin ko kung saan nagpunta ay wala silang masagot sa akin. Ayon sa kanila ay hindi nila alam. Pero ramdam kong inililihim lang nila sa akin ang totoo. Hindi ko naman sila masisisi kung gawin nila 'yon lalo na kung iyon ang ipinagbilin sa kanila ng kanilang amo.
Dahil sa nangyayari ay hindi ko alam kung dapat ko pa bang subukang ayusin ang relasyon namin ni Tyler. Kung ako ang tatangunin, handa akong gawin ang lahat para lang mapatawad niya ako. Pero... paano naman siya? Paano kung talagang ayaw na niyang makipagbalikan sa akin dahil sa ginawa ko sa kanya?
Napalunok ako at napapikit na lang nang hindi ko na napigilan ang pagbagsak ng mga luha. Parang sirang gripo itong umagos pababa ng aking pisngi. Kahit anong pigil ko o sabi sa sarili na tama na ay wala pa rin akong magawa.
Kung maaari ko lang ibalik ang oras ay hinding-hindi ako maglalasing nang gabing 'yon. O mas mabuti ay hindi na ako nagpunta sa kaarawan ng kaibigan ko. Sana ay nagdahilan na lang ako sa kanya. Sana ay hindi na lang ako pumunta. Kung gano'n ang nangyari, siguradong hinding-hindi ako malalagay sa ganitong sitwasyon. Hindi sana mawawala sa akin ang lalaking pinakamamahal ko.
Inilagay ko ang palad sa mga mata ko habang wala pa rin humpay sa pag-iyak. Ramdam ko na ang paninikip ng dibdib dahilan para mahirapan sa paghinga.
How am I going to fix this? I want to make things right, but how? Everything is ruined now. No matter what I do, I can't fix it anymore.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nag-iiyak sa opisina ko. Tumigil lang ako nang tila naubusan na ako ng luha.
Tiningnan ko ang sarili sa salamin. Bahagyang namamaga na ang mga mata ko at namumula naman ang ilong. Para matakpan ang itsura ay nilagyan ko ng makeup ang mukha. I don't want anyone to know that I cried.
Mas bumuti na ang itsura ko nang sumapit na ang gabi. Naging abala na rin ako para sa pagsasara ng shop. Nang matapos ay agad na rin akong bumiyahe pauwi sa bahay.
"Good evening po, Ma'am Kirsten."
Ngumiti ako kay Nanay Rowena na siyang sumalubong sa akin at nagbukas ng gate.
"Good evening din, Nanay Rowena." Tuluyan na akong pumasok sa loob ng gate at naglakad sa hardin namin. "Nandiyan na ba sila Mama at Papa?"
"Opo, Ma'am."
"Anong ginagawa nila? Kumain na ba sila?"
"Hindi pa po. Kanina pa po kasi sila abala sa mga bisita nila. Mukhang hinihintay ka rin po nila bago maghapunan."
Napatigil ako sa paglalakad at nakakunot ang noong pinukol ng tingin si Nanay Rowena.
"Bakit? Sino ba ang mga bisita nila?"
Mabilis siyang umiling. "Hindi ko rin po alam, Ma'am. Ngayon ko lang din po nakita ang mga bisita ngayon."
Napatango na lang ako at ipinagpatuloy na ang paglalakad papasok ng bahay. Ngunit nang makarating na sa salas ay roon na ako natigilan nang maabutan ang apat na tao rito.
Una kong napansin ay ang mga magulang ko na kasalukuyang nakikipag-usap sa isang babae na sa tingin ko ay ka-edad lang nila. Pero ang talagang kumuha sa atensiyon ko ay ang lalaking nakaupo sa tabi ng babaeng 'yon.
Parang biglang sumakit ang ulo ko dahil sa nakikitang pamilyar na mukha. Unti-unti rin bumabalik sa akin ang mga alaala nang gabing 'yon na pilit ko namang kinakalimutan na.
Napalunok ako at naramdaman ang panlalambot ng mga tuhod nang tumingin sa gawi ko ang lalaking kaharap. Nang magtama ang mga mata namin ay agad kong nasilayan ang asul niyang mga mata na kailan man ay siguradong hindi ko makakalimutan sa tanan ng buhay ko. Dahil ang asul na mga mata na 'yon ay ang parehong mata na pagmamay-ari ng lalaking nakasama ko sa isang mainit na gabi.
"What's... what's happening here?" utal-utal kong tanong. Puno ako ng pagkagulong bumaling sa mga magulang ko ngunit tanging ang seryosong mukha lang nila ang sumalubong sa akin.
Nang walang sumagot sa tanong ko ay ibinalik ko ang tingin sa lalaking may kulay asul na mga mata.
"Why are you here?"
Hindi pa man nakakasagot ang lalaking nasa harapan ko ay narinig ko na ang boses ng ama ko.
"I called him here."
Sa narinig ay naramdaman ko na agad ang padating na mga problema sa akin. At sa pagkakataong ito, mukhang wala na akong takas.