"WHAT?" bulalas ko at mabilis na naglipat ng tingin sa aking ama. Gulong-gulo akong sinalubong ang mga mata niyang puno lang ng pagiging seryoso at istrikto.
"Why did you do that, Pa?"
Bahagyang sumama ang tingin niya sa akin. "Talagang itatanong mo pa 'yan sa akin? Malamang ay ipinatawag ko siya para makausap sa ginawa niya sa 'yo!"
"Pa!" naisigaw ko na lang dahil sa frustrations na nararamdaman. Hindi ako makapaniwalang magagawa ito ng mga magulang ko. Nababaliw na ba sila?
"You two, enough! Hindi ba kayo nahihiya sa mga bisita natin?"
Naputol ang pagsusukatan ng tingin namin ng ama ko nang pumagitna na sa amin si Mama. Tumayo siya mula sa kinauupuan habang istriktong pinagmamasdan ako.
"Kirsten, follow me."
"Ma..."
Hindi niya ako pinansin at sa halip ay bumaling na lang sa ama ko. "She must be shocked. I'll talk to her first to explain everything."
Walang nagawa ang ama ko kundi ang mapatango na lang. Saglit na nagpaalam si Mama sa dalawa pang taong kasama namin sa salas. Kumuyom ang kamao ko at walang lingon-lingon sa gawi nila ay sinundan ko ang ina ko.
Nagtungo kami sa kusina. May naabutan pa kaming isang kasambahay rito, pero nang senyasan siya ni Mama ay nagmamadali siyang umalis dahilan para maiwan na lang kaming dalawa.
"Ma, anong nangyayari?" agad kong tanong sa ina ko. Gulong-gulo ako sa naabutan ko rito sa bahay.
Napabuntong hininga siya. "Gaya ng sinabi ng ama mo, nandito sila ngayon para mapag-usapan namin ang nangyari sa inyo ng lalaking 'yon."
Parang tumitibok na ang ugat ko sa ulo dahil sa sobrang pananakit nito sa nangyayari ngayon.
"How did you find him?" tanong ko nang maisip 'yon.
"With Eyah's help."
Nasapo ko ang noo. Parang gusto kong magalit sa kaibigan. Bakit niya tinulungan ang mga magulang ko para makausap at makita ang lalaking 'yon? Pero hindi ko magawang tuluyang magalit. Malamang ay may ginawa ang mga magulang ko para mapapayag siya.
"Why are you doing this, Ma? Napag-usapan naman na natin ang tungkol sa bagay na ito. Lasing lang kaming dalawa nang gabing 'yon. Wala ni isa sa amin ang may gustong mangyari 'yon. Kaya bakit kailangan pang kausapin siya tungkol sa bagay na 'yon? Tapos na 'yon. Dapat nang kalimutan."
Walang nagbago sa ekspresiyong nasa mukha ng ina ko. Seryoso at istrikto pa rin ito ngunit mas lamang pa rin ang mukha ng ama ko kanina.
"We're doing what we think is the best for you, Kirsten."
Nawalan ako ng imik at hindi makapaniwalang tumitig sa kanya. Ito ba ang tinatawag nilang makabubuti para sa akin? I don't agree with this!
"Fix yourself. Babalik tayo sa salas at haharapin mo sila nang maayos," maawtoridad niyang utos.
Buong pagkatao ko ang labag sa gusto niya ngunit sa huli ay wala pa rin akong nagawa. Napalunok na lang ako at marahas na bumuntong hininga.
Sumunod na ako kay Mama nang lumabas na siya mula sa kusina at bumalik sa salas. Nakaramdam ako ng ilang nang maramdamang nasa sa akin ang tingin ng lalaking nakasama ko nang gabing 'yon at ng ginang na kasama niya ngayon.
"She's ready to talk to us," imporma ng ina ko kasabay ng pag-upo niya sa tabi ng ama ko. Umupo naman ako sa isang single sofa. Sa harapan ko nakaupo ang dalawang bisita habang ang ama't ina ko ay nasa gilid ko.
Tumikhim ang ginang na nasa harapan ko dahilan para mapatingin ako sa kanya. Sumalubong sa akin ang banayad niyang ngiti sa labi.
Maamo ang mukha niya dahilan para magmukha siyang mabait sa harapan ko. Mukhang may edad na katulad ng mga magulang ko ngunit nangingibabaw pa rin sa kanya ang taglay niyang kagandahan. At mukha man mayaman ngunit nananatili sa kanya ang pagiging simple.
"Hello. My name is Brianna Mendes. And here's my son." Isinenyas niya ang lalaking nasa tabi niya. Hindi ko magawang tapunan siya ng tingin. Natatakot akong magkatagpo ang mga mata namin. "He's Archer Mendes."
Marahan akong tumango. Labag man sa loob ko ang pagiging nasa harapan nila ngunit ayaw kong bastusin sila.
"What's your name, Hija?" tanong niya.
Lumunok ako. "Kirsten Vizartes po..."
Ngumiti siya sa naging pagpapakilala ko.
"Ayaw ko nang magpaligoy-ligoy pa. Gusto kong pag-usapan na ang nangyari sa anak natin nitong nakaraan," biglang sambit ng ama ko dahilan para sa kanya na matuon ang atensiyon namin.
"Sinabi ko na sa 'yo, Pa. Hindi namin ginusto ang nangyari. We were both drunk that time," sabi ko agad. Tila alam ko na kung saan patungo ang usapin na ito. Kaya habang maaga pa ay kailangan ko nang pigilan.
Puno ng sarkasmong tumawa ang ama ko. "Kahit hindi nyo ginusto ang nangyari ay nangyari pa rin sa pagitan nyo ang bagay na 'yon. Ang galing nyong maglasing, pero hindi nyo maharap ang consequence sa ginawa nyong pagkakamali?"
Natahimik ako sa sinabi ng ama ko at napaiwas na lang ng tingin. Ramdam ko ang pagkapahiya ko.
"I'm sorry for everything, Sir."
Pasimple akong tumingin sa lalaking nasa harapan ko na ang pangalan pala ay Archer. Seryoso niyang sinasalubong ang tingin ng ama ko. Bakas man ang kaba sa kanya ngunit naroroon pa rin ang pagiging matapang sa mga mata niya.
Pormal na pormal ang dating niya ngayon. Malayo sa itsura niya nang umagang magising akong katabi siya sa iisang kama.
Nakasuot siya ng itim na polo na tama at maganda ang hapit sa katawan niya. Ang ilang butones nito ay nakabukas. Ang buhok naman niya ay maalon. At kahit nakaupo ay kitang-kita na agad ang tangkad niya. Pero ang talagang nakakaagaw ng pansin sa kanya ay ang asul niyang mga mata na nagpapatunay na may lahi siya. Maybe he's mixed race. Mukhang Filipina lang ang ina niya.
"Sa tingin mo, sapat na ang sorry lang sa ginawa mo sa anak ko?"
Kagaya ko ay nawalan din siya ng imik nang marinig 'yon.
"Sabihin nyo sa akin kung paano kayo humantong sa gano'n," pag-iiba na ni Papa ng usapan. Si Archer na ang sumagot nito.
"I'm one of Eyah's friends, Sir. She invited me to her birthday party. And there, I met Kirsten. Nagkasayahan kami hanggang sa nalasing... and that thing happened between us."
"Did you force my daughter?"
Namilog ang mga mata ko sa narinig na tanong ng ama ko. Nang tingnan ko si Archer ay seryoso siyang umiling.
"Sir, may malaki po akong respeto sa mga babae dahil may ina ako. Kaya sigurado po akong hindi ko magagawa 'yon."
Sininghalan ng ama ko ang sinabi niya. "Paano mo nasasabi 'yan kung lasing ka nang gabing 'yon?" Inilingan pa siya ni Papa bago ito bumaling sa akin. "Nagsasabi ba siya ng totoo? Wala ba talagang sapilitan na nangyari sa inyo?"
Hindi agad ako naka-imik. Kinakain ako ng hiya.
Bumagsak ang ulo ko bago nagawang tumango.
That's the truth. Lasing man ako nang gabing 'yon ngunit base sa naaalala ko ay walang gano'n na nangyari sa pagitan naming dalawa ni Archer. At nakakahiya man aminin ay talagang nagpadala ako sa tukso noong gabing 'yon kaya humantong kami sa ganoong sitwasyon. Gusto ko itong isisi sa alak.
"Sigurado akong alam mong ikaw ang naka-una sa anak ko. At siguro ay naiintindihan mo nang hindi ko 'yon basta-basta palalagpasin lang."
Napatingin ako sa mga magulang ko. Nanghihingi ako ng tulong na tumingin sa ina ko pero tanging buntong hininga lang ang nagawa niya. Mukhang hindi niya mapipigilan ang ama ko sa ginagawa nito ngayon.
"I know that, Sir. That's why I'm here in front of you. I'll take responsibility for my action."
"Are you sure about that? Paano kung puro ka lang salita?" nagdududang tanong ni Papa. Kung pagmamasdan siya ngayon ay talagang nakakatakot siya. Kahit akong sariling anak niya ay nakakaramdam ng takot sa kanya ngayon. Kaya't nakakamanghang nahaharap pa rin siya ni Archer kahit na tila isang matalim na kutsilyo ang tingin sa kanya ng ama ko.
"My son is a man of his words. Kaya kung sinasabi niyang handa siya at gagawin niya ang gusto nyo ay talagang gagawin niya iyon," singit na ng ina ni Archer. Banayad lang ang boses niya kung makipag-usap. Isang malaking kabaliktaran ng sa ama ko.
Umangat ang sulok ng labi ni Papa at tumuon na ang tingin kay Archer. Nagkaroon ng panghahamon ang tingin niya sa lalaki.
"Paano kung sabihin kong gusto kong panagutan mo ang anak ko, gagawin mo ba? Handa ka bang pakasalan siya?"
Inaasahan ko nang sasabihin 'yon ng ama ko ngunit nang marinig ko ito ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala. Is he really serious about this?
"He doesn't need to do that, Pa," sabi ko nang hindi na makayanan ang mga naririnig sa harapan ko. Lumunok ako at pilit na pinatapang ang sarili. "Malinaw na sa inyo. Hindi namin ginusto ang nangyari. Kaya bakit kailangan pang humantong ganito?"
"Alam mo kung gaano ka namin iniingatan ng ina mo, Kirsten. Naging isktrikto pa nga kami sa 'yo. Kaya hindi kami makakapayag na matapos ng ginawa sa 'yo ng lalaking 'yan ay hindi ka niya pananagutan. Paano na lang kung mabuntis ka niya?"
"Paano kung hindi? Hindi nyo na ba ipipilit ang kalokohan na ito?"
Naging masama ang tingin sa akin ng ama ko. "Kalokohan? Sa tingin mo ba ay kalokohan lang itong ginagawa namin, Kirsten?"
Hindi ako naka-imik. Gusto ko man mangaral pa ngunit alam kong hahaba lang ang usapan. He will never listen to me anyway.
"Kahit hindi ka man niya mabuntis, hindi magbabago ang isip ko. Gusto kong panagutan ka pa rin niya."
Bumagsak ang balikat ko sa narinig at napayuko. "Pero... may fiancé ako, Pa."
"Tyler already left you because of him. Kaya huwag mo sabihin sa aking may fiancé ka pa."
Tila isang kutsilyong tumarak sa dibdib ko ang salitang 'yon ng ama ko. Masakit na tila ipinamukha niya sa akin ang bagay na 'yon.
"Ano, Archer?" Bumalik na ang atensiyon ng ama ko kay Archer na kanina ay nakikinig lang sa pagtatalo namin ng ama ko.
Dala ng kuryusidad sa magiging tugon niya ay tumingin ako sa gawi niya. Saglit na nagtama ang tingin namin bago siya tumingin sa ama ko.
Hindi gaya ng mga magulang ko, siguro naman ay nasa tamang pag-iisip pa siya. Siguro ay hindi siya papayag sa kagustuhan ng ama ko. Dahil hindi basta-basta ang gusto ni Papa. Malaking responsibilidad 'yon para sa kanya. Bukod doon, mapipilitan siyang maitali sa akin.
"If that's what you want, Sir. Okay, I'll marry her."
Unti-unting umawang ang bibig ko sa narinig. Hindi ako makapaniwalang napatitig sa kanya.
"You agreed?" bulalas ko dahilan para mapatingin siya sa akin. "Are you out of your mind?"
Hindi siya umimik.
"My father wants you to marry me! Kasal ang pinag-uusapan natin dito, at pumayag ka lang nang basta-basta? Ni parang hindi mo man lang pinag-isipan ang bagay na 'yon!"
Nag-iisteriko na ako sa nangyayari sa harapan ko. Hindi ko kinakaya ang lahat. Akala ko ay ang ama ko lang ang nababaliw, pati rin pala siya!
"I just said this earlier. I will take responsibility for my action. And if that's marrying you, then I'll do it."
Sunod-sunod akong umiling. Tama na. Tama na ang kalokohan na ito!
Tumayo na ako mula sa kinauupuan dahilan para makuha ko ang atensiyon nilang lahat. Isa-isa ko silang tiningnan.
"Hindi ako papayag. Hindi ako magpapakasal sa kanya. Walang mangyayaring kasalan sa pagitan namin!" may pinalidad kong sabi. Huminga ako nang malalim at walang paalam na tinalikuran sila. Ayaw ko man maging bastos sa harapan nila ngunit hindi ko na maatim ang manatili pa roon.
Habang naglalakad patungo sa ikalawang palapag ng bahay ay naririnig ko pa ang boses ng mga magulang ko, sinusubukang tawagin ako. Ngunit parang bingi akong nagpatuloy lang sa paglalakad.