HINDI ako mapakali sa naging pagtatalo namin ni Archer. Kaya kahit ilang oras na ang lumilipas simula nang mangyari 'yon ay apektadong-apektado pa rin ako sa nangyari. Pakiramdam ko ay ako na naman ang may kasalanan sa pagkakataon na ito. Hindi ko naman ginustong itago mula kay Archer na gustong makipagbalikan sa akin ni Tyler, ang dating nobyo. Kaya ko lang naman hindi binanggit sa kanya ang tungkol sa bagay na 'yon noon ay dahil kaaayos lang ng relasyon namin. Natatakot akong baka magkaroon na naman kami ng hindi pagkakaintindihan kapag nalaman niya ang tungkol sa bagay na 'yon. Pero sa nangyayari ngayon, ang kagustuhan kong 'yon na hindi kami magtalo ay mas lalo lang napasama. Mukhang inaakala ni Archer ay sinasadya kong itago sa kanya ang mga bagay-bagay na may kinalaman kay Tyler.