Episode Eight

2032 Words
-FELIX’ SECRET PLACE. STUCK IN TRAFFIC. RIDE HOME- SIGURADO si Felix na hindi titigil si Yuan hanggang hindi siya pumapayag na sumama rin ito sa tinatawag niyang ‘secret place’. Kaya sumakay na si Felix sa kotse ni Yuan at binigyan na lang niya ito ng clear directions kung saan pupunta para hindi ito maligaw. Hindi naman nahirapang hanapin ni Yuan ‘yung ‘secret place’ ni Felix. Narating din nila ang isang tagong coffee shop sa may Katipunan area sa Quezon City. Nagsisimula nang umulan ng malakas nang dumating sila kaya kaagad na inayos ni Yuan ang pagkaka-park ng kotse sa tabi ng daan saka sila tumakbo ni Felix papunta sa entrance ng coffee shop. Nagkatawanan pa sila nang makapasok sa loob. Para kasing pareho silang takot na mabasa ng ulan. Na-appreciate agad ni Yuan ang vibe ng interiors ng coffee shop. Halos tingnan pa niya isa-isa ang mga sketches at drawings na naka-display sa isang wall. “I never heard about this cafe before.” Pag-amin ni Yuan kay Felix. “Sa Starbucks ka yata mahilig mag-hang out, e.” Nakangiting sabi ni Felix dito. “Yeah. Just like everybody else. Si Papa din kasi, he’s a big Starbucks Coffee fan.” Naghanap sila ng kumportableng mapupuwestuhan at isang barista kaagad ang lumapit para abutan sila ng menu. “Ang weird nga eh. Hindi ako mahilig sa coffee pero dito ako nahilig tumambay. Ang usual kong ino-order dito slushies. Pero pag ganitong malamig kase umuulan, hot chocolate. Pag may extrang money, sinasamahan ko ng adobo pasta or ‘yung tapa with rice pag gusto ko talagang mabusog.” “’Di ‘yun ang i-order natin lahat ngayon.” Nakangiting suggestion naman ni Yuan. “Slushies tapos hot chocolate? E, di sumakit ang tiyan ko nu’n?” Natawa si Yuan. Ibinigay na nila sa naghihintay na barista ang menu kasabay ng mga napili nilang orders. “So, pumupunta ka dito every day after school?” Curious na tanong ni Yuan kay Felix habang hinihintay dumating ang orders nila. “Grabe naman ‘to! Hindi naman every day. Good luck naman sa baon ko, ‘di ba? Siguro kung kasing-yaman kita afford kong pumunta dito every day. Pero usually sa Friday ako nagpupunta dito. Or pag nalulungkot ako at gusto kong mag-senti.” “So, hindi Friday ngayon. Meaning to say feeling senti ka right now?” “Feeling exhausted kasi kanina mo pa ako kinukulit.” Natawa na naman si Yuan. Nagtingin-tingin siya sa paligid ng coffee shop. Napansin niyang iilan lang ang customers ngayon sa loob. “Konti lang pala tayo dito, ‘no?” “Umuulan kase. Pero usually ‘yung mga students sa nearby universities ‘yung nagpupunta dito. Marami na ring ngang nakakaalam nitong coffee shop kasi binanggit ng isang sikat na reporter na favorite hang-out place niya rin ‘to. But the good thing, it was never crowded. Or maybe the correct way to say it, it was never crowded whenever I’m here. Kaya nagustuhan ko ring mag-hang out dito madalas. No one from school knows this place yet. Kaya I can freely enjoy my own private space.” “Ano namang ginagawa mo ‘pag nandito ka aside na umorder ng slushies at pasta? Siguro you cry a tear or two habang nire-reminisce mo ‘yung mga life struggles mo, ‘no?” Gumuhit pa ng vertical line si Yuan mula sa isang mata niya habang nagsasalita. “Uy! Hindi naman ako ganyang ka-drama.” Tanggi agad ni Felix. “The usual. Nagpe-people watch. But most of the time, nagbabasa lang ng libro or nagsusulat sa journal ko.” “Talaga ba?” Parang ayaw pang maniwala ni Felix. “O baka naman you’re just meeting someone to talk in private? Maybe some girl in this area?” “You’re so cliché, Yuan.” Ganting bara naman ni Felix dito. Bumalik ulit ang barista dala na nito sa tray ang mga inorder nilang food. “Finally!” Excited na sabi ni Yuan nang isa-isang nilalagay ng barista ang mga pagkain sa table nila. Agad tinikman ni Yuan ang adobo pasta na sinabing paborito ni Felix sa menu. “Solid! Sarap nga nito! Galing mong magrekomenda, ha?” Natawa na lang si Felix sa ipinapakitang childish enthusiasm ni Yuan. -------- BUMUBUHOS pa rin ang malakas na ulan nang umalis sina Yuan at Felix sa coffee shop. Kahit ayaw ni Felix, si Yuan ang nagbayad ng bill ng kinain nila. Ang ni-reason pa nito, next time si Felix naman ang taya. Dahil malakas pa rin ang ulan, nagpilit si Yuan na ihatid na rin si Felix sa bahay nito sa Murphy Cubao. Pero sa Aurora Boulevard pa lang, inabutan na sila ng bumper to bumper traffic. “Ayan! Na-stuck ka ngayon sa malalang traffic. Sabi ko kasi kaya ko nang mag-commute from Katipunan, nag-insist ka pang ihatid ako.” Binibiro ni Felix si Yuan nang makita nitong parang naiinip na sa traffic. “Hindi naman ako nagko-complain, ano? Saka malakas pa rin ang ulan. Kahit magpayong ka or mag-raincoat ka, with this kind of rain, mababasa ka pa rin. Baka magka-runny nose ka pa.” Nangunot ang noo ni Felix. “Bakit ang bait-bait mo sa ‘kin eh we only just met earlier?” Saglit na nag-isip si Yuan bago sumagot. “Well, atin-atin lang ‘to, ha? The truth is, ako ‘yung guardian angel mo. I was sent to protect you from getting wet from this torrential rains and from potentially getting sick.” Napahawak si Felix sa ulo na parang bigla siyang nagka-headache. “That’s the most horrible alibi I’ve ever heard.” Tinawanan lang siya ni Yuan. “But seriously though. Bakit ka nasa school kanina with your dad? Nag-enroll ka sa The Good Earth Academy, ano? You’re a transferee?” “Hindi.” Tanggi agad ni Yuan. “May business lang si Papa kanina sa school n’yo. Kaibigan niya kasi ‘yung principal. I just tag along.” “Sus! Ayaw pang umamin. Pag nakita kita sa school grounds one of these days na nakasuot ng same uniform...” Nag-hesitate si Felix na ituloy ang sasabihin. “Ano? Ba’t ‘di mo ituloy? What would happen then?” Pangungulit ni Yuan nang ayaw ituloy ni Felix sabihin ang train of thought nito. “Wala. Magpapalibre ulit ako, sa mas mahal na restaurant.” Nginitian ni Yuan si Felix. “’Yun lang pala, eh.” Nagsimulang gumalaw ang traffic sa Aurora Boulevard pero snail’s pace pa rin. “Magpatugtog tayo ng chill music to complement the slow traffic and the rain.” Sabi ni Yuan habang ina-access sa iPhone niyang nakalagay sa car mount ang Spotify app. Pinatugtog niya agad ang napili niyang kanta. Dahil connected ang phone niya sa car stereo via USB cord, automatic na nag-play sa speakers ng stereo. Hindi familiar kay Felix ang pinapatugtog ni Yuan. Para itong slow rap song. Later lang niya malalaman pag sinearch na niya ito later online na ang title ng kanta ay Ride Slow ng American rapper na si Russ. “Magaganda ‘yung contestants na nagpa-practice para du’n sa pageant kanina, ha?” Casual na sabi ni Yuan habang nagmamaneho. Inalis ni Felix ang tingin sa dinadaanan nila at tiningnan si Yuan. Nakangiting biniro ito. “Marami kang naging type sa mga in-interview natin kanina ‘no?” Natawa si Yuan. “Lahat naman sila maganda. I mean, hindi naman sila sasali sa pageant kung hindi sila pretty, ‘di ba? I just find some of them too aggressive for my taste.” Nakatingin lang si Felix kay Yuan na parang may hinihintay itong sasabihin niya. “What?” Tanong ni Yuan nang mapansin tinitingnan siyang maigi ni Felix. “I just have this feeling na may gusto ka pang sabihin pero ayaw mong i-share.” “Ah! Ano lang, ‘yung next girl na mai-interview na sana natin pero nag-announce na ‘yung nagtuturo ng production number nila na they’re about to resume the practice, I really find her quite pretty.” Mesmerized ang mukha ni Yuan habang nagsasalita. Parang napi-picture pa nito sa isip niya ang mukha ng dini-describe na babae kahit nagmamaneho. “Si Chloe ‘yun. Classmate ko. Popular din siya sa school. Pero unlike her cliques na arrogant ang dating, she seems nice. Although hindi kami masyadong nag-uusap sa class.” “Masyado ka ‘yatang aloof sa school. Parang wala kang kinakausap. Kung hindi pa ako ang unang lumapit sa ‘yo, you will not even utter a single word. You classmates are missing a lot though. Madaldal ka pala. Saka may sense kausap.” Walang nasagot si Felix sa sinabi na ‘yon ni Yuan. Hindi niya ma-gauge kung compliment ba ang sinabi nito or pino-point out nito ang kulang sa kanya para magkaroon siya ng normal social life sa school. -------- UMUULAN pa rin pero hindi na gaanong kalakas nang pumarada ang kotse ni Felix sa tapat ng bahay ni Felix sa isang street sa Murphy Cubao. Ni-ready muna ni Felix ang dala niyang umbrella bago lumabas sa kotse. Saka niya tinanaw si Yuan sa driver’s seat mula sa nakabukas na bintana. “Thanks, Yuan. Ingat ka sa daan.” “Adios, Felix!” Nakangiting sumaludo pa si Yuan bago sinara ang bintana ng kotse at paandarin na ito paalis. Nang lumiko na sa isang kalsada ang kotse ni Yuan ay saka pumasok ng bahay si Felix. Naabutan niya sa salas ang Daddy niyang si Jerome at ang younger brother niyang si Jervy na busing-busy sa paglalaro ng Asterix & Obelix sa harap ng flat screen TV. Nag-alangan pa nung una na lumapit si Felix sa Daddy niya pero lumapit na rin siya para magmano. “Hello, Dad.” Nagulat si Jerome nang hawakan ni Felix ang kamay niya at idikit sa noo nito. Agad ni Jerome ang kamay niya kay Felix para ibalik ito sa hawak niyang gaming console. “Ginugulo mo naman ‘yung laro namin ni Jervy, eh! Kumain ka na du’n!” Low key na pagtataboy ni Jerome. “Opo, Dad.” Mahinang sagot ni Felix. Nagkatinginan naman sila ni Jervy. Nakangisi lang itong napailing saka binalik ulit ang tingin sa nilalarong game. Wala namang balak kumain ng dinner si Felix pero dumaan pa rin siya sa kitchen para ipaalam sa Mommy niyang nakauwi na siya. Nakita niya ang Mommy niyang si Shirley na nakasuot pa ng apron habang hinahanda ang dining table katulong ang helper nilang si Cora. “Nandiyan ka na pala, Felix. Kakauwi mo lang? Sabi mo sa text around six nandito ka na, bakit inabot ka na ng past seven p.m.?” “May dinaanan pa kasi ako, Mom after nung project sa school. Saka nagpatila pa ako ng ulan bago umuwi.” Hindi naman complicated kausap si Shirley. Tinanggap agad nito ang reasoning ni Felix. “Okay. Kumain na tayo. Unahan na natin ‘yang Daddy mo saka si Jervy. Kanina ko pa tinatawag ang dalawang ‘yan pero ayaw papigil sa laro pareho. Malapit ko nang tsinelasin ang dalawang ‘yan eh.” Nangiti naman si Felix sa attempt na pagbibiro ng Mommy niya. “Busog pa kasi ako, Mom. Kumain na kasi ako bago umuwi.” “Ay gano’n? Paborito mo pa naman ‘tong niluto ko. Fried chicken with gravy. May kasama pang mushroom soup. Pero sige, ipagtatabi na lang kita para kung magutom ka later, i-heat mo na lang ulit sa microwave, ha?” “Sige, Mom. Thank you! Akyat na ako sa kuwarto.” Humalik pa si Felix sa pisngi ni Shirley bago umakyat ng hagdan. Sinundan saglit ng tingin ni Shirley si Felix saka nito binalingan ang helper. “Cora, ‘pag ayaw pa nina Jerome at Jervy na pumunta dito sa dining table, tayo na lang kumain nitong niluto natin. Mag-order na lang sila ng pizza after nilang maglaro.” Napakamot sa pisngi si Cora. “Sige, Ate.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD