'Di ko alam kung kailan ako natigil sa pag-iyak basta nakatulugan ko na lang ito.
Ang naalala ko ay hindi ako iniwan ni Tito habang bumuhos lahat ng mga hinanakit na meron ako.
Nang magising ako ay kumikirot iyong ulo ko at masakit itong mata ko.
Barado iyong ilong at masakit ang lalamunan ko. Magkakasakit pa yata ako.
Wala akong kasama sa hindi pamilyar na panlalaking silid na kinaroroonan ko. Dahil sa naglalakihang poster ng mukha ni Igop na halos umokupa sa apat na sulok ng silid ay nagkahinala ako kung kaninong silid ito.
Alas otso na ng gabi ayon sa alarm clock na nasa side table. Hindi na pala ako nakapaghapunan pero himalang di ako nakaramdam ng gutom. Gano'n talaga siguro kapag masama ang loob.
Hindi maganda ang pakiramdam ko kaya tinamad akong bumangon.
Nanatili lang akong nakahilata sa gitna ng kama at nakipagtitigan sa kisame.
Gusto ko munang tumunganga at kalimutan saglit ang mga bagay-bagay.
Nabaling sa pinto ang pansin ko nang bumukas ito, sumilip muna si Igop bago tuluyang pumasok.
"I'm sorry, nagising ba kita?"
Pahinamad na iling ang sinagot ko sa kanya. Kahit mabigat ang pakiramdam ay nagpumilit akong bumangon at maupo habang tahimik na pinanood ang paglalakad niya palapit sa'kin habang may bitbit na tray na may lamang pagkain.
Nakakapanibago ang kaseryosohan niya ngayon. Wala naman ako sa mood na makipagbiruan pero parang hindi ako sanay na ganito siya kaseryoso.
Matapos ilapag ang tray ng pagkain sa bedside table ay agad siyang bumaling sa akin.
"Are you okay now?" masuyo niyang tanong.
Bahagya siyang yumuko at hinawakan ang mukha ko bago magaang pinaraanan ng daliri ang ilalim ng namamaga kong mga mata.
Dahil nakatingin ako sa mukha niya ay di nakaligtas sa'kin ang pagtatagis ng kanyang bagang at pagdaan ng galit sa kanyang mga mata.
Malalim siya bumuntong-hininga bago nag-iwas ng tingin.
Akmang aalisin niya ang kamay sa aking pisngi pero mabilis ko siyang hinawakan upang pigilan.
Agad dumako ang nagtatanong niyang mga mata sa'kin.
Sinalubong ko ang kanyang tingin at pilit na hinahanap ang nasilip kong emosyon kanina.
"Bakit? May kailangan ka ba?" malumanay niyang tanong.
"Bakit para kang galit?" di ko napigilang tanong.
Saglit niyang naipikit ang mga mata at nang muli siyang magmulat at namumula na ang mga ito na para bang naiiyak siya.
Naalarma ako bigla. Samut-saring bagay ang naglalaro sa isipan ko na maaaring dahilan ng pagkakaganito ng pinakamayabang at pinakamasayahing taong nakilala ko.
"Anong nangyari?" nag-alala kong tanong.
Sa halip na sagutin ako ay ikinulong niya ako sa kanyang mga braso.
"I hate to see you cry again. Hindi ka na pwedeng iiyak nang gano'n," paanas niya saad habang humihigpit ang yakap sa akin.
Sa kabila ng nasaramg pakiramdam ay isang masayang ngiti ang sumilay sa mga labi ko.
Biglang gumaan ang mabigat kong pakiramdam dahil sa narinig. Ganito pala kasarap ang pakiramdam nang may taong nagpapahalaga sa'yo.
"Gagawin ko lahat basta huwag ka lang umiyak ulit," nangangako niyang pahayag.
"'Di ba gusto mong makilala ang tunay mong ama? Hahanapin ko siya para—"
"No," matigas kong putol sa sinasabi niya. Mabilis akong kumawala sa yakap niya. "Ayoko na siyang makilala. 'Di ko na siya kailangang makilala pa dahil hindi naman nagkulang sa'kin si Daddy."
Nakakaunawang tumango sa'kin si Igop habang masuyong pinaraanan ng haplos ang buhok ko.
"Kahit anong desisyon mo ay nandito lang ako... tandaan mo, mahal na mahal ka ng gwapong ito."
Napangiti ako nang kumindat siya sa akin sabay kagat-labi. Parang may mabigat na nawala sa dibdib ko nang tuluyan kong nasilayan ang ngiting laging nakapaskil sa mga labi ng isang Igop Ramirez.
"Ayan, dapat lagi kang nakangiti... kasi paano na lang kung papangit ka? Iisipin ng mga tao na ginayuma mo ako kaya patay na patay ako sa— Aray!" Nauwi sa hiyaw ang padinple nitong kahanginan nang bigla ko siyang hinampas sa braso.
"Kung mangulubot na pala ako at papangit ay ayaw mo na sa'kin?" nandidilat kong tanong. Galing pansa pag-iyak iyong mga mata ko kaya ang struggle ang pandidilat na ginawa ko.
"Oy, mapagbintang ka. Wala akong sinabing ganyan," maagap niyang tanggi. "Tingnan mo nga ngayon kahit namamaga ang mga mata mo at mukha kang uhugin ay ang cute- cute mo pa rin sa paningin k— Aray! Ano ba? Ikasasaya mo bang binabangasan ang gwapo kong mukha?"
Di ko alam kung matatawa ba ako o lalong maiinis dahil sa parang aping-api niyang reaksiyon matapos kong pitikin nang malakas ang kanyang noo.
"Bangas agad? Pitik lang iyon," ismid ko sa kanya.
Kapag kaharap ko itong si Igop ay mabilis nawawala ang kahit na anong kadramahan ko sa buhay dahil kung di ako liliparin ng kahanginan niya ay mauubos naman ang dugo ko sa kunsumisyon. Gano'n pa man... walang mintis niyang pinapasaya iyong puso ko kahit na kasalukuyan itong may masakit na dinaramdam.
"Okay lang naman bugbugin mo ako o ang kahit na sino basta huwag ka lang iiyak," seryoso niyang sabi.
Napanguso ako at napalabi sa kanya. Kinintalan niya ako ng masuyong halik sa noo.
"I love you, Yvonne Del Russo Morgan... Sabihin mo lang sa'kin kung sawa ka na sa apelyido mo dahil papalitan natin," nakangiti niyang wika.
Nangunot iyong noo ko. Anong pinagsasabi ng lalaking ito? Pwede pala iyon?
"Loko, may gano'n ba?" inosenti kong tanong.
"Oo, papalitan natin ng Ramirez ang Morgan," nangingislap ang mga mata niyang sagot.
"Bakit apelyido mo?" Sa dinami-rami ng apelyido bakit iyon ang gusto niyang ipalit sa apelyido ko? Wala rin naman akong balak na palitan ang apelyido ni Daddy 'no!
"Syempre apelyido ko dahil magiging Mrs. Yvonne Ramirez ka na!"
Napaang lang akong nakatingala sa nakangiti niyang mukha.
Pinoproseso pa ng utak ko ang mga sinabi niya.
Napakurap-kurap ako at napadako ang tingin sa'king kamay nang may isinuot siya sa palasingsingan ko.
Nanlaki ang mga mata ko sabay takip ng bibig gamit ang isang kamay nang makitang isang napakagandang singsing na may desinyong malaking umpok ng diamond ang umuukopa sa'king palasinsingan.
Ang lakas ng kabog ng dibdib ko at parang gustong tumalon ng aking puso habang nakatitig na kumikinang na singsing. Emosyonal kong nakagat ang pang-ibabang labi upang mapigilan ang sariling mapaiyak habang unti-unting lumilinaw sa isip kung ano ang ibig sabihin ng singsing na isinuot niya sa partikular na daliri kong iyon.
"Buong buhay ko..., tinatanaw lang kita sa malayo dahil ayokong hadlangan ang magandang bukas na nakalaan para sa'yo," puno ng kasiyahan ang mga matang pahayag niya.
Maluha-luha akong nakipagtitigan sa kanya. Sinong magsasabing ang isang Igop Ramirez na ang tingin sa sarili ay biyaya sa lahat ng mga kababaehan ay minsang tinuturing ang sarili na hadlang sa kinabukasan ko?
"Kung lagi ko mang pinangalandakan ang kagwapuhan ko ay hindi iyon upang magmayabang kundi para ipaalala sa sarili ko na kahit papaano ay may hitsura naman ako na babagay sa pinakamagandang babaeng tinitibok ng puso ko," pagpapatuloy niya.
Para akong kinikiliti sa mga narinig. Sa paraan ng pagkakatitig niya ngayon sa'kin ay gandang-ganda ako sa sarili ko.
"Sabi ko noon sa sarili ko ay bibigyan muna kita ng pagkakataong tuklasin ang mundo at pagsawaan ang buhay na malaya dahil sa tamang oras ay gagawin ko ang lahat upang mapanatili ka sa tabi ko. Bagot na bagot ako habang hinihintay ang tamang oras na iyon at kung hindi ko ibabaling sa iba ang atensiyon ko ay tiyak noon pa ako naghimas-rehas dahil 'di ko maipangakong manatiling santo habang nakikita ko kung gaano ka kaganda habang nagdadalaga."
"Tsss... sabihin mo babaero ka lang talaga," pairap kong sabi sa kanya upang mapagtakpan ang labis-labis na kasiyahan.
"Sorry na... tapos na ang chapter na iyon ng buhay ko dahil nandito ka na. Ikaw lang naman talaga ang hinintay ko, sayang at wala na si Kuya Carlos upang patotohanan lahat ng mga sinabi ko."
"A-alam ni Daddy na pinapantasyahan mo na ako kahit noong teenager pa lang ako?" maang kong bulalas.
Bahagya siyang napangiwi bago napakamot ng kilay at namumula ang mukhang tumango.
"Grabe ka! Di ka man lang nahiya? Kung ako si Daddy binugbog na kita dahil sa masama mong motibo sa anak ko."
"Hindi naman masama ang motibo ko," nakanguso niyang paglilinaw.
"Teenager pa kaya ako noon kaya tiyak iyon iyong iisipin ni Daddy," giit ko.
"Oo na, pinagbantaan ako ng Daddy mo na babarilin on the spot kung lalapitan kita o matingnan nang mali habang wala ka pa sa tamang edad. Parang hindi niya ako pinsan kung ituring niya... kahit tingnan ka ay mahigpit niyang pinagbabawal," pagmamaktol nito. Halatang may sama ito ng loob dahil sa ginawa ni Daddy.
Pigil kong matawa sa parang bata niyang inakto. Siguro kung nakikita kami ngayon ni Daddy ay mapapalampas nito ang kapangahasan ni Igop dahil napapasaya niya ako nang ganito.
"Ayon nga, at dahil kusa kang lumapit sa akin at sinubok ang karupukan ko ay hindi na kita pakakawalan pa."
Nakasanayan ko na ang pabigla-biglang pagkabog ng puso kaya nagawa ko nang namnamin kung gaano kasarap pakinggan ang mga salitang lumalabas sa bibig ni Igop.
"Ang singsing na ito ba ang magtatali sa'kin sa'yo?" malaki ang ngiting tanong ko habang winagayway sa mukha niya ang suot-suot kong singsing.
"Babala iyan para sa mga gustong lumapit sa'yo," salubong ang kilay nitong sagot. "Iyong katawan at gandang lalaki ko magpapanatili sa'yo sa tabi ko at syempre pa ang pagmamahal ko ang magtatali sa ating dalawa sa bawat-isa."
Tuluyan na akong bumunghalit ng tawa. Hindi siya si Igop kung walang halong kahanginan ang kahit na anong pinagsasabi niya.
"Tingnan mo, sa'kin ka lang tatawa nang ganyan kaya dapat huwag mo na ako pakawalan," nakangiti niyang sabi.
Natigil ako sa pagtawa hindi dahil sa sinabi niya kundi dahil sa bigla niyang pagluhod sa paanan ng kama habang hawak-hawak pa rin ang kamay kong may suot nang singsing.
"Alam kong papakasalan mo ako pero tatanungin pa rin kita... Yvonne Del Russo Morgan, will you be my Mrs. Ramirez?"
"Naisuot mo na sa'kin ang singsing... makakatanggi pa ba ako?" kunwari ay napipilitan kong sagot.
"Oo nga naman, nasimulan na nga nating gumawa ng baby kaya dapat ay di na ako nagtanong," napaisip niyang wika. "Magiging Mrs. Ramirez ka naman talaga by hook or by crook, itaga mo iyan sa matigas kong muscles," may kayabangan niyang dagdag.
"So, ano pang ginagawa mo riyan?" nakataas ang kikay kong sita sa kanya na nakaluhod pa rin. "Tumayo ka na riyan at simulan ang obligasyon mo bilang mister ko."
Agad nagliwanag na parang pailaw ng Meralco ang mukha niya dahil sa sinabi ko. Nagkislapan agad ang kanyang mga mata at napuno ng antipasyon ang kanyang ngiti habang mabilis pa sa alas-kwatrong tumayo mula sa pagkakaluhod.
"Ilapit mo sa'kin iyong dala mong pagkain at pakainin mo na ako. Pagkatapos nito ay ihanda mo iyong pampaligo ko bago hugasan iyong pinagkaiban ko," seryoso kong sansala sa akma niyang pagsampa sa kama.
Parang naputulan ng kuryenting nawala ang liwanag sa mukha niya at parang natalo sa sugal na bumagsak ang balikat.
Lihim akong napahagikhik habang pinanood ang maingat niyang pagkuha ng tray ng pagkain.
Matapos niya itong ilapag malapit sa akin ay masama ang loob na nagmukmok siya sa tabi.
"Sabayan mo akong maligo mamaya," malambing kong sabi bago nagsimulang kumain.
Parang nanalo sa lotto na napasuntok pa ito sa hangin sabay ng walang tunog na 'yes'. May ubo talaga sa utak ang gwapong future husband ko. Bagay naman pala siya tawaging future husband lalo na at ako iyong future wife.
Lihim kong pinakiramdaman ang sarili, bigla kasi ay di ko na naramdaman ang pamimigat ng pakiramdam. Nakakagaling ba sa sakit iyong pabigla-biglang proposal na natatanggap mula sa taong mahal mo?
Totoo yata iyong lovespirin at yakapsul ... pero mas totoo ang sayang nararamdaman ko ngayon dahil kay Igop.
Ang sarap sa feeling na mahal ako ng taong mahal ko!