chapter 17

1380 Words
Napanatag lang ako nang kumpirmahin ng doktor na walang malalang karamdaman na dahilan nang biglang pagkawala ng malay ni Mommy at any time from now ay magkakamalay na ito. Kailangan lang daw nito ng pahinga dahil may mga senyales ito ng stress. Matapos masigurong maayos ang kalagayan nito ay hinayaan namin itong mapag-isa sa kinaroroonang silid. Sa buong durasyon ay kahit minsan di umalis sa tabi ko si Tito Igop at ipinagpasalamat ko iyon. Sapat na ang presensiya niya upang manatili akong matatag sa kabila ng mga negatibong bagay na di ko maiwasang isipin. Pagkalabas namin sa silid ni Mommy ay ang pamilya ni Tito ang kailangan naming harapin. Isang pisil sa kamay ang ibinigay sa'kin ni Tito nang bihla akong nagdalawang-isip sa paghakbang palapit sa sala kung saan naghihintay ang buong pamilya niya. "Don't worry, I'm always here." Pagbibigay niya ng lakas ng loob sa akin. Mula nang mawala si Daddy ay tanging kay Tito Igop ko lang naramdaman ang hinahanap kong seguridad at walang kinalaman doon ang pagiging tito niya sa'kin dahil simula pa noon kahit hindi ko pa alam na hindi kami magkadugo ay hindi ko naman talaga siya nakikita bilang tito ko. May mga tito ako sa mother side ko na mas malalakas ang dating kaysa kay Tito Igop pero sa kanya ko lang naramdaman ang parang pagliliparan ng mga paru-paro sa aking tiyan tuwing nasa malapit siya. Pilit kong kinakalimutan ang pakiramdam na iyon no'ng magdalaga na ako dahil naging malinaw sa'kin ang pagiging magkadugo namin pero nang matuklasan kong di pala talaga kami magkadugo ay biglang gumuho ang ilang taon kong pinaghirapang paglimot. Nang tumuntong ako sa Cebu ay pinilit kong itago ang tunay na damdamin pero nang siya na mismo ang tumawid sa itinayo kong boundary ay wala akong lakas na pigilan ang sariling tuluyang bigyang laya ang damdaming matagal ko nang kinikimkim. "Totoo iyong sinabi ko kanina," tumikhim na wika ni Tito Igop na nagpabalik sa naglalakbay kong diwa. Napakurap-kurap ako nang mapansin ang pamumula ng kanyang pisngi habang umiilap ang mga mata na di makatingin nang deretso sa'kin. Sa dami ng mga sinabi niya kanina ay di ko masabi kung alin sa mga iyon ang tinutukoy niya. Humugot ito nang malalim na hininga bago deretsong tumitig sa'kin habang pulang-pula na ang buong mukha. Nagba-blush ba siya? "I love you, mahal kita simula no'ng di ko pa alam kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang iyan. Ikaw iyong nagbigay ng kahulugan ng salitang pagmamahal sa isang katulad kong gwapo nga pero aminadong self-centered," madamdamin niyang dugtong sa naunang sinabi. Di ko alam kung ano ang sasabihin ko dahil parang umurong ang dila ko dahil sa sayang pumuno sa'king puso. Pakiramdam ko ay nahawaan ako nang pamumula sa pisngi ni Tito Igop kasi parang sinisilaban ang mukha ko sa pag-iinit. Di man niya deretsahang inamin ay malinaw na ako iyong tinutukoy ni Leah sa kwento nito kanina. Ako iyong pinagpala! Napatingin ako sa aking mga kamay nang hawakan niya ang mga ito. Mula sa pagkakahawak niya ay parang may mainit na pakiramdam na dumaloy papunta sa puso kong nag-party-party sa saya. Nang mag-angat akong muli ng mukha ay deretsong nakatitig sa'kin ang maganda niyang mga mata. Mga matang may kakayahang higupin ang katinuan ng kahit na sinong babaeng matitigan ng mga ito. Gano'n kalakas ang dating ng isang Igop Ramirez kaya isang pakaisipan pa rin sa akin kung papaano ko nalabanan lahat ng iyon sa loob ng mahabang panahon. "Muntik na akong ipa-therapy ng pamilya ko sa pag-aakalang isa akong pedophile. Sa gwapo kong ito... magiging pedo?" Kahit pala sa seryosong usapin ay pasimple niyang naisingit ang taglay na kahanginan. "Kahit naman minsan ay hindi ako nagkaroon ng masamang intensiyon sa'yo noong bata ka pa para pagbintangan akong pedo pero may takot din ako no'ng mga panahong iyon dahil ang lakas ng tama ko sa'yo kahit na fifteen ka pa lang. Nakipagtalo ako kay Kuya Carlos noong sinunod niya ang kagustuhan ng Mommy mo na sa abroad ka pag-aralin. Gustong-gusto kong sumunod sa'yo roon pero ayokong hadlangan ang mga pangarap mo dahil nakikita kong masaya ka roon. Nandito sa Cebu ang buhay ko, at mas malaki ang pagmamahal ko sa'yo kaysa kagustuhan kong ikulong ka sa kahariang sinisimulan kong buuin para sa'yo. Pero no'ng oras na ikaw mismo ang nagkusang pumarito... talo-talo na iyon Langga , wala nang saulian 'to." Siguro ay naawa ang Diyos sa akin dahil hindi ko man naramdaman ang pagmamahal ng sarili kong ina mula noong nagkaisip ako ay may ipinadala naman siyang Igop Ramirez na lihim na nagmamahal sa'kin nang ganito. "Oh, ano na? Di pa ba tapos iyang confession mo, Igop?" "Naturingang gwapo, torpe naman!" Natawa akong napalingon kina Tita Dana at Tita Rhea dahil sa pamang-asar nilang pasaring. Nakalimutan kong ilang hakbang lang ang layo nila mula sa kinatatayuan namin ni Tito. Naroon din sina Mamitita at Daditito na parehong may nakapaskil na ngiti sa mga labi habang pinanood kami ni Tito Igop. Lahat ng mga agam-agam sa puso ko ay tuluyang naglaho at pumalit ang kapanatagan para sa kakaharapin naming magkasama ni Tito Igop. "Alam nila?" pabulong kong tanong sa kanya. "Naikwento ko... di mo narinig?" kunot-noo niyang balik-tanong. "Nakaka-distract ang kagwapuhan mo kaya di ko naintindihan iyong iba mong sinabi," nakabungisngis kong sagot. Napabuga siya ng hangin at lalong tumundi ang pamumula ng kanyang pisngi. Naiiling niya akong kinabig padikit sa kanyang katawan. Wala sa sariling napangiti akong sumiksik sa mabango niyang dibdib kung saan ay dinig na dinig ko ang malakas na kabog ng puso niya na sumasabay sa sarili kong puso. "Hoy! Boy bagyo, bata pa kami huwag kang masyadong PDA!" sigaw bigla ni Tita Dana. "Respeto sa single, letse 'to!" segunda naman ni Tita Rhea. "Huwag mo nang intindihin ang mga inggitera kong mga kapatid,"pabulong na sabi ni Tito Igop. Di pa man ako nakasagot ay biglang nagkagulong dumating ang ilang mga bisita sa pangunguna ni Kuya Luc at Kuya Vincent na hila-hila ni Alex. Sa tantiya ko ay mga kaedaran ni Tito karamihan sa dumating at may mga mas bata at meron ding mas matanda pero pare-parehong magugulo mapabata man o matanda. "Totoo ba ang balita?" "May sumapak sa mukha ni Igop?" "Nandito raw si Yvonne!" "Nag-confess na ba ang torpeng iyon?" "Buhay pa ba si Boy bagyo?" Sabay-sabay na nagsalita ang mga bagong dating kaya di ko matukoy kung sino ang nagtatanong ng ano. Isa lang ang sigurado, alam nila ang tungkol sa'kin. Nagsipagmano ang mga bagong dating kina Mamitita at Daditito habang dinaluyong ng sunud-sunod na tanong sina Tita Dana at Tita Rhea. Wala pang nakapansin sa amin ni Tito Igop na nakatayo sa di kalayuan dahil nasa bandang gilid kami. "Ate Yvonne! Is it true that you're marrying Tito Igop?" malakas na tanong ni Alex nang aksidenti itong napalingon sa kinaroroonan namin ni Tito. Parang gusto kong magtago nang sabay-sabay tumutok sa in ang lahat ng pares ng mga mata ng mga bagong dating. Iba-iba ang reaksiyon ng mga ito, mayroong nanlaki ang mga mata, may mga eksaheradong napapatakip ng bibig, at may mga nakakaasar na ngumisi sa pangunguna nina Kuya Luc at Kuya Vincent. Nang sabay-sabay na nagtaas-baba ang tingin nila sa amin ni Tito ay tsaka ko lang naalala ang magkayakap naming posisyon. Parang gusto kong matunaw sa kahihiyan pero itong kasama ko ay mas hinigpitan pa ang pagkakayapos sa'kin. "Yes Alex, your Ate Yvonne is going to marry me," sagot ni Tito sa tanong na di ko nagawang sagutin. Maang akong napatingala sa seryoso niyang mukha pero kinindatan niya lang ako sabay kintal ng halik sa nakaawang kong bibig na lalong nagpatameme sa'kin at umani nang singhapan sa mga nakakita. "Ano na mga pinsan ko? Tumatanda na kayo pero mauunahan ko pa kayong magpakasal! Ngayon malinaw na sa inyo na ako ang tanging pinagpala ng kagwapuhan sa angkan ng mga Ramirez... kaya iyak na kayo!" Sinundan iyon ni Tito ng napang-asar na halakhak. Napuno ng reklamo ang buong sala at tawa mula sa ibang hindi sineryoso ang sinabi ni Tito. Di ko napigilang mapahagikhik, ewan ko ba... parang ang saya ko ngayon na kahit ang pagyayabang ni Tito Igop ay nagpapatawa na sa'kin. Hindi siya si Igop Ramirez kung hindi siya ganito kayabang kaya sisimulan ko na ring mahalin ang ugali niyang iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD