Pagod na pagod man ay pinilit ko pa rin ang aking katawan na bumangon mula sa higaan. Halos mag-ala una na nang umaga bago kami makahanap ng pwedeng pagpahingahan. Pahirapan pa nga bago namin nakuha itong kwartong 'to kasi may mga bagong dating din na mga adventurer at gusto nila na mauna. Mabuti na lang at mabait ang nagbabantay sa hotel na ito. Inuuna talaga nila 'yong mga taong na una sa pagpila. Unti-unti akong nag-unat bago ibinaling ang aking paningin sa kabilang higaan. Mahimbing na mahimbing na natutulog si Alessia doon habang yakap-yakap nito ang kaniyang unan.
Simula noong bata kami, lagi na nauuna magising ang babaeng 'to sa akin. Ngayon lang talaga napa-sarap ang tulog niya at wala na itong pakealam kung ano man ang mangyari. Kung sabagay ay ang layo ba naman ng nilakad namin, dagdag ko pa na ang dami rin namin pinagdaanan bago nakapag-pahinga.
Isang marahas na hangin ang aking pinakawalan bago naglakad papalapit sa bintana. Maingat ko itong binuksan upang hindi ko magising si Alessia. Hindi naman nagtaga at nagawa ko naman ito, bumungad sa akin ang malamig na hangin at ang liwanag na nagmumula sa araw. Sobrang refreshing, sobrang layo nito sa nakagisnan ko na buhay sa siyudad. Hindi ko talaga maipagkakaila na sobrang ganda talaga sa pakiramdam kapag naninirahan ka sa probinsiya.
Dumungaw ako mula rito at tinignan ang mga tao sa labas. Kahit nasa gitna kami ng bayan ay hindi naman ito gaano kaingay. Sa katunayan niyan ay wala nga akong kaguluhan na nakikita sa labas at sobrang matiwasay lamang ang mga tao. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na mapangiti habang nakatingin sa kanila.
Karamihan sa mga ito ay ang mga taong kasing edad lang namin. May mga matatanda rin naman pero nabibilang lamang sa daliri. Patuloy lamang ako sa pagmasid sa kanila nang may maamoy akong sobrang sarap. Hindi tuloy mapigilan ng aking tiyan ang tumunog.
"Mukhang gutom na gutom ka na ah?" Bulong ko habang hinihimas ang aking tiyan. Muli na naman itong tumunog na para bang sumasang-ayon ito sa sinasabi ko. Hindi ko naman mapigilan ang sarili kong mapangiti.
Isinarado ko na ang bintana upang mapalayo sa temptation na bumili ng pagkain sa labas. Kailangan namin magsabay ni Alessia kung kaya ay hihintayin ko siya hanggang magising. Bumalik na ako sa aking higaan at umupo. Inilibot ko ang aking paningin sa buong silid na ito.
Sobrang makaluma at sobrang layu nito sa mga five star hotels na napupuntahan namin ng mga magulang ko. Sa katunayan niyan ay maihahalintulad ko lang ito sa isang kubo na may dingding ng plywood. Ang mga desinyo rito ay sobrang simple lang na para bang talagang sinadya. Sabagay, ano ba ang aasahan ko sa ganitong klaseng mundo? Siyempre, wala pang naka-diskubre ng technology. Hindi nga ako sigurado kung may cellphone ba rito o wifi. Sa tingin ko nga ay kaya mayroon silang kuryente rito ay dahil sa mga kapangyarihan nilang taglay. I wonder kung nasaan ang source ng lahat ng ito, gusto ko makita.
Habang abala ako sa pagtingin sa paligid ay bigla kong narinig ang ungol na nagmumula kay Alessia. Naibaling ko naman ang paningin ko sa kaniya at napangiti.
"Good Morning,"bati ko rito, "Or should I say, Good Afternoon, madam?"
Bahagya akong natawa nang bigla nito akong inirapan at tinakpan ang kaniyang mukha gamit ang unan. Natawa na lamang ako nang bahagya sa ginawa nito atsaka tumayo na. Unti-unti akong lumapit sa kaniyang higaan at agad itong tinabihan sa kaniyang malambot na kama. Bakit ang unfair? Mukhang mas malambot pa yata ang kama ni Alessia kumpara sa akin. Kaya pala sarap na sarap ito sa pagtulog niya.
"Good Morning,"bati nito pabalik habang nakatakip pa rin ang mukha sa kaniyang unan, "Anong oras na ba?"
"Hindi ko alam,"tugon ko rito at ipinatong ang aking hita sa kaniya. Yinakap ko rin ang kaniyang katawan at mas lalong siniksik ang aking sarili papalapit dito, "Wala akong watch o cellphone para malaman 'yan. Wala rin akong makitang orasan dito sa loob ng silid kaya hindi ko masasagot ang katanungan na iyan."
Itinabi na nito ang kaniyang unan sa tabi at umikot papaharap sa akin upang yakapin ako pabalik. Lumawak naman ang aking ngiti dahil sa kaniyang ginawa. Minsan lang talaga ito nagiging malambing.
"Ano na pala balita?" Tanong niya, "Nandito pa rin tayo."
Natahimik naman ako dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa tanong niya.
"Akala ko talaga ay isang panaginip lamang iyon,"ani nito, "Kaya nga noong paggising ko at nakita ko ang kisame ay tinakpan ko muli ang aking mga mata. Nagbabaka-sakaling maibalik pa tayo sa dati kong silid, ngunit mukhang malabo."
Pareho lamang kami ni Alessia. Sa pagdilat ko sa aking mga mata ay isa lamang ang aking hinihiling, iyon ay ang magising muli ako sa aking silid. Ngunit halos manlumo ako nang makita ko muli ang kisame, ang kisame ng silid na ito na nagpapahiwatig na ito na ang aming realidad. Gusto ko na makabalik pero wala akong magagawa. Siguro nga ay oras na para tanggapin na namin ito. Kung magmumokmok lang kami rito, wala rin kaming impormasyon na makakalap.
"Huwag na natin isipin ang sitwasyon natin ngayon. Isipin na lang natin na nasa isang misyon tayo, iyong tipong parang libro na binabasa mo lang,"sabi ko at tumayo na, "Wala na naman tayong magagawa eh. Ang atin lang ay dapat tayong magpapakatatag."
Hindi maka-imik si Alessia sa sinabi ko pero alam ko sa sarili ko na naiintindihan na niya ang sitwasyon namin ngayon. Tumalikod na ako sa kaniya at tumayo, ngunit labis naman ang aking pagkagulat nang bigla ako nitong hinila pabalik sa higaan.
"At kailan ka pa naging responsible ate, ha?" Asar nito, "Hindi ko naman inaasahan na may ganito ka pa lang side. Akala ko puro games lang nasa utak mo at hindi ka na nagma-mature."
Anong pinagsasabi nito? Kinurot ko nang bahagya itong si Alessia na naging dahilan nang kaniyang pagbitaw. Isang masamang tingin ang ipinukol ko sa kaniya dahil sa kaniyang sinabi.
"Judgmental mo,"sambit ko at itinulak ito.