Lumipas ang halos tatlumpung minuto bago ito lumabas sa banyo. Kitang-kita ang relief sa mukha nito habang hawak-hawak ang kaniyang tiyan. Mukhang naglabas nga ng masamang bagay itong si Alessia sa banyo ah?
“Success ba?” Tanong ko rito habang umiiling na naka-tukod ang aking dalawang kamay sa higaan, “Siguro naman ay pwede mong panatiliging naka-bukas ang bintana sa banyo? Pati na rin ‘yang pinto para naman lumabas ang masamang hangin.”
Isang masamang tingin ang ipinukol nito sa akin bago ako inirapan at naglakad na pabalik sa kaniyang higaan. Ang dali lang talaga nitong asarin.
“Manahimik ka,”sabi niya at umupo na, “Hindi naman mabaho ‘yong ano ko. Ang feeling mo rin eh.”
“Wala naman akong sinabi na ganiyan. Masiyado ka lang defensive. Sabi ko lang buksan mo,”sambit ko at tumawa ng malakas.
Inis lamang niya akong tinignan bago muling humiga sa kaniyang kama. Balak pa ba nitong matulog muli? Alas onse na naman ng umaga. Kailangan na namin lumabas dito at kumain. Hindi naman siguro maari na buong araw na lang kami hihilata rito at walang gagawin.
“Matutulog ka lang ba buong araw?” Tanong ko rito. Lumingon naman itong si Alessia sa akin at sabay kuha ng kaniyang unan. Inilagay niya ito sa kaniyang gilid at yinakap.
“Hindi ko rin alam eh,” ani nito, “Gusto ko magpahinga pero parang ayaw na ng katawan ko. Alam mo naman na hindi ako sanay na walang ginagawa sa isang araw.”
Kung sabagay. Noong nasa aming mundo pa kami ay lagi itong tumutulong sa kaniyang mga magulang. Ayaw nitong lagi lamang siyang nakahilata sa higaan at nagpapaka-senyorita, kahit talagang mayaman naman ito. Siguro ay dahil nakasanayan na namin na lagi kaming sumasama sa mga magulang namin para tumulong.
“Kumain na lang muna tayo,”sabi ko rito, “Pagkatapos ay tsaka natin pag-usapan kung ano gagawin natin. Hindi rin ako sigurado kung ayos lang sa iyo na ayain ka gumala sa bayan.”
Mabilis na tumayo itong si Alessia habang lumalaki ang kaniyang mga mata. Tila ba may naisip itong ideya kung ano ang gagawin namin ngayong araw.
“Oo nga!” Sigaw nito, “Pwede tayong gumala pagkatapos nating kumain. Gusto ko magtingin-tingin din sa buong bayan. Baka rin nandito ‘yong iba nating mga kaklase.”
Oo nga pala. Baka may iba pa kaming mga kaklase na nandito sa bayan. Sabi nga ni ale, ito raw ang bayan na kung saan magsisimula ang mga bagong adventurer. Ngunit ang malaking tanong sa akin ngayon ay kung malapit lang din ba sila rito. Maaring oo, maaring hindi.
“Oo nga no?” Tugon ko, “Sige. Mauuna na akong maligo, tapos sumunod ka na. Magtatanghali na rin kaya Brunch na ‘tong meal natin ngayon.”
Unti-unti na akong tumayo sa aking higaan at inayos ito. Pagkatapos ay naglakad na ako patungo sa isang mesa sa tabi ng pinto at kinuha ang mga gamit ko. Dumeritso na ako sa harap ng cr at binuksan ang pinto nito.
Ang tigas talaga ng ulo ng babaeng ‘yon. Sabi ko nga sa kaniya ay buksan niya ang pinto pero nanatiling nakasarado. Minsan talaga sarap nitong batukan nang sobrang lakas, iyong tipong mapapa-upo talaga ito sa sahig.
Isang malalim na buntong hininga ang aking ibinuga bago tuluyang pinihit ang door knob. Nang tuluyan na akong makapasok ay agad ko itong sinarado at ni lock. Hinubad ko na rin ang aking mga kasuotan bago ko pinihit pakaliwa ang gripo.
Mabilis na dumaloy ang tubig patungo sa bath tub na gawa sa kahoy. Nilagyan ko ito ng sabon, oil at itong mga bagong petals na nasa gilid lamang ng bath tub. Libre pala ‘to? Ang angas naman.
Nang mapuno na ‘to ay agad akong nagbabad sa tubig. Napapikit ang aking mga mata nang maramdaman ko ang pagdampi ng mainit na tubig sa aking buong katawan. Nakaka-relax ito sa mga muscles ko. Para bang lahat ng pagod ko kahapon ay nawala na lang ng parang bula.
Ang sarap.
Nakaka-miss din tuloy ‘yong mga panahon na umaga at hapon ako naliligo.
Kamusta kaya ‘yong ibang kaklase ko? Sana ay darating din ang panahon na magkikita-kita kami at hahanap ng paraan para makabalik sa aming mundo.
Wala naman akong ibang pinag-aalala kung hindi ay ang mga magulang ko. Alam kong labis na ang mga ito kung mag-alala, bawal pa naman ito kay Daddy dahil may sakit ito sa kaniyang puso.
“Mommy..” bulong ko at unti-unting binuksan ang aking mga mata. Hindi ko mapigilan na tumulo ang mga luha ko. Masiyado ko na silang namimiss. Gusto ko na muli silang makasama at mayakap.
Isang mahinang katok ang narinig ko mula sa labas ng banyo na naging dahilan ng pagpunas ko ng aking mga luha. Umayos ako ng upo at napatingin dito.
“Bakit, Al?” Tanong ko rito.
“Lalabas muna ako saglit. Bumalik kasi ‘yong babae na nagbabantay sa baba, may sasabihin lang daw siya sa atin pero naliligo ka pa naman kaya ako na lang muna. Sasabihin ko rin ito sa’yo pagkatapos mo maligo,”paliwanag nito.
Ano naman kaya ‘yon? Wala naman siguro kaming kasalanan, hindi ba?
“Sige,”sigaw ko, “Hihintayin na lang kita rito. Mukhang matatagalan pa naman ako rito.”
Gusto ko kasing e-enjoy muna itong tubig ngayon.
“Sige! Aalis na ako ah?” Sambit nito at narinig ko na lang ang pagbukas at pagsarado ng pinto.
Bumalik na ako muli sa pagkakahiga sabay pikit sa aking mga mata.
Ang sarap talaga maligo. Nakakalma talaga itong tubig. Hindi ko alam kung anong mayroon sa tubig ng mundong ‘to pero mas nakakalma siya kumpara sa mundo namin.
Lumipas ang halos isang oras ay tumayo na ako sa pagkakahiga at nag-unat. Nagsimula na akong maglakad patungo sa tabi at nagbanlaw.
Pagkatapos ay kinuha ko ang tuwalya at pinunasan ang aking buong katawan. Nagsimula na rin akong magbigis at pagkatapos ay lumabas sa silid.
Wala pa rin si Alessia kaya lumapit ako sa may salamin. Pinatuyo ko ang aking buhok atsaka ito sinuklayan. Makalipas ang ilang minuto at siya naman ang pagbukas ay pagsarado muli ng pinto.
Bumungad sa akin ang naka-ngiting Alessia. Mukhang may magandang balita itong babaeng ‘to ah? Ano kaya ‘yong sinabi ng nagbabantay sa baba at parang good mood na good mood itong kaibigan ko?
“Ano sabi?” Tanong ko rito nang umupo na siya sa kaniyang kama, “Magandang balita ba iyan? Bakit mukhang ang saya mo yata?”