Chapter 20

2602 Words
"Sabi lang niya ay bibigyan daw niya tayo ng discount dahil matagal-tagal pa tayo mananatili sa hotel niya,"paliwanag ni Alessia, "Hindi ko nga alam kung bakit ganoon 'yong paraan niya pero ngayon lang daw nangyari sa kaniya na may mananatili rito ng halos ilang buwan. Tapos, binayaran pa raw natin ito agad." Bahagya naman akong nagulat sa sinabi nito habang pinupunasan ko ang aking mga binti. Hindi ko inaasahan na may ganitong klaseng negosyante pa pala. Sa pagkakaalam ko ay ang mga taong nagnenegosyo ay minsan lang nagbibigay ng ganitong privilege. Mukhang mabait nga naman ang namamahala sa hotel na ito, hindi na ako magtataka kung bakit magiging kilala at malago itong hotel. "Ganoon ba?" Tugon ko at umayos na ng upo, "Mabuti naman. Hindi rin kasi tayo sigurado kung magkano ang gagastusin natin habang nandito tayo. Mas mabuti na 'yong wala tayong poproblemahin sa upa. Wala ng problema sa matitirhan." Tumango lamang si Alessia atsaka tumihaya. Hindi ko naman mapigilan ang hindi mapataas ang isa kong kilay dahil sa inaasta nito. Isang malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan bago muli nitong ipinikit ang mga mata. "What is wrong?" Tanong ko rito, "Bigla yatang nagbago ang mood mo?" Hindi ko mabasa ang iniisip ni Alessia. Hindi ako kagaya ni Rizy na may kakayahang basahin ang isipan ng mga tao na nakapaligid dito. Kung kaya ay nararapat lamang na tanungin ko ito upang malaman, siguro naman ay hindi gaano kalaki ang problemang dinadala nito. Hinubad ko ang aking tsinelas atsaka umakyat sa kama. Nanatili lamang akong tahimik habang hinihintay ko ang kaniyang kasagutan sa aking katanungan. "Wala lang,"tugon nito atsaka bumangon, "Namimiss ko lang sila Mamita at mama. Napa-isip kasi ako na baka labis na ang pag-aalala nila sa akin sa mundo natin. Alam mo naman ang mga magulang natin at mga kamag-anak, kapag tayo ay bigla na lang nawala. Halos ayaw nitong tumigil sa paghahanap." "Kahit naman ako,"tugon ko rito, "Alam ko at ramdam ko na labis na ang pag-aalala nilang lahat, pero wala na naman tayong magagawa--teka, meron pala. Iyon ay ang magpakatatag at gawin ang lahat para manatiling buhay hanggang sa malaman o mahanap natin ang paraan kung paano tayo makakabalik sa ating mundo. Mahirap man itong gawin pero kailangan, wala naman sigurong masama kung kakapit lang tayo hanggang sa huli." Seryoso lamang akong nakatingin kay Alessia habang sinasabi ko iyon. Sa katunayan niyan ay wala akong kasiguraduhan kung makakabalik ba ako o hindi pero isa lang ang masasabi ko, hangga't nabubuhay kami may pag-asa pa na makakabalik. Mahirap man at marami man kaming dapat pagdaanan pero kinakailangan namin tatagan ang aming loob. Iyon na lang ang aming magagawa at wala ng iba. Unti-unti ibinaling ni Alessia ang kaniyang paningin sa akin at ngumiti. Alam kong sumasang-ayon na ito sa aking sinasabi. Hindi na rin ako magugulat kung sasabihin nitong ang corny ko ngayon o ano. Basta ang sa akin lang ay gusto kong kumalma ito at huwag na maging malungkot. Masama ito para sa amin. "Minsan napapa-isip ako kung kaibigan ko ba talaga ang kasama ko ngayon o hindi,"sambit nito at tumawa ng malakas, "Pero kahit ganoon ay gusto ko magpasalamat sa iyo. Kahit ganito ako, kahit madali laman akong panghinaan nang loob ay nandiyan ka pa rin para e-comfort ako. Sa tingin ko nga ay tama talaga 'yong Don't Judge the book by its cover, you'll never know its real content until you read it. Kung titignan ka ay para ka lang walang alam sa mundo, iyong tipong laro at pag-aaral lang ang alam mo. Ngunit, iyong totoo ay sobra ka pa roon, isa kang tunay na ate kung iisipin ko." "Matanda naman talaga ako kumpara sa iyo,"sabi ko at ngumiti sa kaniya, "Oh siya, mamaya na itong drama natin at maligo ka na. Lalabas pa tayo upang kumain, pagkatapos ay pupuntahan pa natin ang iba't-ibang lugar ng bayan na ito. Gusto ko rin gumala." "Ngayon na lang dahil wala kang computer, ano?" Tugon niya at tumayo na, "Minsan gusto ko rin magpasalamat na dinala tayo rito dahil, kahit papaano ay umayos ka na naman. Hindi na rin sumasakit ang ulo ko kakasaway sa iyo na lumayo sa screen ng computer dahil sasakit ang mga mata mo." Kinuha na nito ang tuwalya sa kabinet na nasa gilid ng kaniyang higaan atsaka naglakad na patungo sa banyo. Na iwan naman ako ritong mag-isa sa kwarto kung kaya ay humiga na muna ako sabay pikit sa aking mga mata. Matutulog na muna ako habang hinihintay ko ang babaeng iyon. Sa tingin ko naman ay matatagalan pa ang babaeng 'yon. Mas mainam na sigurong makakapagpahinga ako nang matagal, nang sagayon ay marami akong energy na makukuha at hindi agad basta-basta mapapagod. Teka.. Basa nga pa pala itong buhok ko, ayos lang ba? Baka pagalitan ako ni mama kapag nalaman niya 'to. Sabagay, wala nga naman siya rito kaya hayaan na lang. Peace tayo Mother. Kinuha ko na ang aking isa pang unan at umayos ng pagkakahiga. Muli kong ipinikit ang aking mga mata at hinayaan na lamunin ako ng kadiliman. "Valerie,"tawag ng isang boses habang inaalog ang aking katawan. Unti-unti kong iminulat ang aking mga matang antok na antok pa at nakita si Alessia na nakatingin sa akin ng masama. Tila ba galit na galit ito dahil sa nakatulog na lang ako bigla. "Bakit?" Tanong ko rito at kinusot ang aking mga mata sabay unat sa aking katawan. "At bakit ka naman natulog?" Tanong nito, "Hindi ba at sinabi ko na hintayin mo ako? Hindi ko sinabing matulog ka. Ang hirap mo pa naman gisingin tapos parang sarap na sarap ka pa yata riyan." "Ang tagal mo kasi matapos eh,"saad ko at tinignan ito ng masama, "Alam ko kung ilang oras ka nananatili sa banyo kaya napagdesisyonan ko na matulog na lang. Hindi ko naman inaasahan na magiging mabilis ka lang pala? Aba bakit? Walang speaker sa loob ng banyo, ano?" Inirapan lamang ako nito atsaka tumalikod na. Na una na itong maglakad patungo sa pinto ng silid at muling tumigil bago lumingon sa akin. "Tara na nga,"saad nito at masa akong tinignan, "Gutom na gutom na ako. Gusto ko na kumain." Unti-unting gumuhit ang ngiti sa aking mga labi bago ako tumayo at sinuot ang aking tsinelas. Medyo nahihirapan ako sa damit namin ngayon dahil isa itong sobrang habang dress na parang nasa makalumang panahon. Ngunit, kahit ganoon ay hindi ko maipagkakaila ang ganda nito. Iyong tipong papangarapin mo talaga na sana ay balang araw makakasuot ka rin ng ganito. Muli ako nag-unat ng katawan bago naglakad papalapit dito. Lumabas na si Alessia at sumunod na ako sa kaniya. Sinigurado ko munang masasarado ang pinto bago ako sumunod kay Alessia sa baba. Habang nasa hagdan ako ay hindi ko mapigilan ang hindi mapansin ang mga taong nakakasalubong ko. Karamihan sa kanila ay mga taong may mga malalaking peklat sa mukha, braso at kung saan-saan pa. May mga dala-dala rin itong malalaking mga sandata na hindi ko alam kung illegal ba o hindi. "Pare, w-walang h-hiya 'y-yon,"sabi ng isang lalaking sa tingin ko ay lasing na. Napapakapit pa ito sa dingding upang kumuha ng suporta. Sa tingin ko nga ay kaunting pagkakamali lang, maaring mahulog na ito. Kasama naman niya ang isang lalaking sa tingin ko ay medyo lasing na rin, pero kaya pa rin naman niya ang kaniyang sarili. Siya ang umaalalay sa kaniyang kaibigan habang papunta sila sa itaas. "Umayos ka. Malayo pa silid mo,"saway nito. "Eh. Putang-na naman k-kasi 'y-yong taong 'y-yon,"ulit nito habang tinuturo pa ang hangin. Labis naman ang aking pagkagulat nang bigla itong tumingin sa akin at tinuro ako, "Ikaw? A-anong t-tiningin-t-tingin m-mo?!" Halos mapatalon ako sa gulat nang bigla na lang itong sumigaw. Mabilis akong naglakad pababa habang nakatingin pa rin sa aking likuran. Baka wala akong kaalam-alam na hinahabol na pala ako nito. Ayaw na ayaw ko sa lahat ay iyong mga lasing na tao, minsan kasi ay gumagawa na sila nang mga bagay na hindi na tama. Gusto ko man sila sawayin pero wala rin akong magagawa, minsan talaga ay umiinom ang mga ito dahil sa problema o selebrasyon. Sa hindi inaasahang pagkakataon at dahil sa kakamadali ko bumaba ay hindi ko na pansin ang taong nasa unahan ko. Mabilis akong napahawak sa aking ulo nang bigla kong naramdaman ang pagtama nito sa isang matigas na bagay. Tipikal na nangyayari sa mga taong tanga. Unti-unti akong humarap sa lalaking natamaan ko upang humingi sana nang pasensiya nang makita ko ang isang babaeng may suot na armor. Halos mapatingala rin ako dahil ang taas niya at nakatungo lamang siya sa akin habang nakangiti. Akala ko pa naman ay lalaki ang natamaan ko, iyon pala ay isang babae lang. Mabuti naman. "Pasensiya na po kayo,"paghihingi ko ng paumanhin at yumuko, "Nagmamadali na kasi ako at hindi ko na nakita ang dinaraanan ko. Pasensiya na po talaga." Paulit-ulit akong yumuko sa harap nito nang bigla nitong hawakan ang aking balikat. Pagkatapos ay unti-unti niya itong itinaas patungo sa aking baba at iginaya ito paharap sa kaniya. "Ayos lang. Hindi mo na naman kailangan humingi ng paumanhin ng paulit-ulit,"ani nito, "Isa pa, kasalanan ko rin naman. Hindi rin kasi ako tumitingin sa dinaraanan ko kasi hinahanap ko rin ang kaibigan ko." "Ganoon po ba,"sambit ko rito at ngumiti, "Ngunit kahit ganoon ay humihingi pa rin po ako nang paumanhin sa inyo. Nawa ay kaya niyo po akong patawarin." Isang malakas na tawa ang maririnig sa buong pasilyong ito pagkatapos kong sabihin sa kaniya iyon. Mabilis itong umiling atsaka tinapik ang aking balikat, "Kapag sinabi ko na ayos lang, ay ayos lang talaga. Huwag ka na mag-alala. Hindi naman ako nasugatan o na pilayan." Ani nito at ngumiti sa akin, tinugunan ko rin ito ng isang ngiti at tumango. "Salamat,"sabi ko. "Oo nga pala, bago ka lang ba rito?" Tanong nito sa akin. May ilang lasing na naman na mga lalaki ang dumaan kaya napilitan kaming pumunta sa gilid. Mukhang matatagalan pa yata ako nito ah? Sana bigyan ng pasensiya si Alessia ni Lord. Minsan umaakyat pa naman sa utak no'n ang dugo kaya laging mainitin ang ulo. "Opo,"tugon ko rito, "Baguhan laman kami rito ng isang kaibigan ko." "May kasama ka pala?" Muli nitong tanong, "Hindi ko yata siya nakikita ngayon?" "Nasa labas na po siya naghihintay. Sa katunayan niyan ay kahapon lang kami nakarating dito, kaya balak sana namin gumala muna sa buong bayan ngayon. Titingin-tingin lang kung ano ang pwedeng gawin,"paliwanag ko. Teka nga, bakit ko ba sinasabi ito sa babaeng 'to? As if naman na may pakealam siya sa buhay ko at sa kung ano ang gagawin ko. "Oh? Ayos 'yan, saktong-sakto at wala ang kaibigan ko. Pwede ko kayong samahan,"saad nito, "Ako nga pala si Elyssia pero pwede mo akong tawagin bilang ely." "Ely?" Tanong ko. "Oo,"tugon nito sabay tango, "Ikaw naman si?" "Ay oo nga pala,"sambit ko at tinanggap ang kamay nitong nakalahad, "Ako pala si Valerie pero pwede mo naman akong tawagin bilang si Val." "Val,"ani nito, "Parang ang Goddess of Destruction." "Goddess of Destruction?" Nagtatakang tanong ko rito. "Hindi mo ba sila kilala?" Gulat na tanong nito sa akin. Mabilis akong umiling sa kaniya bilang tugon, hindi ba at sinabi ko na naman sa kaniya na wala akong kaalam-alam sa lugar na ito. Isa pa, baguhan lamang kami at talagang ang impormasyon na nasa kamay namin ay kaunti lamang. "Hindi po." "Ah, huwag kang mag-aalala makikilala mo rin siya,"ani nito, "Oo nga pala, maari ba akong sumama sa inyo?" Wala naman sigurong masama kung isasama namin siya sa gala. Mabuti na iyon dahil at least may magiging tour guide kami sa bayan na ito. Wala naman kasi talaga kaming alam kung ano o saan kami unang pupunta. Kung tama ba ang gagawin namin o hindi. Hindi rin ako sigurado sa kung ano ang bawal at kung ano ang hindi rito. Mas mainam na sigurong may taga ritong gagabay sa amin. Isang matamis na ngiti ang ibinigay ko rito atsaka tumango. "Oo naman,"tugon ko sa kaniya, "Sa katunayan niyan ay wala talaga kaming alam sa buong bayan." "Tamang-tama, ako na ang bahala sa inyo kung saan ang magandang pupuntahan dito,"ani nito, "Tara na at simulan na natin. Marami pa tayong pupuntahan at paniguradong aabutin tayo ng gabi." "Ayos lang ba sa iyo?" tanong ko, "Wala ka bang gagawin ngayon? Sa tingin ko kasi ay isa kang adventurer, at sa pagkakaalam ko ay sobrang abala nila sa mga misyon." Kasalukuyan na kaming naglalakad palabas ng hotel na ito. Ngumiti lamang sa aking ang nagbabantay nang mapadaan ako sa harapan niya. Habang naglalakad kami ay patuloy lamang kami sa pag-uusap ni Ely. "Wala namang problema sa akin iyon dahil wala naman akong misyon ngayon,"tugon niya, "Isa pa, kung meron man ay maaring wala ako rito ngayon, teka, ikaw ba? O kayo ba ng kaibigan mo? Adventurer din ba kayo?" Tinulak ni Ely ang pinto palabas hanggang sa tuluyan na itong bumukas. Pinauna ako nito atsaka sumunod naman siya. Nakita ko naman ang aking kaibigan na si Alessia na nakatayo sa hindi kalayuan mula rito sa pinto. Nakatingin ito sa isang stall na may nagtitinda ng sa tingin ko ay french fries. "Oo,"tugon ko sa kaniya, "Pagkarating namin kahapon ay agad kaming nagparehistro. Hindi kasi namin alam na hindi pala namin mabebenta 'yong mga item hangga't wala kaming ID." Tumawa lamang itong si Ely at tumango, "Sa katunayan niyan ay tama nga naman. Isa na 'yan sa pangunahing kaalaman sa bayan na ito na kung wala kang ID, hindi mo mabebenta ang mga item mo. Ilalagay kasi nila sa record mo ang iyong mga napatay at na tapos na misyon." "Ganoon pala 'yon?" Gulat na tanong ko,"Akala ko talaga ay wala lang. Iyong pwede mo lang mabebenta ang lahat ng mga gamit mo kapag gusto mo, kapag may na patay kang halimaw habang papapunta ka sa isang bayan ay basta-basta mo lang matitinda." Umiling naman itong si Ely dahil sa sinabi ko. Sabay lamang kaming naglalakad patungo sa kung saan si Alessia. Hindi pa rin kami nito napapansin. Sobrang gutom na talaga siguro nito. "Malabong mangyari 'yan,"ani nito, "Para sa guild, kailangan daw may record ang lahat ng mga ginawa ng mga tao rito. Kung gusto mong makipaglaban at tumanggap ng mga misyon, kailangan mong harapin ang mga pagsusulit na ibibigay ng Adventurer Guild, kung hindi ay impossibleng magagawa mo ang mga bagay na iyon. May mga ibang trabaho naman bukod dito pero iyon nga lang ay wala itong katumbas sa pera na mukukuha mo bilang adventurer." Tama nga naman siya. Kahit sa mga laro at mga pelikula na napapanood ko ay talagang ganoon ang nangyayari. May mga adventurers, workers lamang sa bayan at iba pa pero kahit ganoon ay wala pa rin makakatumbas sa pera na makukuha ng mga adventurers sa misyon, kumpara sa mga workers dito sa bayan. "Kung kaya, kung gusto mo talaga ng malaking pera at may talento ka naman. Mas mainam na magrehistro ka na lang bilang isang adventurer. Mas malaki pa ang kinikita mo roon, iyon nga lang at sobrang delikado ng buhay mo,"paliwanag ni Ely. "Wala naman sigurong trabaho na hindi mahirap at hindi delikado,"sambit ko at tumigil na sa paglalakad, "Pero kung gusto mo talaga ito at talagang mag-iingat ka lang, wala namang problema." "Sabagay,"ani nito. Nasa harap ko na si Alessia at abala pa rin ito sa pagtingin sa mga pagkain. Unti-unti kong iniangat ang aking isang kamay atsaka hinawakan ang balikat nito. Halos mapatalon naman ito sa gulat ngunit agad din nitong ibinaling ang kaniyang paningin sa akin. "At bakit ngayon ka lang? Ganoon ba kalayo ang hotel?" Galit na tanong nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD