Wala na akong nagawa kundi sundin si Nanay Judith.
Tamad akong tumayo at dumiretso na sa banyo.
Tuwing umaga ay si Nanay Judith ang palaging gumigising sa akin.
Mula nang ipinanganak ako ay ito na ang naging pangalawang nanay ko.
Itinuring niya akong parang anak niya at ito rin ang nandiyan palagi para sa akin noong mga panahong abala ang mga magulang ko sa negosyo namin.
Sa katunayan nga ay mas open pa ako kay Nanay Judith kaysa kay Mommy.
"Huwag ka ng masyadong magtagal at ihahatid mo pa sa airport ang Mama at Papa mo."
Kaagad akong napatigil sa pagsasabon dahil sa aking narinig.
Kasasabi lang sa akin ni Nanay Judith kanina at ngayon ay muntik ko na namang makalimutan na ngayon pala ang araw ng bakasyon ni Mama at Papa sa Singapore.
"Yes po, Nay. Susunod ako kaagad."
Nagmamadali ako sa aking ginawa at wala akong sinayang na segundo para patagalin ang pagligo ko.
Dalawang beses akong nagsabon sa aking katawan at dalawang beses ko ring nilagyan ng shampoo ang aking buhok.
Nang matapos ako sa pagbanlaw ay naglagay na rin ako ng hair conditioner para lumambot ang mahal kong buhok at binanlawan ulit ng mabuti.
Nang makontento ay kinuha ko na rin ang aking makapal na puting tuwalya at binalot sa aking katawan.
Paglabas ko sa banyo ay wala na si Nanay at Daday.
Dumiretso ako sa walk in closet ko at namili ng maisusuot.
Pagkatapos ay kaagad na lumabas ng kwarto ng hindi pa nakakapaglagay ng kolorete sa aking mukha.
Mas lalo akong matatagalan kong uunahin ko pa ang pagpapaganda.
Ayaw na ayaw ko pa naman sa lahat ay ang madismaya sa akin ang mga parents ko.
Mabilis na hakbang ang aking ginawa at halos liparin ko na rin ang hagdan pababa.
Tiningnan ko ang oras sa aking pulsuhan at nakompirma kong alas siyete na ng umaga.
Dumiretso na ako sa kusina at kahit na masama pa ang pakiramdam dahil sa hang-over ay sumabay pa rin ako ng agahan sa aking mga magulang.
"Good morning Mommy at Daddy," nakangiti kong bati nang makita ko ang mga magulang na handa na sa mesa at mukhang ako na lang ang hinihintay. “Mom, Dad ngayon po pala ang flight niyo,” dagdag ko habang inaayos ang aking upo.
"Good morning din, anak. What happened to you? You look so stressed ang haggard?" nag-aalalang tanong ni Mommy sa akin habang si Daddy naman ay pasimpleng sumilip sa aking mukha at wala pang limang segundo ay ibinalik na niya kaagad ang tingin sa hawak niyang diaryo.
"Mom, I'm fine, hangover lang ako. Hindi ako makatanggi sa mga kaibigan ko kagabi."
"Oh, I see!" kibit balikat na tugon ni Mommy at pinili na lang ang tumahimik kaysa kulitin ako.
"Daday, where is my milk and pancake?" mahinahon kong tanong dahil wala akong nakitang pancake at gatas sa mesa. Iyon kasi ang palagi kong kinakain sa agahan dahil hindi talaga ako nagra-rice sa umaga.
"Ma'am Teria, sabi kasi ni Ma'am Josephine ay gawan ko raw po kayo ng sabaw.”
Tiningnan ko si Mommy sa harapan ko at ngumiti naman ito.
"Yeah, I know you were drunk last night! So, you need that," pinal niyang sabi sa akin.
Hindi na lang din ako nagreklamo dahil alam ko namang wala akong laban kay Mommy.
Masisira na naman ang diet ko nito dahil sa tinolang manok na pinaluto niya sa akin.
Sa tuwing natitikman ko na kasi ang lasa nito ay sarap na sarap ako kaya hindi ko na mapigilan ang sarili kong sawayin sa pagsubo ng pagkain.
Kapag kasi ito ang ulam ko ay nakakaubos ako ng apat o limang cup ng rice.
D*mn it! Masisira ang diet ko nito.
"Oh, what's that face?" 'di mapigilang tanong ni Daddy nang makita niyang nakasimangot ako. "That's your favorite dish, right? So, what's the problem?"
"Daddy, natatakam po ako talaga kaso masisira na naman ang diet ko nito. Ang bilis ko pa naman pong tumaba," nakasimangot kong reklamo sa kaniya.
"Kung hindi ka lang sana naglasing kagabi!" walang ganang ani ni Daddy at nilapag na ang diaryo sa gilid ng mesa.
Kinuha ni Daddy ang mangkok at nilagyan ng ulam na sinabawang manok.
Umalingawngaw ang bango nito kaya kumalam kaagad ang sikmura ko.
"Ubusin mo 'yan, that feels you better," maawtoridad nitong sabi at hindi pa pala ito tapos magsalita. "Maghanap ka na kasi ng matinong nobyo at mag-asawa na kaagad. Para mabigyan mo naman kami ng apo ng Mommy mo. Isa pa hindi naman kami mapili Teria, kahit sino basta 'wag lang 'yong ex-boyfriend mong may maraming mukha!" paalala sa akin ni Daddy dahil alam niyang babaero talaga si Jairus.
"Dad, may contest ba? Kung makapag-utos kayo sa 'kin parang ang dali lang ng mga pinapagawa niyo. Isa pa ay hindi po ako nakikipag-uunahan."
“Mas mabuti na ‘yong may magmamahal sa ‘yo at mag-aalaga, anak.”
Hindi na lang ako kumibo at gaya ng sabi ni Daddy ay inubos ko ang ibinigay niyang ulam.
Nakadalawang mangkok pa nga ako at apat na beses na nagdagdag ng kanin sa aking plato.
Pagkatapos ay nagpahatid na kami sa driver papuntang airport para sa vacation trip ng aking mga magulang.
Simula nang hawakan ko ang negosyo ng pamilya namin ay wala nang ginawa si Mommy at Daddy kundi mag-bonding.
Kulang kasi sila sa oras noon at nagpapasalamat sila sa akin ng sobra ngayon dahil nagagawa na nilang dalawa ang lahat ng gusto nila.
Parang bumalik sila sa pagkabata dahil palagi silang nagde-date.
Bilang isang anak ay wala akong hinangad kundi ang kaligayahan nila.
"Thank you so much, anak. Ang swerte talaga namin sa 'yo. Ano pala ang gusto mong pasalubong?" masayang wika ni Mommy habang ako ay nakayakap sa gilid ni Daddy.
"Mommy, 'wag na po dahil hindi niyo po kayang ibigay ni Daddy," natatawa kong wika dahil sa totoo lang ay wala naman talaga.
Gusto ko lang talaga siyang biruin dahil lahat na yata ay naibigay na nila sa akin.
Kaya ano pa ba ang gugustuhin ko?
Bilang isang anak ay napaka-swerte ko dahil hindi nila pinaranas sa akin ang buhay na parang may kulang sa akin.
Kahit pa naging abala sila sa negosyo noon ay hindi nila ako pinabayaan at sinuguro palagi ang kasiyahan ko.
"Lahat ibibigay namin sa 'yo basta't kaya namin ng Daddy mo, anak. So please tell me," madamdamin nitong wika at talagang seneryoso ang pagbibiro ko.
"Mom, Dad, jowa po! Iyong gwapo, matcho, mabango ang hininga mabait at mamahalin ako. Pero 'wag na, ako na ang bahala dahil nakahanap na ako," natatawa kong sabi kaya pareho silang napangiwi. "Sige na Mommy at Daddy baka maiwan kayo sa flight niyo." Nakipagbeso ako sa pisngi ni Daddy at gano'n din kay Mommy. Masaya kong winagayway ang kamay ko para makaalis na sila. "Enjoy your trip!" Malakas kong sigaw bago sila tuluyang pumasok sa loob ng airport.
Nang tuluyan na silang mawala sa aking paningin ay tumalikod na rin ako.
Lumabas ako sa loob ng airport at naglakad patungo sa sasakyan.
Wala pang sampong metro mula sa aking kinatatayuan ay nakita ko si Kokoy sa airport.
May kasama siya at mukhang mga kaibigan niya yata ito.
Mabuti na lang at abala ito sa kausap niya kaya hindi niya ako napansin.
Nang makita ako ng driver namin ay kaagad itong bumaba sa sasakyan.
Hindi ko man ito inutusan ay siya na mismo ang magbukas ng pinto para sa akin.
"Manong, salamat. Diretso na po tayo sa opisina."
"Yes, Ma'am."
Habang papunta kami sa opisina ay inayos ko ang aking mukha.
Naglagay ako ng manipis na makeup dahil nasanay na akong maglagay nito lalo kung nasa opisina ako.
Isa rin kasi ito sa nagpapa-boost ng confident ko.
Pagkababa ko pa lang ng sasakyan ay hinintay na ako kaagad ng aking sekretarya.
Puno ng pag-aalala ang reaksyon ng kaniyang mukha at mukhang may mabigat itong problema.
Masiyahin ito palagi kaya hindi ko mapigilann
ang sariling tanungin siya kung ano ang kaniyang problema.
"What happen?" diretsahan kong tanong dahil ayaw ko nang magpaligoy-ligoy pa.
"Ma'am nandiyan po kasi ulit ang ex-boyfriend niyo. Sabi ko po ay wala kayo pero sobrang kulit po at ayaw umalis. Naghihintay po siya sa loob ng opisina niyo."
"Ako na ang bahala sa kaniya, Lina."
Kalmado lang ako at nakatayo pa rin nang matatag.
Taas noo ako habang naglalakad at parang wala lang sa akin ang lahat ng nabalitaan.
Pero ang totoo ay naiinis na ako ng sobra dahil ano pa ba ang dahilan niya kung bakit siya naparito?
Hindi naman siguro siya tanga para hindi maintindihan ang sinabi ko na may boyfriend na ako.
Kahit pa sabihing nagsisinungaling lang ako ay wala naman siyang kaalam-alam na kunwari lang ang lahat.