CHAPTER 4

1857 Words
[ALTHEYA] NAGMAMADALING pumunta ako sa banyo dala-dala ang mga pamalit kong damit upang maligo dahil eksaktong alas-sinko ng umaga ay malakas na tumunog ang sirena na siyang nagpagising sa akin. Binuksan ko ang pinto at bumungad sa akin ang malawak na banyo. Malawak ang pasilyo sa loob, kulay puti ang pintura ng dingding at mayroong mga tile sa lapag. Mayroon ding hiwa-hiwalay na pinto rito sa loob at sa dingding naman ay naroon ang malapad na salamin at lababo. Napakalinis at mabango sa loob, kung hindi ko lang alam na banyo ito ay baka mapagkamalan ko itong bahay dahil sa ganda at lawak ng lugar. Narinig ko ang pagpihit ng busol sa likuran ko. Bago ko pa man makita ang mga papasok na bata rito sa loob ng banyo ay dali-dali na akong pumasok sa loob ng bakanteng paliguan, sinarado iyon at saka nagsimula ng maligo. NANG MATAPOS na ako sa pagligo at pagbihis ng ternong uniporme na ibinigay sa akin ni Ate Alvira ay binuksan ko na ang pinto ng banyo at palihim na sumilip sa labas upang tingnan kung may mga bata roon. Nakahinga ako ng maluwag nang makita kong walang tao sa labas kaya naman kinuha ko na ang pagkakataong iyon para lumabas ng banyo. Nakayukong tinahak ko ang pasilyo hanggang sa makarating ako sa tapat ng aking kuwarto. Pumasok na ako sa loob at inilagay sa lalagyan ng labahan ang marumi kong damit at saka inayos ang sarili sa harapan ng salamin. Biglang bumalik sa aking isipan ang naging pag-uusap namin ni Ate Alvira kagabi nang ibigay niya sa akin ang itim na bag na naglalaman nitong uniporme. "Huwag mong kakalimutang suotin lahat nang ibinigay ko sa iyo, Altheya. Kailangang naka-ipit din ang buhok mo, dahil kung hindi ay mapaparusahan ka," "Tandaan mo rin na palagi ka lang sumunod sa mga kaedad mong babae na kulay itim ang jacket dahil ang katulad niyong Alpha ang ranggo ay hindi puwedeng makihalubilo sa mga Omega na kulay pula ang jacket," "Huwag mong bibiguin ang Tita Millian mo. Sundin mo ang lahat ng ipapagawa sa 'yo bukas. Naiintindihan mo ba ako, Altheya?" seryosong bilin sa akin ni Ate Alvira habang nakatayo sa tapat ng kuwarto. "Naiintindihan ko po, Ate Alvira," Malakas na buntong hininga ang pinakawalan ko habang nakatitig ko sa aking repleksiyon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako kumakalma, nananatili ang mabilis na pagtibok ng aking puso dahil sa kaba. Bago pa ako kabahan lalo ay itinali ko na ang aking buhok upang hindi iyon makasagabal sa aking gagawin mamaya at saka isinuot ang sumbrero. Iyon kasi ang isa sa mga bilin ni Ate Alvira kagabi. Kasalukuyan ko naman suot ngayon ang puti na T-shirt na ang magkabilang manggas nito ay kulay itim. Napadako ang tingin ko sa kanang manggas nito, nang may napansin kong may nakasulat doon na A0610 at isang itim na jogging pants ay may pahalang na naka-imprenta sa kanang bahagi na 'Tyro - Alpha'. Hindi ko alam kung para saan iyon kaya naman pingsawalang bahala ko na lamang. Bago ko suotin ang jacket na ka-terno ng jogging pants ay tinignan ko muna ang nakasulat sa likod — A0610 rin na kaparehas ng nakasulat sa itim na T-shirt na suot ko. Napansin ko rin na mayroon ding nakasulat sa kaliwang bahagi, sa itaas na bahagi ng dibdib nito na katulad lamang sa nakasulat sa likod. 'Para saan naman kaya ito?' tanong ko sa sarili habang pinagmamasdan iyon nang suotin ko na ang jacket. Napatigil ako sa pagsusuri sa aking bagong damit nang dumako ang aking mata sa orasan na nakasabit sa itaas na dingding, sa tapat ng pintuan. Nakatapat na ang mahabang kamay at ang maliit na kamay ng relo sa pang-anim na numero. Ilang minuto na lamang ay malapit ng mag-alas-sais. Nagmamadaling kinuha ko ang sapatos na ka-terno rin nitong jacket na suot ko at isinuot na iyon habang nakaupo ako sa gilid ng higaan. Nang maisuot ko na ang uniporme ko mula ulo hanggang paa ay tumayo na ako. Isinukbit ko na sa aking balikat ang maliit na bag na may lamang extrang damit at panyo, at saka naglakad na papunta sa tapat ng pinto at binuksan iyon. Napaigtad ako nang makita ko sa aking harapan ang mga ka-edad kong babae na nakabihis din ng damit na katulad ng suot ko ngunit ang ibang napapadaan sa pasilyo ay iba ang kulay ang suot— kulay pula at letrang O ang nauunang nakasulat sa harap ng jacket nila. Naka-estatwa silang lahat habang nakatingin sa akin. Nanlalaki ang kanilang mga mata at nakaawang ang mga bibig. Pati ako ay ganoon din ang reaksiyon dahil sa gulat. 'Bakit ba kasi biglaan kong binuksan ang pinto!' paninisi ko sa aking sarili dahil nasa akin na ang atensiyon nila. Makaraan ng ilang minutong pagtititigan ay umiwas na sila ng kanilang tingin at nagsimula na ulit maglakad. "Siya ba 'yong kakarating lang kahapon?" Narinig kong bulong ng batang hanggang tainga ang tangkad at kulay itim ang suot na jacket sa katabi niya habang naglalakad sila. Nang marinig ko iyon ay pinagmasdan ko ang dalawa hanggang sa makita kong pasimpleng tumingin sa akin ang katabi nito pero agad ring umiwas ng tingin. Doon ko nasiguro na ako nga ang tinutukoy nila. "Ang ingay mo talaga kahit kailan. Nakatingin siya sa atin, mukhang narinig niya ang sinabi mo," narinig kong bulong ng katabi niya at saka marahang siniko ang bewang ng katabi. Nakita ko ang pasimpleng pagsulyap din sa akin ng mga dumadaan sa harap ko. Mga nakakunot sila pagkatapos ay iiling kapag umiwas na ng tingin. 'Bakit gano'n na lamang ang reaksiyon nila kapag nakikita ako?' Napailing na lang ako at nagpatuloy na lang sa paglakad palabas ng kuwarto at saka ni-lock ang pinto. Kung pagtutuunan ko pa sila ng pansin ay mahuhuli lang ako sa pagpunta sa baba. Mag-isa at tahimik kong tinahak ang pasilyo, pilit na iniiwasan ang mga nakakasabay ko sa paglalakad hanggang sa makarating na ako sa tapat ng hagdanan na pababa. Hindi inaasahang napatingin ako sa kabilang hagdanan— sa hagdanan ng mga lalaki na katabi lamang nitong hagdanan ng mga babae, ngunit mayroon itong harang sa gitna na siyang nagpapahiwalay sa daraanan ng magkaibang kasarian. Nagtama ang mata namin ng lalaking kulay brown ang mata at kulay pula ang jacket. Salubong ang kaniyang kilay at nakasimangot ang labi. Napansin kong mag-isa lang siya at wala ni isa man ang gustong tumabi sa kaniya. Mabilis kong iniwas ang aking tingin at nagpatuloy na ulit sa paglalakad pababa. Dahil nakapunta na ako kagabi rito sa babay ay alam ko na ang susunod kong pupuntahan. Naglakad ako papunta sa pila kung saan mga pagkain ang kanilang ibinibigay at nakapila roon ang mga nakaitim na jacket. Naisipan kong ilibot ang aking tingin sa paligid, kaliwa't-kanan ang mga batang naglalakad habang dala-dala nila ang tray na naglalaman ng pagkain nila. Napatigil ang tingin ko kay Ate Alvira na nakatayo sa gilid ng nakasaradong pinto. Nililibot niya ang tingin sa paligid na parang sinusuri ang tingin sa paligid. Nang magtama ang mata namin ay nakita ko ang pag-angat ng gilid ng kaniyang labi at saka kumaway. Dahil siya lamang ang kilala ko rito ay ngumiti rin ako pabalik at kumaway sa kaniya. Pagkatapos ko 'yong gawin ay bumalik na ulit siya sa pagmamasid sa paligid. Binalik ko na ulit ang aking atensiyon sa harapan nang mapansin kong ako na ang susunod na bibigyan ng pagkain. Kumuha na ako ng tray at saka hinintay ang pagkaing ibibigay sa aking ng ginang na may hawak ng malaking sandok. Dala-dala ang tray na naglalaman ng pagkain ko ay naglakad na ako papunta sa bakanteng mesa at upuan kung saan ang mga batang kumakain na unahang parte nitong mahabang mesa ay kulay itim ang jacket. Pinagsawalang bahala ko na lamang ang mga ibinabatong mga tingin sa akin ng mga bata ro'n at mataimtim na kumain. Pagkatapos kong kumain ay napagpasiyahan kong lumabas na. Napansin kong pumupunta sa iisang direksiyon ang mga bata— sa likod na bahagi nitong bahay. Nagtatakang sinundan ko ang mga batang tumatakbo patungo roon hanggang sa mapahinto ako at makita sa aking harap ang iba't-ibang palaruan. Kung dati ay pinagmamasdan ko lang sa malayo ang ganitong palaruan dahil hindi ako pinapayagan ni tatay, ngayon ay nasa harap ko na. Malapit sa akin at wala ni isa man ang nagbabawal sa akin. Napatigil ako sa pagtitig sa palaruan nang biglang may bumunggo sa akin na naging dahilan ng pag-upo ko sa madamong sahig. Napansin kong napahinto sa paglalaro ang mga bata at itinuon ang atensiyon sa akin. Nagtatakang pinagmasdan ko ang aking sarili habang naka-upo ako, hanggang sa mapatigil ako nang bigla na lamang may magsalita sa harapan ko. "A-Ayos ka lang po ba?" Narinig kong tanong ng batang babae sa akin na kulay pula ang jacket. Nanginginig ang kaniyang boses habang nakalahad ang kaniyang kamay sa harap ko. Hinawakan ko ang kamay niyang nakalahad sa harapan ko at saka hinila ako patayo. "Pasensya na po kayo," paghihingi niya ng paumanhin habang nakayuko sa harap ko. "Ayos lang iyon, hindi naman ako nasaktan," wika ko habang pinapapagan ang jogging pants. "Pasensiya po ulit," sambit niya at saka mabilis na tumakbo patungo sa kaibigan na nagpapadulas. Nakita ko kung paano ilibot ng kaniyang kaibigan ang tingin sa buong katawan ng nakabunggo sa akin. Makikita sa kaniyang mukha ang pagaalala pero ang kaibigan naman niyang humingi sa akin ng paumanhin ay umiiling lamang. Iniwas ko na ang tingin sa kanila at umupo na sa bakanteng upuan at pinagmasdan na lamang ang mga batang abala sa kanilang paglalaro. Wala ni isa man sa mga bata ang nagtangkang tumabi sa akin, kahit na may bakanteng espasyo pa rito sa tabi ko. Pagkaraan ng ilang minutong paglalaro nila ay napahinto silang lahat nang umugong ang malakas na sirena hudyat na tapos na ang oras ng paglalaro. Napatayo ako ng wala sa oras nang maramdaman ko ang pag-iba ng atmospera. Kung kanina ay hindi siya magkamayaw sa pagtawa habang naglalaro, ngayon naman ay nabalot ng katahimikan ang palaruan. Bumalik sa aking isipan ang sinabi sa akin ni Ate Alvira na kapag tumunog na ang pang-apat na sirena ay pumunta na sa building dahil magsisimula na ang klase, pero bakit sa parang ang direksyon ng pagtakbo nilang lahat? Nakakapagtaka naman dahil bakit sa parang magsisimula ang klase, sa pagkakaalam ko ay sa loob ng paaralan iyon ginaganap. Hindi ko naman kasi naranasan ang mag-aral noon. Nakita kong tumakbo silang lahat patungo sa harap ng bahay, sa malawak na parang. Wala akong nagawa kundi ang sumunod sa kanila. Huminto ako sa gilid ng bahay nang makita kong nakapila na ang lahat ng mga kaedad ko sa gitna, napansin kong nakalinya sila batay sa letra na nakasulat sa harap ng kanilang jacket. Dali-dali akong pumunta sa linya ng mga babaeng kulay itim ang jacket at may katagang 'Tyro-Alpha' ang nakasulat sa gilid ng kanilang jogging pants. Bago pa man ako pumunta sa pinakadulo ng linya ay napahinto ako sa paglalakad nang hawakan ako sa braso ng babaeng nadaanan ko. Salubong ang kaniyang mga kilay habang seryosong nakatingin sa akin. "Dito ka nakalinya, A0610." To be continued...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD