“Hoy, Meowington, bumalik ka rito!” nakukunsuming pagtawag ni Lyrica sa alagang pusa. Kuting lang ito nang mapulot niya noon sa gilid ng kalsada. Natakot siyang baka bigla na lamang itong tumawid at masagasaan ng sasakyan kaya inampon na niya ang pusa. Walang tigil ang pag-ngiyaw nito noon kaya pinangalanan niya itong ‘Meowington.’ Akala rin kasi niya ay lalaki ito. Iyon pala ay babae ang alaga niya at mahilig magbubuntot sa mga lalaking pusa. Sumasakit ang ulo niya sa kalandian ng alaga.
Umabot na siya sa labas ng Villa Serpentis kakahabol dito. Purong puti ang kulay ni Meowington na may dilaw na mga mata. Babae ito at madalas ay malandi. Nakailang palit na ito ng boyfriend samantalang siya ay bawal mag-nobyo sabi ng Lola Aurelia niya. Bata pa raw siya at kapag nalaman daw nitong inuuna niya ang pakikipagharutan sa lalaki ay hahagupitin daw nito ng sitaw ang ‘mani’ niya. Kaya naman birhen na birhen pa siya.
Okay lang naman, hindi naman siya nagmamadaling magpapitas sa lalaki. Isa pa ay wala naman siyang magustuhan sa mga nagpapalipad-hangin sa kanya, kahit na sa mga lakas-loob na nagtatapat ng damdamin.
Pero kapag dumating na ang lalaking magpapatibok ng puso niya ay ibibigay niya talaga ang lahat para makuha ang pagsinta nito. Ayaw niyang magaya sa Lola Aurelia niya na nagpadaig sa hiya at hindi ikinumpisal ang damdamin sa lalaking iniibig nito kaya naunahan ng kapitbahay nitong makapal ang mukha. Iyon, napunta ang lola niya sa lalaking hindi nito mahal at habambuhay na may dala-dalang panghihinayang sa dibdib.
Nakita niya kung gaanong pagsisisi ang nararamdaman ng lola niya at makailang ulit niya rin itong nahuling minamasdan ang nag-iisa at kupas na litrato ng una at nag-iisa nitong pag-ibig.
Lumaki siya sa poder ng kanyang lola dahil maagang kinuha ng langit ang kanyang mga magulang. Naaksidente ang mga ito. Buhat nang pumanaw ang kanyang ina at ama ay ang Lola Aurelia na niya ang kumupkop sa kanya.
Ang mga panghihinayang ng lola niya at ang mga pag-asam nitong maibalik ang kamay ng oras, ayaw niyang mangyari sa kanya. Kaya sinabi niya sa sarili na kapag nakita na niya ang lalaking para sa kanya ay sisiguruhin niyang matagumpay niyang magagawa ang tatlong bagay rito:
Una, aakitin.
Pangalawa, paiibigin.
Pangatlo, babaliwin.
Aakitin. Paiibigin. Babaliwin.
Nang sa ganoon ay sa kanya lang umikot ang mundo nito. Ayaw niyang may kahati. Ayaw niyang may kaagaw. Gusto niyang siya lang. Gusto niyang nag-iisa siya. Ayaw niyang mawala ito sa kanya.
Pero bago niya isipin ang mga iyon ay dapat muna sigurong isipin niya kung paano mahuhuli ang alaga niyang pusa ngayon.
“Pst, hoy!” Namilog ang mga matang sutsot niya sa pusa na bigla na lamang tumalon sa ibabaw ng mataas na bakod ng malawak na villa papunta sa kabilang bahagi ng pader. Naisabunot niya ang mga kamay sa buhok dahil papaano niya pababalikin ang alaga? Ang pagkakaalam pa naman niya ay suplado ang may-ari ng villa. Misteryoso ito at hindi gaanong nagpapakita sa mga tao. Ang tiyuhin niyang nagtatrabaho bilang hardinero sa villa ay wala ring sinasabi sa kanya tungkol sa amo nito.
Paano kung mahuli ng amo ng tiyuhin niya si Meowington? Ang kulit na pusa naman kasi. Kung gaano ito kaputi ay ganoon naman kaitim ang trip nito sa buhay. Gustung-gusto talaga nitong nakukunsumi siya.
Napalingap siya sa palibot. Kakahuyan lang ang nakapaikot sa mataas na bakod ng villa. Walang ibang bahay ang makikita sa paligid. Tumingin siya sa mataas na gate. Kung kakatok siya, papapasukin naman kaya siya? Malamang hindi. Nakita na niya minsang kausap ng tiyuhin niya sa tapat ng gate ang isa sa security ng villa. Ang laking tao at nakakatakot.
Ang sabi naman sa kanya ng tiyuhin niya ay mas nakakatakot ang mga kuwento tungkol sa amo nito. Ano kaya ang hitsura ng may-ari ng villa? Napaisip siya. Baka totoo ngang nakakatakot kaya ayaw magpakita sa mga tao? O baka nakakulong sa silyang de-gulong kaya hindi makalabas ng bahay nito?
Taga-ibang lugar daw ang lalaki at bibihira lang tumungo ng villa nito. Ang villa ay nasa dulong bahagi ng Santa Catalina, Negros Oriental. Kasukalan lang ang bahaging iyon noon bago binili ng misteryosong lalaki at pinabakuran. Hindi pa niya nakikita ang loob at gustung-gusto niyang makapasok doon, pero sabi ng Tiyo Abner niya ay huwag na huwag siyang magkakamaling pumasok doon nang walang pahintulot, lalo na at hindi nila kabisado kung anong klaseng tao ang lalaking nakatira sa Villa Serpentis.
Paano pala kung masama talaga ang budhi ng may-ari at patayin nito si Meowington? Gilalas siya, nanindig ang mga balahibo niya sa naisip. Kailangang makuha niya ang alagang pusa bago pa ito makita ng may-ari ng property. Tumungo siya sa gilid ng mataas na bakod at nakita ang malaking kahoy. Ang sanga niyon ay halos nakahugpong na sa sanga ng malaking kahoy na nasa loob naman ng villa.
Kaya ba niyang akyatin iyon? Gusto talaga ng pusa niya ay magbuwis-buhay siya para rito. Kahit na kumakabog ang dibdib niya ay pinili niya pa ring akyatin na ang puno. Ngayon palang ay umuusal na siya ng dasal. Gabayan sana siya ng lahat ng mga santo sa gagawin niyang ito.
Nang nasa sanga na siya ng kabilang puno ay napasinghap siya sa tanawing tumambad sa kanya. Napakaganda ng villa. Napakalawak niyon. May mahabang driveway na sa magkabilang gilid ay nakahilera ang mayayabong na puno. Ang bahay ay natatanaw na niya at sobrang laki niyon. Moderno ang estilo at puti ang pangkalahatang pintura.
Naikiling niya ang ulo. Bakit may pakiramdam siya na sobrang metikuloso at istrikto ang nakatira sa mansiyon? Parang pantay kasi ang lahat. Hindi na siya magugulat kung pareho ang bilang ng dahon ng puno sa kahoy na kahanay nito.
Paano kung mamamatay-tao pala ang may-ari ng villa? Kaya siguro napakalinis ng lugar ay dahil tinitiyak nitong walang maiiwang bakas ng krimen nito?
Namutla siya sa naisip. Ipinilig niya ang ulo. Kapag talaga nahuli niya si Meowington, kakalbuhin niya ito.
Naglambitin na siya sa mas mababang sanga at tumalon pababa. Nagtago kaagad siya sa likod ng mga halaman. “Ngiyaw, Meowington, pst.” Mahina lang ang boses niya, ipit na ipit niya ang tinig dahil takot siyang may ibang makarinig sa kanya. “Salbahe kang pusa ka, saan ka ba nagsuot, ha?” Napalupagi siya sa damuhan at sabay kamot sa ulo. Paano ba niya mahahanap ang pusa niya?
Lumingap siya sa paligid. Wala namang tao. Wala rin ang security.
Naglakad-lakad siya hanggang sa dinala siya ng kanyang mga paa sa likurang bahagi ng property. Napatingala pa siya sa malaking bahay. Dalawang palapag at napakalaki ng kabuuang sukat. Baka isang silid lang sa loob ng bahay na iyon ay katumbas na ng buong bahay nila.
Gawa sa malalaking salamin ang mga bintana at pinto, pero wala siyang masilip na pigura ng tao sa loob niyon. Baka walang tao. Umalis siguro ang may-ari ng villa.
Narating niya ang malaking pool. Ang sarap sigurong maligo r’un. Ang problema, hindi siya marunong lumangoy. Isa pa, hindi rin naman siya puwedeng lumublob na lang basta sa pool na hindi sa kanila. Kahit siguro magtrabaho ng isang dekada ang tiyuhin niya sa villa ay hindi pa rin nila kakayaning magpagawa ng sarili nilang pool.
Hanggang tingin na lang talaga siya. Napahugot siya ng malalim na paghinga na dagli ring naudlot dahil bigla niyang naramdaman ang pagtindig ng mga balahibo niya sa batok. May nakatingin sa kanya, dama niya iyon.
Marahas siyang napalingap at napatingala sa ikalawang palapag ng malaking bahay. Nahagip ng tingin niya ang paggalaw ng isang pigura sa maliit na puwang na hugpungan ng dalawang makapal na kurtina. Lumayo agad ang pigurang iyon.
Hala, sino iyon?
Kinabahan siya. Iyon ba ang may-ari ng villa? Hindi niya nakita ang mukha nito. Hindi niya rin nakita kahit na ang hugis ng katawan nito. Kung hindi iyon ang may-ari ng villa ay baka isumbong naman siya sa may-ari kaya kailangang mahanap na niya si Meowington at makalabas na sila.
Kabado niyang inilibot ang mga mata sa paligid hanggang sa namataan niya ang pamilyar na bulto ng alaga niya. Nasa ilalim ito ng malaking kahoy at masama ang tingin sa itim na kuwagong nasa sanga ng puno.
Lakad-takbo ang ginawa niya para hulihin si Meowington, subalit bago pa man niya ito mahawakan ay tinalon na nito ang sanga kung saan nakadapo ang kuwago. Napanganga siya at tumahip nang malakas ang dibdib niya. Paano kung alaga pala ng may-ari ng villa ang kuwago? Talagang makakatay silang dalawa ni Meowington!
Naitakip niya ang mga kamay sa tapat ng mga mata. Nanlamig ang mga palad niya. Hindi niya kayang isipin ang posibleng sinapit ng kawawang kuwago sa matalas na kuko ni Meowington.
Dumaan ang ilang minuto. Nakapikit pa rin siya. Hanggang sa may biglang nagsalita.
“Who are you?”