Tumakas ng ospital si Lyrica. Tatlong araw na siyang naka-confine, at sa loob ng tatlong araw na iyon ay hindi siya mapakali. Hindi matahimik ang utak niya. Paano niya bubuhayin ang dalawang bata sa kanyang tiyan? Hindi nga niya alam kung kaya niyang buhayin ang sarili niya, paano pa ngayong may dalawang buhay ang umaasa sa kanya? Hindi na rin puwedeng tumunganga lang siya sa ospital at makipagtitigan sa kisame buong-araw gayung hindi niya alam kung ano na ang sitwasyon ng lola niya sa Maynila. Baka pinalabas na ito ng ospital? Kung na-discharge ito, saan naman ito titira? Sino ang mag-aalaga rito? Wala silang kamag-anak sa Maynila kaya masuwerte na lang kung may taong kusang mag-aalok ng tulong sa Lola Aurelia niya. Pero paano kung wala? Naisabunot ni Lyrica ang mga kamay sa buhok niya.