CHAPTER 6

1778 Words
“Bruhang ’to.” Pinakatitigan siyang maigi ni Moon. Hindi ito makapaniwala sa sinabi niya. Hindi siya kumurap para ipakita ritong seryoso siya, pinatigas din niya ang leeg. “Seryoso ka talaga?” mulagat ang mga matang paniniyak nito. “Seryoso nga,” diin niya. Tumayo si Moon at hinila rin siya patayo. Tapos ay malalaki ang hakbang na hinatak siya nito patungong gazebo. Walang tao r’un ngayon. Tahimik kaya mas makakapag-usap sila nang mabuti. “Gagi ka talagang babae ka. Ngayon ka magkuwento. Sino ba kasi ang lalaking iyan na gusto mong akitin?” “Ayoko ngang i-reveal kung sino.” “Sige, i-sekreto mo na ang pangalan, pero puwede mo naman sigurong i-describe, ’di ba? Kasi paano ko malalaman kung anong technique ang gagamitin sa lalaking iyan para maakit mo kung hindi ko nga alam kung anong klaseng tao iyan.” Napaisip siya. “Hmm. Tama ka.” Binalikan niya sa utak ang imahe ng lalaki. “Matangkad. Feeling ko 6’7”.” Napaubo si Moon. “Luka-loka ka, saan mo napulot ang higanteng iyan? Ibabalibag ka niyan sa kama! Ay, naku! 'Napaka' mo talaga, girl!” Gigil siya nitong siniko sa tagiliran pero ang pangingislap sa mga mata nito ay patunay na na-excite ito sa kuwento niya. Gayunman ay pinamulahan pa rin siya ng mukha, hindi dahil nahihiya siya kundi dahil naisip niya rin iyong tungkol sa pagbalibag sa kanya sa kama ng may-ari ng Villa Serpentis. Ngayon sigurado na siya na sa kanya nagmana ang alaga niyang pusa… o baka siya ang nagmana rito. Pareho pala kasi silang may landi sa katawan. “Teka, ano’ng ‘napaka’ na sinasabi mo riyan?” tanong niya kay Moon kapagkuwan. “Napakatapang para akitin ang higanteng tsupapi!” nakangising tudyo ng kaibigan sa kanya. “At napakalandi rin! Grabe, kahit sa hinagap, hindi sumagi sa utak ko na mag-iisip kang mang-akit ng lalaki.” Natawa siya sa ekspresyon ng mukha ni Moon. Mukha itong windang na windang sa kanya. Kung pagbabatayan kasi ang pagkakakilala ng lahat sa kanya ay hindi nga maiisip ng mga ito na babalakin niyang mang-akit ng lalaki. She was not the prim and proper type, but she was known to be friendly and kind. Hindi rin siya minsan man nagpahayag ng interes sa lalaki. Palagi niyang sinasabi na wala pa sa isip niya ang pagkakaroon ng nobyo. Pero hindi totoo iyon. Ang tunay na dahilan kung bakit wala siyang pinapansin sa mga manliligaw niya ay dahil wala sa kanila ang bumuhay sa interes niya at nakakuha sa kanyang atensyon. Ngunit ang lalaking may-ari ng Villa Serpentis, unang paglalapat palang ng mga mata nila ay alam na agad niyang ito ang gusto niya. Ito ang klase ng lalaking gusto niyang maging nobyo at mapangasawa. Kinalabit siya ni Moon. “Bruha, nagdi-daydream ka na agad diyan sa tsupapi mo? Ang landi talaga!” Kumibot ang mga labi nito at may kislap ng panunudyo sa mga mata ng kaibigan habang nakatitig sa kanya. “Sige na, malandi na kung malandi, pero turuan mo na muna ako kung paano mang-akit.” “Oo nga pala. Ano na’ng edad niyang target mo?” “Hmm. Tingin ko nasa 30s.” “Ha? Age gap ang trip mo, girl? Tanda na niyan. Maghanap ka kaya ng bata-bata naman. Baka nalilito lang iyang puso mo?” Sinimangutan niya ang kaibigan. “Bakit ba mas marunong ka pa sa puso ko? Alam ko kung ano ang gusto ko, at gusto ko ang lalaking ito.” “Kahit tanders na?” “Tanders na ba agad ang treinta?” “Sabagay hindi naman importante ang edad. Ang mahalaga ay matibay pa ang tuhod kapag nagsimula na ang patungan sa kama.” “Hoooy!” saway niya rito, napalingap sa paligid. Ngiting malapad lang ang itinugon nito sa pagsaway niya rito. “Baka mukhang tagasisid ng p*ke ang hitsura niyan, ha?” “Grabe ka, Moon, hindi siya mukhang ganiyan. At lagyan mo naman ng preno iyang bibig mo, ang bastos, eh.” Humagikhik ito. Matapos niyang sabihin sa kaibigan ang lahat ng mga detalyeng kailangan nito ay tinuruan na siya nito kung paanong lumandi. Kung marunong lang sana siya ay hindi na niya ito kakausapin tungkol d’un, kaso ay wala pa nga siyang naging boyfriend at hindi siya interesado dati sa mga lalaking umaali-aligid sa kanya. Ngayon kung gugustuhin niyang mapasakanya ang masungit na lalaking nagpapintig sa puso niya ay kailangang may armas siya. At ang magiging armas niya ay ang mga bagay na siyang itinuturo sa kanya ngayon ng kaibigan. _____ “KUYA, papasukin mo na ako. Nagtitinda ako ng mga kakanin. Sigurado akong magugustuhan ito ng amo mo kapag natikman niya,” pamimilit niya sa guwardiya na ayaw siyang papasukin at nakaharang sa tapat ng gate. Malaking tao ito at nakasimangot sa kanya. “Bawal nga rito ang mga tindera, lalo na ang kagaya mong…” Sinuyod siya nito ng tingin mula ulo pababa, pero walang pagnanasa sa mga mata nito, “…kagaya mong ganiyan manamit.” Namilog ang mga mata niya. “Ano’ng masama sa suot ko?” Alam niyang mapang-akit nga ang damit niya. Sinadya niya iyon. Gusto nga kasi niyang akitin ang may-ari ng villa, ’di ba? Naka-maikli at masikip na bestida siya. Hanggang kalahati lang ng hita niya ang haba ng laylayan niyon. Yumayapos ang tela sa kurba ng katawan niya. Kulay puti iyon para birhen na birhen ang dating niya. Kahit sa totoo lang, pakiramdam niya ay birhen siyang gagawing pang-alay sa mga anito. “Alam kong alam mo kung ano ang gusto kong tumbukin. Umalis ka na,” pagtataboy nito sa kanya. Nanlumo ang dalaga. Requirement ba ng may-ari ng villa na kapareha nito ng ugali ang mga magtatrabaho para ritong security? “Kuya naman, eh. Ganito na lang, libre na ang meryenda mo sa akin basta papasukin mo lang ako.” “Hindi puwede.” Sa loob-loob ay napapaungol na siya sa eksasperasyon. Kasingtigas naman ng bakal ang paninindigan ng guwardiya. Hindi niya ito matinag. “Lyrica, ikaw ba iyan? Ano ang ginagawa mo rito?” Napalingon siya sa bagong dating. Ang nagtatakang mukha ng tiyuhin niya ang tumambad sa kanya. Nagpatung-patong ang gatla sa noo nito nang makita ang suot niya at ang hawak niyang bilao ng mga kakanin. “Ano iyan? Iyang suot mo at ang hawak mo.” “Tiyo Abner!” Nabuhayan siya ng loob. Nakakita siya ng ticket para makapasok sa loob ng Villa Serpentis. Dali-dali siyang lumapit sa tiyuhin niya at inilingkis ang kamay sa braso nito. “Tiyo, ikaw talaga ang sadya ko rito.” “Ako?” litong tanong nito, puno ng pagdududa ang tinging ipinupukol nito sa kanya. “Opo!” “Eh, bakit ganiyan ang suot mo?” “Kaya lang naman ganito ang suot ko dahil galing ho ako sa beauty pageant,” palusot niya. Napaghandaan na niya ang isasagot dito. Naisip niya kasi na hindi malabong makasalubong niya ang tiyo niya sa loob ng villa. Hindi niya lang akalaing sa tapat ng gate niya ito makakaharap. “Sumali ako sa beauty pageant, Tiyo Abner, at siyempre ako ang tinanghal na reyna ng buong Santo Rosario.” Ang sinambit niya ay ang barangay nila. “Kailan ka pa nahilig sa mga ganiyan? Hindi ka nga sumali noong elementarya ka sa Little Miss Santa Catalina kahit na muntik ka nang paluhurin ng Nanay Aurelia sa monggo dahil naka-oo na si Nanay sa eskuwelahan pero ayaw mo.” Natigilan siya. Naalala niya iyon. Hanggang ngayon ay ayaw pa rin naman niyang sumali sa mga pa-contest sa pagandahan. Hindi lang talaga siya interesado. Gawa-gawa lang naman niya ang kunwari ay pagsali niya ng beauty contest. “Late bloomer lang ako, tiyo. Dati mahiyain ako kaya ayaw kong sumali. Ngayon, confident na ako.” “Mahiyain? Sino’ng nagsabi niyan? Kung sino man ang nagsabing mahiyain ka, hindi ka niya kilala.” Napailing ang Tiyo Abner niya. “Umuwi ka na ng bahay at magpalit ka. Masyadong masikip iyang suot mo. Para kang kinulang sa tela. Maraming lalaki rito. Gusto mo bang pagpiyestahan iyang katawan mo?” “Pagpiyestahan agad? Isama mo na ako sa loob ng villa, tiyo. Dinalhan kita ng mga kakanin, o.” “Para ba talaga sa akin iyan?” “Opo!” pagsisinungaling niya. “Ang sabi mo kanina ay tindera ka ng mga kakanin at gusto mong ibenta iyan sa loob ng villa?” biglang singit ng guwardiya na kausap niya kanina. “Sinabi mong tindera ka ng mga kakanin?” baling sa kanya ng tiyuhin. Sumungaw ang tabinging ngiti sa mukha niya. “Nagbibiro lang naman ho ako. Surprise visit ko kasi sana ito sa ’yo, tiyo.” “Surprise visit?” Pauyam na natawa ang tiyo niya. “Huwag mo akong pinagloloko, Lyrica. Umuwi ka na.” Nandilat ang mga mata niya. “Mukha ba akong manloloko, tiyo? Nakakasakit naman kayo ng damdamin.” Napabuga ng hangin ang tiyuhin niya, mukhang nakukulitan na sa kanya. “Ano ba talaga ang gusto mo, Lyrica?” Hinigpitan niya ang pagkakalingkis ng kamay sa braso nito. “Isama mo ako sa loob, please.” “Bakit?” “Para may tagabitbit ka ng bilao. Kasi nga para sa iyo itong mga dala ko, ’di ba?” “Alam mong hindi ako naniniwala sa iyong bata ka, pero…” Tumingin ito sa guwardiya. “Puwede ko bang isama itong pamangkin ko sa loob? Mabilis lang.” “Patingin ng ID,” seryosong sabi ng guwardiya. Nagulat siya. Kailangan talagang magpresenta ng ID? Ang higpit naman. Gayunman ay napilitan pa rin siyang maglabas ng Identification Card. Nakasiksik ang pitaka niya sa ilalim ng malapad na dahon ng saging na siyang pinakasapin ng bilao. “Ito po.” Inabot niya iyon sa lalaki. Sinuri ng guwardiya ang ID niya. “Ikaw ’to?” “Hindi ba halata? Walang filter iyang picture ko riyan, baka akala mo. Original na mukha ko iyan. Tignan mo pa.” Hinablot niya ang ID at ipinuwesto sa tabi ng mukha niya para makumpara ng guwardiya kung pareho ang hitsura niya sa personal at sa ID. Tumango ang lalaki. “Sige, puwede ka nang pumasok.” Dumerecho kay Abner ang mga mata nito. “Pero responsibilidad mo iyan, Abner. Hindi iyan puwedeng gumala-gala na lang kung saan-saan sa loob.” “Oo, ako ang bahala rito sa pamangkin ko.” Gumilid ang lalaki at binuksan ang gate. Napangiti nang malawak si Lyrica. Sa wakas, legal na siyang makakapasok ng villa. Sa likod ng utak niya ay nakikita na niya ang mukha ng may-ari ng villa. Hintayin mo lang ako riyan, sana mapansin mo ang alindog ko, aniya sa isipan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD