SOBRANG pagod ko kanina sa trabaho ay muntik ko ng makalimutang dumaan sa locker at kunin ang mga gamit ko. Wala rin akong dalang kotse dahil malapit lang naman ang apartment ko dito. Mga nasa apat na kanto at kung dadaan ka sa shortcut ay baka tatlong kanto na lang. Ang problema, walang dumadaan sa shortcut na 'yon dahil may usap usapan na may lumalabas na engkanto. Minsan nga ay narinig ko pa ang usapan ng iba na baka tiyanak o manananggal.
Gusto kong matawa dahil wala akong paniwala sa mga ganoong bagay. Moderno na ang panahon at nasa parte kami ng s'yudad. Ang bayan ng La Guardia ay hindi masyadong kalakihan. Siguro ay nasa humigit kumulang isang libo lamang ang bilang ng mga taong naninirahan dito. Hindi ko masabing moderno dahil may ilang parte pa rin ang payak at pagsasaka ang ikinabubuhay.
Nang sulyapan ko ang wristwatch ko ay pasado alas onse na. Parang hindi ko kayang maglakad ng ganito kalayo ngayon at kung maghihintay naman ako ng bus ay magpapaikot ikot pa 'yon at aabutin ako ng isang oras bago makababa sa tapat ng apartment. Napagdesisyunan kong gamitin ang shortcut na madalas nilang pag-usapan. Matingnan kung totoo nga. What's the worse thing that can happen? Kung patay din lang ang magpapakita sa akin ay masyado na akong maraming pinag-aralan sa morgue para matakot pa --
"Aray!" natapilok ako sa kung anong bagay sa daan.
Ang tanging tanglaw na liwanag ay ang sinag ng buwan. Sinong hindi matatapilok nito eh wala naman akong night vision? Ewan ko ba naman sa mga opisyal ng bayang ito -- may poste nga, pundi naman ang ilaw! Hay naku! Magpapatuloy na sana ako sa paglalakad ng maisipan kong lingunin ang likod ko. Out of curiousity, kinuha ko sa bag ang maliit kong flashlight at tiningnan kung ano ito.
Well, what do you know? It's an old book. Parang wicca at may pentagram pa sa gitna. Sinilid ko sa bag ko at nagpatuloy sa paglalakad pauwi. Halos wala ng tao sa paligid bukod sa mangilan ngilan na naghihintay ng bus sa may kanto. Ang mga tindahan ay patay na ang ilaw mapwera sa convenience store na magdamag na bukas. Ang kalahati kasi nito ay pharmacy, sayang rin ang benta lalo at malapit sa hospital.
Sa wakas ay nakarating din ako sa apartment. Apat lang na palapag ito at nasa dulo ng second floor ang apartment ko. Ito ang isa sa mga oras na nagpapasalamat ako na hindi ko pinili ang unit sa pinakataas. Walang elevator ang building at ang paglalakad ko kanina pauwi ay parusa na, ano pa kaya kung aakyat ako ng apat na palapag -- baka tuluyan na akong matulog sa lobby.
Nang mai-lock ko ang pinto ay pinainit ko ang percolator at binalak magkape. Sa huli ay nagbago rin ang isip ko. Pinili kong maligo muna at ng maging maaliwalas ang aking pakiramdam. Nang matapos sa pagligo ay nagpalit ako ng pajama at nagtungo sa salas. Nagpalipat lipat ng channel sa tv pero walang nakitang magandang palabas.
Gusto ko ng ice cream. It's my comfort food. At least, may kaunti pang tira -- akala ko ay tuluyan na akong pinagtampuhan ng tadhana. Hinanap ko ang cellphone ko at nang hindi makita ay kinuha ko ang bag ko. Noon ko nakita ang librong napulot ko at naisipang sipatin ito. Anak ng kamote, anong klaseng salita ito? Latin ba ito o sadyang guri guri lang? Nang isara ko ito ay nahiwa ako ng metal sa corner nito at sapat para dumugo. Ang ilan ay pumatak pa sa libro.
Agad akong kumuha ng first aid kit at nilinis ang sugat ko saka nilagyan ng band aid. Sa ibang tao siguro ay natakot na at baka matetano dahil kalawangin na ang metal sa libro pero kumpleto naman ang turok ko kaya ayos lang. Bumalik ako sa couch at pinapak ang ice cream habang nagbabrowse sa cellphone ko ng eksaktong alas dose ay bumukas ang libro at gumalaw ang mga pahina nito. May bukas ba akong bintana? Tingin ko naman ay hindi kaya hipag ng hangin ang bigat ng cover ng libro.
At parang hindi pa sapat para gulatin ako, biglang may lumabas na aparisyon ng babae. Hindi ko mawari kung totoo ba s'ya o multo. Hindi ako nakaramdam ng kahit anong takot pero napuno ako ng tanong at kalituhan lalo na ng magsalita ito.
"Abre tus manos y enséñame lo que tienes," sabi nito.
Napanganga ako. Hindi Tagalog 'yon, paano ko maiintindihan? Nanatili akong nakatingin sa kanya at nakita ko nang bumahid ang pagkainip sa kanya. Marahil sa kahihintay na kausapin ko s'ya.
"Hindi ka nga pala nakakaintindi ng Espanyol. Ang sabi ko, buksan mo ang kamay mo at ipakita mo sa akin ang kapangyarihan mo," ulit nito sa Tagalog.
"S-sino ka ba?"
At anong kapangyarihan ang pinagsasasabi n'ya? Nababaliw na ba s'ya? Buksan daw ang kamay ko eh container lang ng ice cream na halos ubos na ang laman at kutsara lang ang kapit ko. Huwag mong sabihin na may magic ito? I think I may be hallucinating from fatigue.
"Ako si Kastelana Galen. Anong taon na ito?"
Hayun lang ang kalendaryo, hindi ba n'ya kita? Ang laki sa pader, nakasabit.
"Twenty twenty one. Sorry ha, pero hindi rin naman ako sobrang moderno manamit pero bakit -- ganyan ang suot mo? Saan ka ba galing?" tanong ko sa kanya.
"Dos mil veintiuno.." bigla s'yang napaisip. "Lampas na ng isang daang taon. Ilang taon ka na? Bente syete?" tanong n'ya sa akin.
"Bente otso. Bakit? Sa anong taon ka ba galing?" gustuhin ko mang tudyuin s'ya, I don't think this is the right time to make jokes.
"Mil ochocientos noventa y tres," bahagya s'yang bumuntong hininga. "Ngayon mo lang ba nakita ang librong ito?"
Tumango ako. "Oo, natisod ako sa alley kanina. Nang tingnan ko ay lumang libro pala," lakas loob kong sinubukan na hawakan s'ya at parang totoong tao naman s'ya. Lumapat ang daliri ko sa braso n'ya.
Napangiwi s'ya. "Totoo ako."
"Kung totoo ka, eh bakit ka galing sa libro? Paano ka nagkasya? Ano ka, pop-up?"
Napakamot ito sa leeg n'ya at sasagutin pa lang ang tanong ko ay may kumatok na sa pintuan ko. Sinenyasan ko s'yang huwag mag-salita. Lumapit ako sa pinto at sumilip sa peep hole.
Si Gabriel?! Anong ginagawa n'ya dito? At bakit may dala s'yang pagkain. . . at bulaklak!?!