Nakapasok na ang sasakyan ni Luis sa loob ng lupain ng mga Olvidares ngunit wala pa ring nagsasalita isa man sa kanilang dalawa. Si Bettina ay mas pinili na ituon na lang ang kanyang mga mata sa labas ng sasakyan sa may panig niya.
Kahit hindi niya tingnan ang binatang kasama niya ay alam niya na panaka-naka ang paglingon nito sa kanyang kinauupuan. She could almost feel his stares at her. Halos gusto niya nang sumabog sa labis na pagkailang na kanyang nadarama dahil sa kaalaman na kasama niya ngayon ang binata.
"Kumusta ka na, Bettina? Ngayon ka lang ulit bumalik ng San Sebastian paglipas ng---" Saglit itong huminto sa pagsasalita na wari ba ay iniisip kung ano ang idudugtong sa mga sinasabi nito. "...anim na taon?"
Napalingon siya dito nang magsalita ang binata. Nakatutok ang mga mata nito sa unahan ng daan nang magtanong sa kanya.
Bettina can't help but to hold her breath. How can he talk so casually to her now? Paano ito nakakakilos nang normal na para bang walang naganap sa kanila ng binata noon? Na para bang maayos ang lahat sa pagitan nilang dalawa?
Habang siya ay heto at halos nakadarama na ng labis na pagkailang, isipin pa lamang na kasama niya ang binata sa loob ng iisang sasakyan. Yes, it has been six years since then. Iniisip niya na handa na siya kung sakali man na magkita silang muli ni Luis.
But things never happened just like what she expected it to be. Inaakala niya na kaya na niya itong makaharap muli pero hindi pa pala. Ngayon ay ni hindi niya alam kung paano ba aakto sa harap nito. How would she talk to him? After everything that happened, paano niya nga ba ito pakikitunguhan ngayon?
Nahinto lamang ang mga tumatakbo sa kanyang isipan nang bigla ay lumingon sa kanyang direksyon si Luis. Nahuli pa siya nito na mataman na nakatitig sa mukha nito.
Agad na iniiwas ni Bettina ang kanyang paningin mula dito. Mas pinili niya na bumaling na lamang sa unahan ng owner-type jeep ng binata.
"N-Naging abala ako sa Manila kaya ngayon lang ulit ako nakabalik dito," tugon niya dito sa mahinang tinig.
"Are you working there?" usisa pa nito sa kanya. Sa muli ay kaswal lamang ang pagkakatanong nito. Wari ba ay gumagawa ito ng mapag-uusapan lamang nilang dalawa.
"Yes," saad niya dito kasabay ng marahan na pagtango. "Sa restaurant na pag-aari ng b-biological father ko."
Muli ay lumingon sa kanya si Luis bago nagsalita. "Nabalitaan ko nga ang tungkol sa---"
"Sa eskandalo ng aming pamilya," pagtatapos niya sa mga sinasabi nito. Mariin ang pagkakabanggit niya sa bawat salita.
Alam niya na makararating sa binata ang tungkol sa nangyari sa kanyang pamilya. Magkatabi lamang ang mga lupain na tinitirhan nila, idagdag pa na mag-asawa na ang kanilang mga amo, sina Vincent at Ysabella. Hindi na siya magtataka kung malaman man nito ang kwento tungkol sa kanyang ina.
Narinig niya ang marahan na pagpapakawala nito ng buntong-hininga. "Nabalitaan ko ang tungkol sa pagtungo mo sa totoo mong ama," wika nito sa kanya. Ni hindi nito pinansin ang mga sinabi niya kanina. And strange dahil ni hindi niya ito kinaringgan ng paghusga. Again, he was just talking casually.
Dumaan sa kanila ang mahabang katahimikan. Ni hindi na niya ito sinagot pa. Ang kanyang mga mata ay itinuon na lamang niya sa labas ng sasakyan nito. Hindi na rin muling nagtanong pa ang binata. Tahimik na lamang ito na nagmaneho.
Hanggang sa mayamaya ay huminto na ang sasakyang iminamaneho ni Luis sa harap mismo ng bahay na pag-aari ng kanyang pamilya.
Ang bahay na iyon ay nakatayo sa loob ng lupain ng mga Olvidares. Ayon sa kanyang Lola Corazon ay nagbahagi ng parte ang may-ari ng lupain na iyon sa ilang tapat at matatagal nang tauhan ng Rancho Olvidares. Si Don Benedict, ang ama ng kanilang boss na si Vincent, ang nagpasya na bigyan ng ilang parte ng lupa ang ilang tauhan ng rancho.
Dahil sa namamasukan ang kanyang Lola Corazon sa bahay ng mga Olvidares ay sa bahay-rancho ito namamalagi, dahilan para ang kanyang ina na si Romina ang manirahan sa bahay na iyon nang nabubuhay pa ito.
Nang mawala ang kanyang ina ay ang asawa nito na si Reynaldo ang tumao sa bahay na iyon kasama ang kapatid niya sa ina na si Ricky. Habang siya noon ay nagpasya na sumama sa kanyang Lola Corazon na mamasukan sa mga Olvidares.
Matagal niya munang pinagmasdan ang naturang bahay. Sa paglipas ng mga taon ay halos wala ring nabago sa lugar. Ganoon pa rin ang hitsura niyon maliban sa mas lalo nang naluma ang ilang materyales na siyang ginamit sa pagpapatayo ng bahay.
"Ako na lamang ang magdadala ng mga gamit mo," narinig niyang saad ni Luis.
Bago pa man siya makapagsalita ay nakababa na ito mula sa sasakyan at agad na kinuha ang mga dala niyang gamit na nasa likuran lamang ng owner-type jeep nito.
Sumunod sa pagbaba si Bettina at agad din na linapitan ang binata. Akma niyang kukunin ang kanyang mga gamit mula sa binata nang iiwas nito ang mga iyon mula sa kanya.
"Ako na lang ang magdadala ng mga iyan," wika niya dito.
"Ako na lamang, Bettina," giit nito sa kanya.
"Luis..." Nais niya pa sanang ipilit dito na makuha ang kanyang mga gamit nang bigla ay may magsalita mula sa kanyang likuran.
"Nariyan ka pala, Luis. Maaari ba akong makisuyo---"
Agad din na nahinto ang nagsasalita nang lumingon siya at makilala nito. Maging si Bettina ay halos mapako sa kanyang kinatatayuan habang pinagmamasdan ang taong nakatayo sa kanilang harapan.
Sa paglipas ng mga taon ay hindi niya pa rin alam kung ano at paano pakikiharapan ito. Ni hindi niya alam kung hanggang ngayon ba ay ganoon pa rin ang pakikitungo nito sa kanya--- malamig at halos walang pakialam.
"M-Magandang... Magandang araw ho, 'tay," wika niya sa mahinang tinig. Agad din siyang lumapit dito para sana makapagmano ngunit disimulado itong umiwas sa kanya at mas binalingan si Luis.
"Nagpasabi si Senyorito Vincent na may mga dala sila mula sa Maynila para magamit sa burol ni Nanay Corazon. Makikisuyo sana ako kung maaaring magamit ang sasakyan mo, Luis," wika ng kanyang Tatay Reynaldo kay Luis. Nagsalita ito na wari ba ay wala ang kanyang presensiya.
"Ayos lang naman ho, Mang Reynaldo. Ipapasok ko lang ho itong mga gamit ni Bettina," tukoy ni Luis sa mga gamit niya na bitbit pa nito. Napansin niya pa ang bahagyang paglingon sa kanya ng binata. Alam niya na hindi nakaligtas dito ang ginawang pagbabalewala sa kanya ng kanyang Tatay Reynaldo.
"Iwan mo na lamang, Luis. Dating tumira dito si Bettina. Maliit lang naman ang bahay namin para maligaw pa siya," saad nito sa nanunuyang tono. Ni hindi man lang ito lumingon sa kanya. "Maliit lang ang bahay na ito kung ikukumpara sa bahay ng kanyang ama."
Sunod-sunod na paglunok ang ginawa ni Bettina nang marinig niya ang mga tinuran ng kanyang Tatay Reynaldo. Halos gusto niyang maluha sa kalamigan ng pakikitungo nito sa kanya.
So, nasagot ang katanungan sa kanyang isipan. Lumipas na ang maraming taon ngunit hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo nito sa kanya. He was still cold and distant to her. Noon pa man ay ganoon na ito sa kanya. Kinalakihan na niya ang pakikitungo nitong ganoon.
Tumikhim si Luis upang basagin ang nakaiilang na sitwasyon. Pinaglipat-lipat pa nito ang mga mata sa kanya at sa kanyang Tatay Reynaldo.
"Ayos lang ho sa akin, Mang Reynaldo," wika nito sa matandang lalaki bago siya naman ang binalingan. "Ipapasok ko lang ang mga gamit mo."
Hindi siya sumagot sa binata. Kahit ang tumango ay hindi niya magawa. Nababalot ang kanyang dibdib ng sakit sa kaalaman na hanggang ngayon ay hindi pa rin pala siya magawang tanggapin ng asawa ng kanyang ina... ng lalaki na siyang kinalakihan niyang ama bago pa man niya makilala ang kanyang tunay na ama.
Naglakad na nga si Luis patungo sa kabahayan upang ipasok ang kanyang mga gamit. Nang maiwan na lamang sila ni Reynaldo ay agad din itong pumihit upang sundan na ang binata.
"'Tay..." tawag niya dito sa mahinang tinig. Dahilan iyon upang mahinto ito sa akmang pagpasok sa loob ng bahay. "Hanggang ngayon ho ba ay---"
"Apo ka ni Nanay Corazon. Sa kanya ka lumaki bago mo pa man mas piliin na sumama sa totoo mong ama kaya mauunawaan ko kung naparito ka," anito sa nanunumbat na tinig. "Alam ko naman na hindi ka magtatagal sa lugar na ito, hindi ba? Mas pipiliin mo pa rin ang maalwan na buhay na ibinibigay sa iyo ng iyong ama."
Ramdam niya sa tinig nito ang hinanakit. Gusto niyang itama ang mga sinabi nito. Gusto niyang sabihin na mali ito ng hinuha. Hindi siya umalis ng San Sebastian para mas piliin ang sumama sa kanyang tunay na ama. Hindi niya pinili na manirahan sa Manila dahil sa maginhawang buhay na mayroon ito.
Gusto niya sabihin ang totoong dahilan. Na umalis siya ng bayan na iyon upang makalimot sa lahat ng nangyari sa kanila ni Luis. Na umalis siya ng lugar na iyon upang paghilumin ang sugat na naidulot ng pagmamahal niya sa isang lalaki na ibang babae ang itinatangi.
Ngunit hindi niya magawa. Ni walang salitang namutawi mula sa kanyang bibig. Walang sino man sa taga-San Sebastian ang may alam ng naging ugnayan nila ni Luis. Hindi niya rin kayang sabihin iyon kanino man.
Hinayaan na lamang niya na ganoon nga ang isipin ng kinalakihan niyang ama, na mas pinili niya nga na sumama sa kanyang totoong ama kaysa ang manatili sa lugar na iyon.
Magsasalita pa sana ito nang mamataan nila ang muling paglabas ni Luis mula sa kabahayan. Binalingan nito ang kanyang Tatay Reynaldo.
"Sa bahay ho ba ng mga Olvidares kukunin, Mang Reynaldo?" tanong nito sa matanda.
"Oo, Luis. Iyon ang sabi ng senyorito kaninang pagpunta nila dito," tugon nito. "Salamat, hijo."
"Wala ho na anuman."
Tumango pang muli ang matandang lalaki bago itinuloy na ang pagpasok sa loob ng kabahayan. Ni hindi man lang ito nag-abala pa na tumingin sa kanya.
Nang mawala na sa kanilang harapan ang matandang lalaki ay napatitig si Luis sa kanyang mukha. Matagal na pinagmasdan siya nito bago muling magsalita.
"Pumasok ka na sa loob, Bettina. Alam ko na pagod ka sa pagmamaneho mula sa Maynila," banayad na wika sa kanya ni Luis. "Nakikiramay ulit ako sa pagkawala ni Nana Corazon."
"S-Salamat sa paghatid."
"Sana ay maging maayos na ang lahat sa pagitan ninyo ng tatay mo," saad pa nito sa kanya.
Isang tipid na ngiti na lamang ang ginawa niya bilang tugon dito. Hindi na siya nagbigay pa ng ano mang komento. Umusal ulit siya ng pasasalamat para dito bago humakbang na palapit sa bahay na siyang naging tirahan niya mula pa pagkabata.
Ngunit bago pa man siya tuluyang makapasok roon ay muli niyang narinig ang tinig ni Luis.
"Bettina..." tawag nito sa kanya dahilan para muli siyang mapalingon dito.
Matagal bago nagsalita ang binata. Nakamasid lamang siya dito habang naghihintay ng iba pa nitong sasabihin.
"Masaya akong makita ka muli," wika nito sa kanya sa seryosong tinig pagkaraan ng ilang saglit. "May kailangan tayong pag-usapan. Alam mo iyan."
Hindi siya nakapagsalita nang marinig niya ang mga sinabi nito. Hindi siya tanga para hindi maintindihan ang mga sinabi ng binata. Alam niya kung ano ang tinutukoy nito. Kung ano man ang rason nito para gustuhin na pag-usapan nila ang tungkol sa bagay na iyon ay hindi niya alam.
"Ayokong isipin mo na wala akong konsiderasyon. Alam kong nasasaktan ka sa pagkawala ng taong siyang halos nagpalaki sa iyo," muling saad nito. "Pero hindi ka aalis sa lugar na ito nang hindi tayo nakakapag-usap. Alam mo kung tungkol saan ang ibig kong tukuyin, Bettina."
Hindi na siya nito hinintay pa na makatugon. Pagkawika niyon ay naglakad na ito palapit sa sasakyan nito at doon ay sumakay na. Binuhay na nito ang makina ng owner-type jeep at nagmaneho na paalis. Alam niya na patungo ito sa bahay ng mga Olvidares para kunin ang kung ano man na tinutukoy ng kanyang Tatay Reynaldo.
Sinundan na lamang niya ito ng tanaw hanggang sa mawala sa kanyang mga paningin ang sasakyan ng binata.
Hindi niya alam kung ano ang dapat isipin dahil sa mga sinabi nito.
Nais nitong mag-usap silang dalawa. Hindi mahirap hulaan na tungkol sa nangyari sa kanilang dalawa ang tinutukoy nito.
Why would he want to talk about it? At bakit nga ba gugustuhin pa nito na pag-usapan nila ang tungkol sa bagay na iyon? Bakit kailangan pa nilang balikan iyon?
And would she ever allow for it to happen? Hahayaan niya pa bang mabuksan ulit ang sugat na matagal niya nang pinaghilom?