Chapter 2
Almira
After 2 months
Mabigat ang aking pakiramdam nang gisingin ako ni Yaya, para mag-almusal. “Almira, gumising ka na at tanghali na. Naghihintay na sa hapagkainan ang mga magulang at Ate mo. Mag-almusal ka na.’’
Para sa kanila kasi ang alas-sais ng umaga ay tanghali na. Bumangon ako at nag-zombie walk patungo sa aking banyo.
“Sige na Yaya. Bababa na ako.’’
“Siya, sige. Iligpit ko lang muna itong higaan mo.’’
Nag-toothbrush na ako at pagkatapos ay maghihilamos. Ito palagi ang morning routine namin ni Yaya. Siya ang nagliligpit ng higaan ko pati ang mga marurumi kong damit siya ang naglalaba. Siya rin ang nagtutupi at naglalagay sa cabinet ko.
Maghilamos na sana ako ng bigla na lang ako naduwal. Pakiramdam ko hinahalungkat ang aking tiyan. Naamoy ko lang ang sabon na palagi kong ginagamit sa aking mukha ay parang naglalaway na ako.
“Bwahh,’’ sunod-sunod na pagduwal ko. Agad naman pumasok si Yaya sa banyo para tingnan ako.
“Masama ba ang pakiramdam mo?’’ tanong niya habang hinahagod ang likod ko.
“Masakit ang tiyan ko. Yaya,’’ sabi ko nang makapagmumog na ako.
“Ano ba ang kinain mo? Kaya mo bang bumaba? Gusto mo dalhan na lang kita rito nang pagkain?’’ tanong nito sa akin.
“Hindi na, Yaya. Kaya ko naman ang sakit. Baka rereglahin lang ako,’’ tanggi ko sa kaniya.
“Sigurado ka? Kung kaya mo bumaba ka na. Nakakahiya kay Samuel na pinaghihintay mo.’’
Nanlaki kaagad ang mga mata ko nang marinig ang sinabi ni Yaya.
“Nariyan si Samuel?’’ Hindi makaila sa mukha ko ang tuwa habang tinatanong si Yaya.
“Oo, dito na siya pinaalmusal nang Ate mo dahil sabay sabay na sila papasok sa trabaho. Idadaan lang ni Samuel ang Ate mo sa trabaho nito. Masanay ka na Kuya Samuel ang itawag mo dahil sa susunod daw na linggo mamanhikan na raw ang Kuya Samuel mo sa Ate mo Alena.’’
Medyo kumirot nang bahagya ang puso ko nang sabihin ni Yaya na mamanhikan na si Samuel sa Ate ko. Simula noong nakasayaw ko si Samuel sa birthday ko, malamig ang pakikitungo nito sa akin na hindi ko maintindihan kung bakit? Hindi kaya, naalala niya na may nangyari sa amin? Pero, ang Ate Alena ko ang binabanggit niya nang araw na iyon. Ang Ate Alena ko lang ang nilalaman ng puso niya, ngunit hindi ko pinagsisihan na ibinigay ko sa kaniya ang sarili kong dangal. Iba pala talaga ang nagagawa ng pag-ibig. ‘Yong lahat na gagawin mo akala mo tama. Ganoon ko kamahal si Samuel. Lahat gagawin ko para mapasa akin lang siya.
Subalit sa tuwing tinitingnan ko ang Ate Alena ko hindi maiiwasan na hindi ako ma-guilty. Kaya nga pagkatapos ng graduation ko hindi na ako bumaba o lumalabas ng silid ko sa tuwing nariyan si Samuel.
Subalit sa pagkakataong ito, kailangan ko siyang harapin na parang walang may nangyari sa amin.
“Mauna na ako baba sa’yo, Yaya. Pakihanda na rin po ng susuotin ko dahil pupunta ako sa paaralan na pag-e-enroll-an ko,’’ Utos ko kay Yaya bago ako lumabas ng aking silid.
“Sige ako na ang bahala kung ano ang susuotin mo,’’ habol na sagot ni Yaya nang nasa labas na ako ng aking silid.
Bumuntong-hininga muna ako ng malalim bago ako bumaba ng hagdan. Sa sala pa lang ako ay narinig ko na ang halakhak ni Daddy, habang nakikipag-usap kay Samuel. “Gusto ko kapag ikinasal na kayo bigyan ninyo ako ng maraming apo,’’ narinig ko pang sabi ni Daddy kay Samuel at Ate Alena.
“Hahaha… Sure, Tito. Bibigyan namin kayo ng isang dosenang apo, ‘di ba, hon?’’ sagot naman ni Samuel kay Daddy saka tinanong pa si Ate.
Natigil ang tawanan nila nang sumulpot ako sa pintuan.
“Sweetheart, maupo ka na,’’ utos ni Ate sa akin.
Naupo ako sa puwesto ko sa tabi ni Mommy, habang nakaharap kay Ate Alena at Samuel.
Hindi man lang ako tinapunan ng tingin ni Kuya.
“Kumain na tayo dahil kompleto na tayo,’’ wika ni Mommy.
Nagsimula na nga kaming kumain. Nang maamoy ko ang umuusok na kanin ay bigla na naman sumama ang pakiramdam ko. Pinipigilan ko lang ang hindi maduwal. Parang ang baho ng kanin.
“Almira, ano ba ang kukunin mong kurso? May napili ka na ba?’’ Hindi naman ako nakaligtaan na tanungin ni Daddy tungkol sa kursong kukunin ko. “Titingnan ko pa mamaya, Dad. Hindi kasi kaya ng utak ko ang kurso na gusto niyong ipakuha sa akin. Ayaw ko po maging accounting. Ayaw ko rin mo mag business management. Ayaw ko rin po maging teacher. Mas lalong ayaw ko ng doktor,’’ sagot ko kay Daddy.
Totoong mahina naman talaga ang utak ko. Hindi katulad ni Ate na ang talino niya. SInalo niya na yata lahat ng katalinuhan ng mga magulang namin, kaya favorite anak siya sa aming dalawa ng mga magulang namin. Lahat ng papuri na kay Ate.
“Hindi ko alam kung saan ka ba talaga nagmana na bata ka. Kaya, huwag kang magtampo kung darating ang araw na sa Ate mo lahat mapupunta ang mga pinaghirapan namin ng Mommy mo. Parang wala kang pangarap sa buhay,’’ umaga pang panenermon ni Daddy sa akin. Nahiya tuloy ako kay Samuel na tahimik lang kumakain.
“Nasa harap tayo ng pagkain, Dad. Nakakahiya naman sa magiging manugang natin na ang aga-aga senesermonan mo itong bunso natin. Ang mabuti pa balik tayo sa pinag-uusapan natin kanina,’’ awat ni Mommy kay Daddy.
Nilaro-laruan ko lang ang pagkain kanin dahil parang wala ako gana kumain.
“So, sigurado na ba Samuel na sa susunod na linggo ka mamanhikan? Kasama ba ang mga magulang mo?’’ tanong ni Daddy kay Samuel.
“Opo, Tito. Magdadala raw sila ng litson na baboy. Iimbitahan sana nila ang mga kamag-anak namin, kaso gusto namin ni Alena na tayo-tayo lang para makapag-usap ng maayos. Gusto ko kasi magulat ang publiko sa sa araw ng kasal namin ni Alena," wika ni Samuel kay Daddy.
Parang gusto ko umiyak dahil ikakasal na ang Ate ko sa lalake na mahal namin pareho. Subalit ako lang naman ang nakakaalam na may gusto ako kay Samuel.
"Desisyon niyo pa rin ni Alena ang masusunod, Iho," tugon Ni Daddy sa sinabi ni Samuel.
“Almira, wala ka bang gana kumain? Kanina pa kita napapansin na pinaglalaruan mo ang kanin,’’ puna ni Ate sa akin. Hindi ko alam na nasa akin pala ang atensyon niya.
“Medyo masakit po kasi ang tiyan ko, Ate. Gatas na lang po ang iinumin ko,’’ sagot ko kay Ate Alena. Kinuha ko ang gatas na nasa tabi ko. HIndi mawawala ang gatas sa gilid ng aking plato sa tuwing umaga. Pinagtimpla pa ako ni Yaya. Kung minsan si Ate naman ang nagtitimpla para sa akin.
“Ayan kasi, kung ano oras ka na natutulog. Bilisan mo at samahan kita magpa-check up kay doktora,’’ wika ni Mommy sa akin.
“Okay, lang ako, Mom. Hindi ko na po kailangan magpa-check up,’’ tugon ko kay Mommy. Ininom ko na ang gatas.
“Hindi puwede na hindi ka magpa-check up. Mabuti na ‘yong maagapan kung ano ang sakit mo,’’ pagpupumilit naman ni Mommy sa akin.
Kahit lagnat lang dito sa loob ng bahay ay kailangan pa pumunta sa family doktor namin. Ganoon kaingrat ang aking pamilya pagdating sa kalusugan.
“Almira, huwag na matigas ang ulo mo. Baka mamaya may sakit ka, at least kung ano man iyon maagapan kaagad ng gamot,’’ malambing na sabi ni Ate Alena sa akin.
Hindi na ako tumanggi pa dahil wala naman akong laban sa kanila. “Mom, mabuti pa kami na lang ni Samuel ang sasama kay Almira. Dadaanan naman namin ni Samuel ang clinic ni Dok Villamor,’’ wika ni Ate na agad naman sinang-ayunan ni Mommy. Si Doktor Carmen Villamor ay malapit na kaibigan ng pamilya namin.
“Mukhang maputla ka yata, Iha. Mabuti pa tigil-tigilan mo ang pagpupuyat sa gabi. Lumabas-labas ka rin ng bahay hindi ‘yong nakakulong ka rito,’’ sabi naman ni Daddy sa akin. Simula kasi nang grumaduate ako ng Sr high ay hindi na ako nakakalabas ng bahay. Kahit nga pagpunta sa mall hindi ko na nagagawa. Kapag may gusto naman akong bilhin sa online shop na lang ako bumibili.
“Siya sige, dahil marami pa akong gagawin sa opisina,’’ sang-ayon ni Mommy sa suhestiyon ni Ate.
Lumipas ang ilang minuto natapos na rin kami kumain. Naligo na nga ako at nagbihis. Kaunting suklay lang ang ginawa ko sa inat kong buhok. At syempre hindi ko nakaligtaan na mag-spray ng pabango na trending ngayon sa isang social media.
Subalit nang dumikit ang amoy nito sa aking damit ay para akong nahilo sa amoy. Ang tapang na ng amoy nito sa ilong ko, kaya pinalitan ko na lang ang aking suot na damit. Nagkalat na naman ang mga tinuping damit ko ni Yaya nang kunin ko ito sa lalagyan. Hindi siguro ako mabuhay na wala si Yaya.
Dali-dali na akong bumaba nang marinig ko ang busina ng sasakyan ni Samuel. Ako na lang ang hinihintay nila.
Lumabas na ako ng bahay at sumakay sa sasakyan ni Samuel. Sa likod ako ni Ate umupo dahil nasa front seat siya.
“Maaga ka ba mag-out, Hon?’’ tanong ni Samuel kay Ate. Sinimulan na rin nito patakbuhin ang sasakyan.
“Alas-kwatro mag-out na ako, Hon. Tapos na kasi ang mga report ko. Bakit mo naitanong?’’ malumanay na boses ni Ate na tanong kay Samuel.
Tahimik lang ako sa likuran habang nag-uusap sila.
“Susunduin kita mamaya sa Paranaque tayo kakain. Sa bahay nila Mommy at Daddy,’’ aya ni Samuel kay Ate.
Gustong-gusto rin naman si Ate ng mga magulang ni Samuel. Tatlong magkapatid sina Samuel. Siya ang panganay at ang pangalawa si Nemuel na nasa Canada na dahil doon ito magta-trabaho. Ayaw naman kasi ni Nemuel magtrabaho sa kompanya nila dahil gusto pa raw nito na subukan ang buhay sa ibang bansa. Si Ashley naman medtech ang kinuhang kurso, kaya tiyak na hindi na kami madalas magkita. Si Ashley ang bunsong kapatid ni Samuel.
“Akala ko ba sa Bicol ang mga parent mo?” tanong ni Ate kay Samuel.
Mayroon kasing sariling strawberry farm sa Bicol sina Samuel. Malayo man ito sa Manila, subalit napakatamis ng strawberry nila. Sa tuwing nagha-harvest kasi ang pamilya ni Samuel ay hindi puwede na hindi mabigyan si Ate.
“Tumawag si Mommy kanina habang nagbibihis ka. Nasa byahe na raw sila ngayon. Marami raw silang mga dala na prutas at syempre ang strawberry at mga gulay. Kaya, bilin niya na doon na tayo mag-dinner sa mansion.’’
Tumango-tango naman si Ate sa sinabi ni Samuel. “Sige, na miss ko na ang luto ni Tita na bicol express.’’
Napakibot na lang ako ng gilid ng aking labi habang nakikinig sa usapan nila.
“Ate, huwag niyo na po akong samahan kay Doctor Villamor. Ako na lang mag-isa pupunta roon. Baka ma late na po kayo sa trabaho,’’ sabi ko kay Ate. Sa Pasay ang kaniyang trabaho, habang si Samuel naman sa ortigas. Sa Boni lang naman ang family doctor namin.
“Ma-late na nga ako, pero okay lang samahan na kita.’’ Pagpupumilit naman ni Ate.
“Huwag na po, Ate. Pagkatapos ko kasi magpa-check up tutuloy ako sa Ateneo. Kukuha po ako ng exam,’’ sabi ko kay Ate.
“Siya sige. Basta sigurado ka na okay lang sa’yo, ha? Tawagan mo kaagad ako kung ano ang resulta ng pa check up mo.’’
Tumango lang ako kay Ate. Bumaling naman siya kay Samuel. ‘’Hon, idaan mo na lang ako sa opisina. Tapos idaan mo na lang si Almira sa clinic ni Dr. Villamor.
“Sige, Hon,’’ tipid lang na sagot ni Samuel.
“Sabay na po tayo bababa, Ate. Magta-taxi na lang po ako. Nakakahiya naman po kay Samuel,’’ sabi ko kay Ate. Ang totoo ayaw ko na dalawa na lang kami ni Samuel. Gusto ko na rin umiwas sa kaniya dahil malapit na nga silang ikasal ni Ate.
“Okay, lang, Almira. Hindi naman ako nagmamadali, kaya ihatid kita sa clinic ni Dr. Villamor,’’ malamig na sabi ni Samuel sa akin.
“Huwag ka na mahiya kay Kuya Samuel mo. Gusto ko pagdating ng kasal namin ikaw ang maid of honor ko,’’ nakangiti pang sabi ni Ate sa akin.
Tipid lang akong ngumiti kay Ate. Pagdating namin sa Pasay ay bumaba na nga si Ate. Humalik muna si Samuel sa pisngi ni Ate, bago bumaba si Ate.
“Ingat kayo,’’ sabi ni Ate nang nakababa na siya. Kumaway pa siya sa amin ni Samuel, bago siya pumasok sa mataas na building.
“Lumipat ka rito sa harap, Almira,’’ malamig na utos ni Samuel. Parang nakakabingi ang boses niya sa sobrang lamig.
“Ho?’’ naiilang kong tanong. Hindi ko kasi alam kung paano ako makipag-usap na sa kaniya simula noong may nangyari sa amin.
“I don't want to repeat what I said. You're not deaf right?” May kasamang pangungutya niyang sabi sa akin.
Bumaba ako sa likuran at lumipat sa front seat. Walang sabi-sabi ay pinatakbo niya ng mabilis ang kaniyang kotse.
“Last question, Almira. Pumasok ka ba sa silid ko noong last ninyong pumunta ni Ashley sa pamamahay ko?’’ tanong ni Samuel na minsan niya na rin tinanong sa akin noon.
“Ano naman ang gagawin ko sa silid mo, Samuel? Hanggang sala lang ako, noh? Bakit ba pinipilit mong sagutin ko kung pumasok ako sa silid mo?’’ tanong ko sa kaniya habang ang mga mata ko sa labas ng bintana ng sasakyan.
Tumango-tango siya na para bang hindi naniniwala sa sinabi ko. “Gusto ko lang makasigurado na hindi ka pumasok ng araw na iyon sa silid ko. Ikakasal na kami ng Ate mo at alam mo naman siguro kung gaano ko kamahal ang Ate mo. Ayaw ko lang masira ang relasyon naming dalawa.’’
Lalo akong kinakabahan. Talagang wala siguro siyang matandaan na siya ang nagdala sa akin sa silid niya. Sa bar counter pa lang kami ng bahay niya nang hinalikan niya ako. Siguro napagkamalan niya ako si Ate nang halikan niya ang labi ko dahil sa sobra niyang kalasingan. Syempre, natangay rin ako sa mga halik niya at siya ang kauna-unahang lalake na humalik sa akin. Hindi ko na rin napigilan ang nagbubugso kong damdamin nang araw na iyon kay Samuel. Kaya, kahit alam kong mali hinayaan ko na ibigay ko sa kaniya ang aking sarili.
“Ano naman ang gagawin ko sa silid mo, Samuel? Umuwi na rin ako kaagad ng araw na ‘yon,’’ pagsisinungaling kong sagot sa kaniya.
Bahagya pang gumalaw ang kaniyang panga. May kinuha siya sa bulsa ng bag ng kaniyang laptop.
“Ito, paano mo ito mapaliwanag? Hikaw mo ito, hindi ba? Hindi mo ba hinahanap ang pares ng hikaw mo?’’ sabay pakita niya ng pares ng hikaw ko na nawawala.
Umawang ang mga labi ko habang nakatingin sa hikaw ko na hawak niya. “Sa-saan mo iyan nakita?’’ nabubulol kong tanong sa kaniya.
Huminto siya sa gilid ng kalsada at tiim bagang na tumingin sa akin. “Sa kwarto ko nakita ang hikaw mong iyan. At doon mismo sa kama kung saan may dugo na nakabakat. Kung hindi ka pumasok sa silid ko, paano napunta ang hikaw na ito sa kuwarto ko, ha?’’ Pahagis niyang inilapag ang pares ng hikaw ko sa aking kandungan. Bigay pa ito ni Mommy sa akin noong ikalabing-pito kong kaarawan.
Napakagat ako ng aking labi sa tanong na iyon ni Samuel. Paano ko malulusutan ang mapanuri niyang titig sa akin.
“Ewan ko. Baka-’’
“Baka alin, Almira? Baka naglakad mag-isa ang hikaw mo na iyan sa silid ko? Sagutin mo ako, may nangyari ba sa atin?’’ Nagtatagisan ang mga ngipin niya na tanong sa akin.
Yumuko ako at hindi makatingin sa kaniya ng deritso. Sunod-sunod akong umiling.
“Wala, walang namagitan sa atin Samuel. Baba na ako rito,’’ sabi ko at agad na binuksan ang pintuan ng kaniya sasakyan. Lalabas na sana ako para makaiwas sa mga titig niyang mapanghusga at mga katanungan niya na para sa akin mahirap sagutin, ngunit pinigilan niya akong lumabas.
“Huwag kang umiwas sa mga tanong ko, Almira. At kung sakaling may nangyari nga sa atin ng gabing iyon, wala sanang ibang makakaalam, lalo na ang Ate mo. Dahil oras na masira ang relasyon namin nang dahil sa’yo, hindi ko maipapangako kung ano ang magagawa ko sa’yo,’’ may himig na pagbabanta na sabi ni Samuel.
“Isara mo ang pintuan!’’ maawturidad niyang utos sa akin.
Malalim akong bumuntong hininga saka isinara ang pintuan ng kaniyang sasakyan. Pinatakbo niya na ito ng mabilis. Hindi na ako nakapagsalita pa dahil wala naman akong sasabihin. Hanggang sa inihatid niya na nga ako sa clinic ni Dr. Villamor. Nakarating kamo roon na walang imikan.