Bagong karakter ni Hades ang ipinakita niya sa akin ngayong gabi. Madali niyang nakasalamuha ang pamilya at kapitbahay ko. Kung sabagay, lahat yata ng tao ay nagugustuhan si Hades, parang sa akin lang yata siya siraulo.
Kapag kaming dalawa lang ay lumilitaw ang kasirauluhan niya, ang kamanyakan niya. Nahaplos ko tuloy ang aking labi at para bang naiwan niya pa roon ang kanyang presensiya.
Eeeeh! Posible na aktibo lang ang oxytocin, dopamine at phenethylamine sa katawan ko—ang mga substance kapag nakakaramdam ng romansa.
“Anak, ang likot mo naman matulog!” reklamo ni nanay na katabi ko sa papag.
“Pasensiya na po, ‘Nay.”
Kung may liwanag lang ay siguradong kita niya ang pamumula ng pisngi ko.
Naramdaman kong itinukod niya ang kanyang braso at saka ako hinarap nang nakagilid. “Talaga bang nobyo mo na ang anak ni mayor?”
“Hindi po! Sutil lang ho talaga ang isang ‘yon. Alam n’yo naman na wala akong oras sa pakikipagrelasyon.” Ayokong paasahin ang nanay ko. Gumagana pa rin naman ang kabilang bahagi ng isip ko at pilit na nagsasabing imposible ang atensiyon na ibinibigay ni Hades sa akin. Inamin niya sa akin na wala pa siyang naging nobya, at hindi ako espesyal. Puwera na lang kung dinadaan niya ako sa mabulaklak na salita para makuha niya ako isang araw.
Hmmm… Naisip ko tuloy kung ito ang daan niya para makuha ako.
“Ayos lang naman kung magkakanobyo ka, anak. Basta ayoko lang ng siraulo, at siyempre ang gusto ko ay ‘yong kasing guwapo ng anak ni mayor!”
Sa ilalim ng dilim ay umasim ang mukha ko. Kontra parehas ang sinabi ni Inay na kapwa na tumutukoy kay Hades; siraulo ang lalaki at anak ito ni mayor. So, saan tayo?
***
Minamahal kong Alice,
Marahas na gumalaw ang mga labi nating perpekto para sa isa’t isa.
Gumagala ang daliri ko sa iyong balat kasabay ng iyo na lumalakbay sa aking alon-alon na buhok. Tila musika sa aking pandinig ang sunod-sunod mong ungol. Nararamdaman ko ang pulso ng iyong hininga na humahaplos sa aking dugo at kumakalat sa aking himaymay. Mariin kong pinisil ang masarap na butones ng isa mong dibdib. Sinagot mo iyon ng pag-iyak dahil sa labis na sarap ng sensasyon.
Humahalo ang kapusukan at pagnanais na sumasayaw sa ating damdamin.
Nabubuhay ka sa aking pagsamba at inaangkin ang oras.
Nakatitig sa akin ang madamdamin mong mga mata habang sinimulan na umiindayog pataas ng balakang ko para arukin ang kaloob-looban mo. Mas idiniin ko pa ang pagkakakapit sa iyong baywang at pinilit na abutin ang iyong lagusan, mas malayo, kung saan maaabot ko ang pinakadulo ng sarap na magpapawala sa iyong katinuan.
Halos manginig ako sa gigil habang umuulos papasok at palabas sa iyong kaselanan. Kumakalat ang linamnam sa iyong dugo, at dumadaloy ang sensasyon sa kabuuan ng iyong katawan. Minarkahan kita sa pamamagitan ng kagat sa iyong leeg.
Nanginginig ang iyong binti, nagluluha ang iyong mata, sumasamba ang iyong tinig na sumisigaw sa ang aking pangalan, kasabay ng pag-abot natin sa kaluwalhatian.
Gusto ko ang lasa ng tamis na tayo lang ang may alam.
Gusto ko kung paano sumagot ang katawan mo sa tawag ng haplos ng dulo ng aking daliri.
Gusto mo itong nagaganap sa atin, at walang ibang titikim sa iyong pangalan kung hindi ako lang.
Lumipas na ang dalawang araw at tila inaasahan ko na ang sulat na iyon ni Hades. Ang hindi ko nahulaan kahit saang dulo ng imahinasyon ko ay isusulat niya ito nang purong Tagalog. Ngayon ko naiintindihan kung bakit niya ako tinanong kung English o Tagalog ang gusto ko.
Sht! Butones ng dibdib… lagusan… Masyadong malalim ang sulat niya ngayon.
Yeah, Muntik ko nang makalimutan na Literature ang kurso niya, malayo sa estado na mayroon ang kanyang pamilya. Ibig bang sabihin nito ay may plano talaga siyang maging poet?
Malakas ang imahinasyon niya at hindi imposible.
Sa sulat, walang bahid ng kabulgaran ang kanyang mga salita, ibang-iba kapag nag-uusap kami. Baka sa susunod ay takasan ng bait ang walanghiya at maisipan niyang isulat ang parte ng katawan ng babae sa bulgar na mga salita.
Iniipit ko na lang iyon sa folder na naroon sa gilid at saka nagtungo sa susunod na klase.
***
Mayroon akong proyekto sa isang subject at hindi ko inaasahan na makakapareha si Draco. Seryoso siya na tumabi sa akin habang nakikinig kami sa eksplanasyon ng guro kung paano namin ito isusumite sa kanya.
“So, tayong dalawa bale ang gagawa nitong project,” ani Draco.
Namula ang pisngi ko kasabay ng pagkamot ng ulo. Nagkataon na karamihan sa kaklase namin doon ay tila nagkaroon na ng kasunduan. Nilapitan niya ako habang naghahanap ng kapareha at siya mismo ang nagtanong kung ayos lang na kami na lang ang magsama sa proyekto. Alam kong may panghihinayang sa ilan naming kaklase na gustong makasama si Draco.
Nagpatuloy siya, “Kung hindi ka busy mamaya, pwede na tayong magsimula. Kailangan nating mag-research.”
Doon ako tila nahimasmasan. “Naku! Sorry. After kasi nitong klase ay may kailangan akong puntahan. Mayroon akong tinuturuan.”
“You mean, nagtu-tutor?” usisa niya.
Ayokong sabihin kung ano ang tunay na estado ng relasyon ko kay Eros, kahit pa magkaibigan silang dalawa ni Hades.
“Yes.” Bahagya akong nakonsensiya. “Ang totoo, sobrang kaunti ng oras ko.”
“Hmmm… Paano kung magkaroon tayo ng shared file at group chat para doon natin pag-usapan ang proyekto? Kapag libre tayo, doon tayo pwedeng magkita at pag-usapan ang estado ng proyekto natin.”
“That’s a great idea!” naibulalas ko. Nais ko siyang mahalikan sa oras na iyon sa pagbibigay niya ng mungkahi.
Wala talaga akong oras. School, trabaho sa fast food at ang pag-sitter ko pa kay Eros. Malaking bagay sa akin na magagawa pa rin ang proyekto namin kahit anong oras.
Inilabas niya ang kanyang mamahaling cellphone at saka kami nagpalitan ng numero at email address.
“This is nice. I can call you anytime,” aniya.
Nang matapos ang klase ay nagtungo na ako sa tirahan ni Mayor. Dahil kilala na ako ng guwardiya ay pinapasok nila ako sa gate. Pinasakay ako ng shuttle na maghahatid pa sa akin sa mismong tirahan ng mga Hontiveros. May kahabaan kasi ang kalye mula sa gate.
Dito pa lang ay mapapatanong ka na kung may itinatago ba ang pamilyang ito.
Naabutan ko si Mrs. Hontiveros na sinampal ang kasambahay nila na nagpapiksi sa akin nang sobra. Naroon sila sa hardin. Eksaktong kabababa ko pa lang ng shuttle jeep nila.
“Ang simple ng iniuutos ko sa iyo!” galit na sigaw niya sa kasambahay. Dinukot niya ang baril mula sa bulsa ng lalaking nasa kanyang tabi at itinutok rito. “Gusto mo bang barilin kita?!”
Nagrolyo ang lalamunan ko at dumaloy talaga sa dugo ko ang takot habang naririnig ang pagmamakaawa ng kasambahay.
“Alice, dito tayo,” matigas na sita sa akin ng driver na nagdala sa akin doon, pabulong.
Para akong daga na huhulihin ng malaking tigre sa oras na iyon kaya sumunod ako sa driver, umiwas ako sa nasaksihan para magtungo sa wing ng mansiyon kung saan naroon si Eros.
“Iisa lang naman ang batas dito sa mansiyon kaya hindi ko na sasabihin pa sa ‘yo. Mas maganda na wala kang nakita o narinig o kahit na ano. Kung ano ang trabahong ibinigay sa ‘yo, doon ka lang mag-pokus,” anang driver.
Alam ko iyon. I signed up for this. So, I have to embrace it!
Huminto siya at nagpalinga-linga. “Sa tirahan na ito, batas ang salita ni Madam. Kahit si mayor ay sumusunod sa kanya.”
“Salamat po sa paalala!”
“Walang ano man.”
Dahil kailangan na wala akong makita at malaman, hindi na ako nagtanong kahit pa marami akong gustong alamin.
Natagpuan ko si Eros na may nilalarong kotse-kotsehan sa mesita.
“Brooom! Brooom!”
Nakasalampak siya sa sahig. Hindi iyon normal na ginagawa ng isang matangkad na lalaki. Mas mataas sa akin si Eros kahit pa sabihin na kinse anyos lang siya at payat. Sa palagay ko nasa lahi iyon ng pamilya nila. Kahit si Hades ay malaking nilalang na lagpas yata ng anim na talampakan.
“Hello, Eros!”
Kumunot ang kanyang noo at tila ako inaaalala.
“Nakita… Nakita na ba tayo?” aniya na kinukulang pa rin ng letra. Conyo kahit Tagalog, ha?
“Oo. Hindi ba’t narito ako noong Biyernes. Naglaro tayo ng hide and seek.”
Tila noon niya ako naalala. Naglulundag siya sa saya. “Ah! Ah! M-Miss butiful!”
“Tama!”
Ibinida niya sa akin ang mga laruan niya na naroon sa mesita na karamihan ay kotse-kotsehan. “H-Hades got dis fo me. I-I want to have a red car like his. I-I want… I want the biggest one.” Ibinuka niya ang mga kamay. “But this is what he gave me… A... A small version of his.”
Napangiti na lang ako sa kanyang kuwento. Naiisip ko ang walanghiya. Siraulo si Hades, pero wala akong nakilala na mas mabait pa na kapatid sa kanya. Hindi nga ako ganito sa kapatid kong si Jake! Bahala siya sa buhay niya at sigurado na mag-aasaran lang kaming dalawa.
Nagawa kong ikusot ang buhok ni Eros habang napapangiti. Sigurado na nasa eskuwelahan pa ang isang iyon.
Nawala lang ang ngiti ko nang pumasok si Mrs. Hontiveros sa lagusan na karugtong ng gitnang gusali.
“Mommy, are… are you going?”
“Yes. Stay here, at ayokong kukulitin mo ulit si Hades na lumabas, okay?” anang ginang, walang emosyon.
“B-but Hades pwamis we will eat fench fies. We… we will ride the red car outside.”
“You know that it is bad for you! Stay here and do not annoy me! Gusto mo bang mapalo ka ulit?” inis na sita niya sa kanyang anak.
“B-but I want—”
“Shut it!”
Nagsimulang umiyak si Eros na lalong nagpasama sa kasalukuyang anyo ng ginang.
“Stop it! Stop crying! Ikukulong kita sa ibaba!”
Doon nagpigil ng iyak si Eros.
Baba?
Sa oras na iyon, pati yata ako ay maiiyak. Humikbi nang tahimik si Eros.
“Alice, right?” Napapiksi ako sa tawag ni Mrs. Hontiveros sa akin.
Tumayo ako at hinarap ang ginang. “Yes po?”
“Minantsahan ng suwail na kasambahay ko kanina ang bag ko na dadalhin ko sa assembly kaya ko siya sinampal. Gusto ko lang maintindihan mo.”
Sa oras na iyon kailangan kong paganahin ang rason kung bakit ako estudyante at scholar ng Psychology. “M-may sinaktan po ba kayo? Hindi ko po kayo nakita kanina.”
Lumapad ang kanyang ngiti. “I like you. Anyway, ma-bu-busy kasi ako sa ilang proyekto at kailangan kong magpabalik-balik sa Maynila, May business din ako kay Gov. Gusto ko lang sabihin na kailangan mo akong hintayin mamaya.”
Sht! Hintayin? Gaano katagal iyon? Paano na ang trabaho ko sa fast food?
Kinagat ko ang dila ko kaysa may masabi pa ako. Kung nakakatakot si Hades, mas nakakatakot ang ginang.
Nanunudyo lang kasi si Hades, wala pa siyang ginawa sa akin. Ngunit alam ko sa sarili ko na kung gusto akong patayin ni Mrs, Hontiveros, ikakasa niya lang ang baril na nakasuksok sa bulsa ng kanyang bodyguard at tapos na ang kanyang problema.
Goodbye, Philippines!
Umalis na siya at doon lang ako nakahinga nang maluwag.
Naglaro kami ni Eros. Nagbasa ng ilang libro hanggang sa kunin ako ng liwanag at makatulog sa sofa. Nang magising ako ay para bang may mga matang umaarok sa akin. Nang magmulat ako ay nabigla ako sa bilugan at tsokolateng mga mata na nakatunghay sa akin habang nakasandal ako sa arm rest ng sofa.
Nakaupo si Hades sa silya na itinabi niya sa gilid ng sofa kung saan ako naroon. Nakapangalumbaba siya at diretso ang tingin sa akin.
“W-what are you doing? Oh! My God!” Napuna ko na madilim na sa labas. Mula sa cellphone, ang sabi ng oras ay alas-otso na ng gabi.
“N-nasaan si Eros?”
“Sleeping,” simpleng sagot niya.
“Sht! Bakit hindi mo ako ginising?!” Mawawalan ako ng trabaho nito sa fast food dahil ikalawang beses na ito na hindi ako nakapagpaalam.
Sa halip ay iba ang isinagot sa akin ng walanghiya. “Naghihilik ka pala kapag tulog? Kailangan kong ilagay iyon sa profile mo.”
“Of course not! At saka, bakit mo ako pino-profile?”
Pinindot niya ang kanyang cellphone at halos manliit ako sa kahihiyan nang marinig ko sa malakas na volume ang himig ng hilik ko.
“P-pagod lang ako! Bakit hindi mo ako ginising?”
“Masarap pakinggan ang hilik mo. Bagong bagay iyon na nadiskubre ko tungkol sa ‘yo bukod sa two hundred lang ang laman ng wallet mo.”
“Binuksan mo ang wallet ko?” Nahintakutan ako sa narinig.
“Hindi naman ako nangupit. Hindi ko magagawa iyon.”
“Pero bakit mo binuksan ang wallet ko?” Natataranta kong kinuha ang sling bag at saka sinuri ang bagay na iyon, ngunit halos matumba ako sa unang bumungad sa akin pagkabukas niyon.
Naroon ang kanyang larawan na kinuha noong promotion sa basketball team. Malinaw sa 8k resolution!
“Ano ang gagawin ko rito? Ipapanakot sa daga?”
“Alice, alam mo ba kung magkano ang picture na ‘yan sa school? Ten thousand! Ten thousand ‘yan sa mga fans ng Net Rippers. Ibig sabihin, you have ten thousand two hundred pesos in your wallet.”
I was speechless. Really…