CHAPTER 2
“YESXIA, mauna ka nang umuwi,” bungad ko sa kakambal ko nang sa wakas ay makalabas na ito sa classroom niya. Oras na ng uwian kaya marami na ang estudyanteng nasa labas ng mga classroom.
“Bakit? Where are you going?” tanong niya. Sumasabay siya sa akin sa paglalakad paalis ng building ng mga 4th year highschool.
“May gagawin kaming project, doon kami sa bahay ng kaklase ko,” paliwanag ko at lumihis na ng daan. Itinaas ko pa ang kamay ko at kinawayan siya kahit nakatalikod na ako saka ako nagtungo sa canteen kung saan kami magkikita-kita ng mga kaklase ko.
As I expected, nang makarating ako ay ako na lang ang hinihintay ng mga kaklase ko. Nagkibit-balikat na lang ako nang makita kong masasama ang tingin sa akin ng iba, lalo na si Chaos.
Um-order muna ako ng mango shake bago ako nakihalubilo sa kanila.
“Kaninong bahay tayo gagawa ng project?” tanong ko at sumimsim sa hawak kong mango shake.
“Kina Chaos na lang tayo, malaki na ang bahay, may pa-meryenda pa,” biro ng leader.
Lahat ng mga mata namin ay napunta kay Chaos.
Nagkasalubong ang kilay niya at bumuntong hininga. “Fine. Let’s go.”
Nagkanya-kanya na ng tayo mula sa kinauupuan nila ang mga kaklase ko. Nang dumapo naman ang tingin sa akin ni Chaos ay pasaring niyang inalis ang tingin sa akin na ikinabalikat ko.
Hindi maayos ang namamagitan sa amin ni Chaos. Malaki ang galit sa akin ng isang ‘to. Pero kahit ganoon, natutuwa ako dahil hindi niya isinasama ang personal naming issue sa tuwing magkakaroon kami ng ganitong groupings. Madalas pa naman ay nasa iisang grupo lang kami.
Nagkanya-kanya kaming punta sa bahay ni Chaos, hindi na nagbihis at hinayaan na lang na naka-uniporme pa. Nagtaxi na lang ako dahil ang sundo namin ni Yesxia ay ihahatid na siya sa bahay.
Nang dumating ako sa tapat ng bahay nila Chaos, nasa labas pa ang mga kaklase ko at hinihintay pa ang pagdating ng iba. Nagkahiwalay-hiwalay kasi kaming lahat nang magkanya-kanya kami ng sakay, ang iba naman ay nagsabay na lang sa iisang taxi. Ako lang yata ang nagsolo.
“Kompleto na ba tayo?” tanong ng leader namin habang tinitingnan kami isa-isa, inaalam kung may kulang pa ba sa amin.
Nagsitanguan ang mga kasama ko.
Lumapit na si Chaos sa gate ng bahay nila at nag-doorbell. Ilang saglit ang lumipas, may kasambahay ang lumabas mula sa loob ng bahay.
“Sir Chaos,” bungad nito at binuksan na ang gate. Mukhang nagulat ito nang makita kaming lahat na mga kasama ni Chaos.
“Group project,” matipid na sambit ni Chaos para ipaliwanag sa kasambahay nila kung bakit nandito kami.
“Pero Sir, kasi nandito sina Ma’am at Sir tapos...” Ngumiwi ang kasambahay at nilapitan si Chaos at may sinabi rito na hindi na namin narinig.
Nakita ko ang pagdaan ng galit sa mga mata ni Chaos at ang pagtiim ng bagang niya. Tumango siya sa sinabi ng kasambahay nila saka kami binalingan ng tingin.
“Sa ibang bahay na lang tayo, hindi puwede sa amin ngayon,” aniya na nakaani agad ng negatibong reaksiyon mula sa mga kasama namin.
Sa walong taong nandito, kasama na ako, ako lang yata ang hindi nag-react sa sinabi ni Chaos. Parang may ideya na kasi ako sa mga nangyayari. Ang alam ko ay panay away ang mga magulang ni Chaos, narinig ko ‘yon noon sa pag-uusap ni papa at Señor Alejandro. At sa kaalamang nandito ngayon ang mga magulang ni Chaos, baka nag-aaway ang mga ‘yon kaya hindi kami puwede sa loob ng bahay nila Chaos.
“Pero nandito na tayo,” alma ng leader. “Walang ibang free na bahay ngayon. Bukod doon, kung babyahe na naman tayo para lumipat ng ibang bahay, masasayang ang oras natin sa wala.”
Chaos squeezed his eyes shut and sighed. “Okay, just give me a minute.”
Kinuha niya ang cellphone sa bulsa at may tinawagan. Ilang segundo ang lumipas, ibinaba na niya ang cellphone mula sa tainga at muling itinuon ang atensiyon sa leader namin.
“Let’s go to my cousin’s house. Nagpaalam na ako sa kanya at pumayag siyang doon tayo gumawa ng project,” ani Chaos.
Tumango ang lahat, pwera lang sa akin. In his cousin’s house? Huwag naman sana sa...
Naputol ang pag-iisip ko nang maglakad na sila habang sinusundan si Chaos na nangunguna para ituro sa amin ang daan. Bumuntong hininga na lang ako at sumunod na sa kanila.
Kaunting lakad lang ang ginawa namin at nakarating agad kami sa bahay na sinasabi ni Chaos. Hindi na kami lumabas pa ng village at nagtungo lang sa halos katabing bahay.
Napalunok ako at pinagmasdan ang bahay na nasa harapan ko. Mas malaki ito kaysa sa bahay nila Chaos. At alam ko kung sino ang nakatira sa bahay na ‘to! Bakit parang ang malas ko ngayong araw?
Pinagbuksan kami ng gate ng kasambahay na mukhang inaabangan na talaga ang pagdating namin at pinapasok na kami sa loob. Iginiya niya kami patungong living room.
“Manang, where’s Silent?” tanong ni Chaos sa kasambahay nang makarating kami sa living room.
Ang iba naming kasama ay nagkanya-kanya na ng upo sa couch. Naupo na rin ako. Sa tabi ni Clarence.
“Makakagawa ba tayo ng project dito?” pabulong na tanong ni Clarence sa akin habang iginagala ang tingin sa loob ng malaking bahay. Kahit ang iba naming kasama ay ganoon din ang ginagawa.
Tiningnan ko lang siya ng may pagkagulo.
“Baka naman matakot lang ang mga kasama nating babae dahil sa pinsan ni Chaos,” dagdag ni Vlarence at marahan na natawa.
Bahagyang bumakas ang gulat sa mukha ko. Oo nga pala. Kahit sila ay kilala si Silent bilang masungit, hindi approchable, at magaspang ang ugali kung minsan. Sa tuwing makikita kasi namin ito, sa school man o sa mga okasyon, palagi itong seryoso at nakakatakot lapitan dahil sa malamig at maitim na awrang nakapalibot sa kanya.
Sa tingin ko ay namana ni Silent ang ganoong pag-uugali sa ama niya na si Señor Alejandro. Naaalala ko noong huli ko itong makita nang magpunta sa bahay para magdinner, sumisigaw ang pagiging maowtoridad at istrikto sa tindig niya.
“Baka ikaw lang ang natatakot.” Kibit-balikat ko.
Sinamaan niya ako ng tingin na siyang ikinakunot ko na lang ng noo, pero nawala sa kanya ang atensiyon ko nang makarinig ng pamilyar na boses.
“Why are you looking for me?” Boses iyon ni Silent na naglalakad pababa sa engrandeng hagdanan na nasa harapan naming lahat. Nakapambahay na lang ito ngayon pero sa paningin ko ay hindi. Masyadong maganda sa kanya ang simpleng puting t-shirt at jogging pants.
“Wala kang pasok?” tanong ni Chaos sa pinsan nang makarating ito sa living room.
“I just got home from school,” tugon ni Silent at gumala ang tingin nito sa paligid at isa-isa kaming tiningnan lahat na nandito hanggang sa tumigil ang mga mata niya sa akin. He narrowed his eyes.
Naramdaman ko ang pagkabog ng dibdib ko habang sinasalubong ang mga mata ni Silent. Sariwa pa sa alaala ko ang ginawang paghalik niya sa akin noong isang linggo!
Nang hindi ko na matagalan ang titig niya sa akin, I immediately looked away.
“Ikaw nga ang takot sa kanya,” rinig kong bulong ni Clarence dito sa tabi ko. Hindi ko napansing pinapanood niya pala ang naging tinginan namin ni Silent.
“Shut up,” pabulong na singhal ko.
Natawa siya at inakbayan ako. “Don’t worry, we feel the same.”
Napabuga ako ng hangin sa inis. Bakit pa kasi sa dami ng bahay, dito pa kami gagawa? Sana pala ay nagpresinta na lang ako na sa bahay na lang namin kami gumawa ng project.
Matapos ng maikling pag-uusap ni Chaos at Silent ay hindi na kami nagsayang pa ng oras at nagsimula nang gumawa. Inatasan kaming lahat ng leader namin ng mga gawain para hindi masayang ang oras namin at para din mabilis kami matapos.
Mukhang nakahinga rin ng maluwag ang iba kong kasama dahil sa pag-alis ni Silent dito sa living room.
Dumaan ang ilang oras, isa-isa na nagpapaalam ang mga ka-grupo namin na uuwi na kahit hindi pa kami tapos. Pero walang magawa ang leader kundi ang pumayag.
“Ikaw Hestia, hindi ka pa ba uuwi? Baka pagod ka na,” pakikipagdaldalan sa akin ni Clarence habang patuloy kami sa ginagawa.
I shook my head. “Hindi pa.”
Gusto ko pang tumulong hanggang sa matapos namin itong apat. Oo, apat na lang kami ngayon. Ako, si Clarence, ang leader, at si Chaos.
Napatingin ako sa leader namin. Mukha na siyang stress dahil sa ginawang pang-iiwan ng mga ka-grupo namin sa aming apat, pero ang sabi naman ng mga ito ay ipagpapatuloy nila sa bahay ang mga nakatoka sa kanilang gawain.
“Baka masakit na ang kamay mo kagugupit mo,” nag-aalalang sabi ni Clarence dahilan para bumalik sa kanya ang atensiyon ko.
“Don’t worry, Clarence. I’m fine,” I assured him.
Napatango na lang siya at muling ipinagpatuloy ang ginagawa.
“Raileigh is your bestfriend, right?” aniya na naman. Hindi mapigilan ang bibig sa pagdaldal.
“Bakit mo naitanong?” Binitiwan ko na ang gunting nang matapos sa ginagawa.
“I want to ask you a favor—”
“You should stop,” I cut him off. Alam ko na kung ano ang nasa isipan niya. Noon pa man ay nahahalata ko na ‘yon sa kanya. “May ibang gusto si Raileigh, at hindi ikaw ‘yon.”
He smiled weakly. “I know...” pabulong niyang sambit at tumingin kay Chaos na busy rin sa ginagawa.
So, he knows...
“Naranasan mo na ba ang magkagusto sa taong malabong magkagusto sa ‘yo?”
Nabigla ako sa tanong ni Clarence. Hindi agad ako nakapagsalita. Hindi ko alam kung ano ang isasagot sa kanya.
Naglipat siya ng tingin sa akin at pekeng ngumiti. “I hope you’re not. Kasi sobrang sakit sa pakiramdam niyon,” aniya at ipinagpatuloy na niya ang ginagawa. Hindi na muling nagsalita pa.
I shook my head and let out a sigh.
Yes. And it hurts like hell. Iyon ang sagot ko sa tanong niya.
Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa couch. “Iinom lang ako ng tubig,” paalam ko at iniwan na sila sa living room.
Naglakad ako palibot sa bahay nila Silent. Dahil nakalimutan kong hindi ko nga pala alam ang pasikot-sikot dito, paikot-ikot tuloy ako. Saktong wala pa akong mamataang kasambahay.
Nagpaikot pa ako sa buong bahay ng ilang minuto bago ko natagpuan ang kusina. Nagtungo ako sa ref para kumuha ng pitsel at kumuha naman ako ng baso sa cupboard. Kasalukuyan akong umiinom ng tubig nang makarinig ng yabag sa likuran ko. Nang balingan ko ‘yon ng tingin, halos maibuga ko ang iniinom ko. It’s Silent!
Dali-dali kong inilapag ang baso sa island counter at nanlalaki ang mga mata na pinukol ng tingin si Silent.
“You startled me!” singhal ko.
Hindi niya pinansin ang sinabi ko. Naglakad siya sa gawi ko at dumeretso sa ref na nasa gilid ko lang.
Sumama ang timpla ng mukha ko nang makalanghap na naman ng usok galing sa sigarilyo niya. Yes, he’s smoking again!
“Hindi ka talaga titigil hanggat ‘di ka namamatay sa sigarilyo mo,” iritado kong sabi at palihim siyang inirapan.
“I can’t stop. I need this,” tugon niya.
I rolled my eyes. “Reasons.”
Isinarado na niya ang ref at sumandal doon habang hawak-hawak ang isang bote ng chocolate. Ang mga mata naman niya ay nakatuon sa akin.
“Titigilan ko ang sigarilyo ko...” Saglit niyang binitin ang sinasabi bago muling nagpatuloy. “Kung hahayaan mo akong gawin ang bagong habit ko.”
Natulos ako sa kinatatayuan sa narinig. Biglang kumalabog ang dibdib ko at gumapang sa akin ang matinding kaba.
I know what he meant. Hindi ako tanga para hindi malaman kung ano ang tunutukoy niya.
Ngumisi ako para pagtakpan ang kabang nararamdaman. “Hangal ka.”
Sa tingin niya ba ay makakaulit pa siya? Siya na ang nakauna sa labi ko, gusto niya pang um-isa?
Masyado lang akong nabigla noon kaya hindi ako nakapalag sa halik niya sa akin. Bukod doon, masyado akong nalilo ng halik niya na dumating pa ako sa puntong gusto rin siyang halikan pabalik. Pero hindi na mauulit ‘yon. I swear!
“Ano, payag ka?” tanong na naman niya. Kahit seryoso lang ang ekspresiyon sa mukha niya ay pakiramdam ko may bakas ng panunukso ang boses niya. Nakakarindi sa tainga at nakakapag-init ng dugo.
Inangat ko ang kamao ko at ipinakita ito kay Silent. “Gusto mong masapak?”
Napailing na lang siya sa sinabi ko. Naalerto naman ako nang maglakad siya palapit sa akin. Nanlaki ang mga mata ko nang kunin niya ang kamay ko para ilagay roon ang hawak-hawak niyang bote ng chocolate.
“Take this,” matipid niyang sambit at lumayo na sa akin. Muli akong pinasadahan ng malamig niyang tingin bago ako tinalikuran.
Buong akala ko ay aalis na siya, pero muli siyang nagsalita na ikinakunot ng noo ko.
“By the way, I hate your classmate.”
Matapos sabihin ‘yon ni Silent ay basta na lang niya ako iniwan dito sa kusina. Naiwan akong tulala at iniisip ang sinabi niya. Sinong classmate?