The Hunted Motel
Part 1
“Isang oras.”
Nagtatakang napatingin si Clay sa babaeng ngumunguya pa ng bubble gum na nasa harapan niya. May kasama itong lalaki na sa tingin niya ay may edad na.
“Sa dating kuwarto pa din ba?” sabat ni Princess na kasamahan niyang cashier.
“Oo ganda.” Nakangiting sagot nito. Inabot niya ang susi ng kuwarto nito. At humingi naman ang babae ng pera sa matanda bago ito i-abot kay Princess. Pagkatapos ay inabutan na niya ito ng isang kapirasong sabon at puting tuwalya.
“Regular customer ba siya dito?” tanong ni Clay na kakapasok lang din sa Day Dreame Motel. Bilang bagong cahier.
“Yung babae ba? Si Alma ang babaeng walang pahinga. Nakakatatlong customer yun tuwing gabi. Tindi ano?” natatawang sabi ni Princess sa kanya. Naiiling na napangiti na rin si Clay.
“Tatawa-tawa lang yan pero mamaya antok na naman yan.” Saway ni El kay Princess na isang room boy sa motel at kakatapos lang ng maglinis ng kuwarto sa Delux room.
“Sus! Ikaw nga madalas matulog sa mga room kapag walang customer. Kaya ka minumulto doon eh.” Litanya naman ni Princess sa kanya.
“Marami ka pang lilinising kuwarto. Kaya alis na.” taboy niya na ikina-iling naman ni El.
“Ang taray mo talaga kaya wala kang boyfriend.”
Muntik na niyang mabato ng susi si El sa pangungulit nito sa kanya. Mabuti na lang dumating ang guwardiya na si Niel. May bitbit pa itong kape at isang balot ng mani.
“Nag-aasaran na naman kayo. Kapag narinig kayo ni Ma’am Isang magagalit na naman yun.” Saway nito sa kanila.
“Sa umaga lang yun nandito.” Katwiran ni Princess.
Minabuti ni El na bumalik na lang sa paglilinis.
Nagising si Mary Joy nang may marinig siyang kaluskos. Naglayas siya sa kanila dahil palaging nag-aaway ang kanyang mga magulang ngunit wala siyang ibang mapuntahan kaya umupa siya ng walong oras sa isang kuwarto sa Day dreame Motel upang magpalipas ng gabi. Dahil kinabukasan ay maghahanap siya ng trabaho para mabuhay niya ang kanyang sarili.
Napadilat siya at bumaba sa kama. Nakita niya ang pagalaw ng doorknob ng kanyang kuwarto.
“Sino yan?” kinakabahan na tanong niya. Palapit pa lang sana siya sa pinto ngunit biglang bumukas ito. Malaking bulto ng tao ang bumungad sa kanya.
“Si-no ka? A-anong kailangan mo?!”
Sisigaw na sana siya ngunit mabilis siyang sinungaban nito. Napaupo siya sa sahig. At nanlaki ang mata niya nang makita niya ang hawak nitong palakol na inilabas pa nito sa suot niyang balabal.
“H-huwaggg—”
Malakas na sinibak nito ang kanyang ulo na parang malaking kahoy na agad na ikinahati nito. Tumalsik ang dugo sa salamin, sahig at kama nito. Hindi pa nakuntento ang may hawak na palakol at inulit-ulit niya itong hangang sa hindi na makilala.
“Ano yun?” kinikilabutan na tanong ni Clay. Ginising niya si Princess na nasa tabi niya dahil tulog na ito.
“B-bakit?” inaantok na tanong nito sa kanya.
“May narinig akong sigaw…”
“Ha? Normal yan…minsan nga ungol pa eh.” Bumalik ito sa pagtulog. Maya-maya pa ay humahangos na bumaba si Niel na kakatapos lang umikot sa taas.
“Bakit anong nangyari?” nagtataka at kinakabahan na tanong ni Clay.
“M-may…may…bangkay…may patay na babae!” bulalas niya. Tinakasan ng kulay ang kanyang mukha.
“Ano? Kapag niloloko mo kami lagot ka sa akin.” Wika ni Princess. Matapang na tumayo siya at umakyat sa taas. Kasunod niya si Niel na nanginginig pa din sa takot.
“D-diyan! M-may bangkay diyan!” nauutal na sabi nito. Sinipa ni Princess ang pinto at para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang makita niya ang kalunos-lunos na itsura nito.
“Aahhhhh!!!” sigaw niya.
Kaagad silang bumaba nasalubong pa nila si Edmon ang permanent tenant sa isang room nila.
“Anong nangyari?” nagtatakang tanong nito.
“May bangkay sa room 204!” Imporma ni Niel sa kanya. Umakyat din ito at sinilip ang kuwarto. Dahil katabi lang niyang silid ito. Kaagad nilang tinawagan ang may-ari ng motel na si Ma’am Isang at wala pang sampung minuto dumating na ito.
Takot at gulat din ito nang makita ang bangkay.
“Jusko! Sino ang gagawa niyan?” bulalas nito.
Maya-maya pa ay nagdatingan na ang mga police na tumingin sa bangkay. Hinold nila ang mga tao sa loob ng motel. Upang imbestigahan.
“Kilala niyo ba ang biktima?” tanong ni Inspector Ashley sa mga staff ng motel. Inabot sa kanya ang id na iniwan nito sa frontdesk.
“Hindi po, kanina lang siyang hapon nagcheck-in sa motel.” Sagot ni Princess.
“Oo nga tinulungan ko pa siyang i-akyat ang gamit niya sa room niya. Pero nasa room 304 ako kanina para maglinis.” Wika naman ni El.
“Magkasama po kami sa Front desk ni Princess.” Sabi naman ni Clay.
“Sino naka-diskubre sa bangkay?” tanong ulit ni Inspector Ashley.
“Si kuya Niel po. Every three hours kasi umaakyat siya para magronda.” Sagot naman ni Hulyo ang pangabing utility ng motel.
“O-Oo, nagkasalubong pa nga tayo sa third floor diba?” depensa ni Niel sa kanila.
“Kukunin na namin ang bangkay para maipaalam sa pamilya nito. Pababalik kami dito bukas para mag-imbestiga pa. Sa ngayon ay kailangan muna naming madala ang mga taong naka-check in para hingan sila ng salaysay.” Paliwanag niya sa mga ito.
“Tara na John.” Tawang niya sa kasama niyang pulis at umalis na rin ang mga ito.
Inutusan ni Madam Isang na linisin ang kuwarto. Matapos na inspeksyonin ang crime scene ng mga natirang pulis.
“S-sino kaya ang gagawan noon? Kawawa naman siya.” Tanong ni Niel sa kanila. Dahil sa nangyari ay hindi muna sila nagpapasok ng customer hanga’t hindi pa natatapos ang imbestigasyon. Dahil yun din ang order sa kanila. Ang mananatili lang muna sa loob ay ang limang permanent tenant nilang araw-araw na nagbabayad ng kanilang pag-stay sa motel.
“Anong nangyari? Bakit maraming tao?” nagtatakang tanong sa kanila ni Ronie na kakarating lang dahil madaling araw ang awas nito sa pinapasukang pabrika. Isa din ito sa permanent Tenant ng motel.
“May pinatay na customer sa room 204.” Imporma ni Niel sa kanya.
“Ano? Sinong pumatay?” usisa niya na ikinailing din nito.
“Hindi namin alam.” Sagot nito.
“Mabuti na lang nasa 3rd floor ang kuwarto ko. Akyat muna ako. Wala pa akong tulog.” Paalam nito sa kanya.
Napatingin si Princess sa kamay nito.
“Anong nangyari diyan Sir Ronie?” usisa nito sa kanya.
“Ah- ito ba?”
Inangat niya ang kamay niya.
“Naipit sa machine. Mabuti nga at nahugot ko pa kung nagkataon baka putol na yung kamay ko.” Sagot nito bago muling magpaalam sa kanila.