"Ay Beauty bangon na! Ganina pa na sigig hilak imong alarm clock hindi ka pa rin nagigising!" Bulyaw ng aking tiyahin na si Soledad.
Napabalikwas ako ng bangon dahil sa ratatat niyang bunganga na kasing lakas ng tunog ng kampana sa simbahan kapag may sunog sa probinsya.
Sino ba naman kasing hindi mapupuyat ako lang naman ang pinasagot ng module ng mga anak niyang walang kasing sipag mag-aral.
Hindi pa nga sumisilay ang haring araw pinapabangon na ako para maghanda ng almusal nilang mag-anak.
"Beauty!!!"
"Andyan na po!"
Binuksan ko ang sirang pinto ng aking kuwarto at bumungad ang nakataas niyang kilay na tattoo.
"Kupad-kupad! Bilisan mo na at maaga pa ako papasok sa trabaho!" Singhal niya ulet sa akin.
Araw-araw ganito palagi nagsisimula ang araw ko sa pamilya nila. Nasa probinsya ang aking tunay na pamilya pero dahil sa hirap ng buhay namasukan ako bilang kasambahay sa tiyahin kong nakaka-LL sa buhay.
Kaya lang, hindi ko nararamdaman na kadugo nila ako dahil higit pa sa muchacha ang tingin nila sa akin.
Well tunay naman, katulong ako dito pero hindi ko kinakahiya ang trabaho ko. Dahil sa dugo't pagod ko nangangaling ang pera na pinapadala ko sa aking pamilya.
Pagkatapos kong magluto ng almusal ay tinawag ko na sila. Mga bihis na sila at aalis na rin patungong trabaho sa bangko si Tita at mag-aaral naman sa university ang dalawa kong pinsan.
"Oh my gosh! Napaka-salty naman ng itlog na to." Reklamo ni Kim.
"Maalat ba? Sorry nabuhos kasi yung takip ng asin pagkalagay ko." Kamot ulo kong sabi sa kanya.
"What? Kahit kailan talaga napaka-Tan-G-A mo." Mataray na litanya niya sa akin.
"Salamat." Nakangiting sabi ko sa kanya. Sabi kasi ni nanay. Be kind to your enemy. Nalaglag ang panga niya dahil sa sinagot ko. Well alam ko na yun minsan may pagka-eng-eng ako. Pero sinandya ko talagang umalat yung itlog para makabawi man lang sa pagiging bossy nila. Yung kulang na lang pati pag-utot nila sasaluhin ko para itapon sa labas. Akala mo naman nagpapasahod ng daang libo.
"Ano ito? Asukal na may kaunting kape?"
Nalipat ang tingin ko kay Tiya Soledad.
"Wala na po kasi tayong kape tiya." Pagdadahilan ko sa kanya. Napadampot siya ng pandesal at binato sa akin. Mabuti na lang nasalo ko. Sayang din yun kung sa sahig napunta maraming nagugutom.
"Yung kape ang lalapit dito para makabili ka? Syempre bibili ka sa supermarket. Ano ba namang utak yan Beauty? Wala ka na ngang ganda utak piyo ka pa." Panlalait niya sa akin.
Yes, hindi ako maganda. Noong nagsabog ang diyos ng kagandahan wala akong nasalo kahit isa. Natutulog kasi ako sa pansitan pero okay lang. Hindi naman ako nag-iisa sa mundo. Marami kami bwahahaha! Charot lang lord. Huwag kang magagalet. Alam ko naman may dahilan ang lahat ng bagay. Pero sa true lang lord may galit ka ba sa akin?
"Kung ako sayo magpapalit na ako ng name. Kasi hindi bagay sa mukha mo eh." Natatawang sabi ni Kim na ikinatawa din ni Yvette. Sana magpalit na rin sila ng utak sayang naman puro ganda wala man lang talino. Puro sinko pa ang grado. Tsk! Kung nakapag-aral lang ako baka valedictorian na ako sa highschool. Kaso kapos kami sa buhay. Kaya mas pinili ko na lamang magtrabaho para makatulong kila inay at itay.
"Ito pera, pagkasyahin mo yan. Bumili ka ng kape at ulam mamayang gabi. Bumili ka na rin ng bigas saka pagkain ni mustard.
"Tiya, 500 lang po ito kukulangin po." reklamo ko sa kanya. Kailangan ko pang sumakay ng trisicle palabas ng kanto. Tapos pagkain pa lang ng pusa kalahati na ang bawas. Hindi pa naman sila kumakain ng gulay na walang karne ang sahog. Sa mahal ba naman ng bilihin ngayon.
"Aba'y pagkasyahin mo! Saka mag-general cleaning ka mamaya. May darating akong bisita. Kaya sarapan mo ang luto mo." Dagdag pa niya. Napasinghap na lamang ako sa dami ng aking gagawin ngayong araw.
Umalis sila ng sobrang kalat. Hindi ko alam kung ano ang uunahin kong linisin. Nasa abroad pala si Tito. Seaman siya doon. Kaya sunod sa luho ang magkapatid. Hindi naman ako naiingit sa kanila. Masama ang ma-ingit sa kapwa. Pero sana, umasenso naman ang pasahod sa akin para makapag-ipon ako at makauwi din ako paminsan-minsan sa probinsya. Limang taon ko na kasi silang hindi nakikita.
Dahil kulang ang pera na ibinigay sa akin pamalenke. Naglakad na lamang ako palabas sa kanto. Hindi pa nangangalahati ang araw pagod na pagod na ako dahil naglinis pa ako ng bahay bago umalis.
Habang naglalakad ako ay may nakita akong tambak na basura. May mga gamit ding kasama sa gilid ng madamong daan. Nilapitan ko ito para matignan baka kasi may puwede pang gamitin. Hangang may napansin akong nakatalikod na pahabang bagay. Iniharap ko ito at tumama agad ang sinag ng araw sa salamin.
Wow! Ang ganda!
Inangat ko ang salamin at tinignan ko ang aking reflection. Sa gulat ko ay nabitawan ko ito. Meron kasi akong nakita na ibang tao imbis na mukha ko. Bumagsak ang salamin sa paa ko at hindi man lang ito nabasag.
Hindi kaya…guni-guni ko lamang ang nakita ko? Muli kong sinilip ang salamin at nanlaki ang mata ko sa gulat. Dahil nakikita ko na naman ang pangit kong mukha. Pero nang titigan kong maige ay unti-unting nabura ang mga tigidig ko sa mukha. Tumingkad ang mga acne scars ko. Tumangos ang ilong ko at naging hugis puso ang aking labi. Humaba din ang pilik-mata ko at pumusyaw ang kulay ko.
"Taray ng technology ngayon. Pati salamin may filter na din!" Turan ko. Kinindatan ko ang aking sarili. Nagkagat ako labi kaliwa't-kanan kong sinilip ang matangos kong ilong at PAK! Ganito pala magiging itchura ko? Hindi pala genes ang may problema. Kulang lang ako sa maintenance.
Itinago ko sa madamo ang salamin dahil babalikan ko yun mamaya pag-uwi ko. Tamang-tama nabasag ang salamin ko sa kuwarto dahil sa pagbato ni Tiya sa akin ng bunot noong isang araw. Nadulas kasi siya sa sahig na nilampaso ko. Syempre pati yun kasalan ko. Mabuti na lang hindi ako tinamaan. Kung hindi bukel ang aabutin ko.
Pagkauwi ko ay bitbit ko na ang salamin. Inuna ko itong ilagay kuwarto ko bago ako naghanda ng pagkain. Mabuti na lamang nagkasya ang pera ko isang oras din ang inabot ko sa paglalakad patungo sa malapit na grocery store at pauwi kaya laglag na ang tukabels ko nang makabalik ako.
Nagluto lang ako ng sinampalokang manok. Pagkatapos ay naligo na rin ako dahil amoy na amoy ko na ang sarili ko. Pagkatapos kong maligo ay humarap ulit ako sa salamin na nakatapis ng tuwalya. Mas lalo pa akong gumanda nang makaligo ako kumpara kanina!
Amazing! Kung ganito talaga ako kaganda naku pede ko nang sabihin sa harapan ng salamin. I'm beautiful. I'm gorgeous, I love myself. I'm happy and contented. Yun kasi ang morning mantra ko. Kaya lang sa salamin lang ako maganda in real life? Ayoko na lang mag- talk. Bakit kasi may ganung mga tao sa mundo? Kapag pangit ka lalaitin ka nila. Nakadepende ba ang respeto sa itsura ng tao? Kasalanan ba nilang hindi sila perpekto?
Akmang aalis na sana ako sa salamin nang biglang ngumiti ang repleksyon ko.
"Sus maryosep! Nalagpot na akong ispirito!"
"Ayaw og kahadlok." Nakangiting sabi niya.
"Bisaya ka?" Usisa ko na ikinatango niya. Napa-atras ako ng isang hakbang.
"Gusto nimo mu-gwapa? Madali lang…hawakan mo ang kamay ko at ipikit mo ang yung mga mata. Pagdilat mo mapapasayo na ang kagandahan na nais mo." Nakangiting sambit niya.
"We? Tunay?" Nagdadalawang isip na tanong ko sa kanya. Tumango siya sa akin. Nanlaki ang mata ko nang unti-unting lumusot ang kanyang kamay sa salamin.
"Magtiwala ka."
Unti-unti kong inabot ang kamay ko sa kanya. Kinakabahan ako pero kung ito lang ang paraan para gumanda ako. Bahala na!
Pumikit ako dahil yun ang sabi niya. Naramdaman ko ang mainit niyang kamay na nakahawak sa akin. Ngunit habang tumatagal ay mas umiinit pa ito na parang kasing init ng plantsa kaya napabitaw ako at napangiwi.
"Agoy kainit!" Ngiwing sabi ko sa kanya.
Ngunit nanlaki ang mata ko nang mapansin ko kung nasaan ako.
"Isa kang hangal." Nakangising sabi niya sa akin.
"Hoy! Pakawalan mo ako dito! Hoy!" Sigaw ko ngunit parang nakakakulong sa demensyon ang boses ko. Nasa loob ako ng salamin at siya naman ang nasa labas kung saan ako nakatayo kanina! Naglakad siya palayo sa akin.
Nilingon niya ako at nakita ko ang kanyang anyo. Isa siyang dem*nyo! Nilinlang niya ako!