ILANG TULOG ang lumipas na nasa bahay pa rin nina Allen si Tisoy. Hindi pa rin ito nagsasalita at kapag sinusubukan niya kausapin ay parang takot at iiyak. Kahit anong kausap niya rito, kahit anong alok niya ng laruan, o kahit anong pasimpleng pagbibigay niya rito ng candy at chichirya, hindi pa rin nito ibinibigay ang tiwala sa kaniya.
Naging inis at iritasyon ang sakit na dulot ng rejection nito sa batang puso ni Allen. Kaya nang sumunod na araw hindi na nag-effort pa ang batang babae na makipaglapit sa ampon ng tatay niya. Lumabas na lang siya ng bahay at nakipaglaro. Nalimutan na niya ang inis niya kay Tisoy nang nakikipaghabulan na siya sa mga kaibigan.
“Huy, Allen, sino ‘yon?” biglang tanong ni Potpot mayamaya. Time out muna kasi sila sa paglalaro habang naghahanap ng lata ang kaibigan nilang si Yuri para sa susunod nilang laro. Lumingon siya sa bahay at nakita niyang nakasilip sa bukas na pinto si Tisoy, nanonood sa kanila. Sa unang pagkakataon nakita niya itong hindi nakadikit sa papa niya.
“Gusto mo makipaglaro?” pasigaw na tawag niya sa batang lalaki na nanlaki ang mga mata at mabilis na nagtago. Sumimangot siya. Nainis na naman. Aalisin na sana niya ang tingin sa pinto nang dahan-dahang sumilip na naman si Tisoy, deretso sa kaniya ang tingin.
Naubos ang pasensiya ni Allen. Mabilis siyang tumakbo pabalik sa bahay nila. Mukhang nataranta ang batang lalaki at magtatago na sana uli pero nahawakan na niya ang kamay nito. “Gusto mo sumali sa amin, ‘no? Nakakainip magkulong lang sa loob ng bahay. Tara sa labas. Maglaro tayo.”
Noong unang beses na hinawakan niya ang batang lalaki ay natakot at nataranta ito. Kinagat pa nga ang kamay niya. Umiyak siya ng umiyak noon at nagsumbong sa papa at mama niya. Kaso hindi naman pinagalitan ang batang lalaki kasi umiyak din ito nang umiyak siya.
Pero ngayon hindi man ito tumitinag mula sa pagkakasiksik sa gilid ng pinto ay hindi rin naman nito binawi ang kamay mula sa pagkakahawak niya. Mas lalong hindi siya nito tinatangkang kagatin. Lumakas ang loob ni Allen. Sinalubong niya ng tingin ang mga mata ni Tisoy. “Hindi ka puwedeng palaging kay papa lang nakadikit. Kailangan din ni papa magtrabaho at umalis. Kaya sa akin ka na lang sumama, okay? Hindi ka mapapano basta nasa tabi mo ako. Ako ang bahala sa’yo, ayos ba?”
Nanatiling nakatitig lang ito sa mga mata niya. “Naiintindihan mo ba ako?” tanong pa niya. Sabi ng papa niya noong unang araw na dumating si Tisoy, hindi raw ito nakakapagsalita pero naririnig naman sila. Kaso daw galing ibang bansa raw ito kaya baka hindi rin ito nakakaintindi ng tagalog. Kung ganoon, paano siya nito maiintindihan?
Pinisil ni Allen ang kamay nito at hinila palayo sa pagkakasiksik nito sa pinto. Alanganin man ang kilos ng batang lalaki ay nagpahila naman ito hanggang makalabas na sila ng bahay. Tinitigan niya ang mukha ni Tisoy at malawak itong nginitian. Pagkatapos hawak pa rin ang kamay nito na lumapit sila sa mga kalaro niya. May nakita nang lata si Yuri at nakatayo na iyon sa gitna ng kalsada, sa loob ng iginuhit na bilog gamit ang chalk. “Sasali siya sa tumbang preso! Kapatid ko ‘to kaya walang aaway sa kaniya, ha?”
Ipinakilala niya ang batang lalaki kina Potpot, Yuri at sa iba pa nilang kalaro. Pagkatapos tinuruan niya si Tisoy kung paano maglaro ng tumbang preso. Dahil baka nga hindi ito nakakaintindi ng tagalog kaya pinakita niya rito kung anong gagawin. Hinubad niya ang suot niyang tsinelas at sumenyas na ganoon din ang gawin nito. Nang nakayapak na rin ito at alanganing hawak ang sariling tsinelas ay pinakita niya kung paano babatuhin ang lahat para matumba iyon. “Madali lang ‘di ba? Nakuha mo?”
Sunod-sunod na tumango si Tisoy pero nakakapit pa rin sa damit niya. Doon kasi ito humawak nang bitawan niya ang kamay nito kanina. Tinitigan niya ang mga mata nito at maingat na inalis ang hawak nito sa t-shirt niya. “Kailangan mo bumitaw sa akin para makapaglaro tayo.”
Nanginig ang mga labi nito at namasa ang mga mata pero tumango naman. Ngumiti siya. “Okay! Hindi tayo papatalo!” sigaw niya.
Sandali pa nagsimula na ang laro. Likas na competitive si Allen kaya na-focus na sa lata ang atensiyon niya. Nakailang tumba na tuloy ang preso bago niya maalalang tingnan si Tisoy. Halatang mahiyain pa rin ito kompara sa kanila pero may determinasyon na sa mukha nito. At nang ihagis nito ang sariling tsinelas, naitumba agad niyon ang lata. Namilog ang mga mata nito at agad na tumingin sa kaniya. Ngumisi siya at nag thumbs up. Umaliwalas ang mukha ng batang lalaki at ngumiti.
Nagulat siya at napanganga. Kasi iyon ang unang beses na ngumiti si Tisoy mula nang dumating ito sa bahay nila. At ang cute cute pala nito kapag nakangiti! Mas cute pa sa bunsong kapatid na babae ni Potpot. Natuwa si Allen at lalong ginanahan maglaro kasi gusto niyang mas matagal makita ang ngiti na iyon sa mukha nito.
MULA sa araw na iyon palagi nang magkadikit sina Allen at Tisoy. Hindi pa rin nagsasalita ang batang lalaki pero sa kung anong dahilan nagkakaintindihan silang dalawa. Napansin niya na hindi pa rin komportable ang mama niya na nakatira sa kanila si Tisoy pero ang papa niya, halatang masaya na magkasundo silang dalawa.
Close pa rin ang batang lalaki sa kanyang ama pero ngayon mas madalas na itong sa kaniya nakabuntot. Nagkakalaman na rin ito kasi sinasabayan ang malakas na pagkain ni Allen. Madalas na itong nakangiti at paminsan-minsan naririnig nila ang tawa ni Tisoy. Sa tuwing nangyayari iyon sumasaya rin siya at lalong ginaganahan na patawanin ito. Halos araw-araw rin, nakakatulugan nila ang paglalaro at magkatabing nakakatulog.
Simula nang dumating si Tisoy sa bahay nila ay palaging masaya si Allen. Lagi niya nga sinasabi sa mama at papa niya na gusto niyang maging totoong kapatid ang batang lalaki. Na sana hindi na ito umalis pa at manatili sa tabi niya habambuhay. Sa tuwing sinasabi niya iyon nagkakatinginan ang mga magulang niya at hindi magkokomento. Noong una binabalewala niya ang reaksiyon na iyon ng mama at papa niya. Sa batang isip niya, hindi niya naisip na may mas malalim na kahulugan ang palitan ng tingin ng mga ito at ang paiwas na pagsagot.
Hanggang isang araw, nagbihis ng police uniform ang tatay niya at nagsuot din ng panglakad na damit si Tisoy.
“Saan kayo pupunta, papa?”
Lumuhod sa harap ni Allen ang papa niya at nakangiting hinaplos ang buhok niya. “Dadalhin ko sa doktor si Tisoy.”
Natakot siya at agad nilingon ang batang lalaki. “M-may sakit siya?”
“Allen, ang mga batang ka-edad ni Tisoy hindi ba dapat nagsasalita na? Pero hindi siya nakakapagsalita kasi may nangyari sa kaniya noong wala pa siya sa atin. Kaya kami pupunta sa doktor para matulungan siya na makapagsalita. Hindi ba gusto mo marinig ang boses niya? Gusto mong makausap siya?”
Sunod-sunod na tumango si Allen kahit hindi niya masyadong naiintindihan ang paliwanag ng kanyang ama. “Babalik kayo agad?”
“Oo naman.”
Huminga siya ng malalim at humarap naman kay Tisoy. “Hihintayin kita ha?”
Ngumiti ang batang lalaki at tumango. Inilahad nito ang kamay. Inabot niya iyon. Pinisil nila ang kamay ng isa’t isa. Siya ang nagturo kay Tisoy na kapag nangangako sila ay ganoon ang gagawin nila since hindi ito nakakapagsalita.
Hinatid niya ang mga ito hanggang makasakay sa owner ng tatay niya. Alam naman niya na babalik ang mga ito pero nalungkot pa rin siya. Kahit tuloy nang sunduin siya nina Potpot at Yuri para maglaro ay tumanggi siya. Wala siyang gana. Kaya umupo na lang siya sa may bukana ng pinto, niyakap ang mga tuhod at naghintay.
Pero gumabi na at inantok na siya, hindi pa rin bumalik ang mga ito. At makalipas ang maraming tulog, nang dumating naman si papa ay hindi na nito kasama si Tisoy. Kinuha na raw kasi ito ng DSWD at dadalhin sa ibang pamilya na mas kaya raw itong alagaan at palakihin. Sumama ang loob niya at ilang araw na palaging iritable at umiiyak. Kasi nagalit siya sa papa at mama niya na pinamigay ng mga ito si Tisoy. Higit sa lahat, hindi kasi nito tinupad ang pangako nila sa isa’t isa na babalik ito.