TAONG ninety ninety five nang gulatin ang buong bansa ng isang malaking balita. Isang illegal cargo ang natagpuan ng Bureau of Customs na ibinaba ng isang barko galing China. Naglalaman ng kahon-kahong pekeng gamot ang cargo na mapanganib sa mga tao kung hindi naharang at naibenta sa merkado. Pero hindi lang iyon ang dahilan kaya mabilis na ipinatawag ang mga pulis at iba pang ahensiya ng gobyerno. Kasi may isa pang laman ang cargo na iyon maliban sa pekeng gamot – isang batang lalaki na pinapalagay na limang taong gulang.
Walang kahit anong pagkakakilanlan ang bata na ubod ng payat, dehydrated at may mga pasa at sugat sa katawan. Hindi maipagkakaila na sa durasyon ng biyahe ay walang kinakain ni iniinom ang bata. Katunayan mas nakakamangha na buhay pa rin ito nang matagpuan ng awtoridad. Mukha itong mixed blood ng Asian at Westener pero hindi masiguro kung anong lahi dahil hindi ito makausap. Ayon sa doktor na tumingin dito, trauma ang dahilan kaya hindi ito makapagsalita. Ni hindi nila malaman kung paano napunta sa cargo na iyon ang bata o kung ano ang pinagdaanan nito bago iyon.
Ilang linggong naging laman ng balita ang tinaguriang ‘miracle boy’. Nakipagtulungan ang gobyerno sa embahada ng China para alamin kung may nagreport ng nawawalang bata since doon galing ang barko na may dala ng cargo. Pero inabot ng ilang buwan na walang nagpakitang pamilya nito.
Hanggang magkaroon na uli ng bago at mas controversial na isyu kaya unti-unti na nakalimutan ng media na sundan ang kuwentong iyon. Kahit na marami pang katanungan ang hindi nasasagot. Kalaunan nawala na sa isip ng mga tao kung ano na ba ang nangyari o kung nasaan na si ‘miracle boy’.
NAKIKIPAGLARO ng langit-lupa ang limang taong gulang na si Allen nang marinig niya ang pamilyar na ugong ng isang sasakyan. Huminto siya sa pagtakbo at lumingon sa direksiyon ng kalsada. Hindi siya tuminag kahit halos matulak na siya ng kalaro nang tayain siya kasi hindi siya nakatuntong sa ‘langit’. Nakikita na kasi niya ang owner-type jeep na palapit sa kalsada kung saan sila naglalaro.
Ngumisi siya at mabilis na tumakbo pasalubong sa sasakyan. “Papa! Nandito na si papa!” sabik at paulit-ulit na sigaw niya. Ang tagal-tagal nang hindi umuuwi ng tatay niya kasi may importante raw itong trabaho sa maynila sabi ng nanay niya. Noong nakaraan pa nga palagi niya itong napapanood sa telebisyon kaya pinagyayabang niya sa mga kalaro niya kung gaano ito kagaling na pulis. Pero iba pa rin ang makita uli ito ng personal kasi miss na miss na niya ito.
Huminto ang sasakyan sa tapat ng bahay nila at lumabas ang tatay niya na nakasuot pa rin ng police uniform. “Papa!” tili ni Allen.
Lumingon agad ito, malawak na ngumiti, tumalungko at ibinuka ang mga braso. Masaya niya itong nilundag. Niyakap ang leeg nito. Tumawa ang papa niya at gumanti ng mahigpit na yakap. “Hello, baby ko. Na-miss kita!”
Humagikhik siya at isinubsob ang mukha sa leeg nito. Kaya love niya ang papa niya kasi hindi ito nagagalit sa kaniya kahit na palagi siyang marumi dahil sa paglalaro niya sa labas. Kahit na amoy araw siya at mabaho sabi ng mama niya, kini-kiss pa rin siya ni papa.
“Jovit?” boses iyon ng kanyang ina na mukhang humangos palabas ng bahay nila. Sigurado siya na excited din itong makita ang tatay niya. Dahan-dahan silang kumalas mula sa pagkakayakap sa isa’t isa at parehong nilingon si mama. Kumunot ang noo ni Allen kasi hindi naman sa kanila nakatingin ang kanyang ina kung hindi sa loob ng owner.
Tumayo ang papa niya at naging seryoso ang boses nang magsalita, “Ako lang ang pinagkakatiwalaan niya, Lorena. Ako kasi ang una niyang nakita nang ilabas siya sa cargo dahil ako ang unang dumating nang tumawag sila ng pulis. Ilang beses ko na siya sinubukan iwan sa pangangalaga ng iba pero umiiyak, nagwawala at nangangagat siya. Kaya nga hindi ako makauwi agad kahit balak na nilang ipagkatiwala siya sa DSWD para dalhin sa kung saang ampunan.”
“Kaya ano? Aampunin mo siya? Jovit, ni hindi natin alam kung saan siya galing o kung anong gulo ang puwede niyang dalhin sa pamilya natin. Ngayon ka na nga lang umuwi, nagdala ka pa ng problema!”
“Hindi naman ‘to permanente. Hanggang masanay lang siya makisalamuha sa ibang tao. Sa loob na tayo mag-usap, puwede ba? Naririnig tayo ng mga kapitbahay. Saka huwag mo naman ipakita agad sa kaniya na hindi mo siya gusto. Mula ngayon sa atin muna siya titira. Paano siya mapapanatag kung sumisigaw ka?”
“Napapanood ko pa lang sa tv ang balita, hindi na ako komportable. Magdadala ng malas sa buhay natin ‘yan, Jovit.”
“Lorena. Tama na.”
Nawala ang saya ni Allen at bigla siyang natakot kasi mukhang mag-aaway pa ang mga ito. Nag-iba na kasi ang tono ng kanyang ama, ibig sabihin malapit na ito magalit. Sinilip niya ang loob ng owner kasi mukhang naroon ang pinagtatalunan ng mga magulang niya. Saka lang niya napansin ang payat na bata na hindi tumitinag sa pagkakaupo sa harap ng sasakyan at mukhang natatakot.
“Sino siya, papa?” malakas na tanong niya.
“Sandali at ipapakilala ko siya sa inyo.” Lumapit ang kanyang ama sa owner, nginitian at kinausap ang bata na alanganing tumango. Pagkatapak pa lang nito sa lupa ay yumakap agad ito sa hita ng papa niya.
Sumimangot si Allen kasi hindi niya gusto na may ibang bata na ganoon ka-close sa tatay niya. Gusto niya itong awayin. Kaso payat ito at mukhang mahina. Turo ng papa niya na huwag siya mambu-bully, lalo na ng mga batang mas mahina at mas bata kaysa sa kaniya. Pero nang haplusin ni papa ang ulo ng bata ay nagselos pa rin siya. “Sino siya, papa?” tanong niya ulit.
“Tisoy ang tawag namin sa kaniya. Tisoy, ito ang anak ko, si Allen. Mula ngayon sana maging magkaibigan kayo ha? Kasi dito muna siya sa atin titira. ‘Di ba gusto mo ng kapatid, Allen?”
“Gusto ko baby na katulad ng kapatid ni Potpot,” reklamo niya.
“Mas okay kaya ang kapatid na kasing edad ni Tisoy. May kalaro ka na,” katwiran naman ng papa niya.
Nakasimangot pa rin siya at pinakatitigan ang bata na isinubsob ang mukha sa hita ng kanyang ama at parang iiyak na.
“Allen? Maaasahan ba kita na magiging mabuti kang kaibigan at parang kapatid kay Tisoy?” malumanay na sabi ni papa.
Tumaas ang noo niya at umaktong mas matanda kaysa tunay na edad. Kasi gusto niyang bumilib sa kaniya ang kanyang ama. Lumapit siya sa batang lalaki, pinakatitigan ang takot na mga mata nito at inilahad ang kanyang kamay. “Tara sa loob ng bahay namin. Ipapakita ko sa’yo mga laruan ko.” Pero imbes na abutin nito ang kamay niya ay lalo pa itong sumiksik sa tatay niya. Nainis siya at napahiya. “Kung ayaw mo eh ‘di huwag!”
Tumakbo siya papasok sa bahay nila at dumeretso sa kuwarto niya na hindi talaga niya tinutulugan kasi tumatabi siya palagi sa mama niya. Naiinis pa rin siya. Ayaw niyang doon tumira si Tisoy. Pero ayaw din niyang magalit sa kaniya ang papa niya kung sasabihin niya ang totoo niyang nararamdaman. Kaya tumalungko na lang siya sa tabi ng pinto at niyakap ang mga tuhod.