“ALLEN! Allen! Gising ka na ba, Allen?!”
Inis na binuksan niya ang pinto ng bahay. “Sandali lang, Potpot!” sigaw niya sa kaibigan na nakatayo sa labas ng gate nila. Nakasuot na ito ng school uniform at handang handa na sa pagpasok. Samantalang siya hindi pa naikakabit ang ribbon ng uniform niya at nagsusuot pa lang ng sapatos.
“Sinabi nang huwag mo na akong tawagin ng ganiyan eh. Francis na ang itawag mo sa akin. Grade six na tayo ngayon Allen,” nakasimangot na sabi ni Potpot nang naglalakad na sila papasok sa school.
Humalakhak siya. “Bakit bigla kang nagpapatawag sa totoong pangalan mo? Eh para sa akin ikaw si Potpot. May crush ka na ‘no?” Namula ang kaibigan niya kaya lalo siyang natawa at malakas na tinapik ang likod nito. “Eeww, ang weird mo. Bata pa natin may crush ka na? Isusumbong kita sa nanay mo!”
“Ikaw ang weird! Eleven years old na tayo pero para ka pa rin lalaki kumilos at magsalita. Pati hitsura mo parang lalaki. Kapag tinawag mo pa ako sa palayaw ko pagdating natin sa school, hindi na kita kakausapin kahit kailan!”
Napahinto sa paglalakad si Allen at tumigil sa pagtawa. Kumuyom ang mga kamao niya sa inis. Mukhang napansin na ni Potpot na masusuntok niya ito kaya mabilis itong tumakbo palayo sa kaniya. Gigil na lang na sinipa niya ang bato na nasa harapan niya at impit na sumigaw.
Palaging pang-asar ng mga kaklase niya na mukha raw siyang lalaki. Maiksing maiksi kasi ang buhok niya at mas madalas nakasuot ng p.e uniform kaysa blouse at palda kapag nasa loob siya ng elementary school campus nila. Taekwondo player kasi siya at may practice sila sa umaga, kapag recess at sa hapon kapag tapos na ang klase. Nakakatamad magbihis ng paulit-ulit kaya kapag nagpalit na siya ng jogging pants at t-shirt sa umaga ay iyon na ang suot niya hanggang uwian. May mga teacher siyang nagrereklamo pero karamihan ay pinagbibigyan na lang siya. Palibhasa siya ang pinakamagaling na panlaban ng school nila sa mga competition. Last year nga lumabas ang pangalan ng school nila sa mga diyaryo dahil siya ang naging national champion sa age bracket niya.
Kaya sa totoo lang, hindi apektado si Allen kapag inaasar siya ng mga kaklase niya. Hanggang salita lang naman kasi ang mga ito. Palibhasa alam ng lahat na siya ang pinakamalakas na estudyante sa grade nila. Saka alam din ng mga ito na pulis ang tatay niya. Pero kapag ang kababata niya ang nagsasabi na mukha siyang lalaki, napipikon siya. Siguro kasi mas close sila ni Potpot kaysa ibang kaklase niya kaya mas masakit kapag ito ang nagsasabi.
“Allen! Ano pang ginagawa mo? Male-late na tayo,” sigaw ng kaibigan niya na huminto sa pagtakbo at nilingon siya.
Nawala ang inis niya at napangisi. Kahit ilang beses pa sila magkapikunan ng kababata niya, hindi talaga tumatagal ang inis nila sa isa’t isa. Tumakbo siya pasunod kay Potpot. Pagpasok sa school gate magkasabay na rin silang nagpunta sa classroom nila. Wala kasi siyang taekwondo practice sa umaga na iyon. Naka-leave kasi ang coach nila ng one week.
Sa pinto pa lang napansin na ni Allen na may kung anong pinag-uusapan ang mga kaklase nilang nasa loob. Parang excited ang mga ito na hindi niya maintindihan. “Anong meron?” malakas na tanong niya habang inilalapag ang bag sa armchair niya.
“Nagpunta ako sa faculty room kanina at may nakita akong lalaking estudyante roon na kausap ang advisor natin. Mukhang transfer student at magiging kaklase na natin mula ngayon,” sabi ni Danielle, ang class president nila.
Nagulat si Allen kasi sa anim na taon nila sa elementary ngayon lang may nag transfer sa kanila. At dalawang buwan pa pagkatapos ng pasukan. Kaya naman pala excited ang classmates niya at halos sabay-sabay nagtatanong ng kung anu-ano kay Danielle tungkol sa transfer student.
“Cute ba siya?” pahagikhik na tanong ni Rose Amory, ang class muse nila.
Ngumisi si Danielle at sunod-sunod na tumango. Nagtilian at tawanan ang mga babae. Nawalan na ng interes si Allen sa usapan at umupo. Basta usapang ganoon na-bo-bore na siya kaya hindi na niya pinapakinggan. Lately, dumadalas na puro crushes ang topic sa classroom kapag walang teacher. Kasabay iyon ng regular na pagsusuklay ng buhok, paglalagay ng polbo sa mukha at lipgloss sa mga labi ng girls. Hindi niya napansin kung kailan nagsimula pero kompara nga sa kaniya, naging mature at mas mukha nang mga dalagita ang mga kaklase niya. Hindi siya makasakay sa usapan at mas lalong hindi siya mahilig magsuklay o magpolbo kaya para hindi masabihan ng killjoy ay tumatahimik na lang siya.
Bumaling si Allen kay Potpot na katabi niya sa sitting arrangement. Mukhang naiinis ito at pasulyap-sulyap kay – sinundan niya ng tingin ang tinitingnan nito – Rose Amory.
Aha. Ang class muse nila ang crush ng kababata niya. Ngumisi siya at aasarin na sana ito pero dumating na ang teacher nila. Nagsibalikan sa kani-kanilang armchair ang mga kaklase niya. Halatang sinusubukan ng lahat na tumahimik pero hindi pa rin mapigilan ang excitement. Ang mga nasa first and second row pa nga ay nagkakandahaba ang leeg sa kakatingin sa labas ng classroom.
“Quiet! May bago kayong magiging kaklase mula sa araw na ito,” sabi ng teacher nila. Pagkatapos lumingon ito sa pinto at may sinenyasan. Pumasok ang lalaking estudyante na hindi pa naka-uniporme. Lalong umingay sa classroom nang nakatayo na ito sa tabi ng teacher nila. Si Allen ang pinakamatangkad sa klase nila pero mukhang mas matangkad sa kaniya ang transfer student. Payat ito, maputi at may mukha na mahirap hindi titigan. Kung hindi pa siya siniko ni Potpot ay hindi pa siya kukurap habang nakatitig sa bago nilang kaklase.
Nilingon niya ang kababata na nang-inis na sinabing, “Mas mukha pa siyang babae kaysa sa’yo, Allen.”
Malakas ang boses nito kaya narinig ng mga kaklase nila na nagtawanan at nakisali na sa pang-aasar sa kaniya. Uminit ang mukha ni Allen at inis na sinuntok ang braso ni Potpot na pasigaw na umaray. “Naghahanap ka talaga ng sakit ng katawan ‘no?” Pinanlakihan niya ito ng mga mata at balak pa sana suntukin uli –
“Allen Magsanoc! Tama na ‘yan ha?” sita ng teacher nila.
Lalong uminit ang mukha niya at hiyang hiya na umayos ng upo.
“So class, gusto ko ipakilala sa inyo ang bago niyong kaklase. Maki Frias ang pangalan niya. Say hello to him.”
“Hello, Maki!” sabay-sabay na sabi ng buong klase maliban kay Allen na matalim pa rin ang tingin kay Potpot.
“At dahil bago pa lang siya rito, kailangan ko ng volunteer para maging buddy ni Maki na mag tu-tour sa kaniya sa buong school at magtuturo sa kaniya kung anong part na kayo sa lessons niyo.”
Lalong nagkaingay sa classroom, maraming nagtaas ng kamay at pinakamalakas ang boses ni Rose Amory na nagbo-volunteer. Nakatingin siya kay Potpot kaya nakita niyang nakasimangot ito, halatang hindi natutuwa sa interes ng muse nila sa transfer student. Ngumisi siya, siniko ang kababata at inasar. “Ikaw ha? Alam ko na kung sino ang crush mo.”
Halatang nahiya si Potpot kasi namula ang mukha nito at marahas siyang itinulak. Hindi niya napigilan matawa ng malakas.
“Allen Magsanoc. Stand up!” sigaw ng teacher nila.
Bigla siyang tumahimik, mabilis na tumayo at tumingin sa harapan. “Yes, ma’am?”
“You are as loud as ever. Lumipat ka ng upuan Francis. Palagi kayong nagdadaldalan ni Allen kapag magkatabi kayo. Si Maki na ang uupo diyan mula ngayon at si Allen na ang magiging buddy niya. Come on, move. Mag le-lesson pa tayo.”
Umungol sina Rose Amory, hindi gusto ang desisyon ng adviser nila. Gusto rin niya mag protesta kasi hindi siya puwede maging buddy ng transfer student. Makakaabala sa taekwondo practice niya. Kaso tumayo na si Potpot at lumipat ng upuan habang si Maki naman ay naglakad na palapit sa row nina Allen. Distracted siya kanina kaya ngayon lang niya uli tinitigan ng mabuti ang mukha ng bago niyang seatmate. Nagulat siya kasi nakatitig din pala ito sa kaniya. Pagkatapos kumunot ang noo niya kasi nang magkatitigan sila ay para bang… kilala siya nito.