CHAPTER 4

1276 Words
“Okay, class. Sit down and open your books to page sixty five,” utos ng adviser nila.  Naputol ang eye contact nina Allen at Maki. Pareho silang umupo sa kani-kanilang armchair. Inilabas niya ang textbook para sa klase nila nang mapansin na wala pa rin nakapatong sa desk ng bago niyang seatmate. “Wala ka pang libro?” Tumingin ito sa kaniya at tumango. Hindi siya nagdalawang isip na tumayo, hinila padikit sa upuan nito ang upuan niya. Umupo siya, lumiyad padikit dito at saka ipinatong ang libro niya sa desk nito. “O, ito. Share muna tayo habang wala ka pang libro.” Napatitig na naman si Maki sa mukha niya imbes na sa textbook. Kumunot na naman tuloy ang noo niya. “Bakit?” Umiling ito at binawi ang tingin. Nagsimula na rin magsalita ang teacher nila kaya napunta na sa lesson ang atensiyon ni Allen. Pagkaalis ng adviser nila after ng lesson ay mabilis na lumapit sa puwesto nina Allen ang mga kaklase nila at isa-isang nakipagkilala kay Maki na napansin niyang hindi pa rin nagsasalita. Ni hindi nga ngumingiti. At nang dumating na ang sunod nilang teacher ay nag-alisan na ang mga kaklase nila at bumalik sa kani-kanilang puwesto na hindi man lang naririnig ang boses ng transfer student. Ganoon ang naging sitwasyon sa buong araw na iyon pero habang lumilipas ang oras pabawas ng pabawas ang sumusubok kumausap dito. Napahiya na kasi ang iba at medyo nainis na kasi para nga namang inii-snub nito ang mga kaklase nila. Si Rose Amory at si Danielle lang ang pinakamatiyaga, hindi patatalo sa pagiging tahimik ni Maki. Hindi sumasali sa usapan si Allen kahit nakaupo siya sa tabi ng lalaki. Naaaliw kasi siya panoorin ang dalawang kaklase niyang babae na hindi nauubusan ng sinasabi. Naalis lang ang atensiyon niya sa mga ito nang may marinig siyang sumisitsit. Lumingon siya at nakita niya si Potpot na sumesenyas sa kaniya. Nagtatakang tumayo siya at lumapit sa kababata. “Bakit?” Hinawakan nito ang braso niya at hinila siya paupo sa katabi nitong armchair. “Allen, hindi ba parang pamilyar siya? Parang nakita na natin siya dati eh.” Kumunot ang noo niya. “Sino? Si Maki?” Sunod-sunod na tumango si Potpot. Sabay nilang nilingon ang transfer student na hindi pa rin tinitigilan nina Rose Amory. Tinitigan ni Allen ang mukha nito. Mula sa medyo singkit nitong mga mata na pinaresan ng makapal na mga pilikmata, sa matangos nitong ilong at sa mapulang mga labi na napansin niyang mariing nakatikom at parang naiinis na. “Tama ka Potpot…” “‘Di ba? Pamilyar talaga siya eh!” “Hindi ‘yon. Tama ka na mukha nga siyang babae. Tingnan mo mas maganda pa siya kay Rose Amory,” nakangising sabi ni Allen. “Hindi naman ‘yan ang pinag-uusapan natin ngayon eh. Tingnan mo siyang maigi. Hindi ba siya pamilyar sa’yo? Palagi tayo magkasama mula pa noong mga bata tayo kaya kung kilala ko siya baka kilala mo rin siya.” Pinilit niyang sumeryoso at pinakatitigan ang mukha ni Maki na biglang lumingon sa kaniya. Nang magtama ang mga paningin nila ay may dumaang alaala sa isip ni Allen. Pero masyado iyong malabo at mahirap intindihin. Parang panaginip na akala niya matatandaan niya pero kapag nagising siya mawawala na sa isip niya. Nakakainis lang tuloy pilitin alalahanin kaya marahas na lang niyang ginulo ang buhok at bumuga ng hangin. “Hindi ko talaga matandaan!” “Sorry, sorry. Huwag mo na pilitin ang sarili mo kung hindi mo matandaan. Alam natin na hindi ka katalinuhan, Allen. Paggawa nga ng assignment nakakalimutan mo eh,” alo ni Potpot. Matalim niya itong tiningnan at susuntukin sana sa braso pero nakaiwas ito at malakas na tumawa. Tumayo siya at balak pa sana itong habulin kaso pumasok na sa classroom ang huling teacher nila para sa araw na iyon. Napilitan tuloy siyang bumalik sa upuan niya. Pagkatapos ng klase pinaalala ng teacher nila kay Allen ang bilin ng adviser nila na ilibot daw niya si Maki sa school. Hinarap niya ang bagong kaklase. “Wala ka bang sundo na naghihintay sa’yo?” Umiling ito. “Ayos lang sa’yo na hindi umuwi agad?” Tumango ito. Bumuntong hininga si Allen. “O siya, tara. Ipapakita ko sa’yo ang mga importanteng lugar dito sa school natin.” Tumayo si Maki at isinukbit sa mga balikat ang backpack. Ganoon din ang ginawa niya at magkasabay silang lumabas ng classroom. Maingay at magulo sa oras na iyon kasi nagkasabay-sabay na naroon ang lahat ng estudyante. Labasan kasi ng mga pang-umaga at pasukan naman ng mga panghapon. Kailangan makipagsiksikan para lang makalabas sa building kung nasaan ang classroom nila. Nilingon niya si Maki para sabihing huwag lalayo sa kaniya kaso huli na pala ang lahat. Nabunggo na ito sa kung sino-sino at malapit na maagos ng mga estudyanteng papunta sa pinanggalingan nila. Nanlaki ang mga mata ni Allen, mabilis na pumihit pabalik at inabot ang braso nito. Pero dahil napaatras ito kaya kamay nito ang nahawakan niya. Pagkatapos hinila niya ito hanggang magkatabi na uli sila. “Huwag ka muna bibitaw sa akin hangga’t hindi tayo nakakalayo,” bilin niya rito bago nagsimula uli maglakad. Sandali lang naman nabawasan na ang mga estudyante kasi nakapasok na ang mga ito sa kani-kanilang classroom. Sa quadrangle, ang natira na lang ay ang mga katulad ni Allen na member ng sports club. May mga naghahanda na para sa gymnastics practice sa taas ng stage, may nagtatayo na ng net para sa badminton, volleyball at sepak takraw at ang iba naman ay tumatakbo na para sa warm up. Magkahawak pa rin ang mga kamay nila ni Maki kahit nang hindi na sila nababangga ng kung sino-sino. “Ano ang una mong gusto makita? Nagugutom ka na ba? Gusto mo sa canteen muna tayo pumunta? O ang mga CR ba ang gusto mo makita? Baka kailangan mo mag banyo?” sunod-sunod na tanong ni Allen habang iginagala ang tingin sa paligid, nagdedesisyon kung saan pupunta. Pinisil ni Maki ang kamay niya kaya napahinto siya at humarap dito. Nakatitig ito sa mukha niya. Kumunot ang noo niya. “May gusto ka ba sabihin sa akin? Kaninang umaga mo pa ako tinititigan ah.” Humigpit na naman ang hawak nito sa kaniya at sinalubong ng tingin ang kanyang mga mata. Pagkatapos sa unang pagkakataon mula nang dumating ito sa school ay bumuka ang bibig ng binatilyo at nagsalita, “Allen.” Umawang ang bibig niya, hindi inaasahan na pangalan niya ang una nitong sasabihin. “Allen.” “Ano nga?” tanong niya nang makabawi sa pagkagulat. “Maki?” Biglang umaliwalas ang mukha nito at malawak na ngumiti. Pinisil na naman nito ang kamay niya at parang gusto pa nga tumawa na para bang tuwang tuwa ito. Hindi nga lang niya alam kung bakit. “Ayos ka lang ba?” namamanghang tanong ni Allen. Sunod-sunod itong tumango. “Okay…” duda pa ring sabi niya. “Saan mo nga gusto magpunta?” “Kung saan ka madalas nagpupunta.” “Ah. Tara sa canteen!” mabilis na sagot niya at nagsimulang maglakad. Walang pagdadalawang isip na umagapay ito sa kaniya. Napansin ni Allen na nakahawak pa rin ito sa kamay niya pero hindi na lang siya nag komento. Mahirap na baka maligaw ito. Saka pakiramdam niya kasi hindi iyon ang unang beses na hinawakan niya ang kamay nito. Komportable siya kaya hinayaan na lang niya. Hindi pa niya alam ng sandaling iyon, pero magiging simula pala ang araw na iyon ng isang magtibay at malalim na samahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD