Part 1
Crossroads
AiTenshi
Sept 5, 2020
Ang malamig na buhos ng ulan ay nanunuot sa aking buong katawan habang unti unting hinuhugasan nito ang dugo sa aking mga kamay. Noong mga sandaling iyon ay pilit kong binabalikan sa aking isipan kung paano ba humantong sa ganito ang lahat. Ngunit sa kasamaang palad ay wala na akong maalala pa. Nakakatuwang isipin na alam ko na ang magiging katapusan ngunit hindi ko alam kung paano nag simula.
Tahimik kong pinagmasdan ang aking mga kamay, bahagya ko itong iginalaw upang mawala ang bahid ng natuyong dugo sa aking mga daliri. Pero batid ko naman na kahit mahugasan ang mga ito ay hindi pa rin mababago ang aking mga nagawa.
Malakas ang patak ng ulan ngunit mas malakas ang kalabog ng aking puso. Marahan akong tumingala at sinubukan hugasan ang aking mukha, nagbabaka sakali akong mahugasan rin ang aking mata na noon ay lumalabo dahil dinadaluyan ito luha. Huminga ako ng malalim at pilit ikinalma ang aking sarili.
Tahimik..
Habang nasa ganoong posisyon ako ay may tumawag sa aking pangalan mula sa likuran at kasabay nito ang malakas ng putok ng baril na umalingawngaw sa tahimik na gabi. Mabilis ang pangyayaring iyon, naramdaman ko nalang ang mainit na bagay na tumagos sa aking kalaman at lumusot sa aking dibdib.
Sa isang iglap ay dumaloy ang dugo sa aking katawan at marahang huminto ang lahat..
Part 1
10 MONTHS EARLIER
"Ano? Suko kana? Wag mo sabihin sa akin na mahina ka? Pinasok mo ito kaya wag kang babakla bakla! Yabang yabang mo kanina tapos ngayon ay titiklob ka?" sigaw ko habang hawak ang pang hampas na ihahataw ko ng walong beses pa sa katawan ng neophyte na miyembro ng aming samahan o brotherhood kung tawagin.
"No master! Kaya ko pa!" sigaw nito habang nakapiring ang dalawang mata bagamat ang panginginig ng kalamnan ay makikita mo na habang tagaktak ang pawis sa sahig.
"Sige pare hatawin mo na! Pag katapos painumin natin ng ihi!"sigaw naman ng mga ilang miyembro pag katapos ay nag tawanan sila.
Hindi na ako nag isip at walang awa kong binarog ang katawan ng bagong salta hanggang sa mamatay ito sa sakit at hindi na nakabangon pa. "Patay na ba?" kaswal kong tanong habang pinag mamasdan itong naka dapa sa sahig.
"Huminga pa naman boss, wala lang malay," ang sagot nila.
"Aba e dapat lang, ang tibay ng katawan ang punuhanan natin dito dahil may mga assignment tayo na bugbugan at kinakailangan ng matibay na kalamanan at sikmura. Pag lalambot lambot ay tiyak na mabubuang ka lang at tuluyan kang pang hihinaan ng loob. Hinahampas at binubugbog ang katawan mo para makatiyak na kaya mong indahin ang sakit nito, kailangan naming malaman kung gaano ka katibay! Sige dalhin niyo na iyan doon sa loob, gamutin ninyo o dalhin doon sa ospital," ang paliwanag ko sabay upo sa isang gilid, isang malalim na buntong hininga aking binitiwan habang nakatanaw sa liwanag na nag mumula sa lumang LED light na naka sabit sa mga pader.
"Bubuhayin natin ito boss, mayaman ang angkan nito. Marami tayong mapapakinabangan dito," tugon nila habang naka ngisi.
Nag kibit balikat nalang ako, "bahala kayo," tugon ko sabay hitit ng yosi at hinubad ang aking pawisang damit. "Miyong ilang baguhan pa ang naka pila?"
"Tatlo pa boss. At minor de adad yung isa."
"Pauwiin mo ang menor de adad, wala akong balak mag supply ng gatas at lampin sa kanya. Kung mapilit ay bugbugin mo nalang at ihagis doon sa kanal," ang sagot ko na hindi maitago ang pagod.
"Masusunod po boss," tugon nila.
Maya maya ay may lumapit na babae sa akin, kumandong ito at niyaya ako sa isang silid. Dito ay nag hubad kami ng damit at marahan na nag palitan ng halik. Sa ganito umiikot ang aking mundo,ang pag papahirap sa mga sumasali sa aming brotherhood ang aking pangunahing gawain bagamat parte ito ng aking tungkulin bilang kanilang leader ay may oras na parang inuusig din ako ng aking konsensiya.
Ang uri ng trabahong mayroon ako sa Sigma ay isang madugong gawain dahil involve dito ang pag kitil, hindi ko na alam kung ilan na ba ang dumaan sa aking kamay, iyon ang dahilan kaya't masasabi kong matibay na rin ang aking sikmura. At dahil naka back up sa amin ang isang pribadong organisasyon at sektor ay lagi kaming napapagtakpan, mabilis na nahuhugasan ang aming kamay. Karaniwan kasi ang matataas na opisyal ay dating miyembro ng aming samahan kaya't hindi problema ang makagawa ng mabigat na kasalanan.
Ang "Alpha Sigma Victum" ay itinayo noong taong 1960 pa, sa makatuwid ako ang pang 25 na naupo bilang pinuno ng grupo, dahil ang aking lolo ay dati ring pinuno nito noong siya binata pa lamang na pinalitan naman ng aking ama sa pag lipas ng panahon. Ito ay parang isang tradisyon na pinag pasa-pasahan na hanggang pumasok ang makabagong panahon.
Mula sa mga lumang larawan kupas ng mga pinuno at miyembro na naka sabit sa pader ng aming gusali hanggang sa pumasok ang mga bagong henerasyon. Walang taon ang panunungkulan ng isang leader, hangga't ito ay may lakas ay maaari siyang manungkulan. Sinasabi nila na sa history daw ng aming samahan,“ako” ang pinaka mahinang leader nito dahil nakaka kitaan ako ng bahid ng takot at pag aalinlangan. Hindi naman kasi ako ganoong kaperpekto kaya’t paminsan minsan ay sumasablay din ako.
Ang Sigma ay isang samahan ng mga kalalakihan na sa ngayon ay lumalawak na. Maganda ang hangarin ng aming grupo, tumutulong kami sa ibat ibang bayan na nangangailangan. Pero ang lahat ng ito ay pang front o pang cover lamang, yung publicity kumbaga upang mapabango ang aming pangalan
Siguro itatanong niyo kung saan nakukuha ang mga bagay na ginagamit namin sa pag tulong. Ang mga ito ay ipinag kakaloob ng mga pribadong sector katulad ng mga kompanya at mga politikong tao. Sa mga maka tuwid marami kaming connections kaya hindi kami nauubusan ng pondo. Sa ngayon milyones ang nakalagay sa aking pangalan kaya masasabi ko na tinatamasa ko marangyang buhay. Pero sa kabila ng lahat ng ito ay laging sangkot ang aming pangalan sa hazing at kung ano ano pa at mga krimen ng patay. Kaya kapag sinabing taga "sigma" ka ay tiyak na igagalang at katatakutan ka. Anyway, hindi naman nila alam na ako ang leader nito maliban sa mga kilala at mamalaking tao na lagi kong nakakasalamuha.
At kalakip ng lahat ito ang isa sa pinaka sikreto ng "sigma" at iyon ang pagiging assassin o bayarang taga paslang ng bawat miyembro. Ito nag dadala ng malaking pera sa aming organisasyon.
Ako si Alexis o mas kilala sa pangalang "Lex", 22 taong gulang, 5’8" ang taas, maganda ang pangangatawan. Hindi naman sa pag mamayabang pero habulin ako ng mga babae sa aming lugar. Noong 17 years old ako ay madalas din akong laman ng mga bikini open at iba pang mga events na may kinalaman sa popularidad dahil madalas akong isinasali ng aming campus. Ang akala nga nila ay mag aartista ako pero hindi nila alam na naka ukit na sa aking kapalaran ang maging pinuno ng aming organisasyon.
Dalawa ang anak nila mama at papa, ako ang panganay, ang sumunod sa akin ay apat na taong gulang palang. Malayo ang pagitan ng aming edad sadyang nakahabol lang si mama bago ito tuluyang matuyuan.
Hindi naman kami ganoon kayaman noon, ngayon nalang umunlad ang aming pamumuhay sa tulong ng organisasyon. Si papa ang nag kayag sa akin na pumasok sa kanilang brotherhood upang mag karoon daw ako ng kapangyarihan at magawa ko ang lahat gusto ko. Marahil isa ito sa mga nakapag papayag sa akin upang pasukin ang ganito buhay. Naakit ako sa pera, sa bisyo at maging sa kakaibang respeto ng tao kapag ikaw ay nasa labas na pakiwari mo ikaw na ang pinaka matapang sa lahat.
Halos tatlong taon na rin akong pinuno ng sigma, at nagawa ko na rin ang aking tungkulin ng paulit ulit, maraming beses na ring nag karoon ng dungis ang aking kamay. Kaya naman minsan ay sumasagi sa isip ko na mag quit na at ituloy nalang ang aking pag aaral na naantala dulot ng aking pag pasok dito. Ngayon ay nag sisisi ako kung bakit pahinto hinto ako noon. "Tangna pare, ipag papalit mo ang marangyang buhay mo dito sa sigma para mag aral sa lungsod? Pwede ka naman mag aral nang hindi kami tinatalikuran hindi ba?" sabi ni Miyong habang tumatagay ng alak.
Hindi ako sumagot, ipinag patuloy ko na lang ang aking pag inom ng alak. Nag iisip pa rin ako kung mag q-quit na ako, o baka naman sadyang pagod nalang ako?
Tahimik..
"Boss balita ko may bagong lider daw ang "Kappa Royale". Sinong gunggong naman kaya ang pumalit sa dating pinuno nito?"
Ang "Kappa Royale" ay isang brotherhood o organisasyon din sa kabilang lungsod, hindi naman kami mag kalaban ngunit ganoon na rin ang lumalabas dahil karaniwan kapag naliligaw ang mga kapatid ko doon sa kanilang balwarte ay binubugbog nila ito kaya naman gumaganti kami kapag may naliligaw na miyembro nila dito sa aming balwarte. Ang kalaban kasi ng isa ay kalaban ng lahat, kayat madalas nag karoon kami ng riot kung saan saan. Madalas din kaming mag kakompetensiya sa mga assignments kaya't kung minsan ay talagang nag kakainitan.
Ayon sa history, mas nauna ng dalawang taon ang Sigma kaysa sa Kappa. Sabi sabing ang nag tayo daw ng Kappa Royale ay dating miyembro ng Sigma na tumiwalag noon pang 1980s at nag pasalin salin ito hanggang sa kasalukuyan.
Anyway wala naman akong paki alam sa Kappa Royale at lalong wala akong paki alam sa bagong leader nila. Ang mahalaga ngayon ay kung paano ako babalik sa pag aaral ko at para naman maiba ang ambiance ng aking pamumuhay. Sawa na kasi akong humampas at manakit ng tao, sawa na rin akong mag tago sa mga gusali ay bumaril ng target. Pakiwari ko kapag namatay ako ay matik na sa impiyerno ako babagsak, wala nang tanong tanong pa.
Sa tatlong taon halos daang tao na ang nahataw ko, ilang assassination assignment rin ang aking nagawa at ilang beses na rin akong nakipag riot sa ibat ibang lugar. Naalala ko nga dati kung paano ko nakipag basagan ng bote sa ulo noong makipag away ako sa isang bar. Napaka natural na lamang sa akin na may tumutulong dugo sa aking mukha. Sanay na rin akong nasasaksak ng kung ano anong matulis na bagay at nasasaktan ng sagad sa buto. Ang lahat ng ito ay bale wala nalang sa akin. Marahil ay manhid nalang ako, o baka nakasanayan ko nalang.
"Boss, hatawin mo na! Huling tira na iyan! Itodo mo!" ang sigaw ni Miyong habang binibinyagan ang bagong salta sa sigma.
Kaya naman hinawakan ko ang padel at unat kilikiling hinataw ito sa binti ng bagong salta. "Arrghh! Ahhhhhh," ang impit nan sigaw nito.
"Sige ilabas nyo na iyan. Kapag nalumpo bilhan nyo nalang ng wheel chair!" ang sigaw ko at nag tawanan lahat. Ganyan talaga ang sakripisyo sa sigma upang maging matatag ka, kung makapasa ka naman sa aming samahan ay katakot takot na benipisyo ang nag hihintay na sa iyo katulad ng mga sponsors sa mga politiko, mga kagamitan katulad ng motor at maaari ka pang tumira sa mansyon na pag aari ng brotherhood. Instant good life nga sabi nila. Iyon eh kung mabubuhay ka pa. "Dito masusukat ang lakas ng katawan at tibay ng kalamanan. Sabi ko nga sa inyo, ang pag pasok sa Sigmang ito ay isang trabaho, dapat ay marunong kayong mabugbog at tumanggap ng matinding sakit sa inyong mga katawan."
Lahat ng ito ay tinatamasa ko ngayon, ngunit alam kong darating pag kakataon na tatalikuran ko ang lahat ng ito dahil mas pipilin ko ang tahimik na buhay katulad ng madalas kong pinapangarap para sa sarili ko. Kaya naman isang araw ay kinausap ko si papa kung maaari na akong bumalik sa eskwela para ipag patuloy ang aking pag aaral at talikuran ang aking nakasanayang buhay sa sigma.
Alas 11 ng umaga noong bumisita ako sa opisina ni papa. Dito ay sinabi ko na sa kanya ang lahat ng aking nais sabihin. "Totoo ba iyang sinasabi mo? Natutuwa ako dahil gusto mo na bumalik ng pag aaral. Sino ba naman magulang ang hindi matutuwa kung ang anak nila ay makapag tapos," ang wika ni papa habang abala sa pag tingin ng mga files sa folder.
"Salamat po papa, maaari ko na rin sigurong talikuran ang sigma."
"What? No Lex! Isang taon pa ang termino mo bilang isang leader.Maaari kang bumalik sa pag aaral ngunit hindi mo maaaring talikuran ang tungkulin mo sa sigma."
"Pero pa, napapagod na ko. Gusto ko na ng tahimik na buhay."
"Maraming nangangarap na mapunta sa kinalalagyan mo, halos lahat ng kalalakihan dito sa lungsod ay nag hahangad ng ganyang buhay at kapangyarihan kagaya ng tinatamasa mo. Nasisiraan kana ba ng bait?"
"Hindi papa, pero.."
"Tama na ang pero pero Alexis, ano nalang ang sasabihin ng mga kumpare ko kapag nalaman nila na tumalikod ka? Kawalan ng bayag yang sinasabi mo! Maaari kang bumalik sa campus ngunit hindi ka maaaring tumakas sa responsibilidad mo! I think this conversation is over. And the answer is NO! You can leave my office now,” mariing tugon ni papa sabay bagsak ng folder na hawak sa kanyang lamesa.
"Pa, naman. Pakinggan mo muna ko please.”
"Out!"
"Pa, please."
"I said, get out!"
Hindi ko nakakalimutan na kaya kami yumaman ay dahil sa sigma ngunit hindi ko rin nakakalimutan na ang sigma ang sumira ng pag katao ko. Dahil sa samahang ito ay nag hiwalay si mama at papa. Dahil sa sigma ay nakalimutan ko na ang salitang "maging mabait at maawain". Nawala ang aking malambot na pag katao, hindi ako bakla ang ibig kong sabihin ay hindi na ako madaling maawa, makapal na ang aking balat matindi pa sa kalabaw.
Kung babalik man ako sa pag aaral ay hindi ko hahayaang malaman nila na ako ay isang sindikato, bandido or anything na gusto nilang itawag sa kagaya kong leader ng organisasyon. At mamumuhay ako ng normal at makikipag kaibigan sa mga normal na tao. Hahanap ng girlfriend at aalagaan ko ito ng higit pa sa sarili ko.
Noong gabi ring iyon ay nag pasya akong umuwi sa bahay ni mama upang kumuha ng payo. Alam kong sabik na rin itong makita ako dahil hanggang ngayon ay hindi sya pabor sa desisyon ni papa na ipasok ako sa sigma. At ito ang dahilan kaya nag hiwalay sila. Maayos naman ang pag papalaki sa akin ng aking ama, ngunit may isang bagay lang ang hindi nya kayang gawin at iyon ay intindihin ako na kagaya ng ginagawa ng aking ina.
"Ma," ang bungad ko habang nakatayo sa tarangkahan ng kanyang bahay.
"Alexis?Anak! Mabuti napadalaw ka," ang sabi ni mama habang tumatakbo ito at halatang sabik na sabik yakapin ako "Gillian, nandito ang kuya Lex mo."
Si Gillian 4 years old at siya ang bunsong anak ni mama at papa. 1 taong gulang palang siya noong nag hiwalay ang aming mga magulang. Noong mga panahon na iyon ay sapilitan akong kinuha ni papa para ipasok sa sigma at si Gillian naman ay kinuha ni mama dahil ayaw nyang matulad ito kay papa na isang mamamatay tao rin. "Kuya Lex!" ang sigaw nito habang nag kakandarapa sa pag takbo patungo sa akin.
"Noong isang araw ka pa hinahanap niyan, ang kulit kulit at ayaw kumain ng marami dahil nag promise ka daw na ibibili siya ng laruang robot pag bumalik ka dito."
"Ma, hindi ko naman nakalimutan iyon, madami akong dalang laruan para kay Gillian. Tayo na po muna sa loob. May dala rin ako ng mga pag kain at groceries," ang tugon ko habang kinukuha ang mga pinamili sa likod ng sasakyan.
"Kumusta kana anak? Sinong nakaka alam na pupunta ka rito?" tanong ni mama.
"Si Miyong lang po ma, yung kanang kamay ko sa sigma. Naalala niyo po ba yung kasama ko dito madalas? Sa kanya po ako nag sabi na uuwi muna ako dito sa iyo. Hindi alam ni papa na pumunta ako rito," paliwanag ko habang kinukuha ang mga laruan ni Gillian sa aking dalang knapsack
"Wow, andame! salamat po kuya," ang sabi nito sabay yakap sa akin.
"Lagi kitang bibilhan ng mga laruan basta mag promise ka kay kuya magiging good boy ka pag laki mo. Wag ka papasok sa kahit na anong grupo katulad ko ha. At huwag mong pababayaan si mama, dapat ay lagi mo siyang mamahalin."
"Bakit po kuya, badboy ka ba?" tanong ng bata dahilan para matahimik ako.
"Ah eh, syempre hindi ako badboy. Gusto ko goodboy ka rin kagaya ko ha."
"Opo kuya, promise po."
Noong gabi ring iyon ay sinabi ko kay mama ang binabalak kong pag babalik sa eskwela at ikinatuwa naman nya ito. Hindi daw niya inaasahan na mag iiba ako ng daan dahil ang akala daw nya ay masaya na ko sa buhay ko sa loob ng sigma. Nangako naman sa akin si mama na susuportahan ang aking desisyon at makikipag usap nya ng masinsinan kay papa ukol sa aking plano. Alam naming dalawa na hindi ito magiging madali dahil sarado ang pag iisip ni papa at ang mahalaga lang sa kanya ay ang dangal sa kanyang mga alumni na ka brother.
At noong gabi rin iyon ay naranasan ko kung paano alagaan ng isang ina. Nandyan yung pinag silbihan nya ako, ipinag luto ng hapunan. At dahil dito pansamantala kong iniwan ang aking pag katao bilang sigma at nakisalo kila mama at Gillian bilang miyembro ng pamilya. Hanggang sa pag tulog ko ay inaasikaso pa rin ako ni mama at syempre dito na rin natulog ang aking bunsong kapatid sa aking tabi. Alam ko naman kasi na sabik sabik ito sa kalaro dahil mag isa lamang siya sa bahay at kadalasang katulong lang ang kasama.
Ang sarap ng normal na buhay. Ngayong gabi na ito ay kumot at unan ang hawak ko, hindi baril o baseball bat na pang hampas kung kani-kanino.
Tahimik..
Tumingin ako sa aking kapatid at ginusot ang buhok nito.
“Ito pala ang pag kakaiba ng normal na lalaki sa isang kagaya ko," bulong ko sa aking isip habang pinag mamasdan ko ang aking kamay na walang bahid ng dugo o pawis man lang.
Itutuloy..