Chapter 3 Venus Club

1239 Words
Carel Rain "I-SERVE mo ito sa table 8," sabi sa akin ni Leo na isa sa mga bartender. Tiningnan ko ang ibinigay niyang tray na may dalawang bote ng alak. Tinanguan ko siya saka binuhat na ang tray. Hindi naman mahirap hanapin ang table dahil sadyang naka-arrange 'yon. Araw-araw ay iba-iba ang naka-assign sa amin. Ako mas gusto ko na rito sa baba at sa mga open table kaysa sa mga VIP room na nakakatakot minsan pasukin. Safe naman ang club at isa 'yon sa nagustuhan ko. Pero hindi rin naman natin alam kung ano ang pwedeng mangyari lalo na kapag lasing o kaya naman ay may sapak sa utak ang nasa loob ng isang vip room. Nang makita ko ang table number 8 ay isang matamis na ngiti ang gumuhit sa aking mga labi. Isa ito sa mga rules ng Club. Dapat daw ay maaliwalas ang aming mukha sa tuwing humaharap kami sa customer. May dalawang lalaki ang nakaupo at may dalawang kasamahan ko ang kasama nila. Tinanguan nila ako matapos kong ilapag ang alak sa lamesa. "Rain, kuha mo rin kami ng pulutan. Malapit na maubos ang pulutan namin," saad ni Loreen na siyang nasa kaliwang bahagi ng sofa. Tumango na lang ako dahil alam ko rin naman kung ano ang gusto nila. Nagpaalam na ako nang may tumawag sa akin. Ayoko naman maging bastos baka may ipapasuyo lang kaya naman lumapit na ako sa table number 5. "Yes, Sir?"magalang kong saad pagkalapit ko. Tatlong lalaki lang sila at mukhang kakarating lang. "Ang ganda mo naman. Gusto mo ba kami saluhan dito?" nakangising tugon ng lalaki na nasa kaliwa. Gwapo naman siya pero halatang manyakis. "Sir, pasensya na po pero waitress po ang trabaho ko rito. Kung gusto n'yo po ng makakasama ay may mga GROs po kami," madiin kong sagot na mukhang hindi nagustuhan nang nasa gitna. "E, paano kung ikaw ang gusto namin? May magagawa ba sila?" malakas ang boses niya kaya bigla ako napatingin sa paligid. Sa lakas kasi ng boses niya ay siguradong nakaagaw na siya ng atensyon. Ayoko pa man din ng ganoon. "Sir, pasensya na po talaga. Tatawag na lang po ako ng makakasama n'yo. May order pa po ba kayo?" Nagtitimpi kong tanong. Dahil kapag nainis ako ay baka ipalo ko sa kanila ang hawak kong tray. "Hindi ka ba nakakaintindi? Tagalog na 'yon, ah! Ang sabi namin umupo ka rito at ikaw ang gusto namin maka-table!" muling sigaw nang nasa gitna. Mga gwapo naman pero mukhang mga walang pinag-aralan. Tinuruan naman kami kung paano mag-handle kapag ganito na ang sitwasyon. Pero hindi agad ako nakagalaw nang mabilis na tumayo ang nasa gitnang lalaki at hinila ako paupo sa kanyang kandungan. Mabilis na yumakap ang mga braso niya sa baywang ko at dumampi ang labi sa leeg ko. Kaya sa gulat ko ay mabilis kong naipalo sa mukha niya ang tray na hawak ko at nagmamadali akong tumayo palayo sa kanila. Narinig ko pa ang sunod-sunod na mura niya. Hawak-hawak ko ang dibdib nang makapasok sa kusina. Hayop na lalaking 'yon. Napakamanyak! Kadiri! "Ayos ka lang?" tanong ni Ashley—ang dishwasher sa Club. Umangat ang tingin ko at bahagyang tumango. "Oo, may manyak lang kasi na mukhang nakalimutan ang definition ng waitress. Nakakainis!" reklamo ko at nanghihinang umupo. "Ganyan talaga halos mga parokyano rito. Akala mo lahat ay kaya nilang bilhin. Porket may pera sila, tsk! Paano kaya nila naaatim na magtaksil sa mga asawa o kaya nobya nila?" litanya rin ni Ashley na abala sa paghuhugas. Napabuga na lang ako ng hangin at biglang napatayo nang pumasok si Mama Imee. "Ayos ka lang ba?" Bakas ang pag-aalala sa mukha niya dahilan para mawala ang takot ko. Baka kasi pagalitan ako at alisan ng trabaho. "Hindi ka naman sinaktan? Para i-report natin o kaya putulan ng kaligayahan." "Ayos lang po ako, Mama Imee. Pasensya na po." "Tama lang ang ginawa mo. Naka-ban na sila. Hindi porket mayayaman ay akala yata ay hahayaan natin sa mga kalokohan nila. Sige na bumalik ka na sa trabaho." Pagkasabi niyon ay tumalikod na siya at lumabas. Inayos ko naman muli ang suot kong uniform saka lumabas na rin para ipagpatuloy ang aking trabaho. Ilang oras na lang naman at matatapos na rin ang shift namin. Pagkalabas ko ay sinalubong ako ni Wella—isa sa mga dancers naman at nagpapatable rin. "Ayos ka lang?" Bakas ang pag-aalala sa boses niya. Marahan naman akong tumango. "Ayos lang," tipid kong sagot. "Mabuti kung gano'n. Sa susunod sipain mo ang sandata para naman madala." Natawa na lang ako sa sinabi niya. Minsan napapaisip ako kung paano siya nakapasok sa Venus Club e, dinaig pa ang mga bouncer namin sa kilos niya. May pagkaboyish kasi siya pero kakaiba rin ang taglay na ganda. Nagpaalam na siya at nagpaalam lang daw siya na magbabanyo. Laking pasasalamat ko at sa buong natitirang oras ng duty ko ay wala nang nagbalak ng kamanyakan. Dahil kung hindi baka tuluyan ko nang basagin ang kaligayahan nila. Dahil sabado ngayon ay talaga naman sobrang nakakapagod pero sulit naman lalo na at malaki-laki rin ang tip na makukuha namin. Unti-unti nababawasan ng tao ang loob ng club. Napasunod ako ng tingin sa isang kasamahan namin na bakas ang kasiyahan sa mukha habang nakaakbay ang isang gwapong lalaki sa kanya at palabas ng club. Mukhang matabang isda at fresh pa ang nahuli niya. Muli ko na sanang itutuloy ang pagliligpit nang may mahagip ang aking mga mata. Isang lalaki na prenteng nakaupo sa may dulong bahagi at kahit hindi gano'n kaliwanag ang pwesto niya ay ramdam na ramdam ko na nasa akin ang tingin niya. At ang ikinagulat ko ay ang pagbilis ng t***k ng puso ko lalo pa pakiramdam ko ay magkatagpo ang aming mga mata. Napalunok ako at nagsimulang ihakbang ang mga paa patungo sa kanya. Para bang may malakas na pwersa ang humihigop sa akin upang puntahan ang lalaki. Nasa kalagitnaan na ako nang may tumawag sa akin. Napalingon ako at nakita ang isang customer. Hindi ko alam kung lalapitan ko ang customer o ipagpapatuloy na lapitan ang lalaki. Nang muli akong tawagin ng customer ay napahinga na lang ako saka mabilis na sinulyapan ang lalaki. Sa aking muling paglingon ay ang pagtama ng liwanag mula sa umiikot na ilaw sa kinaroroonan niya. At gano'n na lang ang pagkagimbal ko nang makilala ang mukhang iyon. Hindi maaari. Paano niya ako nasundan dito? Hindi niya ako pwedeng makita. Kaya naman mabilis ang pagtalikod ko sa kanya at nilapitan na lamang ang customer na tumawag sa akin. Todo yuko ako lalo na nang mapansin ko na tumayo siya. "Sige po." Mabibilis ang hakbang kong umalis matapos mag-order ng customer. Walang lingon-likod akong nagpatuloy sa paglalakad hanggang makapasok sa employees quarter. Ang kaba sa dibdib ko ay sobrang bilis. Pilit ko pinapaniwala ang sarili ko na nagmamalik-mata lang ako. Imposible naman! Sa laki ng Maynila at ng Pilipinas ay muling magtatagpo ang landas namin. "Kalma ka lang Rain. Nagkamali ka lang. Hindi siya 'yon. Imposible!" Pero kahit ano yata kumbinsi ko sa aking sarili ay hinding-hindi ko makakalimutan ang gwapong mukha ng lalaking tumulong sa akin pero… tinakasan ko at ang masaklap ay ninakawan ko pa. 'Oh, Lord! Ilayo n'yo po siya sa akin. Nang bumukas ang pinto ay napahiyaw pa ako sa gulat at nang lumingon ako ay gano'n na lang ang gulat ko nang makita kung sino ang nasa may bungad ng pintuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD