Chapter 2 New Family

1342 Words
Carel Rain "BILISAN MO!" "Sandali lang naman kasi!" pasigaw kong sagot. Hindi pa nga ako tapos maligo ay nagmamadali na ang babaitang ito. Bakit kasi rito pa magbabanyo? Binilisan ko na ang pagligo saka lumabas ng banyo na nakatapis lang. "Ang tagal, ah!" reklamo ni Nyll at binangga pa ako bago pumasok ng banyo. Nailing na lang ako saka pumasok na sa kwarto. Dalawang linggo na mula nang mapadpad ako sa lungsod. At dalawang linggo na rin akong nakatira rito sa apartment nina Nanay Lorna. Nanay ang gusto niyang itawag ko sa kanya nang malaman niya na ulila na ako. 'Yon kasi ang sinabi ko sa kanila para wala nang maraming tanong. Sinabi ko na sinubukan kong makipagsapalaran dito nang mamatay ang tiyahin ko na nagpalaki sa akin. Alam kong masama magsinungaling pero wala akong pagpipilian. Ayoko mag-isip sila ng masama sa akin. "Tititigan mo na lang ba ang damit na 'yan o susuotin mo?" Napukaw ako sa boses ni Nyll na nakapasok na sa kwarto ko. Inirapan ko lang siya saka itinuloy na ang pagbibihis ko. Wala naman akong pakialam kahit nasa loob pa siya, sa loob ng dalawang linggo ay nagkasundo naman kami. Hindi naman talaga masama ugali niya. Pinoprotektahan lang talaga niya si Nanay Lorna sa mga mapagsamantalang tao. "Ano ba kasi ginagawa mo rito?" tanong ko habang isinusuot ang kulay itim kong rubber shoes. Oo nga pala. Hindi ko makakalimutan kung gaano siya nainis sa akin dahil sa maling bigkas ko sa pangalan niya. Aba! Malay ko ba! Ang hirap kasi. Za-ra-ya Nil, daw kasi 'yon. Pero dahil mahaba at nabubulol ako ay Nyll o Nil na lang. Huwag na siya maarte. "Naningil lang ako diyan sa kabilang apartment. Tapos naihi ako kaya dumiretso na ako rito." Umupo siya sa dulo parte ng kama. "Talagang may dala ka pang susi, 'no? Ako nga huwag mong paglolokohin. Alam kong gusto mo lang ako hulihin kung may kasama ba ako rito?" Panghuhuli ko sa kanya. Nang ngumisi siya ay nailing na lang ako. 'I knew it!' sa isip ko. "Hindi kaya 'no! Masyado kang mapanghusga sa akin," depensa niya pa. "Sus! Ikaw pa. Saka bakit naman ako magdadala rito? Ano siya sinuswerte? Dapat sa hotel niya ako dalhin, 'no." Nakita ko ang panlalaki ng mga mata niya at mabilis na tumayo at namaywang sa harapan ko. "Carel Rain! Wala sa usapan 'yan! Pinayagan ka namin na magtrabaho sa Venus Club na 'yon bilang isang waitress. Narinig mo ba 'yon? WAITRESS." Talagang in-spell pa. "Isusumbong kita kay Mader." Natatawa akong hinila siya at muling pinaupo sa tabi ko. Iniyakap ko ang braso ko sa braso niya saka ko isinandal ang ulo sa balikat niya. "Hindi ka naman mabiro. Alam ko kung ano lang ang trabaho ko. At natatandaan ko lahat ng bilin ni Nanay Lorna. Kaya huwag kayong mag-alala dahil hinding-hindi ko papasukin ang bagay na 'yon." "Siguraduhin mo lang." Umalis ako sa pagkakasandal sa kanya saka siya pinaharap sa akin. "Teka nga lang. Sa pagkakatanda ko ay mas matanda ako sa 'yo ng isang taon. Pero kung makaasta ka parang ikaw ang ate, ah," sita ko sa kanya na may halong biro. Pero ang babaita at inirapan lang ako. "Sige na at baka ma-late ka na. Nakakatakot pa man din 'yong babae roon na kung magdamit parang Christmas tree. Kumikinang. Tapos ang mga dede, nahiya naman ako sa akin." Tiningnan niya ang sariling dibdib saka kami sabay na natawa sa ginawa niya. Si Mama Imee ang tinutukoy niya. Ang mamasang sa Venus Club. May pagkamasungit nga 'yon pero mabait din naman dipende lang sa mood. Sabay na kaming lumabas ng bahay. Sinigurado kong naka-lock 'yon. Kung nagtatanong kayo bakit may susi si Nyll? Para masiguro niya na hindi raw ako makakapagdala ng lalaki. As if naman. Pero sobrang saya ko dahil nakahanap ako ng bagong pamilya sa katauhan nila ni Nanay Lorna. Malapit sa kalsada ang apartment kaya hindi na namin kailangan lumayo pa. Sa may bandang kanan naman ang karinderya nila. "Sige na, tulungan mo na si Nanay roon," pagtataboy ko sa kanya. "Oo na. Mag-iingat ka, ah." Tumango ako saka pinara ang parating na dyip. Isang sakay lang naman at makakarating na ako sa Venus Club. Nang makaupo na ako ay hindi nakaligtas sa akin ang mapanuring mga mata ng mga taong kasakay ko nang sabihin ko kung saan ako bababa. Mga tao talagang mapanghusga. Porket sa club ay marumi na agad. Pero hindi naman natin sila masisisi. At kung papatulan ko sila ay masasayang lang ang ganda ko. Kaya dedma na lang ang beauty ko. "Totoo talaga ang balita na mala-dyosa ang mga natatrabaho sa Venus Club, pare," sambit ng isang lalaki na sa tantiya ko ay nasa thirties ang edad. May itsura naman at matikas pero hindi ko type dahil siguradong walang pera. Sa itsura niya na ang suot na damit ay kupas na at ang sapatos ay pudpod pa. "Oo nga, pare. Pero, mayayaman lang ang pwede makapasok doon. Hindi natin appord," segunda naman ng katabi niyang lalaki. Nag-English pa. Tinaasan ko sila ng kilay nang pasadahan nila ako ng tingin. May pagnanasa akong nakikita sa mga mata nila. Maong na short at white na t-shirt pa lang ang suot ko. Paano pa kaya kapag nakita nila ang uniform namin sa club baka tumulo na ang laway nila. "Maganda sana kaso sa club nagtatrabaho, sayang naman." "Hindi na nahiya sa mga magulang." "Sila ang dahilan kung bakit may mga nawawasak na pamilya." Iilan lang sa mga madalas kong marinig. Pero sabi ko nga. Wala akong pakialam. Hindi ko sila kilala at mas lalong wala silang ambag sa buhay ko. Husgahan na nila ako hanggang gusto nila. Akala mo naman kung sino mga malilinis ang budhi. Pero mas masahol pa ang ugali sa taong hinuhusgahan nila. Laking pasasalamat ko nang malapit na akong bumaba. Hindi dahil sa apektado ako sa mga bulungan at mapanghusga mga mata. Kundi… baka hindi ako makapagtimpi at sabuyan ko sila ng asido. Pero siyempre joke lang 'yon. Mabilis akong bumaba saka isang matalim na irap ang ibinigay ko sa mga matang nakasunod pa rin sa akin. Sinuklay ko pa ang maikli kong buhok ng aking mga daliri. Simula pagkabata ay hindi ko naranasan na humaba ang buhok ko na lagpas balikat. Dahil kapag lumagpas na ito ay agad pinapaputulan ni Tiya Lucing. Ang sabi niya ay maikling buhok daw ang nababagay sa akin. Kaya naman nakasanayan ko na rin. Tama naman siya. Sa hugis puso kong mukha ay ang wavy Bob na style ang isa sa mas nakaka-enhance ng beauty ko. Oh, English ulit 'yon. Taray ng ate n'yo! "Aga natin, ah," bati sa akin ni Kuya Enteng. Isa sa mga sekyu ng club. "Siyempre, bawal ma-late at nakakatakot masermunan ni Mama Imee," sagot ko saka na ako pumasok sa loob. Hindi pa man ako tuluyan nakakapasok ay naririnig ko na ang malakas na boses ni Mama Imee. "Ayan gayahin n'yo si Triad, napakalambot! Tania, ayusin mo naman ang balakang mo. Paano kita isasabak kung kasing tigas mo ang puno ng Narra?" Napailing na lang ako saka nagpatuloy na sa pagpasok. Ganito ang madalas na eksena sa club bago ito magbukas. "Magandang gabi, Mama Imee," bati ko sa kanya. Nilingon niya ako saka pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa. "Ikaw Rain, ayaw mo ba talaga maging dancer? Sayang ang ganda mo sa pagiging serbidora lang." "Maka lang ka naman sa serbidora, Mama Imee. Kung wala kami sino magbibigay ng alak sa mga customer? May silbi naman kami, ah," sabad ni Amarah na nagpupunas ng mga lamesa. Akala ko ay maaga na ako mas maaga pa pala siya. Isa rin siyang waitress na may gandang natatangi. Lahat naman ng nasa Venus Club ay talagang palaban ang ganda. Natural, ganda ang puhunan namin dito. "Oh siya! Siya! Wala na akong sinabi." Muling ibinalik ni Mama Imee ang atensyon sa mga dancers. Nagkatinginan kami ni Amarah at sabay na nagkibit-balikat. Venus Goddesses Club is my second home. At ang mga kasamahan ko ang pangalawa kong pamilya. Malayong-malayo sa dating club na pinagtatrabahuhan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD