...Bakit Pa?...
May mga bagay na kahit gusto mo ay
kailangan mong bitawan,
May mga masasayang alaala na kahit
masakit ay kailangang kalimutan,
May mga taong kahit napapasaya ka ay
kailangang iwanan,
At may mga desisyon na dapat gawin
kahit ika'y napipilitan...
Bakit pa ba kailangang humantong tayo
sa napakahirap na pagpapasya?
Bakit pa kailangang isakripisyo ang isa
para sa kapakanan ng iba?
Bakit pa kailangang iwaksi ang lahat
ng alaala?
Kung sa dakong huli ay masasaktan ka
pa?
Ang mga lugar sa puso natin ay
nakaukit,
Bakit ngayon sa gunita ay nag-iiwan ng
sakit?
Ang mga taong sa atin ay nagpasaya't
nagpasabik,
Bakit ngayo'y sa alaala na lang sila
nababanggit?
Maaaring makalimot ang ating utak,
Pero asahan mo't sa puso ay mag-
iiwan ito ng sugat,
Maaaring sabihin mong kalimutan ko
na dapat,
Pero asahan mo't ang puso ang unang
susumbat.
Bawat pitak ng alaalang nabuo sa
pahina ng kahapon,
Asahan mo't mananatili sa puso mo
hanggang ngayon,
Ngunit ang katotohanang ito'y kukupas
at lalaon,
Ang siyang susugat sa'yong pagkatao
sa lahat ng pagkakataon.
❣❣❣
...Paalam...
Tila ba panahon kaybilis ng paglipas,
Kasabay ng pag-agos ng bawat araw at oras,
May mga darating na bagong kaibigan,
Ngunit meron din na mamamaalam na ng tuluyan.
Parang kahapon lang ang bawat sandali,
Mga eksena ay napupuno ng tuwa at ngiti,
Kapiling ang isang taong tulad mo,
Nakatatak pa sa aming isipan ang bawat tagpo.
May mga problema din na pinagsaluhan,
Tulong-tulong natin itong sinolusyonan,
Sa mga pagsubok hindi tayo nagiwanan,
Subukin man ng alon ng buhay ang ating pagkakaibigan.
Ang bawat harutan, kwentuhan at kulitan,
Ang bawat ala-ala ng nakaraan,
Lahat ng ito’y hindi namin makakalimutan,
Abutin man ng magpakailanman.
Paalam na butihing kaibigan,
Siguro nga’y hanggang dito na lamang,
Mananatili sa puso at isip ng bawat isa sa amin,
Mga inukit mong ala-ala noong ikaw pa’y nasa aming piling.
❣❣❣