"D-Dahil sa akin... " patuloy na pag-iyak ni Cathy sa isang tabi, "N-Nasaktan si L-Leah nang dahil sa akin... "
"Ssshhhh... Cathy, wala kang kasalanan..." pag-alo naman ni Mael sa kanyang asawa.
Napahilot naman ako sa aking sintido bago ilang beses na napatapik ng paa sa sahig. Malaki ang pagpapasalamat ko na walang nasaktan sa mag-ina ni Mael. Dahil kung nagkataon ay hindi ko alam kung saan ako pupulutin ngayon. Pero hindi naman ibig sabihin nito na gugustuhin ko na madamay ang babysitter ng mga bata sa magulong sitwasyon ng pamilya ni Mael.
Halos dalawang oras na rin ang lumipas magmula ng ipasok sa emergency room si Leah pero hanggang ngayon ay hindi pa lumalabas ang doktor para ipaalam sa amin ang kalagayan niya.
Ang triplets naman ay pansamantala na iniwanan muna namin sa pangangalaga ni Ronan. Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan pa ni Agent Venom ang lalaking nakasaksak kay Leah. Kailangan namin malaman kung ano ang dahilan niya para gawin ito o kaya man kung mayroong tao na nag-utos sa kanya.
"May nakuha ka na bang impormasyon tungkol sa taong nagtangka kay Cathy?” pagbaling ni Mael sa akin.
Humugot naman ako ng malalim na hininga bago malakas na pinakawalan ito. "Ang suspect ay nangangalang Enrico Dela Rosa..." pagbibigay alam ko sa siguradong impormasyon na alam ko sa oras na ito.
Napakunot naman ng noo si Mael at tila iniisip ang anumang koneksyon niya sa suspect. Ngunit base sa kanyang reaksyon na wala siyang ideya kung sino ba si Enrico Dela Rosa.
"Bakit niya naman binalak na saktan ang aking asawa?” nalilitong tanong niya.
Naging seryoso naman ako at bahagya na napatingin sa gawi ni Cathy. Hindi ko alam kung dapat ko ba ipaalam ito sa kanyang harapan.
"P-Please Jax... Gusto ko malaman kung ano ang nangyayari... " umiiyak na pakiusap ni Cathy sa akin, "Mael, huwag mo ilihim sa akin ito.... Alam ko na may nalalaman ka..."
Nagkatinginan kami ni Mael at doon ay isang napipilitang tango ang ibinigay niya sa akin.
Napatikhim naman ako. "Uh... Naaalala niyo ang scandal na kinasasangkutan noon ni Cathy?” pagpapaalala ko.
Napaisip naman si Mael. "Ang maling balita na pinakalat noon ni Eric Ramirez?” kinukumpirmang tanong niya sa akin, "Na siya ang tunay na ama ng dinadala noon ni Cathy?”
Dahan dahan na tinango ko ang aking ulo. "Naalala mo ba na may ilang taga-media ka na patong patong na kinasuhan noon. Na siyang naging dahilan para mawalan sila sa industriya... at hindi na muli tanggapin pa ng kahit anong media network."
Itinango ni Mael ang ulo niya para alalahanin ang ginawa niyang iyon. Ipinamalas niya ang bagsik ng kanyang galit gamit ang koneksyon niya sa iba't ibang industriya sa bansa.
"Isa si Enrico Dela Rosa sa mga taga-media na nawalan ng trabaho dahil doon," pagbibigay alam ko, "At mukhang nais niya maghiganti sa inyo. He is really holding a grudge to you and your family. "
"Tch," hindi natutuwang bulalas ni Mael, "Kung hindi ko iyon ginawa ay Cathy naman ang masisira... Ibinalik ko lang sa kanila ang ginawa nila. Kaya ano ang mali sa ginawa ko? Dapat nga magpasalamat siya dahil hindi umabot sa kulungan ang ginawa ko sa kanila noon."
Napangiwi naman ako sa pagdadahilan na iyon ni Mael. "Well... Kahit ako naman siguro sa sitwasyon mo ay baka ginawa ko rin iyon... Kaso nga lang may mga tipo ng tao na hindi kayang tumanggap ng pagkakamali nila... Isinisisi nila ngayon kay Cathy ang kawalan nila ng trabaho. Na tila sila pa ang na-dehado sa sitwasyon."
Malakas na isinuntok ni Mael ang kanyang palad sa pader. "Mael!” pagpapakalma ni Cathy sa kanyang asawa.
"Hanggang ngayon ba naman ay hindi nila titigilan ang pamilya ko?” nagagalit na sambit ni Mael, "Gusto ko lang naman sila iligtas sa mga taong katulad nila? Pero bakit tila mas napahamak ko pa sila ngayon?”
Kita ko ang takot sa mukha ni Cathy mula sa kanyang narinig sa aming usapan. Nangangahulugan lang naman ito na hindi lamang isa ang taong kalaban nila. Idagdag pa ang mga taong may matinding inggit kay Mael dahil sa patuloy na paglago ng kanyang kompanya.
"Jax... Siya rin ba ang taong nagpapadala ng dead threat?” paniniguro ni Mael.
"A-Anong dead threat ang s-sinasabi mo?” hindi makapaniwalang pag-ulit ni Cathy, "Mael, kaya ba nandito si Jax... Dahil sa dead threat na iyon?”
Hindi naman makasagot si Mael sa tanong ng kanyang asawa. Gayun pa man, ang pananahimik niya ay nangangahulugan ng kanyang pagkumpirma.
"Jusko Mael!” hindi makapaniwalang sambit ni Cathy, "Kailan pa?! Bakit hindi mo agad sinabi sa akin ang bagay na ito?! Asawa mo ko! Kaligtasan ng ating mga anak ang nakasalalay rito! ”
"Cathy, calm down. Walang masamang intensyon si Mael para ilihim sa iyo ito," pagtatanggol ko na lang sa aking kaibigan, "Don't worry nandito naman ako para proteksyon niyo."
Naiyak na lang si Cathy sa mga narinig niya mula sa amin ni Mael. Dahil doon ay agarang inalo siya ng kanyang asawa at paulit ulit na nag-sorry.
Nang mahimasmasan si Cathy ay muling binalingan ako ng tingin ni Mael. Marahil ay inaantay niya ang sagot sa itinanong niya sa akin kanina.
"Tungkol doon... Sorry Mael pero base sa imbestigasyon ng aking kasamahan sa mga gamit at tirahan ni Enrico Dela Rosa ay hindi siya ang taong iyon. Wala siyang kakayahan na pasukin ang bahay niyo. Sa katunayan ay matagal ng inaabangan ng taong ito ang pagkakataon na lumabas kayong mag-anak."
Nakita ko na mahigpit na napakuyom ng kanyang mga kamay si Mael. Nangangahulugan lang kasi ito na nasa paligid pa rin ang taong nagpapadala ng dead threat sa kanyang pamilya. Hindi pa rin sila maaaring makampante sa oras na ito.
"f**k," hindi natutuwang bulalas ni Mael, "Hanggang kailan ko kailangan matakot para sa kaligtasan ng mag-iina ko?”
"I already contacted my boss. Magpapadala siya ng mga kasama ko para mas maging secure kayo."
Kahit sinabi ko iyon ay mukhang hindi pa rin kampante si Mael.
Hanggang sa napabaling kami ng tingin nang bumukas ang pinto ng ER. Doon ay lumabas na ang doktor na siyang gumamot kay Leah.
"Doc!” kinakabahang sambit ni Cathy at agarang tumayo sa kanyang kinauupuan, " K-Kamusta si Leah? Okay po ba siya?”
Ngumiti naman ang doktor. "Don't worry Ma'am Alcazar... She is stable now," pagbibigay alam ng doktor, "Medyo maraming dugo lang ang nawala sa kanya but she will be fine."
Sa hindi malaman na dahilan ay tila may nawalang bara sa aking dibdib. Tila ba nakahinga ako ng maluwag nang malaman na okay lamang ang babysitter.
Napakunot naman ako ng noo kung bakit tila nag-aalala ako kay Leah. Hindi naman ganoon kami kalapit sa isa't isa para makaramdam ako ng ganoon.
"Sa ngayon ay ililipat namin siya ng room para doon makapagpahinga at makapagpagaling," dagdag pa ng doktor.
"S-Salamat po, dok," naiiyak na sambit ni Cathy.
At katulad ng sabi ng doktor ay inilabas nga sa ER si Leah. Makikita ang pamumutla ng kanyang balat senyales na maraming dugo ang nawala sa kanya. Mapapansin din na medyo maayos na ang kanyang paghinga.
"Paano nga pala natin ipapaalam sa pamilya ni Leah na nasa ospital siya?” biglang pag-alala ni Cathy.
Napatingin sa gawi ko ang mag-asawa. "What?" takang tanong ko sa kanila.
"Jax," pagtawag sa akin ni Mael, "I’ll leave that to you."
"Eh? A-Ako?”
***
Dahil sa hawak kong imbestigasyon ni Agent Virgo ay hindi ako nahirapan na hanapin ang residence address ni Leah. Ngunit nakailang katok na ako sa pinto pero wala niisang nagbubukas nito.
"Wala bang kasama sa bahay si Leah?” napapaisip kong sambit.
Napakatahimik kasi ng loob nito at tila ba matagal ng hindi natitirahan.
"Hijo," biglang tawag sa akin ng isang matandang lalaki na nakatira sa katabing bahay, "Hinahanap mo ba si Leah?”
"Uh... Totoo po niyan ay mga kasama po sana sa bahay ni Leah..." nag-aalangan kong sagot, "Nais ko lang po sana ipaalam sa kanila na naka-confine po siya ngayon sa ospital."
Kita ko naman ang lungkot na dumaan sa mukha ng matandang lalaki. "Ah... Wala ng niisang kamag-anak iyang si Leah... Kawawa nga ang batang iyon dahil tanging ang kambal na anak na lang niya ang tanging pamilya niya kaso labas masok naman sa ospital."
Doon ko naalala ang tungkol sa kambal na anak ni Leah. Nakakapagtaka na wala ang mga ito sa bahay nila.
"Maaari ko po ba malaman kung nasaan ang mga anak po ni Leah?”
Napaisip naman ang matanda. "Pagkaalam ko ay naka-confine sila sa may malaking ospital diyan sa Makati," pagbibigay alam niya
Napa-isip naman ako kung anong ospital ang tinutukoy niya hanggang sa maalala ko na iyon ang ospital kung nasaan ang nililigawan ni Declan.
"Ah doon nagta-trabaho si Ynara..." bulong ko, "Marahil ay matutulungan niya ako na mabisita ang mga anak ni Leah."
Pagkatapos ko magpasalamat sa matandang lalaki ay agarang nagtungo ako sa ospital na sinasabi niya. Kapansin pansin na maraming tao roon para bumisita sa mga pasyente sa ospital.
"J-Jaxson?” gulat na tawag sa akin ni Ynara nang magkasalubong kami sa may entrance ng ospital
Mabilis na inilibot pa niya ang tingin sa paligid na tila ba inaalam kung may kasama ba ako.
"Hello there, Ynara. Long time no see!" masayang pagbati ko naman sa kanya.
"Jax... A-Anong ginagawa mo rito?” hindi mapakaling tanong niya sa akin, "Hindi ka naman normal na nagagawi sa ospital namin ah... "
"May bibisitahin lang sana ako," matipid na sagot ko naman, "Mga anak ng babysitter nina Mael. You know them di ba? The Alcazar couple."
Dahan dahan na tumango si Ynara ngunit kapansin pansin ang kakaibang asta niya. Tila ba balisa siya sa hindi malaman na dahilan.
"Are you okay, Ynara?” takang tanong ko sa kanya.
" O-Of course... I-I'm fine..."
Napakunot ako ng noo dahil sa kakaibang asta ni Ynara. "Tamang tama na nandito ka at baka matulungan mo ko," dagdag ko pa, "Baka alam mo kung saang room naka-admit ang mga anak ni Azaleah Isabedra."
"Eh... A-Azaleah... I-Isabedra ba kamo?”
"Yep," pagkumpirma ko, "Alam mo ba kung nasaan sila?”
Hindi naman agad sumagot si Ynara.
"Ah... Eh... Parang nakalabas na sila kahapon... Oo... Wala na sila rito..."
"Ha? Pero kakagaling ko lang sa bahay nila... Nandito pa raw sila sa ospital... " pagbibigay alam ko.
Napaisip naman muli si Ynara. "A-Ah... T-Tama hindi pa nga pala. Ha ha ha... P-Pasensiya na medyo kulang pa kasi ako sa tulog."
Naiintindihan na tumango naman ako. "Ynara, hindi mabuti iyan. Alam ko mahusay kang doktor pero dapat marunong ka rin magpahinga..."
"Y-Yeah... "
Tinitigan ko siya sa kanyang mga mata pero mabilis na iniwas niya naman ito.
"Kung ganoon ay ako na lang ang maghahanap ng room nila para makapahinga ka... Baka awayin pa ako ni Declan kapag nalaman niya na kinulit pa kita kahit pagod ka na."
"Nooo! You can't go there!”
Lalong napakunot ako ng noo sa ginawang pagpigil na iyon sa akin ni Ynara.
"Is there a problem?” seryosong tanong ko sa kanya, "May dahilan ba kung bakit tila ayaw mong makita ko sila?”
Napalunok naman ng paulit-ulit si Ynara. Halatang hindi niya alam ngayon ang sasabihin niya.
"Jax?”
Paglingon ko ay nandoon si Declan at may dalang malaking bouquet ng roses.
"What are you doing with Ynara?” medyo seryosong sambit niya
Napataas naman ako ng kamay na akala mo sumusuko sa isang pulis. "Huy wala ah," pagtanggi ko naman.
Sinamaan naman ako ng tingin si Declan. "Kung wala... Bakit namumutla si Ynara? Tinatakot mo ba siya?”
"Hindi ah! Bakit ko naman gagawin iyon?” pagdepensa ko sa aking sarili.
Pinagbalik balik ni Declan ang tingin sa amin ni Ynara. Ngunit iniwas lang din ni Ynara ang tingin niya kay Declan.
" Seriously bro... Anong ginawa mo kay Ynara?” nagagalit na bintang sa akin ni Declan.
"Come on, bro! Inaalam ko lang naman ang kwarto ng mga anak ng babysitter nina Mael."
"The babysitter?” nalilitong pag-ulit ni Declan, "May anak na ang babysitter nina Mael?”
"Oo," sambit ko, "Marahil narinig mo na kina Ronan at Pablo ang nangyari kanina kina Mael... Si Leah ang tumanggap ng saksak ng para kay Cathy."
"My goodness!” malakas na bulalas ni Ynara.
Doon ay muling napatingin ako kay Ynara. " Uhm... Kilala mo ba si Leah?” tanong ko sa kanya.
Nag-aalangan na tumango naman si Ynara. "Y-Yes. I know her... S-She is my college friend."